Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  






Kultura Home Songs Ulos STR, Visual Artworks Poetry Prose
Ulos: Mayo 1, 2002
Ngayon hanggang bukang-liwayway
TOC 1934-1986
Lubos na Paglilingkod
Atty. Rolando �Ka Lando� Olalia


Isang peklat sa binti�dito na lamang nakilala ang kalunus-lunos at di-makilalang bangkay ni Ka Lando Olalia.

Gabi ng Nobyembre 12, 1986, galing si Ka Lando sa isang pulong ng unyon sa Ajinomoto nang dukutin siya at ang kanyang drayber na si Leonor "Barok" Alay-ay ng mga di-ki1alang armadong lalaki. Kinabukasan, napabalitang nawawala ang dalawa at umabot pa ng gabi bago natagpuan ang kanilang mga bangkay sa isang liblib na lugar sa Antipolo.

"Kumbaga sa pagsikat ng araw ay biglang dumilim ang katanghalian," wika ni Ka Chabeng, ang naiwang maybahay ni Ka Bert, tungkol sa pagkawala ni Ka Lando. Ang higit na ikinasasama niya ng loob, dagdag ni Ka Chabeng, nawala agad si Ka Lando sa piling ng masang anakpawis sa yugtong nag-uumpisa pa lamang ang kaningningan ng kanyang mabuting gawain sa kilusang paggawa.

"Kung tumagal-tagal lamang si Ka Lando," wika naman ni Crispin, "Ka Bel" Beltran, na pumalit kay Ka Lando bilang tagapangulo ng KMU, "maaaring makamit niya ang katayuan ng isang labor statesman na tulad ng pagkategorya ng historian na si William Henry Scott kay Isabelo de los Reyes.

Pinaslang ang taong ito dahil sa handa siyang mag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng ibang tao."

Si Atty. Rolando Mariano Olalia ay nabuhay lamang ng 52 taon. Gaya ni Ka Bert, si Ka Lando ay laki sa hirap. Isinilang noong Setyembre 3, 1934 sa Lubao, Pampanga. Maagang namatay ang kanyang inang si Basilia Beltran Mariano. Sa murang edad, pumasok siya sa iba't ibang uri ng trabaho.

Tulad din ng kanyang ama, si Ka Lando ay maagang nasangkot sa masalimuot na daigdig ng unyonismo. Nasa hayskul pa lamang siya, mahigit 20 taon na siya noon, hinimok siya ni Ka Bert na kumilos sa bagong tatag na pederasyong National Federation of Labor Unions (NAFLU). Samantala, aktibo na rin si Ka Lando sa lumalakas na aktibismo sa hanay ng mga estudyante noong mga 1960 at 1970. Sa panahong ito, nakasama na niya sina Jose Ma. Sison sa pag-oorganisa ng mga balangay ng Kabataang Makabayan sa University Belt at sa pagpapakilos sa mga magsasaka sa ilalim ng Malayang Samahan ng mga Magsasaka (MASAKA) na inorganisa ni Ka Bert. Nang lumaon, sa panghihikayat din ni Ka Bert, kumuha ng abogasya si Ka Lando sa Manuel L. Quezon University hanggang sa nakapasa siya sa bar noong 1971. Kabilang siya sa nangungunang 100 na kumuha ng eksamen.

Noon pa man, nakita na ni Ka Bert kay Ka Lando ang mga katangian na karapat-dapat para sumunod sa mga yapak niya. "Tulungan natin iyang si Rolando," natatandaan ni Ka Bel na sinabi ni Ka Bert. "Gusto niyang matuto mula sa atin."

At hindi nabigo si Ka Bert kay Ka Lando. Pagkamatay ng beteranong lider manggagawa, napunuan agad ng kanyang anak ang malaking kawalan sa liderato ng militanteng kilusang unyon. Noong Disyembre 1983, si Ka Lando ang nahirang na pangulo ng NAFLU alinsunod sa kapasyahan ng buong Komite Sentral ng Pederasyon. Sa pagdaraos ng Ikalawang Pambansang Kongreso ng KMU noong Pebrero 1984, siya rin ang nahalal na tagapangulo ng sentrong unyon.

Pati sa kanilang pagkamatay, halos magkahawig ang nangyari sa mag-amang Olalia. Kung dahil kay Ka Bert ay muling naiwagayway ang bandera ng militanteng unyonismo sa bansa, si Ka Lando naman ang nag-aruga at nagpatibay ng pundasyon nito. Sa pamumuno ni Ka Lando, lumaki nang lumaki ang kasapian ng NAFLU hanggang sa mapabilang ito sa pinakamalalaking pederasyon sa Pilipinas.

Noong buhay pa siya, si Ka Lando mismo ang nagsasabing "hangga't hindi nagtatagumpay ang masang manggagawa, walang mangyayaring makabuluhang pag-unlad sa Pilipinas." Ito'y paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang mga talumpati, sa mga pulong ng pamunuan ng KMU, sa pakikipag-usap sa mga lider ng unyon at sa sinumang makausap niya sa opisina.

Nakatanim sa katauhan ni Lando ang pangarap ng mamamayang Pilipino na talagang magbago ang kaayusan ng lipunan.

Sumulpot si Don Belong sa panahong ipinupunla pa lamang ang binhi ng unyonismo sa Pilipinas. Si Ka Lando naman ay dumating sa panahon ng ibayong pagsulong ng kilusang manggagawa sa gitna ng matinding paninibasib ng diktadurang Marcos.



Previous | Table of Contents | Next

[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.