Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC 1864 - 1938
Rebolusyon at Pederasyon
Isabelo �Ka Belong� F. de los Reyes


Bilang isang manunulat ng panitikan at kasaysayan, kinilala siya bilang "Ama ng Folklor" ng Pilipinas noong 1886 at binansagan ding "rebel journalist" matapos niyang batikusin sa mga pahayagang Kastila ang pagsasamantala ng mga maykapangyarihan sa lipunan.

Kabilang din siya sa rebolusyon ng 1896, kung kaya't ipinatapon siya ng kolonyalistang gobyerno sa piitang El Castillo de Montjuich sa Barcelona, Espana noong 1897. Dito niya nakuha ang kanyang mga unang aral sa tunggalian ng mga uri, sosyalismo at komunismo. Lumaya si Don Belong noong 1898 at tumungo siya sa Madrid para tumulong sa mga samahan ng Pilipino doon.

Matapos ang paglagda sa Treaty of Paris, naging bahagi si Don Belong ng mga protesta at propaganda laban sa Estados Unidos. Inilathala niya ang pahayagang Filipinas Ante Europa at El Defensor de las Filipinas. Noong 1901 ay inilathala naman niya ang Independencia Y Revolucion na nanawagan at nag-udyok ng pag-aalsa laban sa imperyalistang Amerikano. Nang sumunod na taon ay pinagpasiyahan niyang umuwi ng Pilipinas upang tumulong sa pakikibaka laban sa bagong kolonyalista.

Pagdating sa Pilipinas ay kaagad siyang nakipag-ugnayan sa mga kilalang lider-unyonista, kabilang si Hermenegildo Cruz--pinamunuan nila ang pagtatatag ng Union Impresores de Filipinas (UIF).

Bilang isang lider-obrero, kinilala si Don Belong bilang "Ama ng Kilusang Paggawa ng Pilipinas" dahil sa kanyang pagbubuo ng Union Obrera Democratica (UOD) noong ika-2 ng Pebrero taong 1902. Itinatag ni Don Belong ang UOD bilang pederasyon ng 33 gremio ng mga manggagawa sa mga arsenal, paggawaan at palimbagan. Matapos maitatag ang UOD, pinamunuan ni Don Belong ang sunud-sunod na welga ng mga manggagawa para sa pangkalahatang pagtataas ng sahod.

Nagpahayag ang UOD na hindi lang ito kikilos para sa pang-ekonomyang kahilingan ng mga manggagawa, kundi hihikayatin din ang malawak na sambayanan upang kumilos at lumaban para sa kalayaan.

Bilang isang manunulat at lider, batid ni Don Belong ang halaga at bisa ng pahayagan sa pagmumulat at pag-oorganisa. Kaya't siya mismo ang naging patnugot ng pahayagan ng UOD, ang La Redencion del Obrero. Inilathala dito ang zarzuela na may pamagat na Pobres y Ricos. Tinatalakay sa dulang ito ang usapin ng katarungang panlipunan, at isinalarawan ang kahabag-habag na kalagayan sa paggawa at pamumuhay ng mga manggagawa:

"Ang buhay ng mga maralitang manggagawa ay tunay na kahabag-habag at kalunus-lunos. Sila ang lumilikha ng lahat ng kanilang pangangailangan, namumuhay sa masikip at tagpi-tagping mga barung-barong na nakatirik sa nakasusulasok at maduduming pusalian (na nagdudulot sa kanila ng iba't ibang tipo ng sakit gaya ng trangkaso, beri-beri, tuberkulosis, sakit sa balat); sa bungad ay matatagpuan ang may tatlo o apat na pamilyang nagsisiksikan sa maliit na espasyong binabayaran nila sa napakataas na halaga."

Sa katapusan ng dula, ang mga manggagawa ay hihikayatin niyang kumilos:

"Silang mga maralita ay nabubuhay sa kaawa-awa at kalunus-lunos na kalagayan dahil sila'y wa-lang unyon. Kailangan nilang igiit ang kanilang karapatan, magkaisa at buong tapang na kumilos!"

Naalarma ang kolonyalistang Amerikano sa pagkakatatag ng UOD, at sa paglawak at pagtaas ng kamulatang anti-imperyalista ng manggagawang Pilipino. Ipinag-utos ni Gobernador Heneral William Howard Taft ang pag-blacklist at pagmanman sa mga unyonista.

Noong Agosto 29, 1902 dinakip si Don Belong, at hinatulan ng apat na buwang pag-kakabilanggo sa paglabag sa ika-543 Artikulo ng Kodigo Penal na nagbabawal sa mang-gagawang puwersahan na itaas ang sahod, o "conspiracy to raise the price of labor". Malinaw na si Don Belong ay biktima ng isang plana-dong atake ng panunupil ng kolonyalistang Amerikano sa sumisibol na kilusang manggagawa at kilusang anti-imperyalista.

Nag-petisyon ang mga manggagawa kay Gov. Gen. Taft, at pinalaya si Don Belong makalipas lamang ang dalawang buwan. Sa tindi ng panggigipit ng kolonyal na gubyerno, nag-bitiw si Don Belong sa pagkapangulo ng UOD.

Samantala, nagpatuloy ang UOD sa kilusang paggawa, sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Dominador Gomez. Batay sa mga inilatag na prinsipyo at layunin ng organisasyon sa panahon ni Don Belong, umunlad pa at sumulong ang organisasyon at pakikibaka ng rebolusyonaryong kilusan ng manggagawa.

Si Don Belong ay nasawi noong ika-10 ng Oktubre 1938 sa gulang na 74.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.