Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
SULONG TUNGO SA GANAP NA TAGUMPAY!

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipino
Marso 29, 1989

Introduksyon


Dalawampung taon na ang nakalilipas mula nang itatag ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Marso 29, 1969 sa pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Malalaking tagumpay ang natamo ng BHB sa pagpapalakas sa sarili bilang isang pwersang rebolusyonaryo, sa pagtatayo ng baseng masa, at sa pakikibaka para sa mga pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino laban sa paghaharing dayuhan at pyudal.

Ang mga tagumpay na ito'y ikinararangal ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng buong sambayanang Pilipino, at ang mga ito'y ipinagbubunyi nila kasama ng mga Pulang kumander at mandirigma ng BHB. Nakamit ang mga tagumpay na ito sa pamamagitan ng mahirap na pakikibaka at mga sakripisyo ng Partido, hukbong bayan at rebolusyonaryong masa. Nagpupugay ang Partido at ang bayan sa mga rebolusyonaryong martir at mandirigma.

Sa buong kasaysayan ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan ang lumitaw na pinakamalaki, pinakamalawak at pinakamakapangyarihang hukbong nakikibaka para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya ng sambayanan.

Isinusulong at dinadala nito sa isang bago at mas mataas na antas ang rebolusyonaryong pakikibaka ng Katipunan at rebolusyonaryong hukbong Pilipino sa lumang demokratikong rebolusyon gayundin ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) at Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB).

Kung walang hukbong bayan, walang sinag ng pag-asa ang sambayanang Pilipino sa gitna ng karimlang inilambong sa kapuluang Pilipino ng imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryong uri ng mga malaking kumprador at panginoong maylupa.

Minamahal at kinakalinga ng sambayanang Pilipino, laluna ng masang anakpawis na manggagawa't magsasaka, ang Bagong Hukbong Bayan sapagkat ito ang panlabang organisasyon ng kanilang mga piling anak at sapagkat ito ang sandata para magapi ang mga pwersa ng kadiliman at matamo ang ganap na tagumpay ng rebolusyon.

1. Mga Rebolusyonaryong Prinsipyo ng Bagong Hukbong Bayan

Ang Bagong Hukbong Bayan ang pangunahing instrumento ng Partido Komunista ng Pilipinas, National Democratic Front (NDF o Pambansa-Demokratikong Prente) at buong sambayanang Pilipino para maisakatuparan ang sentral na tungkulin na wasakin ang militar-burukratikong makinarya ng reaksyunaryong estado, agawin ang kapangyarihang pampulitika at kamtin ang ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay kumakapit sa makauring linya ng bagong demokratikong rebolusyon. Nangangahulugan ito ng pagsunod sa pamumuno ng proletaryado, pagbubuo ng saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka, paghimok sa petiburgesya ng lunsod bilang isang saligang pwersa ng rebolusyon at sa panggitnang burgesya bilang isang positibong pwersa, at pagsamantala sa pagkakahati ng malalaking kumprador at panginoong maylupa para ihiwalay at lipulin ang pinakareaksyunaryong pangkatin sa hanay nila na naglilingkod sa imperyalismong US.

Sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon, itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan ang antipyudal na linyang makauri sa kanayunan. Sa pagsunod sa pamumuno ng proletaryado, pangunahin itong umaasa sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, nanghihimok sa mga panggitnang magsasaka, nagnunyutralisa sa mga mayamang magsasaka, at nagsasamantala sa pagkakahati ng mga panginoong maylupa para ihiwalay ang mga despotikong panginoong maylupa at lipulin ang kanilang kapangyarihan at kung gayo'y ang kapangyarihan ng buong uring panginoong maylupa.

May mapagpasyang papel ang Bagong Hukbong Bayan sa pagdadala ng magsasakang siyang nakararami sa sambayanan sa panig ng rebolusyon at sa pagbubuo ng saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka bilang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Sa pamamagitan ng hukbong bayan, pinapanday ng mga proletaryong rebolusyonaryo ang pinakamahigpit na kawing sa masang magsasaka.

Sa paglulunsad ng rebolusyonaryong pakikibaka, pinagsasanib ng Bagong Hukbong Bayan ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng base. Hindi magtatagumpay ang isa kung wala ang dalawang iba pa.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay naglulunsad ng matagalang digmang bayan. Nilalaman ng digmang ito ang istratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan, pag-iipon ng lakas sa kanayunan hanggang sa makayanan na ng hukbong bayan ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa kalunsuran. Patunay sa katumpakan ng linyang ito ang nakaraang 20 taon.

