Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ngayon hanggang bukang-liwayway
TOC Welga! Welga! at Piketlayn ng Bayan


Sumulpot noong mga huling dekada ng 1960 ang mga bagong proletaryong dula sa kasibulan ng bagong pambansa-demokratikong rebolusyon sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Mapanghimagsik o rebolusyonaryo ang batayang katangian ng mga ito. Alinman dito ay kapwa nangangahulugan ng pagtutol, pagkilos at ng kawastuhan ng armadong pakikibaka sa pagtataguyod ng makabayan at makauring interes.

Sa panahon ng Sigwa ng Unang Kwarto nabuo ang mga pamantayang dapat magsilbing gabay sa paglikha ng mga akdang rebolusyonaryong pansining. Nakalahad ang mga pamantayang ito sa Panitikan mula sa Masa Tungo sa Masa ng Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan (PAKSA).Bilang pagtupad sa popularisasyon ng mga pamantayang ito, nalikha ang mga modelong dula para sa manggagawa hindi lamang para maging huwaran sa paglikha kundi upang magsilbing daluyan para sa ibayong pag-oorganisa at pagpapakilos ng masang manggagawa sa bagong pambansa-demokratikong pakikibaka. Isa na rito ang Welga! Welga! ng Panday Sining.

Welga! Welga! ang unang full length na proletaryong dula sa kasaysayan ng teatro sa Pilipinas. Isa ito sa apat na piyesang pang-teatro ng Panday Sining, grupong pangkultura ng Kabataang Makabayan. Ang tatlong iba pa ay ang Masaker sa Araw ng Paggawa, ang Tunggalian at Hukumang Tuwad. Una itong itinanghal noong 1972 sa pagtutulungan ng Panday Sining at Katipunan ng mga Samahang Manggagawa. Ang pagtatanghal na dapat sana'y gagawin sa St. Theresa's College auditorium sa San Marcelino, Maynila ay hindi natuloy dahil sa pagbaba ng batas militar sa bansa.

Itinuring itong isang halimbawa ng modelong proletaryong dula. Ang paksa ng dula ay ang tunggalian ng tunay at palabang unyon laban sa dilawang unyon na siyang kinikilala ng management. Nagsimula ang dula sa ikalimang araw ng welga. Magkakasama sina Ador, Ignacio at iba pang manggagawa ng American Sugar Company na nag-oorganisa upang ipaglaban ang kanilang karapatan. Ngunit nabunyag na taksil pala sa unyon si Ignacio.

Sumulpot ang isang bagong lider na si Ador. Hinimok at pinaliwanagan ni Ador ang mga manggagawa sa tunay na diwa ng pakikibaka ng mga manggagawa: na hindi ito dapat nagtatapos sa mga pang-ekonomyang pakikibaka; na bahagi ito ng paglaban ng buong mamamayan laban sa imperyalismo. Sinimulan ni Ador ang pagbubuo ng isang bagong unyon na tunay na magsisilbi sa mga manggagawa. Nanalo ang bagong unyon ni Ignacio sa kabila ng pandarahas at iba't ibang pandaraya ng management at ng dilawang unyon.

Dahil dito, tinanggal sa trabaho si Ador at nagalit ang mga manggagawa. Naglunsad uli sila ng welga at iginiit ang kanilang lakas, at ang pangangailangang maging handa sa matagalang pakikibaka at nanawagan para sa pambansang demokrasya. Lumawak ang welga hanggang sa mga probinsya.

Nagtapos ang dula sa panawagan na "Mangahas, makibaka, kamtin ang tagumpay ng rebolusyon! rebolusyon! rebolusyon!" Itinaas ng mga manggagawa ang mga placard at pulang aklat at mabilis na iwinagayway ang mga bandilang pula. Naging pulang-pula ang ilaw. Walang kumilos, dahan-dahang namatay ang ilaw.

