Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Milagro sa Akyu


"Kasama, nasaan na ang na-sterilize na karayom?" tanong ni Ka Boboy sa kasamang medik na si Ka Jasmine.

"Ilang piraso ba, kas?" sagot naman ni Ka Jasmine habang binibilang nito ang mga karayom na ibinabad sa alkohol.

"Isa lang. Isang punto lang naman ang ating tutusukan."

"Tama kaya ang ating diagnosis, kas?" pagdadalawang-isip na tanong ni Ka Jasmine.

"Hmmm, a basta. Dapat nating tandaan na, di ba, ating napag-aralan sa treyning sa akyu na ang dahilan ng pagkakasakit at pananamlay sa sistema ng ating katawan ay ang pagkakabara o di tamang pagdaloy ng qi."

"Pero hindi pa natin mawari kung ano ang kanyang partikular na nararamdaman at saan banda ang may diperensya."

"Tsk, tsk. Talagang mahirap nga 'yan, kasi hindi man lang siya makapagsalita."

"Tingin ko mukhang sandali na lang ang kanyang buhay, kas. Hindi na niya magawang tumayo at hindi na n'ya kayang ituwid ang kanyang ulo."

"Tama sigurong dito sa ulo natin iturok ang karayom."

"Wala akong tiwala't di ako panatag, kas."

"O sige, ako na ang bahala diyan. Paki-disinfect na lang sa tuturukan ko."

"Sandali lang kas, nagpaalam ka na ba kay Tata Lucio? Meron na bang pahintulot niya?"

"Oo, alam naman niya ang kalagayan. At isa pa, wala na raw siyang magagawa kundi ang hintayin ang resulta ng ating 'operasyon'. Ipinauubaya na niya sa atin ang lahat."

"Aba, para pala tayong makapangyarihan dito, kas."

"Sandali nga, namimitig na kaya ito?"

"Hindi natin malalaman hangga't wala pa siyang reaksyon."

"Magtatagumpay kaya tayo dito, kas?"

"Tayong mga medik ay maparaan upang epektibong malapatan ng lunas ang ating mga pasyente. Dapat tayong magkaroon ng kakayahang makalampas sa limitasyon. Kaya nga tayo lumalahok sa treyning na ito ay para madagdagan ang ating kaalaman at karanasan.

"O siya, siya. Pero, ano'ng tingin mo sa ginagawa nating ito?"

"Kow, kung may positibong sinyales sa loob ng treynta minutos, di okey."

"E, kung wala?"

"Hmmm, huwag muna tayong magsalita ng ganyan. Ay, limang minuto na pala. Paikutin muna natin ang karayom para sa reducing!"

Dumaan ang ilang sandali, patuloy ang halinhinan ng dalawang kasamang medik sa panggagamot, pangangalaga ng pasyente at iba pa. Habang patuloy ang paglalapat nila ng akyu. Nang may bigla silang napansin.

"Tingnan mo, kas, bumubukas na ang kanyang mga mata-at kumurap-kurap pa!"

"Ay, gusto pang tumayo!" Natatawa ang dalawang "duktor".

"Saksespul!" wika nila.

Dumarating si Tata Lucio. "'Saan na ang manok natin, kas?"

"Ayun ho, 'Tay! Lumipad na po palabas ng bintana!" Sabay turo sa kanilang pasyenteng inahin na biglang sumigla na wari'y walang anumang karamdaman matapos maakyuhan.

Lumipad, umikut-ikot, tumuka ng bigas at kumampay-kampay pa ang mga pakpak nito, bago ito dumapo sa sanga ng aratiles.

"Hindi ba't parang mamamatay na ang aking manok kanina?" Di makapaniwala si Tata Lucio sa nakikita.

"Oo nga, 'Tay. Kagila-gilalas pala talaga ang bisa ng akyu," wika ni Ka Boboy.

"Kung paakyuhan ko kaya yung tandang ko, siguradong manalo kaya ako sa sabong?"

Blag! May biglang nahulog sa tabi ni Tata Lucio.

Ang kanyang inahin-naglulupasay. Pumikit ang mga mata.

"Ay, nag-expire na siguro ang akyu!"



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.