Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Setyembre 2001
Maikling Kwento
TOC Ang Kumprontasyon


Masyadong mainit ang panahon, naalinsanganan yata ako. Parang hindi ako mapakali, hindi ko maintindihan ang aking nararamdaman. Marahil, tensyon itong dulot ng paparating na pagputok ng kilusang masang antipyudal na wala pa man din akong karanasan.

Tumatahol ang aso. Dumungaw ako sa bintana. "Hasmin, halika na, dumating na sila," tawag sa akin ni Rudy, ang tagapagsalita sa nasabing kumprontasyon. Kasama niya si Delia, ang pinakamilitanteng babae at tim lider sa komiteng pang-organisa ng kababaihan, at si Jackson, ang iskwad lider ng yunit milisya.

"Handa na ba ang masa?" tanong ko sa kanila.

"Handang-handa na," sagot ni Jackson.

"Okey lang ba ang paligid? Wala bang pasa?" dagdag ko.

"Okey lang, Hasmin, pinakilos natin ang lahat ng milisya para i-monitor ang paligid," paniniguro ni Jackson.

Dumating na ang mga sasakyan ng panginoong maylupa. Isang pick-up na pula at isang puting kotse. Nanlaki ang mga mata ng mga nagsibaba nang salubungin sila ng may 50 magsasaka. Hinarap ko sila kahit ako'y kinakabahan. Ups, paalala ko sa sarili, huwag kang pyudal, mga panginoong maylupang mabangis at mapagsamantala ang mga 'yan.

"Hello! Ikaw si Hasmin?" tanong ng babaeng sa tingin ko'y napaka-istrikta.

"Oo," sagot ko.

"Ako si Naty, ang panganay ng may-ari nitong niyugan," pakilala niya.

"Bakit napakarami namang tao? Hindi ba tayo lang ang mag-uusap?" tanong ni Naty na halatang natatakot.

"Pakinggan mo muna sila bago tayo mag-usap," sagot ko naman. "Ilan ba kayo?"

"Apat kami, Hasmin," sagot nito.

Hinarap ko ang masa. "Sige, halikayo't mag-umpisa na tayo."

May nakatalungko, nakatayo, may nakapangalumbaba, may lakad nang lakad. Iba't iba ang kanilang asta at porma. Naghihintay ng umpisa at ang ilan ay parang urong-sulong.

Kakamayan sana ni Delia ang kanyang amo ngunit hindi nito tinanggap ang kamay ng una. Pagkaupo ng apat na magkakapatid, inumpisahan agad ni Rudy ang pagsasalita. "Tatlong beses na kayong nagpadala ng pulis dito kaya narito kami ngayon. Kulang talaga ang aming parti."

"Totoo talaga 'yan. Ultimo bao, hinahatian pa n'yo," sabat ni Delia.

"Kung hindi kayo sang-ayon sa hatian, bakit di na lang kayo lumayas?" Tumayo ang panginoong maylupang si Naty. Nakapamaywang.

"Kayo na nga ang pinapakain sa aming mga palad, kayo pa ang nagrereklamo!" galit na dugtong ng kapatid niyang lalaki.

Palihim na bumulong kay Delia ang isang kasamang kinakabahan, "Kas, baka mapaalis tayo rito."

"Kung hindi kayo papayag, 'yan ay nasa inyo," sagot ng isa pang kapatid ni Naty.

Ngunit iginiit ni Delia na dapat talagang baguhin ang sistema ng hatian. "Kami ay hindi lamang sa partihan pinagsasamantalahan. Pati mga anak namin ay pinapatrabaho n'yo sa inyong bahay nang walang bayad. Mabuti kayo, walang masyadong gastusin."

"Ang inyong mga anak, naglalakad lang at pwede na ang baon na kamote. Ang mga anak namin inihahatid-sundo pa ng sasakyan. Bibilhan mo pa ng gatas at iba pa," pangangatwiran ng panginoong maylupa.

