Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    PilipinoEnglish
   

PRESS RELEASE
Information Bureau
Communist Party of the Philippines

Panayam kay Ka Roger
Mayo 6, 2003

Bumisita noong Enero ang istap ng Philippine Revolution Web Central sa upisina ni Gregorio "Ka Roger" Rosal, upang siya ay kumustahin at kapanayamin tungkol sa samu't saring isyu at bagay. Inaasahang makatutulong ang panayam na ito sa paglilinaw ng iba't ibang usaping kinakaharap ng rebolusyonaryong kilusan laluna sa kasalukuyan. Napaunlakan din ang kaunting pagpapalalim ng pagkilala sa tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas.




Sino ang tunay na terorista?

Ka Roger, bakit maling ituring na "terorista" ang PKP at NPA?

Unang una, ang pakahulugan ng "terorismo" ay pamiminsala sa mamamayan sa layuning manira, mamilit at maghasik ng takot.

Ang Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay may Bagong Hukbong Bayan na isang rebolusyonaryong hukbo ng mamamayan. Itinayo ito para tapatan at wasakin ang reaksyunaryong Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na mga instrumento ng naghaharing uri para supilin ang rebolusyonaryong kilusan at mga taumbayang hindi mapasunod sa mga ipinagpipilitan ng mga reaksyunaryo.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay tatlong dekada nang nasubok ng mamamayan bilang isang rebolusyonaryong organisaysyon, bilang sarili nilang hukbo at kasa-kasama nila sa kanilang araw-araw na pakikibaka hindi lang sa aspetong militar, kundi pati sa pakikibakang pangkabuhayan, sa pagpapataas ng kakayahan sa edukasyon, literasiya at kultura, sa pagpapaunlad sa iba pang larangan, at sa sariling paggugubyerno. Mahigpit na ipinagbabawal dito ang makapinsala ng kahit kaunti sa mamamayang siyang pinaglilingkuran nito. Kaya, hindi pwedeng maging terorista ang BHB, laluna ang PKP na mahigpit na namumuno at gumagabay dito.

Ang NDFP ang alyansa ng mga pambansa-demokratikong organisasyong kinapapalooban ng PKP at BHB ay kusang-loob na nagpahayag doon sa Switzerland, nagrehistro ng kanyang paghamon na tatalima ang rebolusyonaryong kilusan sa Geneva Conventions at lahat ng internasyunal na makataong batas ng United Nations. Hinahamon ng PKP-NDFP-BHB ang GRP na gumalang sa mga internasyunal na makataong batas na ito.

Napakaliwanag na ang talagang terorista sa Pilipinas ay ang GRP, ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang pinaiiral nito ay terorismo ng estado sapagkat sila ang walang habas na namiminsala sa mamamayan, pumapatay sa mga sibilyan, na ang tanging pagkakasala ay ang pagsuporta sa Bagong Hukbong Bayan o pagprotesta para sa kanilang mga lehitimong kahilingan. Kung titingnan lang ang mga ginagawa nila ngayon sa Mindoro, halimbawa, walang dudang ang AFP ang siyang naghahasik ng walang pakundangang terorismo sa mamamayan.

At sa pandaigdigang saklaw naman, ang tunay at pinakamalaking terorista ay ang US. Milyon-milyon na ang pinatay ng US sa kanyang mga baliw na digmaan---sa pagbagsak ng atomic bomb sa Nagasaki at Hiroshima, sa ilang taong pag-embargo ng mga pagkain gamot at iba pang saligang pangangailangan sa Iraq, sa pinakahuling pananalakay sa Afghanistan. Ano pa't sa Pilipinas, mahigit 400,000 mamamayan ang tuwirang pinatay ng hukbo ng US noong Filipino-American War. Umaabot sa mahigit isang milyon kung isasama pa ang mga pinatay sa gutom at sakit dahil sa kanilang mga pagsosona at blokeyo sa pagkain.

Ano ang epekto ng sinasabing pag-ipit sa mga ari-arian nina Ka Joema sa rebolusyonaryong kilusan? Totoo bang nauubusan na ito ng pondo dahil sa pagkakategoryang "terorista" kay Ka Joema at sa NPA?

Nagsisimula ang kaaway---ang reaksyunaryong gobyerno at militar nito---sa maling-maling paniniwala na ang pangunahing inaasahan o ikinabubuhay ng rebolusyonaryong kilusan ay ang tulong mula sa labas ng bansa. Iyan naman ay matagal na nating pinabulaanan. Sa totoo lang, isa sa magandang katangian ng rebolusyong Pilipino sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas ay ang kapasyahan at kakayahang umasa sa sarili. Hindi ito pangunahing nakasandig sa anumang tulong mula sa labas ng bansa. Ang katangiang ito ay hinahangaan ng mga kapwa rebolusyonaryo sa ibayong dagat.

Pangunahing umaasa ang reboluysonaryong kilusan sa mga rekursong pangkabuhayan at pampinansya sa loob ng bansa---mga kontribusyon ng masang manggagawa at magsasaka, tulong ng mga alyado, rebolusyonaryong buwis at sariling produksyon. Hindi sinasabing hindi natin kailangan ang tulong mula sa labas. Ang anumang tulong mula sa labas-maging materyal, pulitikal o moral-ay ganap na ipinagpapasalamat, ikinatutuwa at tinatanggap. Ngunit bilang karagdagan at hindi sandigan.

Ilusyon lang ng gubyerno na naapektuhan nang malaki ang kilusan sa pag-freeze ng umanong mga deposito nito sa bangko. Wala namang deposito ang Partido, NDF o BHB sa ibayong dagat. Wala ring pera sa bangko si Ka Joma sa Netherlands kundi ang regular na inihuhulog doon ng gubyernong Dutch para sa pagkain, gamot at upa sa tirahan niya roon bilang political refugee.

Kaya baliw ang layunin ng kaaway na i-freeze ang umanong mga deposito sa bangko ni Ka Joema at ng rebolusyonaryong kilusan. Bigo ang pag-asa nilang sa gayo'y mapipilay ang rebolusyonaryong kilusan at mapamamanikluhod sa ibinibitin nilang usapang pangkapayapaan.

Kung ikaw ang tatanungin, Ka Roger, ano na ang naabot ng Oplan Gordian Knot ng AFP? Sa iyong tingin, may bago nga bang mga hakbanging ipinatutupad ang gubyerno kaugnay ng deklarasyon nito ng todo-todong digma laban sa terorismo?

Iyang Oplan Gordian Knot ay bagong katawagan lang ni [dating AFP Chief] Gen. Benjamin Defensor sa kampanyang kontrarebolusyonaryo ng gubyerno---yung Campaign Plan Bantay Bayan Laya. Umano'y mababaklas na nila sa wakas yung buhol ng rebolusyon na hindi nila magawa-gawa sa loob ng mahabang panahon. Sa paghahambog ni Gen. Defensor, daan-daan na raw mula sa BHB ang sumusurender. Ito namang punong papet ng US na si GMA ay napaniwala ng mga militar na totoo ito, pati sa mga hungkag na ulat nila tungkol sa daan-daang engkwentro na pawang nasa inisyatiba raw ng AFP at pagkumpiska ng marami daw kalawanging baril ng BHB. Ang biro ko nga, e baka diyan sa Gordian Knot sila magkabuhul-buhol. Wala namang pagkakaiba ito sa esensya sa Oplan Makabayan noong panahon ni Erap at ginawang Campaign Plan Balangai noong unang taon ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Ang kaunting pagkakaiba lamang ay ang mas masahol at walang-habas na paggamit ng psywar sa mas malaking bahagi ng kanilang kontrarebolusyonaryong kampanya---mga balitang hindi totoo, mga gawa-gawang paninirang-puri sa rebolusyonaryong kilusan, katulad na lang ng pagbabansag na "terorista" sa BHB at kay Ka Joma Sison. Anu't anupaman, lahat ng kanilang mga kasinungalingan at paninira ay hindi nagiging epektibo sapagkat ang mamamayan, laluna sa kanayunan, na matagal nang nakasama ng BHB, ay hindi na maniniwala diyan. Alam nilang ang BHB ay isang rebolusyonaryong hukbong talagang naririyan para lubos na maglingkod sa mamamayan, nakibaka para sa kapakanan ng mamamayan. Sila ay lumalahok diyan at ibinibigay nila ang kanilang pinakamahuhusay na mga anak para maging mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Meron pa palang isang bago, dati na rin tulad ng nasa pangalan ngunit sinimulang muling sariwain noon pang Campaign Balangai---yung oryentasyon nilang back-to-basics. Itong ipinagmamalaki ni Gen. Dionisio Santiago ay yung ginagawa nilang walang habas na pamamaslang sa mga sibilyan---ang pinakabrutal na paraan ng panunupil ng militar sa mamamayan gaya ng nasaksihan noong panahon ng batas-militar sa ilalim ni Marcos. Pinakamatindi ang ginawa nila sa Mindoro.

Impluwensyado ito ng back-to-basics doctrine ng US Army na pinagkaabalahan nila simula nang matalo ang US sa Vietnam, pero ngayon ay mas sinisinop nila. Gawa ito ng desperasyon ng AFP dahil hindi nila mapigil-pigil ang paglago ng BHB at paglawak ng rebolusyonaryong kilusan.

