Wala ka na
sa daigdig ng hininga,
at ano ang iyong pamana sa amin?
Isang tinig mula sa bukiring
nililinang ng anakpawis,
isang tinig mula sa pabrikang
pinaaandar ng anakpawis,
isang tinig na nagsasabing tayo'y tao,
tayo'y tao,
ayos lang.
Nakakasugat tayo, nakakasira,
nakakapagpahirap ng kalooban,
ayos lang.
Nadadapa tayo, napapaluhod, napapaiyak,
ayos lang.
Umiibig tayo at dahil dito'y nasasaktan,
at ayos lang,
sapagkat tayo'y tao.
Sapagkat tayo'y tao,
ayaw nating magpaapi.
Sapagkat tayo'y tao,
ayaw nating maapi ang ating mga kapatid.
Sapagkat tayo'y tao,
tayo'y umiibig.
Sapagkat tayo'y umiibig,
tayo'y nakikibaka.
|