Maraming taon nang nalublob ka sa putik;
Sa bawat itanim mong pag-asa
Wala kang malasap.
Sige, baka sakali, sabi mo,
Ang Diyos ay maawa sa akin;
Tiyaga, sabi mo --
Lalo ka lang namang nababaon
Sa puro pangarap.
Masagana man ang iyong ani'y ganoon pa rin ang buhay mo,
Tingnan mo ang iyong leeg, kadena'y magkakarugtong;
Ginagatasan at inaangkasan ka nila
Gaya ng iyong kalabaw,
Silang tusong panginoong maylupa, komprador,
Usurero, dayuhan at gubyerno.
Ngunit pakinggan mo,
Dumarating na ang matagal mong hinihintay-
Dagundong ng rebolusyong
Isinusulong ng iyong kapitbahay;
Sige, kumilos ka na, putulin ang tali,
Ibaon mo ang malupit na pabigat sa iyong likod.
Dinggin mo ang silangang dumadagundong na gaya ng kulog,
Poot ng mga pinagsasamantalahan,
Rebolusyon ang kanilang kinakanta,
Sa kanila, makiisa tayo
Isinalin mula sa orihinal na Ilokano na pinamagatang
"Ipeksam ti Pungtotmo, Anakling-et" na lumabas sa
Baringkuas (Hilagang-Silangang Luzon Tomo V. Blg. 6, Setyembre 30, 1980)
|