Binabalingan nila ang baseng masa ng BHB sa layuning mawalan ng lalanguyang tubig ang isda. Meron silang baliw na paniniwala na kapag pinapatay at tinatakot ang mga sibilyan ay iiwas na ang mga itong sumuporta sa rebolusyon. Sa mga engkwentro ay pinilipilit nilang idamay ang mga may-ari ng bahay. O di kaya'y dinudukot nila ang mga sibilyan at pinalilitaw na ang mga ito ay napatay, naipit sa labanan ng dalawang panig. Pinakamasahol pa ang ginagawa sa mga aktibista, mga maslider ng mga organisasyong aktibo sa pakikibaka sa kanilang interes-halimbawa sa karapatang tao, kilusang paggawa, paglalantad ng katiwalian ng gubyerno-mga beterano ng pagpapatalsik kay Erap at pagluluklok kay GMA---'yun at hindi pa ang BHB ang kanilang pangunahing mga tinatarget.

Sa Mindoro lamang ay di bababa sa 30 mga aktibista at maslider ang kanilang pinatay sa loob ng dalawang taon nilang pananalakay. At palaging biktima diyan yung KARAPATAN, yung Bayan Muna, sa Mindoro yung Kalipunan ng mga Mamamayang Mindore�o. Pinapatay ang mga maslider ng mga katutubong Mangyan. Yung iba nga'y pinagpuputol pa ang katawan.

Sa kabila ng palpak na palpak na pagdedeklara ni Col. Palparan ng Mindoro na 90% cleared na ito ng BHB, patuloy na tinatarget pa rin nila ang mamamayan, laluna mga maslider. Katwiran nilang ang mga ito raw ang bumubuo ng lambat-suporta ng BHB. Ang mga ito raw ay base o mga myembro rin ng BHB. Kinakailangan daw tuyuin ang dagat na nilalanguyan ng mga isda. Kaya 'yun ang kanilang pinagtutuunan ng pansin. 'Yan ang higit na pinatindi sa panahon ni GMA.

Kaya mapapansin nating higit na naging biktima ng all-out war ang mga sibilyan. Ang all-out-war ay gera talaga ng gubyerno laban sa mga sibilyan, kahit kanino pa ito idineklara. Pero nagkakamali ang reaksyunaryong gubyerno at AFP. Sa halip na mawalan ay lalo pang mabilis na umaani ng suporta ng mamamayan ang BHB, dahil dumarami sa mamamayang nakikibaka nang hayag at ligal ay napipilitan o naoobliga na ring mamundok, sumama sa NPA at humawak ng sandata.


Mga usapin sa pagrerebolusyon

Ano ang inyong masasabi sa programa ng rehimen para umano sa repormang-agraryo? Ano ang ginagawa ng rebolusyonaryong kilusan kaugnay ng suliranin sa lupa ng mga magsasaka?

Walang sariling programa sa reporma sa lupa ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Ipinagpapatuloy lamang nito yung CARP na sinimulan ng dating presidenteng si Mrs. Aquino. Alam naman ng mga magsasaka na hindi ito tunay na reporma sa lupa.

Isang dahilan nito'y pinababayaran sa mga magsasaka yung lupa ng mga panginoong may-lupa sa presyong talaga namang di makakayanan ng mga magsasaka.

Sa kabila ng ipinangangalandakan ng rehimeng GMA na marami na silang naipapapamahagi, kapag tayo naman ang kausap ng mga magsasaka ang mga daing nila ay kabaligtaran ng mga pinagsasabi ng rehimen. Ang tawag nga diyan ng mga magsasaka ay "bigay-bawi"-yung mga certificate of land transfer na ibinigay noong una ay binabawi na sapagkat pinagpapalit-gamit na ang mga lupang sakahan para maging golf course, tourist resort, subdivision, industrial park.

Kaugnay naman ng pangalawang katanungan: Tulad ng alam ng mga kasama at naaabot na masa, ang pangunahing nilalaman ng pambansa-demokratikong rebolusyon ay ang programa para sa tunay na reporma sa lupa. Katugunan ito ng rebolusyonaryong kilusan sa suliranin ng mga magsasakang walang-lupa. Ang tunay na reporma sa lupa o rebolusyong agraryo ay naglalayong sa minimum ay mapababa ang upa o mapataas ang parte sa ani ng mga kasam�. Iyan ay malaganap nang naipapatupad sa buong bansa. Sa loob ng mga larangang gerilya, nasimulan na ito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga magsasaka sa tulong ng hukbong bayan. Napagtatagumpayan na ring mapataas ang sahod ng mga manggagawang bukid at mabawasan ang napakataas na interes sa usura. Gayundin, nahihikayat ang maliliit na negosyante na bahagyang maitaas upang maging makatarungan ang presyo ng pagbili nila sa mga produktong magsasaka.

Ang maksimum na layunin ng rebolusyong agraryo ay kumpiskahin ang lupain ng mga panginoong may-lupa, isabansa ito, ipamahagi para mabungkal nang libre ng mga magsasakang walang lupa. Bago ang tagumpay, ang pailan-ilang kumpiskasyon ay maaaring ipinatutupad sa mga lupain ng mga piling despotikong panginoong maylupang may mabibigat na krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Pero sa ngayon-at hanggang sa tagumpay-ang pangkalahatan at mas malawakan pang ipinatutupad ay ang minimum na programa.

Papaano hinaharap ng rebolusyonaryong kilusan ang daing ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod, mababang presyo ng mga bilihin, disenteng pamumuhay?

Sa kalunsuran, prayoridad ng rebolusyonaryong kilusan ang pag-oorganisa sa mga manggagawa bilang namumunong uri at isa sa dalawang pinakamalaking sektor---ang isa pa ay ang malamanggagawa---sa kalunsuran. Buong-sikhay ang pagsusulong ng kilusang manggagawa at kilusang welga, ang pagtatayo ng tunay na mga unyon at pagsusulong ng pakikibaka para sa makatarungang sahod at iba pang karapatan ng mga manggagawa.

Sa kabila ng matinding panunupil ng reaksyonaryong estado, pinagsisikapan ng rebolusyonaryong kilusan na maabot ang pinakamaraming manggagawa sa iba't ibang empresa sa buong bansa para maisulong ang kanilang interes. Malaki ang naiaambag rito ng rebolusyonaryong kilusan. Gayunman, napakalaki pa ang dapat isagawa para maabot at maorganisa ang pinakamalawak na masa ng manggagawa, at mapakilos sila para ibayong maisulong ang interes ng uri at ng buong mamamayan.

Papaano maaabot ang sinasabi ninyong "tunay at pangmatagalang kapayapaan"?

Para matigil ang armadong tunggalian, ang gera sibil na nagaganap sa Pilipinas, kailangang maharap at malutas ang pinag-uugatan nito. Ito ang napakasamang sistemang umiiral, kung saan ang iilang nagmamay-ari ng kalakhan ng mga lupain at yaman sa Pilipinas ang siyang naghahari, kung saan ang malawak na mamamayang binubuo ng mga magsasaka, maggagawa at iba pang inaapi at pinagsasamantalahang sektor ay naroon sa baba at tinatapakan ng mga naghahari, kung saan ang buong bansa ay dinadambong at inaapi ng imperyalismong US. Kailangang mabago ang bulok na sistemang iyan. Ang bagong-demokratikong rebolusyonaryong kilusan ay inilunsad para makamit ang mga kinakailangang radikal na pagbabago.

Pero dahil may reaksyunaryong hukbong sumusuhay at nagtatanggol sa bulok na sistema, kailangan din ng mamamayan ng rebolusyonaryong hukbo tulad ng Bagong Hukbong Bayan. Kailangan ng mamamayan ang armadong paglaban para ibagsak ang bulok na estado at sistema at itayo ang bago.

Yung kapayapaang gusto ng rehimen, ng reaksyunaryong gubyerno ay yung kapayapaang walang tumututol, walang nagsasalita-kapayapan ng libingan. Subalit hindi iyon ang tunay na kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay magaganap kapag nalutas na ang pinag-uugatan nitong armadong tungalian. Hangga't hindi napapawi ang ugat na ito, ang anumang pagtigil ngayon ng armadong labanan ay pansamantala lamang, at iyon ay muling iigiting.

Habang di binibitiwan at hindi kailanman isinusuko ang sandata, handa ring tayong iharap sa hapag ng usapang pangkapayapaan ang mga problemang pinag-uugatan upang mahanapan ng kalutasan doon hanggat totoong bukas at makatotohanan ang kaaway sa ganitong proseso. Handa rin tayong bumaklas anumang oras mapatunayan nating iba ang pakay at ginagawa ng kaaway. Anu't anupaman, nakasandig sa mahigpit na pagkapit sa armadong pakikibaka ang kabuluhan at anumang makakamit na tagumpay sa paglahok natin sa usapang pangkapayapaan.


Paglawak at pagsulong

Gaano na kalaki ang BHB kumpara sa pinag-umpisahang bilang nito? Papaano umabot sa kasalukuyang dami ang mga larangang gerilya ng kilusan?