Maraming rebisyon ang dinaanan ng dulang ito. Makikita ito sa mas maingat na karakterisasyon ng manggagawa bilang lider at ng kolektibong pagkilos ng mga manggagawa. Ang mahahabang mensahe ni Ador ay pinagbaha-bahagi sa iba pang tauhang manggagawa upang ipakita na hindi sa iisang tao lamang nanggagaling ang mga ideya. Gayundin, higit na pinatingkad ang tapang at pagkakaisa ng manggagawa. Mas idiniin din ang pagkakaiba ng interes ng manggagawa at ng kapitalista. Ang mga tauhan ay may tiyak na katangian ayon sa kanilang uring pinagmulan. Ang bidang si Ador ay kakikitaan ng mga ideyal na katangian ng isang proletaryado__mahinahon ngunit matatag sa paninindigan, matiyagang magpaliwanag, hindi nalulupig sa harap ng kaaway, marunong kumilos kasama ng kolektibo, magalang ngunit nag-aapoy ang layuning isulong ang interes ng proletaryado.
Mas detalyado ring isinadula ang pagkalat ng welga sa kanayunan.

Gaya ng ibang proletaryong dula na iniluwal ng Sigwa ng Unang Kwarto, nagdiin ang mga proletaryong dula sa nilalamang pampulitika ng dula ayon sa pamantayang itinakda ng PAKSA. Tuwirang nagpapaliwanag at mulat na tumalakay sa tagumpay ng mga batayang uri sa lipunan. Ang isyu sa dula ay laging iniuugat sa tatlong batayang suliranin ng lipunan __ imperyalismo, burukrata-kapitalismo at pyudalismo.

Gayunpaman, ang mga suliraning kinakaharap ng mga mamamayan ay kinakailangang maresolbahan sa pamamagitan ng paghihimagsik at pagkakaisa ng mga mamamayan laban sa kaaway. Laging nagtatapos nang may pag-asa sa pamamagitan ng paggamit ng mga simbolo at imahen ng pagwawagi tulad ng pagbubukang-liwayway, pagtaas ng kamao, pagkapit-bisig ng mga manggagawa at iba pang sektor, mapulang araw ng silangan at pagwawagayway ng bandilang pula.

Nagpatuloy ang militanteng tradisyong ito ng mga dulang makabayan at proletaryo maging hanggang sa panahon ng pasistang rehimeng Marcos.

Noong 1981, itinanghal ng Tambisan sa Sining (TAMBISAN), pangkulturang organisasyon ng manggagawa, ang unang dula nitong Kilusang Paggawa. Lubhang napakatapang ng dula sa mata ng estado, lalo pa't desperado noon si Marcos na patahimikin ang lumalakas na paglaban ng mamamayan sa kanyang diktadura.

Sa kabila ng mahigpit na pagbabawal at pagsikil ng rehimen sa kalayaan sa pamamahayag, nagawa pa ring isadula ang maningning na kasaysayan ng kilusang paggawa sa Pilipinas.

Pinatampok sa dula ang malalaking welga at pagkilos ng mga manggagawa para sa mga isyung pangkabuhayan-dagdag na sahod, pagtutol sa pagtaas ng presyo ng langis, malawakang kawalan ng trabaho at iba pang usaping 'dikit sa sikmura.` Matingkad ring isinalarawan ang maiinit na isyung pulitikal, pangunahin ang pagbuhos sa lansangan ng mamamayang naghahangad wakasan ang diktaduryang US-Marcos.

Unang itinanghal ang dulang Kilusang Paggawa sa Camacho Stadium sa Pasig. Libu-libong manggagawa ang nanood. Nagtangka pa nga ang reaksyunaryong militar na isabotahe ang palabas, ngunit sila'y nabigo. Pitong ulit pa itong naipalabas sa iba-ibang lugar, kahit walang tigil na hinahabol at minamanmanan ng kaaway ang mga artistang manggagawa.

Dahil sa napakainit na tugon ng mga manggagawa sa dulang ito, sinundan ito noong 1982 ng pyesang Awit, Tula at Kasaysayan. Inilinaw sa dulang ito ang tunggalian ng dalawang kulturang umiiral sa lipunang Pilipino, ang kultura ng mga nagsasamantala at kultura ng mga pinagsasamantalahan.

May 50 beses itong itinanghal sa iba't ibang pabrika, komunidad at pagtitipon ng mga unyon at samahang manggagawa. Patunay lamang ng malugod na pagtangkilik ng mga manggagawa sa mga dulang mapanghimagsik.

