Bawa't palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa karimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan;
Nang tipakin mo ang bato, ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso, ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak, ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap, ay ilaw ng iyong tadyang
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan,
mula sa duyan ng bata ay kamay mo ang gumalaw,
hanggang hukay ay gawa mo ang kuros na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal,
pagka't ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan.
Bawa't patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay mong walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.
Mayo 1, 1929
|