Ang BHB ay nagsimula noong 1969 sa 60 mandirigma at 34 mahahaba at maiikling armas. At ito ay naroroon lamang sa isang maliit na distrito ng Tarlac.

Pagkatapos ng ilang taon, ang rebolusyonaryong kilusan ay nakapagpalawak na sa buong bansa. Sa kabila ng mga kahirapan at mga pagkakamali, nakapangibabaw ang kilusan at nakakikilos na ito sa mahigit na 70 prubinsya at nakapagtayo na ng mahigit 120 larangang gerilya sa buong bansa. Lahat ng malalaking isla sa Pilipinas ay nakikilusan ng hukbong bayan.

Sa mga larangang gerilyang ito, ang pinakamaliit ay may lakas na isang platung hukbo. Ang kalakhan naman ay may lakas na isang kumpanya. Iyan yung mga pultaym na armadong gerilya. Hindi pa kasama dyan yung milisyang bayan---mga reserba ng BHB---yung mga tinatawag na "mandirigma sa gabi at sa araw ay magsasaka".

Naging medyo mahirap ang proseso ng pagtatayo ng mga larangang gerilya dahil lahat ng rehimeng umiral sa Pilipinas ay naglunsad ng malulupit na kontrarebolusyonaryong kampanya laban sa rebolusyonaryong kilusan. Ang tawag ni Marcos sa kanyang mga kampanya ay Oplan Pedro Taga, Oplan Mamamayan at may Oplan Kadena de Amor pa sa Southern Luzon. Kay Cory, Oplan Lambat Bitag 1, 2, 3 at 4. Inakala naman ni Ramos na talo na ang BHB, kaya ibinaling niya sa modernisasyon ang prayoridad ng pagpapaunlad ng militar. Mayroon siyang Campaign Plan Kaisaganaan. Sa panahon ni Erap---nakita na naman nila, hindi matalo-talo ang BHB-inilunsad nila ang Oplan Makabayan. At ngayon, sa ilalim ng rehimeng GMA ang pinakabago---Campaign Plan Bantay Bayan Laya na tinatawag ngayon ni Defensor na Oplan Gordian Knot. Bagamat sa mga unang ratsada ay pinahirapan din ng mga ito ang BHB, ang lahat ng mga oplan nila ay napangibabawan, nabigo at napagtagumpayan ng rebolusyonaryong kilusan.

Iyan ang mga pinagdaanang pakikibaka bago napalakas ang hukbong bayan umabot na ngayon sa humigit-kumulang 27 batalyon. Malawak na rin ang latag ng BHB sa buong bansa. Mahigit kalahati ng mga congressional district sa bansa ay saklaw na ng mahigit 120 larangang gerilya ng BHB at darami pa ang mga ito sa kagyat na mga susunod na taon.

Tinitiyak ng mga kasama na lubusan ding mabibigo ang anumang bagong kontra-rebolusyonaryong campaign plan na ilulunsad ng gubyerno, dahil wala namang esensyal na pagkakaiba ang mga ito sa nakaraan.

Bukod sa dami ng mga larangang gerilya sa buong kapuluan, anu-ano pa ang mga narating na ng Partido makalipas ang 34 taon?

Noong 1992, nang naglagom ang ika-10 plenum ng Komite Sentral ng Partido nakita nito ang mga suliranin at papaatras na takbo ng gawain kaya't nagdesisyong maglunsad ng isang kilusang pagwawasto. Kinailangang matukoy kung ano ang mga pagkakamali at kinailangang maiwasto ang mga ito. Yung mga lider at kasapi ng Partido na hindi nakatanggap sa pagwawasto at ayaw kumilala sa kanilang mga pagkakamali ay tumiwalag sa rebolusyonaryong kilusan. Ang ilang may pinakamalalaking kasalanan sa Partido at rebolusyonaryong kilusan at pinakamasugid sa pagdadala ng mga mali at oportunistang linya ay tuluyang nagtaksil at nagsikap makapanghati at makapangwasak sa Partido at rebolusyonaryong kilusan. Ngunit bigo sila at sila pa ang nagkawatak-watak, tuluyang nawalan ng kabuluhan at humantong na lang sa pagiging mga ispesyal at bayarang ahente at pwersang paramilitar ng kaaway.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan naman ay lalong kuminang sa pandayan ng puspusang rektipikasyon at matinding pakikitunggali sa mga oportunistang taksil. Bunga ng pagtitibay ng mga saligang prinsipyo, higit ito ngayong matatag sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Tumaas ang kalidad ng BHB. Natigil ang mga adbenturismong militar nitong puminsala lang sa sarili, nagdulot ng kawang sa relasyon sa masa at umakit ng sobra-sobrang ganting salakay ng kaaway. Napuksa ang mga militaristang gawi at kagaspangan nito, at higit itong napalapit sa masa. Ipinakat ito alinsunod sa estratehikong linya ng malawakan at masinsing pakikidigmang gerilyang nakabatay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Sa urban, naiwasto ang insureksyunismo at repormismo at muling naiayos ang suportahan ng pagkilos sa kanayunan at kalunsuran at ng armado at parlamentaryong pakikibaka-sa balangkas ng matagalang digmang bayan at estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan.

Napakalawak na rin ng inabot ng Partido. Taas-noo nitong masasabi na ito ang pinakamalaki at pinakakonsolidadong partidong pampulitika sa buong bansa ngayon, lalo kung ikukumpara sa buhaghag, patay-sindi at pang-eleksyon lamang na mga burges na partido pulitikal-Lakas-NUCD, LDP at mga katulad nito. At siyempre ang Partido Komunista ng Pilipinas ay mayroong mahigpit na pinamumunuang hukbong bayan.

Ang palatandaan ng presensya ng Partido ay makikita mo sa lahat ng lugar. Sa kanayunan, andoon ito sa hukbong bayan, sa mga sangay ng Partido sa lokalidad. Sa urban ganoon din. Kapag tinatanong nga ako ng mga kaibigan sa midya, sabi ko makakakita kayo't makararamdam ng presensya ng mga komunista sa pagawaan, sa iskuwelahan, sa palengke, sa mga tanggapan ng gubyerno at maging sa simbahan. At baka maging sa mga kampo militar makakatagpo kayo ng komunista kaya lang syempre hindi sasabihin sa inyo na sila ay komunista. Kinikilusan ng Partido ang lahat ng lugar na mayroong maaaring imulat, organisahin at pakilusin, laluna sa hanay ng masang anakpawis at mga intelektwal.

Paano kaya mapagpupunyagiang kamtin ang ibayo pang mas malalaking tagumpay, sang-ayon sa panawagan ni Armando Liwanag?

Sa pahayag sa anibersaryo ng Partido noong nakaraang Disyembre 26, tinukoy na napakapaborable ang sitwasyon sa Pilipinas, at ganoon din sa daigdig, para sa higit pang pagsusulong ng rebolusyon. Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan naman ay nasa isang napakagandang sitwasyon din para masamantala ito dahil higit na itong konsolidado sa ideolohiya, pulitika at organisasyon matapos malubos noong 1998 ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at makabawi sa mga pinsalang inabot nito bunga ng malalalang disoryentasyon noong dekada 1980. Nitong huling tatlong taon, tuluy-tuloy na ang malalaking hakbang pasulong sa halos lahat ng pangunahing larangan ng rebolusyonaryong gawain.

Lubos nang nahihiwalay ang rehimeng Macapagal-Arroyo, dahil na rin sa sobra-sobrang pagpapakapapet sa imperyalistang US, pagkamapaniil at korapsyon. Pangungunahan ng Partido ang kampanya ng pagpapatalsik kay Gloria Macapagal-Arroyo. May mga pwersang kasama noon sa pagpapatalsik kay Erap Estrada na handang muling makipag-isa sa rebolusyonaryong kilusan para mapatalsik na rin itong kasalukuyang pinunong papet na si GMA.

Hindi man mapatalsik si GMA sa pamamagitan ng pag-aalsang-bayan katulad ng nagpabagsak kina Marcos at Estrada, gagawain ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng hakbang para matiyak ang pagkatalo niya sa eleksyon sa 2004, sakaling matuloy ito at lalaban pa rin siya rito.

Samantala, bibigyan ng rebolusyonaryong kilusan ng diin ang ibayong pagsusulong ng mga pakikibaka ng mamamayan:

  • pangunahin na ang pakikibaka ng mga magsasaka para sa reporma sa lupa at laban sa mga anti-magsasakang patakaran ng gubyerno, gaya ng neoliberalisasyon na nagdudulot ng ibayong paghihirap sa kanila at nagwawasak sa agrikultura ng bansa;
  • pakikibaka ng mga manggagawa para sa makatarungan at nakabubuhay na sahod at mga demokratikong karapatan;
  • pakikibaka ng mga maralita ng lunsod, mababaang kawani sa gubyerno, kabataan at estudyante, maliliit na propesyunal;
  • pakikibaka ng maliliit at panggitnang negosyante, mula sa mga hograiser hanggang sa mga nagmamanupaktura ng semento, na pawang naiipit din ng neoliberalisasyon at pagbaha sa bansa ng mga sobrang produkto ng mga imperyalista;
  • pakikibaka ng mamamayan laban sa mga kabulukan, panunupil at paglabag ng rehimeng Arroyo sa mga karapatang tao;
  • pakikibaka ng mga patriyotikong pwersa laban sa lumalalang interbensyong militar ng US sa Pilipinas.