Isang mahalagang salik dito ang pormang ginamit para maipaabot ang mensahe ng dula sa mga manonood.

Ang mahusay na kombinasyon ng mga elemento ng dula, sayaw, awit at tula ang nagbigay buhay sa pagtatanghal. Wika pa ng isa sa mga organisador ng dula: "Napakagaan ng porma ng pagtatanghal- sayaw, awit, tula. Napakadaling tanggapin ng manonood ang gayong porma. Nakakapagmulat at nakapang-aaliw. Ipinakita rin ang ibang kantang gawang banyaga gaya ng Beatles."

Kahit mga reaksyonaryong institusyon sa kultura ay nakapansin sa dulang ito kaya ipinalabas sa iba't ibang istasyon ng TV. Tiyak na nanood din ang militar, dahil pagkatapos nito, agad na ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kasapi ng organisasyong pangkultura ng manggagawa, binalak na sampahan ng kasong inciting to sedition.

Sa dula ring ito buong tapang na inawit ang Internasyunal (una sa panahon ng batas militar) habang iwinawagayway ang bandila ng Partido.

Noong 1982, isinagawa ang unang mayor na produksyon ng TAMBISAN. Itinanghal nila ang Sigaw ng Bayan sa Araneta Coliseum. Umabot sa mahigit 25,000 manggagawa at iba pang sektor ang nanood sa pagtatanghal na nagsalarawan sa kasaysayan ng Katipunan at Rebolusyong 1896.

Kabilang rin sa mga sumunod na bagong produksyong itinanghal ng TAMBISAN ang Alay sa Manggagawa (1982), Kara y Krus at iba pang Kwento (1984), Mayo Uno ng Ating Paglaya (1986), 'Sang Bagsak sa'Ting Pagkakaisa (1987) at Pasko ng Manggagawa (1988).

Bilang pagsasabuhay ng diwa ng proletaryong dula ng Sigwa ng Unang Kwarto, bumalik entablado naman ang Welga! Welga! sa pamamagitan ng Makabayang Alyansa ng Sining Anakpawis (MASA) noong Abril 1986. Nagsalitan ang pagtatanghal sa Tanghalang Abelardo sa UP Diliman at Awditoryum ng St. Joseph's College. Kaiba sa unang pagtatanghal na ang gumanap ay pawang myembro ng Panday Sining, ngayo'y tampok ang pagsali ng mga manggagawa, maralitang tagalunsod at estudyante mula sa iba't ibang grupong pangkultura.

Sa panahon naman ng rehimeng Ramos, higit na naging mapanuri ang mga dulang itatanghal. Halimbawa'y nariyan ang dulang Kwatro Kantos na isa sa mga unang tumalakay sa epekto ng globalisasyon sa manggagawa at ang Kalbaryo ng Maralitang Lunsod sa Mendiola sa tradisyon ng dulang Bagong Kristo ni Aurelio Tolentino.

Noong taong 2000, ilang buwan bago ang Edsa Dos, itinanghal sa padiriwang ng Mayo Uno ang Piketlayn ng Bayan. Inilarawan dito ang kalagayan at pakikibaka ng manggagawang Pilipino sa ilalim ng rehimeng US-Estrada. Naging multi-media ang paraan ng pagtatanghal. May slides o pelikulang nagsilbing backdrop ng mga eksena sa dula. May mga korong umawit ng mga orihinal na likha at mga musikerong tumugtog nang live.

Mula sa aklat na Bangon, antoholihiya ng mga dula;

"Sari-saring daloy at lundo ang tinunton ng mga dulang mapanghimagsik. Habang daa'y may nanatili sa hanay, may lumihis ng daan, may nalaglag, may bumaligtad. Ngunit habang latag ang kalagayang kumakanlong sa kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi sa lipunan, mananatiling buhay ang diwa ng paghihimagsik, bumubutas ng bagong daluyan, lumilikha ng bagong kalagayan para sa pagsasakatuparan ng lipunang malaya sa pagsasamantala at pang-aapi."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.