Batid kong sa ating puso'y masakit ang magkawalay
Sa hibik ng kalikasan, dama ko ang abang lumbay
Pati awit ng ibon, sa lunggati'y sumasabay
Okasyong di maiwasa'y, sa kasaysaya'y pupugay
Minsan ko pang naaalaala, ating nagdaang mga araw
Kasama kita sa 'sang kubo, gaserang prolet ang syang ilaw
Binigkis ang ating pag-ibig, pakikibaka'y tanging tanglaw
Yumabong mithing inaasam, supling ng baya'y lilitaw
Sumibol sa 'yong sinapupunan, bunga ng pagmamahalan
Iniluwal mo sa kaparangan, inaruga't, ginabayan
Ng proletaryong prinsipyo nati'y, tanging diwang salalayan
Ng mithiing pagpapatuloy para sa supling ng bayan.
Inspirasyon kayo ngayon, nitong diwang mapanlaban
Gabay kayo sa 'king daliri, sa gatilyo'y nakatangan
Sa bawat putok ng baril ko'y hatid nito'y kalayaan
Na minimithing pangarap, inaaping mamamayan
Ngayon kayo'y naririto, sa aking pagkalugmok
Ang nasimulang adhikain ay hindi mauudlot
At itong aking kamao sabay ninyong itataas
Tanda ng pagpapatuloy, para sa malayang bukas.
|