Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Pebrero 2000
Artikulo
TOC Mga talumpati sa porum sa Yenan hinggil sa sining at panitikan
Introduksyon


Mga Kasama! Kayo ay inaanyayahan sa porum na ito ngayon upang makipagpalitan ng ideya at pag-aralan ang relasyon ng gawain sa mga larangan ng sining at panitikan at ng rebolusyonaryong gawain sa kabuuan. Ang ating layunin ay tiyakin na ang rebolusyonaryong sining at panitikan ay tumatahak sa tamang landas ng pag-unlad at tumutulong sa iba pang rebolusyonaryong gawain para pabagsakin ang kaaway ng bayan at isakatuparan ang tungkulin sa pambansang pagpapalaya.

May iba't ibang larangan sa ating pakikibaka para palayain ang sambayanang Tsino. Kabilang dito ang mga larangan ng pluma at ng baril, ang mga larangang militar at kultural. Para gapiin ang kaaway, dapat tayong sumandig pangunahin sa hukbong sandatahan. Ngunit hindi sapat ang hukbong ito; kailangan din natin ng isang hukbong pangkultura, na mahalagang-mahalaga sa pagkakaisa ng ating hanay at sa pagbigo sa kaaway. Mula pa noong May 4th Movement (Kilusang Mayo Kwatro), ang sinasabing hukbong pangkultura ay nagkahugis na sa Tsina, at nakatulong sa rebolusyong Tsino. Unti-unti nitong pinakitid ang saklaw ng pyudal na kultura sa Tsina, at ng kulturang kumprador na nagsisilbi sa imperyalistang agresyon, at pinahina ang impluwensya ng mga ito. Para hadlangan ang bagong kultura, kinailangang "isakripisyo" ng reaksyunaryong Tsino "ang kantidad laban sa kalidad". Sa ibang salita, ang mga reaksyunaryo ay may pera, at kahit hindi sila makakalikha ng de kalidad, pwede naman silang lumikha ng marami.

Ang sining at panitikan ay naging mahalaga at matagumpay na bahagi ng larangang kultural mula noong May 4th Movement. [1] Sa loob ng sampung taong digmaang sibil, umunlad nang husto ang rebolusyonaryong sining at panitikan. Ang kilusang ito at ang rebolusyonaryong digma ay kapwa tumahak sa isang pangkalahatang direksyon, ngunit ang dalawang magkapatid na hukbo ay hindi magka-ugnay sa kanilang praktikal na gawain sapagkat sila ay pinaghiwalay sa isa't isa ng mga reaksyunaryo. Napakainam nang sumiklab ang War of Resistance Against Japan (Digmaan Laban sa Hapon), nang dumami ang mga rebolusyonaryong manunulat at artistang dumarating sa Yenan at sa iba pa nating baseng eryang anti-Hapones. Bagamat hindi nangangahulugan na sa pagtungo nila sa mga baseng erya, nagawa na nila ang ganap na integrasyon sa masa. Ang mga manunulat at artista ay kailangang ganap na lumubog sa masa kung nais nating isulong ang ating rebolusyonaryong gawain. Ang layunin ng ating pulong ngayon ay para siguruhing ang sining at panitikan ay umaangkop na mabuti bilang mahalagang bahagi ng rebolusyonaryong makinarya, na nagagamit bilang makapangyarihang sandata para pagkaisahin at edukahin ang mga mamamayan at para atakehin at wasakin ang kaaway, at tumulong sa mamamayan na labanan ang kaaway nang may nagkakaisang diwa at damdamin. Ano ang mga suliranin na dapat lutasin para makamit ang layuning ito? Sa palagay ko ito ang mga problema sa makauring paninindigan ng mga artista at manunulat, ang kanilang aktitud, ang kanilang awdyens, ang kanilang gawain at kanilang pag-aaral.

Ang Suliranin sa Makauring Paninindigan

Ang ating paninindigan ay ang paninindigan ng proletaryado at ng masa. Para sa mga kasapi ng Partido Komunista, nangangahulugan ito ng pagtataguyod sa paninindigan ng Partido, sa diwa ng Partido at sa mga patakaran ng Partido. Mayroon pa ba sa ating mga manggagawa sa sining at panitikan na namamali o hindi malinaw ang pag-unawa sa problemang ito? Mayroon pa, sa palagay ko. Marami sa ating mga kasama ang madalas na lumilihis sa tamang paninindigan.

