Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC Ilang sipi mula sa sanaysay na “Proletaryong Panitikan: Isang Depinisyon“ ni Salvador Lopez


Ang panitikan ay pagpapahayag at pakikipagtalastasan.

Dahil dito, marapat lamang sabihin na ang likhang-panitikan ay bunga ng interaksyon sa pagitan ng mga pwersang kumikilos sa loob ng manunulat na nagtutulak sa kanya upang magpahayag, at ng mga pwersang labas sa manunulat na humihimok sa kanya upang makipag-ugnayan at makipagtalastasan.

Ang katagang "proletaryong panitikan" ay bagong usbong sa kasaysayan ng panunuring pampanitikan... Kung gayon, sa madaling salita ang proletaryong panitikan bilang natatanging kategorya ay may bisa lamang kung ating tatanggapin ang teorya ng panlipunang pagkukundisyon sa panitikan. Dahil ang tunay na sensitibong manunulat ay di-maiiwasang anak ng kanyang panahon, ang kanyang likha ay humigit-kumulang sumasalamin sa kalagayan ng kanyang lipunang kinabibilangan. At yayamang ang mga kundisyong iyon, gaya nang nabanggit na natin, ay bunga sa kalakhan ng mga panlipunan at pang-ekonomyang salik, ang kawastuan ng konsepto ng proletaryong panitikan sa pinakamenos ay katumbas ng konsepto ng mga uri sa lipunan.

Ang pag-iral ng mga uri sa lipunan sa kasalukuyan--gaya ng pag-iral nila sa nakalipas na mga panahon--sa batayang pang-ekonomya ay isang bagay na unibersal nang kinikilala... Bawat uri ay may kanyang taglay na kultura, na produkto ng kanyang natatanging mga pangamba, pag-asa, kaligayahan, mithi at mga pansariling kaugalian. Dahil ang panitikan ay tiyak na pangunahing sangkap ng kulturang iyon, dapat tanggapin na ang konsepto ng proletaryong panitikan ay may langkap na kahalagahang likas at obhetibo.

Kung gayon, ang kategorya ng proletaryong panitikan ay nakabatay sa pag-iral ng mga uri sa lipunan. Sa sistemang kapitalistang umiiral ngayon sa kalakhang bahagi ng sibilisadong daigdig, dalawa ang mga uri sa lipunan. Una, ang burgesyang nagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at siyang nag-eempleyo sa paggawa. Ikalawa, ang proletaryado na walang anumang kagamitan sa produksyon at napipilitang magbenta ng lakas-paggawa para mabuhay...

Sa madaling sabi, ang proletaryong nobela o proletaryong maikling kwento, tula o dula ay mangangailangan ng dalawang bagay sa may-akda bilang bahagi ng kanyang kasangkapang intelektwal: ang oryentasyong pampulitika at makauring kamalayan... Ang oryentasyong pampulitika at makauring kamalayan ay hindi madaling makamit nang walang masinsinang pag-aaral at pagsusuri. Hindi madali at hindi likas sa karamihan ng mga manunulat ang pag-uunawa sa panlipunang papel ng panitikan anuman ang kanilang uri o kanilang katayuan sa kinapapaloobang uri.

Ating tilarin at linawin ang ilang katangian ng proletaryong panitikan na taglay ng naunang mga obserbasyon. Una, ang proletaryong panitikan ay walang salang panitikan ng pag-asa at pagsulong. Ito ay malinis, kaaya-aya at masikhay sa layunin. Sa kabila ng pait at dusang pinapaksa nito, dapat kakitaan ito ng kontra-agos ng nanunuot na pag-asa na siya ring nagtatagni-tagni ng iba't ibang bahagi at aspeto nito sa isang kabuuan. Marapat lamang na magkaganoon dahil kailangang manindigan ang proletaryong manunulat na ang uring kanyang isinusulat at pinag-aalayan ng panulat ay nasa taliba ng progreso ng tao, at ang progreso ay sumusulong mula sa mas mababa patungong mas mataas na antas.