Bibigyan ngayon ng ibayong pansin ang pagsusulong ng armadong pakikibaka. Sa taong ito at mga kagyat na susunod na mga taon, isa sa mga pangunahing haharapin ng Partido ay ang pagpapalakas sa hukbong bayan upang makaagapay at makatugon sa mahigpit nang kahilingan ng mga mamamayan na patindihin ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga kinamumuhiang mga yunit ng AFP at PNP na nananalasa ngayon sa kanayunan at upang maparusahan din ang kinasusuklamang mga mandarambong, mga pangunahing lumalabag sa karapatang pantao, at iba pang kinakailangang mapatawan ng rebolusyonaryong kaparusahan.

Kaakibat nito, magsasagawa ng malawakang recruitment sa BHB, maglulunsad ng maraming mga pagsasanay ng mga Pulang kumander at mandirigma, magpaparami ng mga armas pangunahin na sa pamamagitan ng pag-aagaw nito sa larangan ng labanan, at palalakasin at palalawakin ang mga sona, base at larangang gerilya. Sisikaping maging platun ang istandard na pormasyon ng BHB at lakas-kumpanya ang nakararaming larangang gerilya. Maaasahan rin natin sa taong ito at mga susunod ang pagdami, paglawak at paglakas ng mga taktikal na opensiba.

Bakit may kumpyansa ang rebolusyonaryong kilusan na magtatagumpay ito?

Sa gabay ng rebolusyonaryong teorya at bunga ng pagkabisa sa kasaysayan at kalagayan ng lipunan, matibay ang kumpyansa sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong kilusan sa malaon kundiman sa madali. Sadyang matagal ang proseso ng ganap na pagbabago ng isang sistema. Hindi iyan katulad ng pagpapalit lamang ng presidente na maaaring gawin tuwing apat na taon. At palibhasa'y mulat ang mga rebolusyonaryo rito, handa silang maglingkod rito kahit gaano pa ang itatagal nito, kahit buong buhay ang ialay, kahit ang mga susunod na henerasyon na ang lubusang makapagtatamasa ng mga pagbabago.

Pero, sa totoo lang, hindi na rin naman ganoong katagal ang inaasahang pagkakamit ng tagumpay. May maliwanag na tiwala ang Partido noon pang taong 2000 na---dahil sa papalalang pagkahiwalay, pagkabulok at pagkalugmok ng sistema sa isang banda at tuluy-tuloy na paglakas naman ng rebolusyonaryong kilusan sa kabilang banda---ang tagumpay ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Pilipinas ay makakamit sa mga unang dekada ng milenyong ito.

Lalo na ngayon, napakapaborable ang sitwasyon. Kung sa Pilipinas ay mabilis na hinuhukay ni Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang libingan, sa internasyunal ay ganoon din, pinabibilis ni Bush ang pagre-recruit sa kilusang antiimperyalista bunga ng kanyang panggagalaiting gerahin ang Iraq at iba pang pinagbibintangan niyang mga "terorista".

Malaking bentahe ng Partido, BHB at rebolusyonaryong kilusan na konsolidadong konsolidado ang mga ito ngayon. Mabilis na lumalawak ang hanay ng mamamayang yumayakap sa mga adhikaing ipinakikipaglaban ng rebolusyonaryong kilusan. Palatandaan niyan, pangunahin na, ang ibayong mabilis na pagdami ng mga organisadong masa at kasapian ng Partido. Sumisigla rin ang recruitment sa Bagong Hukbong Bayan hindi lamang sa kanayunan kundi maging sa lunsod---mula sa hanay ng mga kabataan at estudyante, manggagawa at malamanggagawa. Sa kabila ng pananakot sa mamamayan, ng paglalarawan ng gubyerno ni Arroyo at ng mersenaryong AFP na mga "terorista" ang BHB, maraming nagpapasyang magpunta sa kanayunan, makipamuhay sa masa at sa BHB, at lumahok sa pakikibaka nila. Ang iba sa kanila'y nagpapasyang maglaan na ng kanilang buong panahon sa armadong pakikibaka.

Mula pa lamang sa mga palatandaang ito, masasabi ngang hindi na masyadong magtatagal bago makamit ang ganap na tagumpay.

Kailan masasabing may sapat nang lakas ang rebolusyonaryong kilusan para magtagumpay? Ano ang magiging sukatan? Ano ang napipinto ninyong senaryo kapag nakamit na ang ganitong lakas?

Pinakasimpleng sukatan ang target na makilusan ng hukbong bayan at masaklaw na ng mga larangang gerilya ang dalawang katlo ng kabuuang bilang ng mga munisipalidad sa buong Pilipinas, at may platun ng BHB sa bawat isa nito. Sa gayon, makakamit na ang kritikal na kantidad sa pakikidigmang gerilya para maituluy-tuloy na ito sa estratehikong pagpapatas tungo sa pangkalahatang opensiba. Masasabing hudyat na ito para harapin na ang pagpaplano sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Kasunod nito, mas madali nang masasaklaw ang iba pang munisipalidad, pati na kung saan matigas ang pagkakapwesto ng kaaway. Mangangailangan na siyempre ng mas malalaking pormasyon para magapi ang malalaking konsentrasyon ng kaaway, kasabay ng paglulunsad ng pakikidigmang partisano at mga people power at insureksyon para yugyugin na ang mga sentro ng kapangyarihan sa mga syudad.

Siyempre, hindi lamang ang hukbong bayan ang malakas sa panahong iyan, pati ang rebolusyonaryong kilusang masa. Kung sa kasalukuyang panahon ngang nasa yugto pa lamang ng istratehikong depensiba ang digmang bayan ay kinaya na ng mamamayan na magpalit ng dalawang presidente sa pamamagitan ng people power, e di lalo na kapag umabot na ang rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa ibayong maunlad na antas. Akalain ba natin, noong 1986 kung kailan ang rebolusyonaryong kilusan ay batbat pa nga ng mga disoryentasyon, nakayanan pa rin at bigla na lang makapagpatalsik ang mamamayan ng isang diktador sa pamamagitan ng pag-aalsang bayan? Kung hindi tayo gaanong nakapaghanda noong 1986, nito namang 2000, maaga pa'y nakita na natin, napagplanuhan at napaghandaan ang pagbabagsak ng bulok na rehimeng Estrada sa pamamagitan ng panibagong people power. Naging mapagpasya ang papel dito ng militanteng demokratikong kilusang masa sa ilalim ng pamumuno ng Partido. Sasadyain na rin natin ang marami pang ganito hanggang sa rumurok ito sa pangkalahatang pag-aalsa kasabay ng mga pangkalahatang opensibang militar at mga operasyong partisano ng BHB at armadong mamamayan.


Internasyunal

Gaanong kahalaga ang pakikipag-ugnayan ng Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa iba pang mga kilusan sa ibang bansa?

Alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay puspusang nakikipag-ugnayan, nakikipagkapatiran at nakikipag-isa sa iba pang partido komunista at iba pang rebolusyonaryong kilusan sa ibang bansa dahil itinuturing ng mga komunista bilang kapatid sa uri ang lahat ng proletaryado saanmang dako ng daigdig at itinataguyod ng mga komunista ang lahat ng rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa lahat ng bahagi ng daigdig. Iisa naman ang suliranin at magkaugnay ang laban ng mamamayan dito at sa ibayong dagat. May iisang komun tayong kaaway, ang pinakapangunahing kaaway ng lahat ng proletaryado at mamamayan sa daigdig ngayon---ang imperyalismo, sa pangunguna ng superpower na imperyalismong US. Maging sa US at iba pang imperyalistang bayan, kaisa natin ang proletaryado at mamamayan laban sa superpower na US at sa kani-kanila ring imperyalistang gubyerno. Nilalayon ng mga komunista at rebolusyonaryo ang nagkakaisang prente ng mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon.

May malaking partikular na kahalagahan din ang malakas na ugnayang pandaigdig para sa rebolusyong Pilipino dulot ng pagkaestratehiko ng Pilipinas para sa imperyalismong US laluna kaugay ng patuloy na paghahari ng US sa Asia-Pacific. Nakita natin ito sa mahabang kasaysayan ng kolonyal at neokolonyal na paghahari ng US sa Pilipinas.

Pinag-iibayo ngayon ng US ang interbensyon nito sa bansa, di na lamang sa mga aspetong pang-ekonomya at pampulitika kundi maging sa aspetong militar. Sa ngalan ng "anti-terorismo", ginagawang sangkalan ng US ang paglaban kuno nito sa Abu Sayyaf para mabigyang daan ang tuwirang agresyon nito laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas-sa partikular, laban sa BHB at MILF.

Balak patindihin ng agresyong US ang kontrarebolusyonaryong digma sa Pilipinas at subukan ang pinakamauunlad na high tech na sandata nito laban sa mga pwersang gerilyang naglulusad ng digmang bayan. Syempre, magiging pambansang gera na ito laban sa isang dayuhang agresor kasabwat ang mga papet na tropa at patutunayan ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan sa Pilipinas na sa katuus-tuusan tao at hindi sandata ang siyang mapagpasya.