Ang Suliranin sa Aktitud

Mula sa paninindigan ng indibidwal sumusunod dito ang kanyang mga partikular na ugali sa mga partikular na bagay. Halimbawa, kailangan bang magpuri o maglantad? Ito ay kwestyon ng aktitud. Anong aktitud ang kailangan? Sasabihin kong parehong kailangan. Ang tanong ay sino ba ang iyong pinatutungkulan? May tatlong klase ng tao, ang kaaway, ang ating mga alyado sa nagkakaisang prente at ang ating mamamayan; ang huli ay ang masa at ang kanilang taliba. Kailangan nating iayon ang magkakaibang aktitud sa bawat klase. Sa mga kaaway, sila ang imperyalismong Hapones at lahat ng iba pang kaaway ng mamamayan. Ang tungkulin ng mga rebolusyonaryong artista at manunulat ay ilantad ang dalawahang mukha at kalupitan ng kaaway. At kasabay nito, tinutukoy din ang di maiiwasang pagkatalo nila upang hikayatin ang hukbong anti-Hapones at mga mamamayan na lumaban nang matatag, nagkakaisa sa puso at isip. Sa iba't-ibang alyado sa ating nagkakaisang prente dapat pakikipag-alyansa at kritisismo ang ating aktitud, dapat ay mayroong iba't ibang klase ng pakikipag-alyansa at iba't ibang klase ng kritisismo. Sumusuporta tayo sa kanilang pag-aalsa laban sa Hapon at pinupuri natin sila sa kanilang mga tagumpay. Ngunit kung hindi sila aktibo sa War of Resistance, kailangang punahin natin sila. Sinumang tumutunggali sa Partido Komunista at mamamayan at patuloy na tumutungo sa landas ng reaksyon ay mahigpit nating tinutunggali. Sa masa ng sambayanan, dapat nating pinupuri ang kanilang dusa at pakikibaka, ang kanilang hukbo at Partido. May mga kahinaan din ang mamamayan. Sa hanay ng proletaryado, marami din ang nagtataglay ng ideyang petiburgis, samantalang kapwa ang mga magsasaka at petiburgis sa kalunsuran ay may mga urong na kaisipan; ito ang mga bagaheng sagabal sa kanilang pakikibaka. Tayo ay dapat maging matiyaga at maglaan ng mahabang panahon sa pagmumulat sa kanila, tumulong sa pag-alis ng mga bagaheng ito at pagbaka sa kanilang kahinaan at pagkakamali, upang sila ay humakbang pasulong. Sila ay nakapagpanibagong-hubog na sa proseso ng pakikibaka o kung hindi pa'y patuloy na nagsisikap, at dapat itong salaminin ng ating panitikan at sining. Hanggat hindi nila iginigiit ang kanilang mga pagkakamali, hindi natin dapat ipagdiinan ang kanilang negatibong bahagi at magkamali na ring alipustahin sila, o mas malala pa, maging marahas sa kanila. Ang ating mga akda ay dapat tumulong sa kanila para magkaisa, umunlad, sumulong nang nagkakaisa sa puso at isip, iwanan kung ano ang atrasado at paunlarin kung ano ang rebolusyonaryo at tiyaking huwag gagawin ang taliwas dito.

Ang Suliranin ng Awdyens

Ang tinutukoy dito ay ang mamamayang pinag-aalayan ng mga likhang-sining at pampanitikan. Sa hangganang rehiyon ng Shensi-Kansu-Ningsia at mga baseng eryang anti-Hapones, ng hilaga at gitnang Tsina, naiiba ang suliranin sa awdyens sa mga lugar ng Koumintang, at higit pang naiiba sa Shanghai sa panahong bago ang War of Resistance. Sa Shanghai sa panahong iyon, ang awdyens ng mga rebolusyonaryong likhang-sining at panitikan ay pangunahing binubuo ng seksyon ng estudyante, kawani sa opisina at katulong sa mga tindahan. Pagkatapos ng pagsiklab ng War of Resistance, ang awdyens sa mga erya ng Koumintang ay masasabing lumapad, ngunit ganoon pa rin ang uri ng mga taong tagasubaybay dahil ipinagkakait ng gubyerno ang rebolusyonaryong sining at panitikan sa mga manggagawa, magsasaka at mandirigma. Malaki naman ang kaibahan ng sitwasyon sa ating mga baseng erya. Dito ang awdyens sa mga likhang-sining at panitikan ay binubuo ng mga manggagawa, magsasaka, mandirigma at rebolusyonaryong kadre. May mga estudyante rin sa mga baseng erya pero kaiba sila sa lumang tipo ng mga estudyante; maaaring sila ay mga dating kadre o mga kadre sa hinaharap. Ang lahat ng tipo ng kadre, mga mandirigma sa hukbo, mga manggagawa sa pagawaan at mga magsasaka sa mga komunidad ay nagnanais lahat na magbasa ng mga libro at pahayagan kapag sila ay natutong bumasa at sumulat, at ang hindi marunong bumasa at sumulat ay nais manood ng dula at opera, manood ng mga drowing at pinta, umawit at makinig ng musika; sila ang awdyens ng ating mga likhang-sining at panitikan. Sa kaso lamang ng mga kadre, huwag mong isiping sila ay kakaunti lang; higit silang marami kaysa mga mambabasa ng librong nailathala sa mga erya ng Koumintang. Doon, ang isang edisyon ay umaabot lamang sa 2,000 kopya kung kaya ang tatlong edisyon ay 6,000 lamang. Ngunit ang mga kadre sa baseng erya, sa Yenan lamang ay mayroong mahigit 10,000 na nagbabasa ng libro. Dagdag pa, marami sa kanila ay sa rebolusyon na pinanday ng panahon; na nagmula sa iba't ibang bahagi ng bansa at kikilos sa iba't ibang lugar, kaya napakahalagang gampanan ang gawaing edukasyon sa kanilang hanay. Kaugnay nito, kailangang higit na magpakahusay ang ating mga manggagawa sa panitikan at sining.