Mula sa pagiging maliit at mahina, ang Bagong Hukbong Bayan ay lumalaki at lumalakas. Nasa kanayunan ang bulto ng mamamayang Pilipino, naroon ang pinakamalawak na maniobrahan ng Bagong Hukbong Bayan, at doon ito makapagpapalakas nang husto dahil sa suportang popular at paborableng kalupaan.

Tatlong istratehikong yugto ang malamang na dadaanan ng matagalang digmang bayan: ang depensiba, pagkakapatas at opensiba. Habang nasa istratehikong depensiba, nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba ang Bagong Hukbong Bayan para gapiin nang baha-bahagi ang kaaway at para makapag-ipon ng lakas.

Bagamat sa istratehiya'y nasa opensiba ang kaaway, hindi naman niya magagamit ang kanyang kalamangang militar para pigilin ang paglaki ng BHB. At lalong hindi madudurog ng kaaway ang BHB pagkat siya'y binubulag ng kanyang reaksyunaryong interes, nangangapa sa dilim sa pagbanat sa hukbong bayan, at nahihibang sa pag-atake sa mamamayan. Sa huli'y magtatagumpay ang BHB sapagkat ipinaglalaban nito ang isang rebolusyonaryo at makatarungang layunin at sinusuportahan ito ng malawak na masa ng sambayanan. Sa kabilang banda, tiyak na mabibigo ang AFP dahil ang ipinaglalaban nito'y ang reaksyunaryo at kontra-mamamayang interes ng mga naghaharing uri.

Ang masang magsasaka ay lumalahok sa armadong rebolusyon hindi lamang dahil sa dapat nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pandarahas ng kaaway kundi dahil sa pabor sila sa tunay na reporma sa lupa at sa buong pambansa-demokratikong programa ng rebolusyonaryong kilusan.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay sumusunod sa linya ng Partido na ang solusyon sa problemang agraryo ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon. Instrumental ito sa pagtataguyod ng kilusang magsasaka at pagsasakatuparan ng rebolusyong agraryo.

Determinado ang Bagong Hukbong Bayan na ipatupad ang minimum na programa ng reporma sa lupa na kinapapalooban ng pagbabawas ng upa sa lupa, pagpawi sa usura o pagkontrol sa interes sa pautang, pagtataas ng sahod ng mga manggagawang bukid, pagmantini ng makatuwirang presyo ng mga produktong bukid, at pagpapaunlad ng produksyon sa agrikultura at mga karagdagang pinagkakakitaan sa pamamagitan ng simpleng pagtutulungan at mga indibidwal na proyekto.

Batay sa lakas ng rebolusyonaryong kilusang masa, determinado ang Bagong Hukbong Bayan na ipatupad sa buong bansa ang maksimum na programa ng reporma sa lupa na kinapapalooban ng pagkumpiska sa lupa ng mga despotikong panginoong maylupa, pagsasauli ng lupa sa mga magsasaka at libreng pamamahagi ng lupa sa mga nagbubungkal. Kahit ngayon, isinasagawa na ang makismum na programa sa lupa laban sa mga despotikong panginoong maylupa at mangangamkam.

Sa pamamagitan ng tunay at puspusang reporma sa lupa, natatamo ng masang magsasaka ang pagpapalaya sa ekonomya at pulitika. Nangyayari ito sa dahilang may lumalakas na hukbong bayan na nagtatanggol sa lahat ng demokratikong tagumpay ng mamamayan.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay hindi lamang basta nagpapalakas ng sariling organisasyon kundi nagpupundar rin ng kinakailangang baseng masa at nagpapaunlad ng mga larangang gerilya, baseng gerilya at sonang gerilya. Garantiya sa pananatili, patuloy na paglaki at ultimong tagumpay ng hukbong bayan ang masikhay na pagbubuo ng lakas ng mamamayan sa pulitika, organisasyon at militar sa mga lokalidad, at ang pagpapaunlad ng buo-buong mga baryo at bayan bilang mga balwarte ng armadong rebolusyon.

Absolutong tungkulin at pangangailangan ng Partido sa loob ng hukbo gayundin ng BHB ang pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa, Partido at milisyang bayan sa mga lokalidad.

Ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay mga komite ng mamamayan para sa pamamahala sa sarili mula sa antas ng baryo pataas. Ang mga ito ay tinutulungan ng mga aktibong komite na umaasikaso sa organisasyong masa, edukasyon, reporma sa lupa, kabuhayan, depensa, kalusugan, arbitrasyon, usaping pangkultura at iba pang aspeto ng pangangasiwa at buhay-lipunan.

Ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, aktibistang pangkultura at iba pa ay nagbibigay ng malapad na base sa mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Sa mga organisasyong ito niririkrut ang mga lalaki't babae para sa mga lokal na iskwad gerilya, milisya at mga yunit na pandepensa sa sarili, na pawang mga reserba at aktibong karagdagan sa BHB para ipagtanggol ang sambayanan.

Habang naglulunsad ng prinsipal na anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka -- ang armadong pakikibaka -- sa kanayunan, mulat na mulat ang BHB na kailangang maglunsad ang malawak na masa ng lahat ng anyo ng pakikibaka sa kalunsuran at kanayunan.

Dapat magkaroon ng integrasyon, koordinasyon at papaunlad na tugunan o spiral interaction ng lahat ng anyo ng pakikibaka -- armado at di-armado, ligal at iligal, lihim at hayag -- hanggang sa ang lakas ng hukbong bayan ay sumanib sa pag-aalsang popular na magbabagsak sa kahuli-hulihan sa buong naghaharing sistema.

Ang hukbong bayan ang prinsipal na sandata para wasakin ang mapanupil na makinarya ng kaaway, subalit kailangan ang lahat ng klase ng sandatang hawak ng mga mamamayan mula sa iba't ibang antas ng lipunan para pahinain at wasakin ang naghaharing sistema.

Hindi sana natin nabuo ang BHB sa pambansang saklaw kung walang nauna at tuluy-tuloy na pagsulong ng ligal na demokratikong kilusang masa sa pambansang saklaw. Marami sa mga kadre ng Partido sa BHB ang nagmula sa mga organisasyong masa sa lunsod, laluna sa mga organisasyon ng mga manggagawa, kabataan, kababaihan at propesyunal.

Upang laging magtagumpay sa armadong pakikibaka, dapat mahigpit na kumapit ang Bagong Hukbong Bayan sa pambansa-demokratikong programa, sumunod sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, at kumuha ng pinakamalawak na suportang masa sa pamamagitan ng NDF, mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa sa kalunsuran at kanayunan.

Matapos ang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, magsisimula ang sosyalistang rebolusyon. Determinado ang Bagong Hukbong Bayan na kamtin at ipagtanggol ang mga rebolusyonaryong tagumpay ng mamamayan sa bawat yugto ng rebolusyong Pilipino.

2. Pag-unlad ng Bagong Hukbong Bayan

Nakita ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagbubuo ng Bagong Hukbong Bayan at ang pagtatatag nito'y itinakda sa konstitusyon ng PKP na pinagtibay noong Disyembre 26, l968.

Ang muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa teoretikal na patnubay ng Marxismo-Leninismo, alinsunod sa pangkalahatang linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon at sa landas ng armadong rebolusyon, ay kasabay ng paghiwalay ng mga Pulang mandirigma noong Pebrero l969 sa gangster na pangkating Taruc-Sumulong na nang-agaw sa pamumuno sa lumang hukbong bayan.

Kasunod nito, tinipon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang makaranasang mga Pulang kumander at mandirigma ng lumang hukbong bayan at ang mga proletaryong rebolusyonaryong kadre na sumulpot mula sa hanay ng rebolusyonaryong kilusang masa sa lunsod upang itatag ang Bagong Hukbong Bayan.

Ang BHB ay nagsimula sa 60 Pulang mandirigma lamang na may siyam na ripleng awtomatiko at 26 na mahihinang armas; sa tuwirang baseng masa sa kanayunan na 80,000 katao sa ikalawang distrito ng Tarlac; at sa pag-asang makapagpalawak sa buong bansa bunga ng pagkakaroon ng ilampung kadre at ilandaang sulong na aktibistang masa mula sa rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran na noo'y may 50,000 kataong nakapaloob sa mga organisasyong masa.