Pero, bunga ng imperyalistang agresyon tataas ang antas ng internasyunalisasyon ng gera sa Pilipinas. Sa gayon, mas malaki ang kakailanganing pandaigdigang tulong sa rebolusyong Pilipino---sa anyo ng mga tulong pampulitika, tulong diplomatiko, tulong materyal at pampinansya, maging tulong sa moral. Iaasa natin ito sa malakas na gawaing internasyunal--sa pakikipag-ugnayan sa mga Marxista-Leninista at iba pang rebolusyonaryo at progresibong partido at organisasyon; sa mamamayan ng iba't ibang bansa at pati mga gubyernong maaaring sumuporta sa rebolusyon, magtaguyod ng kapayapaan o tumutol man lang sa imperyalistang agresyon; sa mga pandaigdigang institusyon at sa iba pang makatutulong sa rebolusyong Pilipino.

Paano nag-aambag ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon?

Maraming mahahalagang naiaambag ang Partido at rebolusyong Pilipino sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon.

Pangunahin na rito ang pagpupursige at pagsusulong ng bagong-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas at ang matatag na pagtataguyod ng sosyalismo sa panahong ipinangangalandakan ng imperyalismo ang pagkalansag ng mga rebisyunistang rehimen at ngayo'y namamayagpag ito bilang nagsosolong superpower sa daigdig. Sa gayon, ang PKP at rebolusyonaryong kilusan ay nakapagbibigay ng magandang halimbawa at inspirasyon sa iba pang rebolusyonaryong pwersa sa ibang bansa para sa kanila ring pagsusulong ng pakikibaka laban sa imperyalismo at reaksyon at para sa pambansang pagpapalaya, demokrasya at sosyalismo.

Sa loob ng mahigit 30 taon na, naipakikita ng bagong-demokratikong rebolusyong Pilipino sa buong mundo na posible at kailangan ngang maglunsad ng matagalang digmang bayan sa isang malakolonyal at malapyudal na bansang nagsisilbing napakahalagang angklahan ng imperyalismong US sa Asia-Pacific. Nagbubunga ito ng napakataas na prestihiyo ng Partido at rebolusyong Pilipino.

Ang Partido at rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay kabilang ngayon sa mga pinakahanda at may pinakamataas na kumpyansang samantalahin ang mabilis na lumalalang krisis sa bansa at daigdig para ibayong maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka at kamtin ang tagumpay sa loob ng mga susunod na dekada.

Nagtutuon ito ng espesyal na pagsisikap sa paghikayat at aktwal na pagtulong sa paghahanda at pagpapaunlad ng digmang bayan, laluna sa mga bansang malapyudal at malakolonyal. Kasabay nito, ang Partido ay masigasig na nakikipagpalitan ng pananaw at karanasan sa ibang partido tungkol sa iba't ibang anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at humihimok sa ibang mga partido na paunlarin ang mga anyo ng rebolusyonaryong pakikibakang angkop sa kanilang kongkretong kalagayan.

Ibinabahagi ng Partido ang mga matatagumpay na karanasan nito---ang pakikibaka laban sa sunud-sunod na mga papet na gubyerno, ang pangingibabaw sa mga suliraning panloob tulad ng malalang disoryentasyon noong dekada 1980 hanggang 1992. Gayundin, kung papaano ito nakaiwas na mabulabog o matinag noong magbagsakan ang mga rehimen sa Unyon Sobyet at Eastern Europe, bumaligtad rin ang China at tumalunton sa kapitalismo mula noong mamatay si tagapangulong Mao Zedong. Nagkaroon ng nagkakaisang pagtingin kung papaano pakikitunguhan itong sinasabing pangyayaring tinatagurian ng mga kaaway na pagbagsak daw ng sosyalismo. Inilinaw ng Partido na hindi ang sosyalismo ang bumagsak kundi ang mga rebisyunistang rehimen sa Unyon Sobyet at Silangang Europa.

Makabuluhan din ang mga iniaambag ng Partido sa mga pandaigdigang pagtitipon para sa paglilinaw ng Marxista-Leninistang paninindigan laban sa imperyalismo, rebisyunismo at pasismo at para sa pagpapataas ng antas ng pag-uunawaan at kooperasyon ng mga partido komunista. Signipikante ang mga ambag ng Partido sa paninindigan para sa sosyalismo laban sa imperyalismo at modernong rebisyunismo sa pamamagitan ng mahigpit na pagdadala nito ngayon ng antirebisyunistang linya sa teorya at praktika, sa mga publikasyon nito at sa mga dinadaluhang kumperensya ng mga partido komunista.

Malaki rin ang iniaambag ng Partido sa paglilinaw ng anti-imperyalistang paninindigan laban sa globalisasyon ng "malayang pamilihan" at mga digmang agresyon. Inilalantad ng Partido ang katotohanang dekadente at naghihingalo ang imperyalismo, na niyayanig ito ng malalim na krisis at sa kasakiman at desperasyon nito'y hibang na nagsasagawa ng pinakamasasahol na terorismo at agresyon. Itinataguyod ng Partido ang malalapad na anti-imperyalistang kilusan sa pambansa at pandaigdigang saklaw.

Habang wastong nagkokonsentra ang Partido at mga rebolusyonaryong Pilipino sa pagarerebolusyon sa sariling bansa, laging pinagsisikapang gawin ang abot ng makakaya upang ipatupad ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, gayundin ang prinsipyo ng malawak na pagkakaisang antiimperyalista sa internasyunal na nagkakaisang prente.

Iyan ang mga dahilan kung bakit ang mga kapatid na partido at mamamayang nakikibaka sa ibang bansa ay gustong-gustong makipag-alam, makipagbahaginan ng rebolusyonaryong karanasan dito sa Pilipinas. Katunayan ay maraming dayuhan ang pumapasok sa mga larangang gerilya upang tingnan kung papaano sumusulong ang pakikibakang rebolusyonaryo rito.


Mga paglilinaw

Papaano sumasapi sa rebolusyonaryong kilusan? Pinarurusahan ba ang mga nais tumiwalag sa kilusan?

(Natatawa) Tulad ng nabanggit ko kanina. Ang pagsapi sa Partido, sa BHB at sa NDF, ay boluntaryo. Mayroong sinusunod na saligang batas at mga pangkalahatang alituntunin sa pagsapi sa mga ito. Ipinauuwa sa mga sumasapi ang mga layunin, ang mga prinsipyong ipinakikipaglaban, mga pamantayan, mga hirap at sakripisyong susuungin, mga tungkulin at karapatan, mga patakarang pang-organisasyon at pandisiplina. Ang sinumang pumasa sa mga takdang pamantayan at dumaan sa takdang proseso ay maaaring maging kasapi. Ang mga sumasapi sa Partido ay dumadaan sa panahon ng pagiging kandidatong kasapi---anim na buwan para sa manggagawa, maralitang magsasaka, malamanggawa at mababang petiburgis---at sa proseso ng pag-unlad sa loob ng halos ganoon ding panahon ay maaaring maging ganap na kasapi na.

Kung dumating ang isang panahon na sa iba't ibang kadahilanan at sa kabila ng pagsisikap na mahikayat ang isang kasapi upang manatili ay talagang ayaw na niya dahil hindi na makayanan o magampanan ang kanyang tungkulin, anumang oras ay libre at panatag siyang makatitiwalag o makaaalis dito. Pero, kung siya ay may mga mabigat na krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan, pananagutan pa niya ang kanyang mga krimen, kasapi man siya ng Partido o hindi, nasa rebolusyonaryong kilusan man siya o hindi.

Ano ang patakaran ng NPA sa pagrerekrut ng mga bata?

Mahigpit ang mga alituntunin ang BHB sa rekrutment. Batay sa Geneva conventions, pwede nang magrekluta ng mga mandirigmang 15 taong-gulang pataas. Pero, mula pa 1998 ginawa ito ng BHB na 18 taong-gulang at mula noon ay ito na ang ipinatutupad. Hindi na lamang ang internasyunal na batas ang kinonsidera, kundi maging ang pangangailangang matiyak na hindi na isip-bata bagkus ay may hustong gulang at kaisipan na ang mga nirerekrut, bukod pa sa ibang pamantayan---tulad ng pagiging aktibo sa rebolusyonaryong kilusan, dumaan sa mga pag-aaral, gumagampan sa mga rebolusyonaryong tungkulin, mahusay ang pag-iisip at pangangatawan, walang masamang rekord sa mamamayan, may rekomendasyon ng Sangay ng Partido at iba pang masa sa lokalidad, at iba pa. Kinonsidera din nang malaki ang opinyon ng publiko tungkol sa bagay na ito, laluna't ang usapin at mga datos ay binabaluktot ng AFP at mga ahensya pangsaywar ng kaaway para siraan ang BHB sa mata ng publiko. Sa gayon, mahigpit ang utos ng Komite Sentral ng Partido sa buong Partido at sa BHB na istriktong ipatupad ang 18 taong-gulang na pamantayan sa pagrerekrut ng mga Pulang mandirigma.