Dahil ang awdyens ng ating panitikan at sining ay binubuo ng mga manggagawa, magsasaka at sundalo at kanilang mga kadre, lumilitaw ang suliranin ng pagkilala at pag-unawa sa kanila nang mabuti. Napakaraming dapat gawin para maunawaan at makilala nang mahusay ang iba't ibang klase ng mga tao at penomena sa Partido at mga organisasyon ng gubyerno, sa mga komunidad at pagawaan, at sa Eight Route at New Fourth Army. Ang ating manunulat at artista ay may gawain sa sining at panitikan na dapat gampanan, ngunit ang kanilang pangunahing tungkulin ay kilalanin at unawain nang husto ang mamamayan. Paano paninindigan ang mga bagay na ito ng ating mga artista at manunulat? Masasabi kong kapos sila sa pag-alam at pag-unawa. Sila ay tulad ng "isang bayani na walang lugar para maipakita ang kanyang di pangkaraniwang gilas". Ano ang ibig sabihin ng kakulangan ng kaalaman? Hindi sapat na pagkaalam sa mamamayan. Ang mga artista at manunulat ay walang sapat na kaalaman sa mismong mga taong kanilang inilalarawan o ang kanilang awdyens, maaaring hindi pa nga nila kilala ang mga ito. Hindi nila lubos na kakilala ang mga manggagawa o magsasaka o mandirigma at kahit ang mga kadre. Ano ang ibig sabihin ng kakapusan ng pag-intindi? Hindi pag-unawa sa lenggwahe, ibig sabihin, hindi pamilyar sa mayaman at masiglang lenggwahe ng masa. Palibhasa, maraming manunulat at artista ang hiwalay sa masa at namumuhay nang hungkag, natural na hindi sila pamilyar sa lenggwahe ng mamamayan. Kung kaya rin, ang kanilang

