ikaw na nagising sa kabusabusan
ikaw na lumilok ng luho ng hari nitong kabihasnan
palasyong likha mo na yari sa kristal
itinayo ito ng dahil sa iyong talino at lakas
angking kasanayan
nasaan ka ngayon bakit sa lipunang
ikaw na nagpanday palagi na lang
ika'y walang puwang ang iyong sariling
angking kayamanan kinamkam, inagaw
ng mga gahaman
nasaan ka ngayon nasa pagawaan
at bawat kilos mo ay may nagbabantay
itinuturing ka bilang kasangkapan at anumang oras
maaring palitan alipin ng sahod higanteng kapital
batas paggawaang dito'y umiiral di ba lukob nito
ating karapatan at ang kalayaan
nasaan ka ngayon nasa kanayunan
lupang sinasaka'y lambong ng panginoong maylupa
pasistang militar kaaway ng bayan
ang mga anak mong siyang nagbubungkal
ng lupang ninuno ani'y napupunta sa kamay ng iilan
naghaharing uri ganid at pusakal
ang mga anak mo nasa eskuwelahan
taas ng bayarin hirap suportahan
oo nga't hangad nating sila ay matuto
kahit ang aralin pyudal, kolonyang totoo
hinuhubog sila ng buhong na estado
upang makinabang ang imperyalismo
ang sakit isipin at nilay-nilayin
mga anak nati'y saan patutungo
habang panahon bang sila'y ganito
alipin na lamang ng sistemang ito
Kaya ang marapat ay ang manandata
Kaya ang marapat ay ang mag-organisa
magtungo sa nayon itayo malawak na baseng gerilya
sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas
SIGAW NG PAGLAYA'Y ating matatamo
Timog Katagalugan
Disyembre, 1996
|