Ano ang kahulugan ng rebolusyonaryong pagbubuwis?

Tulad ng anumang organisasyon, laluna isang naglulunsad ng rebolusyonaryong digma at nagtatayo ng gubyerno, hindi ito mabubuhay, makatatayo, makakakilos nang tuluy-tuloy kung wala itong pinangggagalingan para gugulin sa mga gastos nito.

Ang pagbubuwis ay bahagi ng pagtatayo ng anumang gubyerno, reaksyunaryo man or rebolusyonaryo. Ang layunin ng reaksyunaryong pagbubuwis ay upang suportahan ang mga operasyon ng umiiral ng papet na gubyerno ng malalaking komprador-panginoong maylupa. Gayundin, pero sa konteksto ng kaibang-kaibang makauring pamumuno, prinsipyo at mga patakarang panlipunan, ang layunin ng rebolusyonaryong pagbubuwis ay upang suportahan ang mga operasyon ng rebolusyonaryong gubyernong bayan. Para rin ito sa benepisyo ng mamamayang saklaw ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa ating bansa sa kasalukuyan, tanggapin at sa hindi ng mga naghaharing uri ay mayroong dalawang gubyernong umiiral. Ang isa ay ang reaksyunaryo at papet na gubyernong nakasentro sa Maynila at pinamumunuan ng punong papet ng US na si Gloria Macapagal-Arroyo. Sa buong Pilipinas kung saan nakakalat ang mahigit na 120 larangang gerilya ng BHB, kahit na wala pang nakatayong pambansang rebolusyonaryong gubyerno, may mga umiiral nang mga binhi ng rebolusyonaryong gubyernong bayan sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa mga lugar na ito napakahina na ng kontrol at impluwensya ng reaksyunaryong gubyerno sa mamamamayan at ang pangunahin nang naglalatag at nagpapatupad ng mga patakaran ay ang mga rebolusyonaryong organo ng kapangyarihang pampulitika.

Ang rebolusyonaryong pagbubuwis ay lehitimong ipinatutupad nitong mga binhi ng rebolusyonaryong gubyerno at pinasasaklaw kung saanpaman umaabot ang rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika ng mamamayan.

Ipinatutupad ng rebolusyonaryong kilusan ang rebolusyonaryong pagbubuwis sa maraming dahilan: Una na, dito nanggagaling ang kalakhan ng pondong pang-operasyon ng rebolusyonaryong gobyerno at buong rebolusyonaryong kilusan. Sapagkat kasalukuyang nakikibaka, nagrerebolusyon, kailangang kailangan din ng rebolusyonaryong kilusan ang panustos para pambili ng mga pangangailangan ng mga mandirigma---mga sandata, bala, at iba pang pangangailangan sa digma.

Kailangan din ang rebolusyonaryong pagbubuwis para sa iba't ibang serbisyo sosyal sa saklaw ng gubyernong bayan tulad ng mga programa para sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan, pagpapalaganap ng edukasyong pangmasa at pagpapaunlad sa kultura ng mamamayan, pagpapaunlad sa produksyon, mga proyektong pang-ekonomya at iba pa.

Kaalinsabay ng mga buwis at kontribusyon ng mga kasapi ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyong masa, boluntaryong kontribusyon mula sa masa at mga alyado at mga kita mula sa sariling produksyon ng BHB, ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at ng rebolusyonaryong gubyernong bayan, sinusuhayan ng rebolusyonaryong pagbubuwis ang pagtatayo-sa-sarili ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Ang mismong bagay na kinakaya ng rebolusyonaryong kilusan na magpatupad ng pagbubuwis ay nagpapamalas ng pagkilala ng mga nagbabayad ng buwis-kabilang ang mga kaaway sa uri-sa katotohanan ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika sa mga erya kung saan epektibo itong umiiral.

Kani-kanino inilalapat ang rebolusyonaryong pagbubuwis?

Ang rebolusyonaryong pagbubuwis ay ipinatutupad sa kabuuan ng epektibong saklaw ng rebolusyonaryong paggugubyerno.

May tatlong andana ng makaauring aplikasyon ng rebolusyonaryong pagbubuwis---sa mga kaaway sa uri, sa mga kaalyadong uri, at sa mga benepisyaryo ng rebolusyong agraryo. Progresibo ang katangian nito dahil ang pagpoporsyento at pagkaistrikto ay nakabatay sa uri. Ang bulto ng rebolusyonaryong buwis-hanggang mga 90%-ay kinokolekta mula sa mga mapagsamantala at mapang-aping naghaharing uri. Minimal at boluntaryo ito sa bahagi ng mga demokratikong uri, laluna sa bahagi ng masang anakpawis. Kabaligtaran ito ng pagbubuwis ng reaksyunaryong gubyerno, na progresibo lang sa papel pero sa katunayan ay atrasado dahil nagbibigay lang ito ng higit na pangganyak sa yaman habang binubuwisan ang kahirapan.

Ang rebolusyonaryong pagbubuwis sa mga kaaway sa uri ay ipinapataw pangunahin na sa mga empreso o operasyong pag-aari ng malalaking dayuhang kapitalista, malalaking komprador kapitalista, malalaking burukratang kapitalista at malalaking panginoong maylupa sa saklaw at paligid ng mga larangang gerilya. Ang mga proyekto ng rebolusyonaryong gubyerno na may anumang kagagawan sa mga rebolusyonaryong erya ay saklaw din ng rebolusyonaryong pagbubuwis.

Ang rebolusyonaryong pagbubuwis ay sekundaryong inilalapat din sa mga operasyon ng mga alyadong uri, tulad ng mga intermedyang-laking negosyante at mayamang magsasaka. Pero sa katunayan, walang ginagawang sapilitang pagpapataw at walang paglalapat ng mga parusa sa kanila dahil sa di pagbabayad ng buwis. Wala naman talagang ginagawang pormal na pagtataya at nagbibigay na lamang ng mga mungkahi na may maluwag na puwang para sa mga rasonableng pagliliban at iba't ibang konsiderasyon, laluna dahil sa pag-iral ng magandang relasyon at alyansang kasiya-siya sa magkabilang panig.

Ang paggamit ng dahas sa pagpapatupad ng pagbubuwis ay ipatutupad lamang sa mga negosyo, proyekto at operasyon ng mga kaaway sa uri, imperyalistang ahensya at reaksyunaryong gubyerno, pero ito lamang ay kung magmamatigas sila sa pagtangging bayaran ang kanilang mga pananagutan sa rebolusyonaryong gubyerno.

Ang rebolusyonaryong pagbubuwis ay ipinatutupad rin sa mga magsasaka, manggagawa at malamanggagawa mula sa tiyak na malalaking paglago ng kanilang kita bunga ng mga tagumpay ng rebolusyonaryong reporma sa lupa at iba pang pakikibakang agraryo. Maliit lang ito, halimbawa, dalawang porsyento ng netong kita ng mga maralitang kasam� nakinabang sa pagpapababa ng upa sa lupa. Pero, lahat nito ay boluntaryo at masayang iniaambag ng mga nagbenepisyo sa mapagpasyang papel ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika. Binibigay nila ito bilang suporta sa pagsusulong ng rebolusyonaryong kilusang kinabibilangan nila. Walang sapilitang ipinapataw sa kanila at sa katunayan kadalasang ang mga benepisyaryo pa nga ang gumagawa ng sariling pagtataya ng halagang ibabahagi nila sa rebolusyonaryong kilusan.

Bagamat sapat para pagbatayan ng pagtatayo-sa-sarili ng mga yunit ng BHB sa gawaing masa sa lugar, ang boluntaryong kontribusyong buwis ng mga magsasaka at iba pang masang anakpawis ay maliit para sa kabuuang pangangailangan ng rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, kung susumahin mas malaki pa ang iba pang boluntaryong kontribusyon nila sa anyo ng pagkain sa hapag-kainan, pabaong pagkain, damit, sabon, baterya, flashlight, pera, ilang gamit militar tulad ng mga kagamitang pangkampo, bota, teleskopyo, bala, at paminsan-minsan pati baril. Ang lahat ng mga ito ay malayong higit pa sa binibigay nila sa anyo ng mga boluntayong kontribusyong buwis. Ipinakikita lamang nito kung gaano minamahal at pinangangalagaan ng masa ang sarili nilang rebolusyonaryong gubyerno at hukbo.

Pakilarawan ang proseso ng rebolusyonaryong pagbubuwis sa mga kaaway sa uri?

Ganito 'yun. Bawat signipikanteng empresa sa loob o sa paligid ng isang rebolusyonaryong erya ay tinataya para sa naaangkop na rebolusyonaryong pagbubuwis. Gumagawa ng mga pagsisiyasat, pananaliksik, at pag-aaral sa operasyon at pinansya ng mga empresa mula sa mga datos sa field at mula sa sariling mga rekord pampinansya ng empresa at iba pang rekurso. Kabilang sa mga pinag-aaralan ang mga sumusunod: ang istruktura ng pag-aari ng empresa; ang pulitika at relasyon ng empresa at mga may-ari at susing upisyal nito sa rebolusyonaryong kilusan at sa mga imperyalista, militar at iba pang reaksyunaryong pwersa; ang mga sosyo-ekonomikong epekto ng ekonomya sa lugar at sa pambansanag ekonomya; ang relasyon ng empresa sa mga tauhan nito, sa mamamayan sa lugar at iba pang mga kaugnayan nito; ang epekto nito sa kapaligiran; ang etikong pangnegosyo, mga patakaran at praktikang panlipunan nito; mga kasalukuyan at nakaprodyek na aset, kita at ganansya nito---kabilang na ang mga nakatago.