Ikalawa, rebolusyonaryo ang panitikang proletaryo. Ito'y dahil ang proletaryong manunulat ay kinakailangang naninindigan na ang rebolusyon ay bahagi ng istorikal na proseso. Dahil pinapaksa niya ang karanasan ng isang dinamikong uri sa lipunan, ang manunulat ay hindi nagpapakasapat sa paglalarawan, pag-uulat o maging paglalantad lamang sa mga pwersang kabilang sa dinamismong ito. Kailangan niya itong iinterpreta ayon sa nakalipas, sa kasalukuyan at higit sa lahat ayon sa kinabukasan. Kailangan niyang baybayin ang pagkilos ng mga pwersa at tukuyin hangga't maaari ang di maiiwasang kahahantungan nito.

Ikatlo, ang proletaryong manunulat ay ginagabayan ng teorya na ang panitikan ay nagtataglay ng higit pa sa mapang-aliw nitong halaga, higit pa sa estetikong kalidad nito. Dagdag dito, sadyang may gamit-halaga ito. Ang proletaryong panitikan ay kinakailangang maging isang instrumento ng impluwensyang panlipunan nang hindi nagiging isang paos na propaganda o argumento sa sosyolohiya at ekonomyang ginagayakan bilang nobela o tula, ang proletaryong panitikan.

Ikaapat, dahil sa pinakakalikasan ng materyales at papel nito, ang proletaryong panitikan ay makatotohanan. Ang proletaryong manunulat ang tagapagmana ng makatotohanang panitikan ng lumipas. Sa mga dakilang guro ng realismong sina Fielding, Balzac, Maupassant, Zola, Dickens at Gorky hinahalaw ng proletaryong manunulat ang kanyang pamamaraan, kung hindi man ang kanyang paksa. Ang proletaryong panitikan ay nakatuon sa "pagtanaw sa esensya ng mga bagay sa ating panahon", sa pagtuklas sa mahahalagang pagkakaiba ng mga tao at grupo ng mga tao upang isiwalat ang natatagong
Kung ang uring anakpawis ang tagapagmana ng pinakamahuhusay na tagumpay na nakamit sa nakaraan, ang proletaryong manunulat naman ang tagapagmana ng pinakasulong na mga elemento ng kultura ng lumipas.
mga kontradiksyon sa likod ng pagkilos ng tao... Ang pagsusuring ito sa kalikasan at mga katangian ng proletaryong panitikan ay nagluluwal ng dalawang katanungan. Batay sa ating kahulugan, ang proletaryong panitikan ba ay naiiba sa propaganda? Ang proletaryong panitikan ba ay hiwalay at nakatatayo-sa-sariling kategorya, at walang kinalaman sa mga natamo sa panitikan ng nakalipas?

Sa unang tanong, ang sagot ay "lahat ng sining ay propaganda". Tinutukoy natin dito ang propaganda sa kanyang malawak na pakahulugan na sumasaklaw sa anumang pagsisikap na himukin ang pananalig ng isang partikular na awdiens sa isang ideya o bungkos ng mga pananaw o aksyon batay sa pananalig na iyon...Ibig sabihin, ang pampulitikang propaganda at mapanlikhang panitikan ay hindi magkatulad na magkatulad dahil ang mga ito ay hindi pareho ang pinagsisimulan at layunin. Gayunman, hanggang sa antas na ang hiIaw na materyales ng mga datos pampulitika ay maipapanday sa artistikong hugis ng imahinasyon ng manunulat, wastong proposisyon na ang dalawa'y magkatulad sa substansya, kung hindi man sa pamamaraan...