�...ang isip at damdamin ng ating artista at manunulat ay dapat sumanib sa isip at damdamin ng masang manggagawa, magsasaka at mandirigma.�
likha ay hindi lamang walang buhay ang lenggwahe, gayundin, gumagamit sila ng pambihirang ekspresyon na sila rin lamang ang nagbansag at taliwas sa popular na gamit ng mga salita. Maraming kasama ang mahilig bumanggit sa "pangmasang istilo". Ngunit ano nga ba ang tunay na ibig sabihin nito? Ang ibig sabihin nito, ang isip at damdamin ng ating artista at manunulat ay dapat sumanib sa isip at damdamin ng masang manggagawa, magsasaka at mandirigma. Para maganap ang pagsasanib na ito, sila ay dapat matiyagang nag-aaral ng lenggwahe ng masa. Paano ka makapagsasalita ng paglikha ng panitikan at sining kung hindi mo mismo nauunawaan ang lenggwahe ng masa? Tulad ng "bayaning walang lugar para maipakita ang kanyang di pangkaraniwang gilas", ang iyong koleksyon ng mga dakilang katotohanan ay hindi tinatangkilik ng masa. Habang lalo kang nagpapanggap sa masa na isang beterano at umaaktong "bayani", habang isinusubo mo ang ganitong bagay sa masa, lalo namang hindi ito katanggap-tanggap sa kanila. Kung nais mong maunawaan ka ng masa at nais mo ring maging kaisa nila, kailangan kang magpasya na pumailalim sa matagal at mahirap na proseso ng pagpapanday. Dito ay maari kong ibahagi kung paano ang naging pagbabago sa aking damdamin. Nagsimula ako bilang isang estudyante at sa eskwelahan ay taglay ko ang gawi ng isang estudyante; noon nga ay dama kong walang dignidad ang gumampan ng kahit kaunting manwal na trabaho, tulad ng pagbubuhat ng sarili kong gamit sa harap ng aking mga kamag-aral, na wala man lamang kakayahan na magbuhat ng kahit na ano sa kanilang balikat o mga kamay. Sa panahong iyon, ang tingin ko ang mga intelektwal lamang ang malilinis na tao sa mundo, kumpara sa mga manggagawa't magsasaka, na marurumi. Wala sa akin ang magsusuot ng damit ng ibang intelektwal, sa paniniwalang ang mga ito ay malinis, ngunit hindi ako magsusuot ng damit na pag-aari ng mga manggagawa o magsasaka, sa paniniwalang ang mga ito ay marumi. Ngunit nang ako ay maging rebolusyonaryo at nakipamuhay sa manggagawa at magsasaka at sa mga mandirigma ng rebolusyonaryong hukbo, unti-unti ko silang nakilala nang mabuti, at unti-unti rin nila akong nakilala nang lubos. Sa pagkakataong ito lamang nabago ko sa pundamental ang aking damdaming burgis at petiburgis na itinuro sa akin sa mga burgis na eskwelahan. Nadama ko na kumpara sa mga manggagawa at magsasaka, ang mga intelektwal na hindi pa nagpapanibagong hubog ay marurumi, at sa huling pagsusuri, ang mga manggagawa at magsasaka ay ang pinakamalilinis na tao, kahit maputik ang kanilang mga kamay at may tae ng baka ang kanilang mga paa, sila ay talagang mas malinis kaysa sa mga burgis at petiburgis na intelektwal. Ito ang ibig sabihin sa pagbabago ng damdamin, pagbabago mula sa isang uri tungo sa isa pa. Kung nais ng ating mga manunulat at artistang mula sa intelehensya na maging katanggap-tanggap sa masa ang kanilang likha, kailangan nilang baguhin at muling hubugin ang kanilang isip at damdamin. Kapag wala ang pagbabagong ito, kapag walang muling paghuhubog, wala silang magagawang matino at hindi sila katanggap-tanggap.

Ang suliranin ay pag-aaral, ang ibig kong sabihin ay pag-aaral sa Marxismo-Leninismo at lipunan. Sinumang nagtuturing sa sarili na isang rebolusyonaryong Marxistang manunulat, at laluna ang manunulat na myembro ng Partido Komunista ay kailangang may kaalaman sa Marxismo-Leninismo. Gayunpaman, may ilang kasama sa ngayon na kulang sa mga batayang konsepto ng Marxismo. Halimbawa, isang batayang Marxistang konsepto na, ang pag-iral ng isang bagay ang nagtatakda ng kamulatan, na ang mga obhetibong realidad ng makauring pakikibaka at pambansang pakikibaka ang nagtatakda ng ating kaisipan at damdamin. Ngunit ilan sa mga kasama ay binabaliktad ang konseptong ito at nagsasabing ang lahat ay dapat nagsisimula sa "pag-ibig". Ngayon, dito sa sinasabing pag-ibig, ang maaaring umiral lamang sa isang makauring lipunan ay ang makauring pag-ibig; ngunit may mga kasamang naghahanap ng pag-ibig na nangingibabaw sa uri, isang abstraktong pag-ibig at gayundin, abstraktong kalayaan, abstraktong katotohanan, abstraktong pagiging tao, at iba pa. Ipinapakita nito na sila ay malalim na naiimpluwensyahan ng burgesya. Kailangan nilang lubusang itakwil ang impluwensyang ito at mapagkumbabang pag-aralan ang Marxismo-Leninismo. Wasto na pag-aralan ng mga artista at manunulat ang mga likhang-sining at pampanitikan, ngunit ang syensya ng Marxismo-Leninismo ay kailangang pag-aralan ng lahat ng rebolusyonaryo, kabilang ang mga manunulat at artista. Dapat pag-aralan ng mga manunulat at artista ang lipunan; ibig sabihin dapat pag-aralan ang iba't ibang uri sa lipunan, ang kanilang mutwal na relasyon at kanya-kanyang kalagayan, kanilang itsura at sikolohiya. Kung malinaw lamang itong mauunawaan ng lahat, maaari tayong magkaroon ng sining at panitikan na mayaman sa nilalaman at wasto ang oryentasyon.

Bilang pambungad; ibinubukas ko ang mga suliraning ito ngayon; inaasahan kong magbabahagi kayo ng inyong mga pananaw sa mga bagay na ito at sa iba pang makabuluhang suliranin.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.