Minsang ang isang empresa ay tinukoy na nararapat na patawan ng rebolusyonaryong pagbubuwis at tinaya para sa halaga ng babayarang buwis, ang lider ng tax implementation unit (TIU) ng BHB na may saklaw sa lugar ay magpapadala ng sulat o mensahe sa mga may-ari o manedyer ng empresa para humingi ng isang pag-uusap sa mga bagay ukol sa pagbubuwis. Bilang patakaran, ang mga pag-uusap sa pagitan ng TIU at mga kinatawan ng empresa ay ginagawa lamang sa mga konsolidadong sonang gerilya at nang may sapat na mga hakbanging panseguridad.

Sa mga pag-uusap na ito, ipinaliliwanag ng TIU ang katangian at mga layunin ng rebolusyonaryong kilusan, ang katangian at mga layunin ng rebolusyonaryong gubyernong bayan, ang katangian at mga layunin ng rebolusyonaryong pagbubuwis laluna kaugnay ng mga benepisyo nito sa mamamayan, at kung bakit ang empresa ay kailangang magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Pinagtitiyagaang ipaliwanag ng TIU na anumang tinatanggap nitong buwis ay hindi pupunta sa bulsa ng mga rebolusyonaryong lider bagkus ay gagamitin para pondohan ang mga esensyal na operasyon ng rebolusyonaryong kilusan at gubyerno at para itaguyod ang mga rebolusyonaryong programang panlipunan at sistema sa paghahatid ng mga serbisyong panlipunan sa saklaw ng operasyon ng rebolusyonaryong kilusan at gubyerno.

Makaraang magkasundo sa pangangailangan ng pagbubuwis sa empresa at sa magandang pupuntahan ng ibabayad na buwis, mas magdedetalye na ang negosasyon sa halaga ng buwis na dapat bayaran ng empresa. Kadalasang dito nagiging pinakamahirap at pinakamatagal ang negosasyon. Kadalasang mangangailangan ng ilang pag-usap tungkol sa mga bagay na ito bago magkasundo. Karaniwang tumatawad ang mga kinatawan ng empresa dulot umano ng pagsama ng klima para sa negosyo, maliit na kita o kagipitan sa pinansya at sa gayon makikipagtawaran sila para mababaan ang buwis. Pero, handa naman ang TIU sa mga datos mula sa mga pagsisiyasat at pananaliksik nito, inihaharap nito ang mga kontra-datos na nagpapakitang malaki rin naman ang ganansya ng empresa at ipinaliliwanag nito ang mga batayan sa pagtataya (0.25% ng kabuuang kita mula sa operasyon ng empresa). Sinisugurado ng rebolusyonaryong kilusan na ang buwis na iyan ay hindi makapipinsala sa pagnenegosyo. Napakaliit na bahagi lang ito ng kabuuang kita ng empresa-0.25% ng kabuuang kita ng empresa. Kaya nga karamihan sa mga pinapatawan ay pumapayag na ring magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Kapag nagkasundo, ang susunod na usapan ay kung paano ang sistema ng bayaran.

Ganito sa karaniwan kung saan ang empresa ay seryosong nakikipag-usap sa rebolusyonaryong kilusan para makipag-ayusan ukol sa rebolusyonaryong pagbubuwis. Pero, may mga kaso rin kung saan ang empresa ay sadyang mahirap kausap---at kadalasang may kaakibat itong pakikipag-sabwatan nila sa mga sandatahang pwersa ng gubyerno laban sa rebolusyonaryong kilusan. Kadalasan ang mga may-ari at manedyer ng ganitong mga suwail na empresa ay mga sagadsaring reaksyunaryo rin na mapang-abuso sa mga manggagawa at mamamayan sa komunidad at may di-makatao at antisosyal na mga patakaran at praktika sa pagnenegosyo. Ang mga ito ang pinapatawan ng parusang magdudulot sa kanila ng higit na malaki pang pinasala kaysa sa rebolusyonaryong buwis na iniiwasan nila. Karaniwang epektibo ang BHB sa paggawa ng angkop na mga hakbangin sa ganitong mga kaso.

Gayunman, kahit ang isang empresa ay pinarurusahan para sa simpleng di pagbabayad ng rebolusyonaryong buwis, tinitiyak ng BHB na ang mga aset at negosyo lang ng empresa ang napipinsalaan at na ang mga may-ari o manedyer, kahit gaano kabagsik, ay hindi sinasaktan, liban na lang kung mapatunayang personal silang nagkautang-na-dugo sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan at/o imbwelto sila sa pakikipag-sabwatan sa mga pwersa ng gubyerno laban sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Kaya, ganyan kadalasan. May negosasyon. Ang mga usapin ay dinadala sa hapag ng negosasyon. Walang personal na pananakot o pagbabantang ginagawa ang TIU. Wala ring pagpapadala ng bala, itim na ribbon o itim na damit. Lahat ng aspeto ng negosasyon sa pagbubuwis ay pormal at malumanay na isinasagawa. Sinisikap ng TIU na kunin ang respeto ng kabilang panig kahit pa walang napagkasunduan sa pagitan nila at tiyak na hindi mapapalampas ang empresa nila sa pag-iwas sa buwis.

Ano ang patakaran hinggil sa mga homosexual sa kilusan?

Napagtibay sa 10th plenum ng Komite Sentral ng Partido ang pagkilala sa karapatan ng mga kasama na pumili ng kasarian. Ang katwiran ng Partido, tayo ay nakikibaka para sa pagpapalaya ng tao, pati na pagpapalaya mula sa pang-aaping pangkasarian. Katulad ng kababaihan, ang mga homosexual ay dumaranas ng pang-aapi at diskriminasyon sa lipunan. Tinutunggali natin para mapawi ang lahat ng klase ng pang-aapi at diskriminasyon sa lipunan. Kung ang isang tao ay nakahandang lumahok sa pakikibaka, at pagdating lamang doon sa kasarian ay mayroon siyang pinipili, bakit mo ipagkakait sa kanya ang karapatang lumahok sa rebolusyon at maging kasapi ng Partido?

Maraming nabulaga sa resolusyong ito. Talagang pangitang merong madaling makaintindi---may mga nagsabing "Tayo'y nahuhuli. Sa ibang partido nga'y tanggap na iyan." At may mga kasama namang tumaas ang kilay.

Pero, sa patakaran ng 10th plenum hinggil diyan, mapagpasyang nilutas na ang usapin. Inilagay na iyan bilang isang seksyon sa Mga Gabay at Tuntunin sa Pag-aasawa sa Loob ng Partido. Palagay ko sa ngayo'y naiinternalisa na ito ng mayorya. Sa panig ko, naintindihan ko kaagad at naniniwala ako sa kalayaan ng mga kasamang pumili ng kasarian at makipagrelasyon maging sa kaparehong kasarian. Kinakailangan lamang nilang pumailalim din sa patakaran ng Partido sa pag-aasawa.

Marami na ring mga kasama sa Partido na bakla, lesbiana at sila'y kinikilala, nirerespeto at hinahangaan sa kanilang husay at katatagan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon nang walang kabawasan. Binigigyan sila ng mga karapatang kapantay ng iba. Meron na ring ikinasal na parehong lalake, at meron na ring parehong babae. Ewan ko ngayon kung nararamdaman pa sa loob ng Partido yung diskriminasyon na nagmumula sa impluwensya ng lipunan. Ang isang nakikita ko lang na suliranin na kailangang ayusin pa ay ang pagwawaksi ng nananatiling mga bahid ng diskriminasyon sa kanila ng masa sa kanayunan... at maaaring ng ilan pa ring kasamang galing sa uring magsasaka, bunga ng nananatiling impluwensya ng kulturang pyudal.

Kinakailangang pagtiyagaan matulungan ang mga may diskriminasyon pa upang silang makaintindi, dahil talagang matagal mabago ang kultura sa kanayunan. Kasabay ng pagbaka sa mga pagsasamantala, pang-aapi at iba pang impluwensyang pyudal, gumagawa rin naman ang Partido ng mga ekstrang pagsisikap at pamamaraan para mapatagos at mapabilis ang pagwawaksi sa pang-aapi at diskriminasyong pangkasarian.


Sa Araw-araw

Papaano ninyo ilalarawan ang isang tipikal na araw ng Pulang mandirigma o ng mga kasama sa kanayunan?