"Aha! Ibig mong sabihin, dahil porke mahirap kami, hindi na kami pwedeng uminom ng gatas?" ani ni Delia.

"Hoy Delia, ikaw talaga, ang daldal-daldal mo, kaya natuto tuloy lumaban ang mga 'yan! Kaya ngayon din, lumayas ka na sa niyugan namin!"

Biglang lumapit si Delia sa panginoong maylupa, sabay turo sa lupa at malakas na nagsalitang, "Hindi ko akalaing dito pa lamang ay palalayasin n'yo na kami. Pwes, lalayas ako, pero aani muna ako ng dalawang koprasan at hindi ko kayo papartihan!"

Katahimikan, walang ingay maliban sa mga bulungan ng masa sa paligid. Sumenyas si Rudy sa akin na nagpapahiwatig na hindi na nila kaya. Uuwi na raw muna sila at babalik na lamang uli.

Hindi. Hindi pwedeng magtapos sa ganito, naisip-isip ko. Mahihirapan na sa susunod na laban kung aatras kami ngayon. Pulang-pula man ako sa galit ay walang lumalabas sa aking bibig. Ay, bahala na, kailangan may mangyari.

Pumagitna ako at sa wakas ay naibulalas ko rin: "Alam n'yo ba kung bakit merong NPA? Dahil diyan sa mga ugali ninyong makademonyo!" sabay bagsak ng aking kamay sa gitna ng mesa.

"Ay, sa wakas. Nakalusot din," bulong ng isang masa sa gilid.

Halatang nabigla ang magkakapatid, natameme sila. Laluna nang idinagdag ko pang, "Ano 'yang pinagsasabi n'yong pinapakain n'yo kami sa inyong palad? Maniniwala lamang ako kung ngayon mismo'y maaakyat ninyo ang isang puno ng niyog!"

Sumagot si Naty na parang nauutal, "A, e, hindi ako marunong umakyat e." Di nagtagal ay tumangu-tango ito. "Sige, papayag na kami sa iginigiit ninyo. Pero tatawad kami na maliit lang muna ang itataas ng inyong parte. Sa susunod na taon, dadagdagan namin. Pero hati tayo sa lahat ng gastos. Payag na rin kami sa mungkahi ni Delia sa pagkopras niya ng dalawang beses bago siya umalis sa aming lupain."

"Anong tingin n'yo, Rudy?" tanong ko.

"Okey na kami sa unang umento at dagdag na umento sa hatian sa susunod na taon," sagot ni Rudy.

"Okey na rin na hati sa gastos," dagdag ni Jackson.

"Ikaw, Delia?" sabi ko sa kanya.

"Lalayas na talaga ako dito, makakabili naman ako ng maliit na niyugan mula sa dalawang koprasan. Magkakaroon din ako ng lupa pagdating ng tamang panahon," paasar na sumbat ni Delia sa apat na magkakapatid.

"Sige, 'yon lang, aalis na kami," wika ni Naty.

At gumaan na rin ang aking dibdib. "Sige, pasensya na kayo kanina, ha? Naging emosyonal ako. Baka magsumbong kayo sa kaaway, ha? 'Pag ginawa n'yo 'yan, hindi talaga kami magdadalawang-isip na muli kayong kumprontahin." At nagsialis na rin ang apat na magkakapatid.

"Kongrats, mga kasama!" tuwang-tuwang bati ng masa. "Maraming salamat sa inyong pagtulong."

"Tingnan n'yo. Basta nagtutulungan at nagkakaisa tayo, walang suliraning hindi natin malulutas, gaano man ito kalaki o kaliit," matatas kong paliwanag.

"Magtatasa tayo sa ating trabaho sa makalawa," pahabol ni Rudy.

"Doon tayo sa bahay maghapunan," matamis na ngiting anyaya ni Delia sa akin. At saka siya lumapit at bumulong, "Kasama, magpupultaym na ako."



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.