Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ang Kahapon
TOC 1903-1970
Gawad Parangal sa Dakilang Rebolusyonaryo


Si Amado V. Hernandez ay isang dakilang makata, nobelista at manunulat ng rebolusyonaryong kilusang paggawa. Isa rin siya sa mga tagapagtatag ng Congress of Labor Organizations (CLO), ang pinakamalaki at pinaka-militanteng pederasyon ng mga unyon mula 1945-1950.

Si Ka Amado ay ipinanganak noong Setyembre 13, 1903 sa Tondo, Maynila. Hindi niya tinapos ang kanyang kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Santo Tomas, bagkus, maagang sumabak sa propesyon ng pamamahayag. Naging patnugot siya ng pahayagang Mabuhay mula 1934 hanggang 1941. Marami siyang natanggap na parangal para sa kanyang mga tula at kwento sa panahong ito, isa na rito ang Commonwealth Award noong 1939 at muli noong 1940 para sa koleksyon ng mga tulang Kayumanggi.

Nang pumutok ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isa si Ka Amado sa mga tumugon sa panawagang ipagtanggol ang pambansang soberenya laban sa mananakop na Hapon. Aniya: "Nang salakayin at sakupin ng Hapon ang ating lupain, iniwan ko ang pasulatan ng pahayagan at sumama ako sa mga gerilya sa Sierra Madre."

Nagsilbi siyang intelligence officer ng Hukbalahap.

Pagkatapos ng gera, itinatag ni Ka Amado, kasama si Cipriano Cid na isa ring manunulat at abugado, ang Philippine Newspaper Guild noong 1945. Sa taon ding ito, sa gitna ng laganap na kasalatan matapos ang imperyalistang digmaan, itinatag ang CLO. Kasama si Ka Amado, binuo ito ng mga militante at makabayang lider-obrero na sina Mariano Balgos, Guillermo Capadocia, Pedro Castro, Felixberto Olalia at Cipriano Cid.

Ngunit ang pagpapanibagong-siglang ito ng militanteng kilusang manggagawa ay sinagot ng matinding panunupil ng papet na rehimeng Roxas at nang sumunod na rehimeng Quirino. Noong Marso 8, 1948 ay una nang ipinagbawal ni Roxas ang Hukbalahap at Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid (PKM). Pagdating naman ng 1951, sa gitna ng matinding protesta laban sa Parity Rights, Bases Agreement at Mutual Defense Pact, ipinahuli at kinasuhan ng rebelyon ang mga lider-manggagawa kabilang si Ka Amado.

Dinakip si Ka Amado noong Enero 26, 1951. Limang buwan siyang inkomunikado sa Camp Murphy (Camp Aguinaldo ngayon) bago hinarapan ng sakdal na "rebellion complexed with other crimes". Hinatulan siya ng limang taon at anim na buwang pagkakabilanggo. Pansamantala siyang nakalaya noong 1956. Pagkalipas pa ng walong taong paghahabol sa kaso, nailabas ang huling hatol na nagpawalang-sala sa kanya, noong Mayo 31, 1964.

Paglaya niya ay ibinuhos ni Ka Amado ang panahon sa mga pampulitika at pangkulturang gawain. Naging patnugot siya ng progresibong pahayagang Makabayan, at kinalaunan, ng Ang Masa. Nagsulat siya ng mga nobela, dula, tula, ulat (reportage), na nagpapalalim at nagsusulong ng konsepto ng pambansa, syentipiko at pangmasang kultura. Ang koleksyon niya ng tula sa Isang Dipang Langit, pati na rin ang mga nobela niyang Ibong Mandaragit (1969) at Luha ng Buwaya (1963), ay lumitaw mula sa kanyang matinding pagdurusa sa kulungan. Sa porma at sa nilalaman, nasasalamin sa mga obra ni Ka Amado ang mga pakikibaka sa kalsada, pagawaan, hacienda, pantalan, opisina, klasrum, at kung saan-saan pa. Sa loob ng limang dekada (1921-1970), mahigit 500 tula ang naisulat ni Ka Amado, bukod pa sa mga maikling kwento, nobela at dula.

Marami pang parangal ang iginawad kay Ka Amado. Isa na rito ang Certificate of Merit na ibinigay ng National Press Club sa kanya noong 1958 para sa 25-taong distinguished service to Philippine journalism. Tumanggap din siya ng Cultural Heritage Award para sa Isang Dipang Langit. Lahat ng ito ay nagpapatunay ng pagkilala ng malawak na publiko sa husay ng kanyang panulat, at sa kabuluhan ng kanyang obra sa kasalukuyang panahon. Nakatulong ito ng malaki sa pagpapalawak ng naaabot o pagpopularisa ng pambansa demokratikong kultura at hangarin.

Ang tungkulin ng artista at manggagawang pangkultura sa pakikibaka sa kasalukuyang panahon ay natukoy at naipaliwanag ni Ka Amado sa kanyang talumpati noong 1964 nang tanggapin niya ang Manila Cultural Award. Aniya,

"Dati ang artista ay tumatangging maging bahagi ng kapalaran ng mamamayan, gayong siya ay direktang kasangkot dito bilang kalahok at kasapi ng lipunan.

Ngunit sinira na ng dalawang Digmaang Pandaigdig ang lumang istruktura ng lipunan. Kung kaya't napilitang bumaba mula sa kanilang tore ang mga artista at intelektwal. Hindi nga ba't iniwanan ng ating mga ninuno ang Paraiso nang malaman nilang walang kalayaan dito? Na ipinagbabawal ang tumuklas at lumikha? Ang pagkaalipin sa isip at paniniwala ay katumbas ng kamatayan para sa isang artista. Maaaring siya'y sumuko at hindi na lang kumibo para lamang mabuhay,

ngunit siguradong ang katumbas nito ay ang kamatayan ng kanyang sining. Alam ng artista

na siya ay bahagi ng lipunan, isang bahagi na umaambag sa kabuuan, at gayundin ay tumatanggap mula sa kabuuang ito. Katulad ni Antaeus sa mitolohiya, nang labanan nito si Hercules, kailangang palaging nakalapat sa lupa ang paa ng artista, dahil mula sa init at kapangyarihan ng lupa bumubukal ang buhay at lakas ng kanyang pagkatao.

Hindi na kailanman aatras sa kanyang tore ang artista. Hindi na siya kailanman magiging halamang nakabitin sa hangin, hindi nakaugat sa mayamang lupa, lumulutang-lutang sa hangin nang walang kabuluhan. Ika nga ni John Donne, "No man is an island". Tapos na ang mga araw na ang artista ay katulad ni Narcissus, na nangangalas at sumasamba sa repleksyon ng kanyang sarili. Ngayon, ang artista ay saksi at bahagi ng kagyat na kasalukuyan."

Namatay si Ka Amado noong Marso 24, 1970. Ang kanyang naging papel sa pagpapaunlad ng rebolusyonaryong panitikan at sa rebolusyonaryong kilusang mapagpalaya ay masasalamin sa parangal na ibinigay sa kanya ng Movement for a Democratic Philippines noong Abril 18, 1970:

"Si Ka Amado ay nabuhay, nagsulat, nakibaka at naghirap bilang isang tunay na makabayan at rebolusyonaryo. Ang kanyang sining ay napanday sa apoy ng pampulitikang pakikibaka, habang iniaalay niya ang kanyang buong sarili, ang kanyang buong lakas at diwa, sa lahat ng maaaring paraan, para sa pakikipaglaban sa sistematikong pang-aapi at ligalisadong pagsasamantala."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.