Sa totoo lang, taliwas sa pagka-unawa ng iba na ang BHB ay wala nang inaasikaso kundi ang pananalakay, ang deployment ng hukbong bayan ay 90:10. Di hihigit sa 10% lang ang nakatuon sa aktwal na gawaing militar, kabilang na ang mga pagsasanay-militar. Sa kabilang banda, di bababa sa 90% ng panahon ng isang mandirigma ang nakatuon pangunahin na sa gawaing masa---pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masang masasaka---at iba pang gawaing pampulitika, tulad ng gawaing alyansa at gawaing produksyon para sa masa at sa sariling yunit. Sa paggagawaing masa, nilalapitan ng hukbong bayan ang mga magsasaka, pinauunawa sa kanila ang mga saligang suliranin, ang ugat ng mga ito, bakit umiiral ang mga ito, ano ang solusyon sa mga ito at paano makakamit ang solusyon. Kapag naimulat, oorganisahin at kapag naorganisa ay pakikilusin ang mga magsasaka para sa mga pangkagyatan at estratehikong kalutasan.

Ang araw-araw na buhay ng BHB ay pakikisalamuha sa masa, walang sawang pagpopropaganda, pag-eeduka, pakikipagtalakayan, tuiwirang pagtulong sa produksyon ng masa at sa kung ano ang madatnang trabaho ng masa sa bahay ng masa. Sinisikap ng mga kasamang lumahok sa lahat ng ito---pagluluto, paghuhugas ng mga kinainan, pag-iigib, pagsisibak ng panggatong, paglilinis, hanggang sa paglutas ng mga suliraning pampamilya. Ang layuni'y makatulong mula sa pinakamaliit na bagay na makabuluhan din para sa masa hanggang sa paglutas ng pinakamalalaking suliranin. Pinakamalaki na nga ang suliranin sa lupa---pangunahing pamamaraan ng mga kasama sa pagtulong dito ay sa pamamagitan ng pagtuturo at pamumuno sa kanilang maintindihan ang usapin at makibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Naririyan din ang pagtulong sa paglutas ng iba pang mga problema ng masa, tulad ng pagsasamantala ng mga komersyante-usurero, problema sa pang-aapi ng gubyerno, ng militar, ng mga warlord, mga problema sa kriminalidad at iba pa. Sa karamihan nito'y ang pagtulong ay pangunahin na sa pamamagitan ng pagtuturo sa masa upang organisahin ang sarili at kumilos para sa sariling kapakanan at kapakanan ng kapwa.

Kaya ang mga Pulang mandirigma ay ahitador, organisador at kampanyador din. Minsan, pari din siya dahil nilalapitan ng masa kapag may problema. Minsan ay abugado---tagapagtanggol ng mga magsasaka laban sa panloloko at pang-aapi ng mga panginoong maylupa, mga negosyante, mga burukrata. Madalas ring counsellor o arbiter siya-nag-aayos ng mga kontradiksyon sa pagitan ng mga tribo, mga alitan ng mga taumbaryo at madalas din sa pagitan ng mag-asawa o sa pagitan ng mga kabataan at mga nakatatanda sa pamilya o sa baryo.

Ang mga mandirigma ay napapasabak sa kung anu-anong trabaho. Dahil kung ano ang inilapit na problema ng masang magsasaka ay obligada ang mga rebolusyonaryo na tugunan. Kung hindi pa lubusang alam ng kasama ang tungkol dito ay kinakailangan siyasatin at pag-aralan pa niya ito. Kailangang magtanong siya sa ibang mga kasama o sinumang may nalalaman para may maitulong siya at mahanapang lagi ng kalutasan ang anumang makabuluhang usaping ilapit ng masa. Dahil tayo ay rebolusyonaryo, responsableng inako natin ang lahat ng ito.

Nakasandig din ang BHB sa masa maging sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, kaya maging sa pagpapatupad ng mga gawaing militar---mula sa pagsisiyasat at paniktik, paghahanda ng babauing pagkain, gamot at iba pang suplay, at sa ilang pagkakataon maging sa aktwal na pagpapatupad---kailangan na kailangan ng hukbong bayan ng tulong ng masa.

Kaya't ang bawat Pulang mandirigma ay masasabing lubusang nakalubog sa masa at ang buhay ng mamamayan ang siya nang buong buhay niya. Pangalawa na lamang sa kanya ang pakikibaka para sa sarili, para sa pamilya. Isinanib at inilulugar na niya ang mga ito sa araw-araw na trabaho at pakikipaglaban para sa sambayanan.

Bilang isang padre de pamilya, papaano ninyo itinuturing ang pamilya bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan? Papaano tinatanggap ng iyong pamilya ang iyong pagiging rebolusyonaryo?

Kung sa panig ko, ako ay may sarili na ring rebolusyonaryong pamilya. Yung iniwan kong pamilya---yung pamilya ng aking magulang, noong una ay hindi nila kaagad naunawaan at talagang tumutol sila, pero hindi ito naging problema sa akin. Nagpapaliwanag ako sa kanila, sabi ko balang araw maaintindihan din nila. Pero, ngayon ay naiintindihan na nila. Hindi ko lang alam kung lubos na lubos na nilang natatanggap pero sinusuportahan nila ako at ang aking pamilya.

Kapag ang rebolusyonaryo ay tuluy-tuloy na nakikibaka at humarap sa sariling pagpapamilya, ang susunod na obligasyon niya ay huwag hayaang mangibabaw ang burgis at pyudal na mga kalakaran at impluwensya sa pagpapamilya at pagpapalaki ng mga bata, kundi itransporma ang pamilya sa pagiging rebolusyonaryong pamilya. Kapag umabot sa ganyan ay siya nang pinakamasayang oras para sa kanya, sa kanyang pamilya at sa mga kasama.

Ano ang pinagkukuhaan ninyo ng kasiyahan habang naglulunsad ng seryoso at mahirap na armadong pakikibaka?

Sabi nga ng mga dayuhan, isang matingkad na katangian ng mga Pilipino, maging ng mga rebolusyonaryong Pilipino, ang pagiging masaayahin. Kapareho daw ng mga rebolusyonaryong Pinoy ang mga rebolusyonaryo sa Vietnam.

Isang kairalan sa mga yunit ng BHB, at maging sa pakikisalamuha ng mga kasama sa masa, ang malakas at nakahahawang rebolusyonaryong camaraderie---ang maalab at masayang mapagkasamang pagsasamahan. Bunga ito ng higpit ng pagkakaisa sa mga rebolusyonaryong prinsipyo, mga ipinaglalabang adhikain, makauring pagmamahalan, malusog na mga kolektibo at tuluy-tuloy na pagtutulungan at pagdadamayan, pagiging magkapatid sa pakikibaka, mga pinagsamahang laban---kapwa matagumpay at bigo.

Sa hukbo, karaniwang kasiyahan ang pagbibiruan. Nariyan din ang madalas na pag-aawitan ng magagandang awiting rebolusyonaryo at tuluy-tuloy na pagpapalitan ng mga mahahalagang karanasan at aral. At saka obligado rin tayong paminsan-minsan ay pasayahin ang sarili para hindi naman tayo 'ika nga'y mabagot, mabilis na tumanda at maging masyadong seryoso. Madali tayong gumawa ng mga bagay na ikinatutuwa, ikinasasaya ng lahat. Kaya't sa araw-araw na buhay ng hukbong bayan, makikita mo ang maraming kasayahan at kasiyahan, maraming nakakatawa at nakatutuwang bagay, maraming nakapagpapataba ng pisngi at puso. Laluna mula nang makapangibabaw na mula sa mga nakaraang disoryentasyon, halos wala kang makakikitang pagkalugmok at matabang na pakikisalamuha.

Katangian din naman talaga ng isang rebolusyonaryo ang pagiging sabi nga'y "mababaw ang kaligayahan". Palibhasa'y estratehiko ang pananaw niya, lubos na pinahahalagahan niya ang mga kagyat na tagumpay at kahit pansamantalang natatamasang kaligayahan at kaginhawaan. Dahil kontrolado ng rebolusyonaryo ang kanyang pag-iisip, kaya niyang pasayahin ang kanyang sarili kahit sa gitna ng mahirap na gawain, mahigpit na kalagayan, malaking problema at maging sa harap ng kaaway at kabiguan.

Partikular sa akin, mahilig akong makinig ng musika. Kahit noong ako ay hindi pa rebolusyonaryo, mayroon akong natutuhang kawikaan at hindi ko na nga malaman sino ang may-akda, grade 3 pa ako noon-ang sabi ay "music makes me happy in times of peace and makes me brave in the time of war". Hinding hindi ko iyan nakalilimutan.Ang mas problema ko lang, ang mga gusto kong pakinggang musika ay hindi na kinahihiligan ng nakararami nating mga kasamang kabataan. Iilan na lang kaming mahilig sa ganoong mga musika, pero ok pa rin sa akin.

Higit sa lahat, ang pinaka-nagdudulot sa atin ng kasiyahan ay nakagagampan tayo ng ating mga rebolusyonaryong gawain, nakatutulong tayo sa unti-unting pagmumulat ng mamamayan, nagkapag-iipon tayo ng mga tagumpay. Iyan ang pinakaultimong kasiyahan natin, ang makagampan ng ating rebolusyonaryong gawain, makatupad ng ating tungkuling sinumpaan sa rebolusyon at mamamayan, makapag-ambag sa kabuuang pagsulong ng rebolusyon.

Reference:
Anne Buenaventura
Media Officer
Cellphone Number: +63910-240-3553



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.