Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    PilipinoEnglish
Read full statement   

PRESS RELEASE
Information Bureau
Communist Party of the Philippines

PKP sumisimpatiya sa karaingan ng nakabababang upisyal at kawal ng AFP
Hulyo 20, 2003

Ang nakabababang upisyal at karaniwang kawal ng Armed Forces of the Philippines ay may lehitimong mga karaingan. Ito ang reaksyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga balita kamakailan lamang hinggil sa mga reklamo ng junior officers at mga karaniwang kawal ng AFP.

Ayon kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng PKP, "sumisimpatiya ang rebolusyonaryong kilusan sa ipinahayag kamakailan na mga daing ng mga nakabababang upisyal ng AFP laban sa mga tiwaling palakad sa militar ng matataas na upisyal laluna ni Gen. Angelo Reyes".

"Katunayan, napakaraming mga ordinaryong sundalo at pulis ang lumalapit sa rebolusyonaryong kilusan upang humingi ng payo kung papaano nila maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan," ani Rosal. Patunay lamang aniya ito kung gaano kabulok, korap, di demokratiko at anti-mamamayan ang organisasyon ng AFP.

Binanggit din ng tagapagsalita ng PKP na liban pa sa nagpapakasasa sa napakalaking sweldo, sa mga luho at espesyal na pribilehiyo tulad ng mga mansyon, kumakamal din ang mga Heneral at iba pang tiwaling upisyal ng napakalaking yaman galing sa pangungurakot ng mga pondo para sa mga ordinaryong sundalo. Dagdag pa rito aniya ang pangungurakot nila sa iba pang pondo ng kani-kanilang yunit, pondo para sa mga disaster relief, kickback mula mga kontrata sa pagbili ng mga kagamitan, kita mula sa mga kriminal na sindikato tulad ng droga, kidnapping for ransom, hold up sa bangko, at marami pang ibang kriminal na aktibidad.

"Pambihira ang mga heneral na hindi nakatira sa malalaking mansyon at walang magagara at mamahaling sasakyan. Karamihan din naman sa kanila ay umabot sa ganoong kataas na ranggo sa pamamagitan ng mga suhol at lagay," ani Rosal. Kung kaya, aniya, tulad ng mga pulitikong burukrata binabawi ng mga pinunong militar ang mga ito sa pamamagitan ng malalaking sweldo, pribilehiyo at korapsyon.

"Walang katiting na malasakit ang pinakamatataas na upisyal ng AFP at DND sa kanilang nakababatang upisyal at karaniwang kawal," diin pa ni Rosal. Aniya, ang katayuan ng mga nakababatang upisyal at karaniwang kawal ng AFP ay malayong mababa kumpara sa mga bundat na nakatataas na pinuno nila.

"Sa loob ng organisasyong militar, ang higit na dumaranas ng pang-aapi ay ang mga ordinaryong kawal na siyang ginagamit ng mga upisyal ng DND at AFP na pambala sa kanyon sa kanilang mga kampanya ng panunupil sa kanayunan at kalunsuran," anang tagapagsalita ng PKP. "Inaabandona ng kanilang mga pinuno ang kagalingan ng kanilang mga kawal at ninanakaw ang kanilang pagkatao upang pakawalan at itulak ang kanilang kabangisan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Walang pakundangang ginagamit sila upang wasakin ang mga pamamahay, pagnakawan ng mga alagang hayop, salantain ang mga pananim, patayin at pahirapan ang mga inosente at yurakan ang mga karapatang-tao ng karaniwang mamamayan."

Ayon pa kay Rosal, isinaalang-alang ng rebolusyunaryong kilusan "ang mapang-api at malupit na pagtrato sa sariling mga tauhan, laluna sa mga ordinaryong kawal at mga pwersahang nirerekrut sa mga pwersang paramilitar tulad ng CAFGU". "Kaya't nananawagan sa kanila ang rebolusyonaryong kilusan na huwag nang magpagamit sa kanilang tiwaling mga upisyal, sa pasistang estado at sa reaksyunaryong naghaharing uring nagsasamantala, nang-aapi at naglilinlang din sa kanila," ani Rosal.