Noong 1969 at 1970, ang Bagong Hukbong Bayan ay nakapagpalaki ng armadong lakas nito (umabot sa mga 200 ripleng awtomatiko) mula sa mga taktikal na opensiba, nakapagbuo at nakapagkonsolida ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, at nakapagpasigla ng kilusang magbubukid sa ikalawang distrito ng Tarlac. Binigyang-inspirasyon nito ang kilusang manggagawa at kabataan sa kalunsuran.

Ang pagbugso ng armadong pakikibaka at kilusang magsasaka ay sumabay sa pagbugso ng rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran. Gumanti ang kaaway sa pamamagitan ng pagpapakawala sa gadibisyong Task Force Lawin at mga "Barrio Self-Defense Units" at pagpaslang sa mga lider-magsasaka sa kanayunan; at sa pamamagitan ng pagbuwag sa mga aksyong masa ng mga kabataan at manggagawa sa mga lunsod sa bigong tangkang pigilin ang umaarangkadang kilusang masa laban sa imperyalismo at pyudalismo.

Hanggang sa malansag ang bandidong pangkating Taruc-Sumulong noong 1971, pinigil nitong makapagpalawak ang Bagong Hukbong Bayan sa labas ng Mabalacat, Pampanga at ng isang maliit na bahagi ng Nueva Ecija sa Gitnang Luson. Bunga ng gadibisyong operasyon ng kaaway laban sa kabubuong hukbong bayan, lumipat sa Isabela ang liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.

Bago pa man pormal na itinatag ang Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29, 1969, may ilang kadre nang sinanay at ipinadala para umasikaso sa rebolusyonaryong gawaing masa sa mga prubinsya ng Isabela at Negros. Nabigo ang unang pangkat-pang-ekspansyon na ipinadala sa Negros dahil sa nakipagbarilan ang mga myembro nito sa pulis bago pa man napaunlad ang isang baseng masa.

Bago binuo ng kaaway ang gadibisyong Task Force Saranay para tugisin ang Bagong Hukbong Bayan noong 1971, ang ilang kadreng natalaga sa Isabela ay nakalikha ng baseng masa na may 150,000 katao at nakapagbuo ng ilampung sandatahang yunit pampropaganda ng Bagong Hukbong Bayan mula sa panimulang armadong pwersa na may 20 riple at maiikling baril mula sa Tarlac.

Nang panahong iyon, nakapagpalawak na ang BHB sa maraming prubinsya sa Cagayan Valley at Cordillera, at nakapagsanay na ng marami-raming kadre para mapalawak sa buong bansa ang armadong rebolusyon. Ang mga kadreng may pagsasanay na pulitiko-militar at may praktikal na karanasan sa gawaing masa sa kanayunan ay isinanib sa iba pang kadreng iniluwal ng Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 at ng pagbugso ng progresibong kilusang masa sa mga lunsod ng buong kapuluan noong 1970-72.

Ang disisyon noong 1970 na magbuo ng mga panrehiyong komite ng Partido at mga panrehiyong kumand ng BHB ay nagresulta ng pagkakabuo ng mga ito sa Hilagang Luson, Gitnang Luson, Maynila-Rizal, Timog Luson, Kanlurang Bisaya, Silangang Bisaya at Mindanaw noong 1971 at 1972.

Kahit wala pang naunang pagsasanay na pulitiko-militar sa Isabela, sinimulan ng mga kadre mula sa kilusang kabataan sa lunsod ang armadong pakikibaka sa Camarines Sur sa Kabikulan. Noong 1972, hindi lamang nabawi ng BHB ang nawalang lugar sa ikalawang distrito ng Tarlac, bagkus, mabilis pa itong nakapagpalawak sa karamihan sa mga prubinsya ng Gitnang Luson.

Nang ideklara ang batas militar noong Setyembre 1972, ang mga panimulang pambansang lambat ng mga panrehiyong komite ng Partido at kumand ng hukbo ay nagtatayo na ng mga sonang gerilya sa mga istratehikong bahagi ng lahat ng mayor na isla ng bansa. Para sa Partido at BHB, ang 1972 hanggang 1974 ay panahon ng pagkalat sa buong bansa, malalim na pag-ugat sa hanay ng masang anakpawis at pagpapasiklab ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa malawakang saklaw.

