Sumalpok ang bagyo
Sa bundok na batbat ng kubol.
Mga batang hubo'y
Nagkanyaw sa talon ng burol.
Huwag kang lalayo, anak ko.
Mabilis ang ilog
Maitim na naman sa dumi.
Baka mo mahigop
Ang tae ng minahan,
Mapuno pa ng bakal
Ang humpak mong tiyan.
Huwag kang magtagal, anak ko.
Sipon ma'y mahirap
Pag walang pambili ng gamot.
Magtiis ka na lang
Sa kubol na maliit
Doon muna sa sulok
Kung butas ang atip.
"Pangarap ko.
Balang araw, ako'y aalis
Sa lugar na itong maraming galis.
Mag-aaral ako
Sa kabila ng bundok,
Ang dami raw sineng mapapanood.
"Pangarap ko.
Balang araw, ako'y bibili
Ng cottage na parang kay Mr. Whitey.
Mag-iipon ako,
Magbabanat ng buto,
Tulad ni Ama'y magiging minero."
Giniba ng bagyo
Ang kubol at bungangang-yungib.
Dumagan ang bato
Sa mukha, sa kamay, sa dibdib.
Iyong tandaan, anak ko.
Ama mo't ikaw ma'y
Magdukal, magtibag ng bundok,
Ni patak na ginto'y
Di sasayad sa kamay,
Sukdulang buto'y malumpo
Utak ay mangimay.
Iyong tandaan, anak ko.
Darating sa bundok
Ang panahong maunos.
Mga kauri mo't
Amang bihag sa yungib
Lalaya at uunlad
Aahon sa putik.
Ang mina'y kanino?
Sa lahat, sa api at dukha!
Bukas: katutubo'y
May dangal, may ningning ang mukha!
|