Ang usapin kung ang panitikan ay isang kategoryang ganap na hiwalay sa iba pang kategoryang umiiral ay nagmumula sa maling palagay na inilalako ng mga panatikong kritiko ng Kaliwa. Kung ang uring anakpawis ang tagapagmana ng pinakamahuhusay na tagumpay na nakamit sa nakaraan, ang proletaryong manunulat naman ang tagapagmana ng pinakasulong na mga elemento ng kultura ng lumipas. Wala siyang itinatapon na nabuo ng mga manunulat na burges para matamo ang isang mas ganap na sining. Ginagamit niya bilang sarili ang realistikong teknika na kanilang pinaunlad nang husto. Inaangkin niya ang mga porma na ipinakita ng kanilang karanasan na nagtataglay ng pangmatagalang halaga... Gaya ng nabanggit na, iwinawaksi ng mga proletaryong manunulat ang ekspresyunismo, surealismo at dadaismo sa panitikan bilang aberasyong patolohikal na sa pangkabuua'y hindi angkop sa pagtatanghal sa malusog at masiglang uring panlipunang kanilang isinusulat.

Ang rebolusyonaryong katangian ng proletaryong panitikan ay hindi matatagpuan sa teknika at sa porma, kundi sa bagong pantaong pinagpapahalagahang ipinapanukala nito kapalit ng luma. Habang tinatanggap ang doktrina na ang kultura ay kinakailangang tuluy-tuloy sa tradisyon, batid ng proletaryong manunulat na sa ilang yugto sa kasaysayan ng daigdig, naganap ang mararahas na pagbabago sa diin sa kultura na humigit-kumulang ay tumutugma sa mga pagbabago sa kaayusang panlipunan. Alam nila, halimbawa, na ang mga manunulat na burges ay rebolusyonaryo sa isang panahon, sa yugto kung saan ang kanilang uri ay nakikibaka para ibagsak ang kapangyarihan ng mga panginoong pyudal...

...Sa isang banda, ang proletaryong manunulat ay malapit sa mga manunulat na burges na buong linaw na sumuri sa sakit ng sarili nilang uri at nag-ulat ng mga ito nang may walang-awang katapatan (Dreiser, mga unang likha ni Sinclair Lewis, William Faulkner, Sherwood Anderson). Higit pang malapit ang mga proletaryong manunulat sa mga manunulat na burges na nakakatanaw mula sa pagkabulok ng isang sistemang panlipunan ng mga palatandaan ng mabilis na pag-usbong ng panibagong sistemang panlipunan (John Dos Passos, Upton Sinclair, mga huling akda ni Ernest Hemingway, James Farrell, Erskine Caldwell). Ang mga manunulat na burges na tumindig sa labas ng sariling uri upang mataman itong suriin para lamang mapuno ng suklam at galit ang mga tunay na ninuno ng mga proletaryong manunulat. Sa pamamagitan nila, ang magtatagal na halaga ng panitikan ay natitiyak. Walang patlang, kundi mayroong natural na transisyon mula sa nakalipas tungo sa proletaryong manunulat. Ang bigong pagkasuklam ng isang Faulkner o Caldwell ay nasusuhayan ng mga hamon, at uusbong ang isang Robert Cantwell. Ang sentimentalismo ng isang Upton Sinclair ay inililinaw ng malawak na pag-unawa sa tunay na tadhana ng proletaryado, at susulpot ang isang Clifford Odets o isang John Steinbeck.

Mula dito, ang landas na maaaring tahakin ng proletaryong manunulat ay malayo at malinaw tungo sa hinaharap.

(Inilalathala ng Ulos ang ilang sipi mula sa sanaysay na ito ni Salvador Lopez bilang dagdag na aralin sa usapin ng proletaryong panitikan. Mababasa ang artikulong Mga Talumpati sa Yenan Porum ni Mao Ze Dong sa Pebrero, 2000 na isyu ng Ulos. Gayundin ang Panitikan at Paninindigan ni Jose Ma. Sison, sa Agosto 1999 ng Ulos. Si Salvador Lopez ang progresibong presidente ng University of the Philippines noong Sigwa ng Unang Kwarto.)



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.