"Hindi katumbas ng kanilang buhay ang kakarampot na sahod na tinatanggap nila. Lalong walang halaga na mamatay silang kapalit ng pagtatanggol sa sistemang umaapi at nagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka, na uring karaniwang pinagmulan rin nila," pagpapaliwanag ni Rosal. Aniya, "ang AFP ay isang mersenaryong organisasyong nagsisilbing pangunahing instrumentong pandahas ng pasistang estadong nagtatanggol sa isang bulok na sistemang panlipunan sa kapakanan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri".

Binigyang-diin ni Rosal na "ang lubos na pagkabulok at pagkainutil ng AFP" ay ipinapakita ng sunud-sunod na pagkatalo ng iba't ibang yunit nito sa mga labanan sa BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa. Tuloy aniya, ang pinagdidiskitahan at ginagantihan nila ay ang di armadong karaniwang mamamayan. Sa kanyang pagpapatuloy, sinabi pa ni Rosal na lalo pang nabubulok ang AFP habang sumisidhi ang krisis ng naghaharing sistema at lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan.

"Marapat lamang na isiniwalat ng mga nakababatang upisyal at karaniwang kawal nito ang mga kabulukan sa loob ng DND at AFP," dagdag pa ni Rosal. Ang mga reklamong ito aniya'y walang pinag-iba sa ipinahayag noong dekada 1980 ng mga nauna sa kanila at pinagmulan ng Reform the Armed Forces Movement (o RAM) at ng Young Officers Union (YOU). Ngunit ayon kay Rosal, marami sa mga namuno sa mga ito ay naging bulok na ring pinuno sa militar at burukrasya at tumalikod sa interes ng mga nakabababang upisyal at karaniwang kawal.

Matatandaang noong nakaraang buwan naglabas din ng manipesto ang Concerned Army Officers in Sulu na naglalaman ng halos parehong mga hinaing ng libu-libong kawal na nakasabak sa larangan ng armadong labanan.

Subalit sa gitna ng mga karaingan ng mga nakabababang upisyal at kawal ng AFP, iginiit ni Rosal na higit pa ring api at abandonado ng reaksyunaryong gubyerno ang higit na mas malaking bilang mga ordinaryong kawani ng pamahalaan. Aniya, kabilang na dito ang daan-daan libong ordinaryong titser, nars, clerk, utility personnel at iba pa.

"Kung pagsasamahin ang badyet ng DND, AFP, PNP, iba't ibang ahensyang pang-intelligence at mga nakatagong badyet pang-intelligence sa iba't ibang tanggapan ng gubyerno, labis-labis na ang prayoridad at pondong nakalaan sa militar kumpara sa mga kagalingang panglipunan, laluna sa kalusugan," dugtong pa ni Rosal. "Subalit ang malaking badyet militar ay pinagsasasaan lamang ng mga matataas na upisyal ng DND at AFP."

Isang malaking hamon naman ang tinuran ni Rosal sa mga nakabababang upisyal at mga kawal ng AFP. Ani Rosal, "Bukod sa pagtataguyod ng kanilang interes laban sa pang-aapi ng mga heneral, hinihikayat namin silang itaguyod ang patriyotiko at demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino. Hinihikayat namin silang lubusang talikuran ang reaksyunaryo, bulok at pabigong landas ng AFP, itaguyod ang tradisyon ni Lt. Crispin Tagamolila, at sumanib at sumuporta sa rebolusyonaryong kilusang naglilingkod sa bayan at tumatahak sa landas ng pagpapalaya ng sambayanan." ###

Reference:
Anne Buenaventura
Media Officer
Cellphone Number: +63910-240-3553



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.