Mula 1972 hanggang 1974, bunga ng deklarasyon ng batas militar at imposisyon ng pasistang diktadura sa buong bayan, inakala ng mga katutubo't Amerikanong reaksyunaryo na nagtagumpay sila sa pagpigil at pagsupil sa rebolusyonaryong kilusang masa, laluna sa mga pangunahing yunit ng BHB sa Isabela at sa kabuuang kilusang masa sa kalunsuran. Nakaharap ng kabubuong mga organisasyon ng Partido at hukbo sa mga rehiyon ang maraming limitasyon at kahirapan. Ang maliliit na yunit ng hukbong bayan na pawang salat sa karanasan at armas ay madaling tamaan ng mga search and destroy tactics ng kaaway. Daan-daang kadre ng Partido at Pulang mandirigma ang inaresto't pinahirapan o kaya'y nalugmok sa larangan ng digma.

Pero sa kabuuan, lalo lamang pinag-alab ng pasistang diktadura ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Mas maraming kadre at aktibistang masa ang nagsimartsa pasulong upang lumahok sa kilusang lihim at armadong rebolusyon. Ang pagkatalo sa isang sonang gerilya ay higit na nababawi sa pagkakabukas at pagsulong ng iba pang sonang gerilya. Pagsapit ng l974, karamihan sa mga panrehiyong organisasyon ng Partido at hukbo ay malalim nang nakaugat sa masa at nakaaasa sa sarili.

Noong 1974, inilabas ang "Mga Partikular na Katangian ng Digmang Bayan sa Pilipinas" para linawin ang katangian, paraan ng pagsusulong at hinaharap ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa kapuluang Pilipino at bigyan ng kumpyansa ang armadong rebolusyonaryong kilusan. Sinagot nito ang maraming katanungan na kung nanatiling nakabitin ay nakapanghina sana sa mapanlabang diwa ng rebolusyonaryong kilusan.

Noong 1976, inilabas ang "Mahihigpit Nating Tungkulin" upang lalong linawin ang sitwasyon sa pagitan ng kaaway at rebolusyonaryong kilusan; at upang itakda ang lahatang-panig na mga tungkulin at praktikal na paraan sa gawaing masa at pagbubuo ng malawak na suporta sa armadong rebolusyon at sa ligal na demokratikong kilusang masa.

Hanggang 1979, mga sandatahang yunit pampropaganda at mga iskwad gerilya ang pinakamalaganap na anyo ng yunit ng BHB, bukod sa ilang platun na nagsilbing konsentrahan at pwersang pambato. Ang mga taong 1969 hanggang 1979, unang dekada ng BHB, ay panahon ng paglalatag ng armadong rebolusyon sa buong bayan at pagpapaunlad ng mga sonang gerilya sa pinakaistratehikong mga lugar sa buong kapuluan.

Noong 1979, ipinamalas sa buong bansa ng mga pangunahing yunit na platun at kumpanya sa Samar kung paano mapalalakas ang rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng madalas na taktikal na opensiba. Nang panahong iyon, nalikha ng Partido at BHB sa isla ang suportang masa na may sapat na lawak at lalim.

Ang mga taong 1980 hanggang 1983 ay panahong kinatangian ng mabilis na pagtatayo at pagpapalawak ng mga sonang gerilya sa buong bayan. Lumitaw sa Samar, Mindanaw at iba pang lugar ang mga platun, pinalaking platun at kumpanya. Naging laganap ang mga taktikal na opensiba ng BHB, kabilang ang mga operasyong isparo at partisano.

Noong l983, naabot ng armadong rebolusyonaryong kilusan ang kritikal na antas na 5,000 malalakas na riple. Nagbunga ito ng pagtindi ng armadong pakikibaka at mabilis na paglawak ng baseng masa sa buong kapuluan.

Nanguna ang mga pwersa ng BHB sa Mindanaw sa kamangha-manghang pagsulong ng armadong pakikibaka mula 1981. Sinamantala ng Partido at ng BHB ang mga salik na kagaya ng paborableng kalupaan, lumalalang krisis sa ekonomya, lumalaking ligalig na panlipunan at namumuong sigwang pampulitika para mabilis na maisulong ang pakikidigmang gerilya at kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran ng Mindanaw.

Mula 1983 hanggang kalagitnaan ng 1985, umabot sa walang kapantay na saklaw at tindi ang armadong pakikibaka sa Mindanaw bunga ng paulit-ulit na operasyong kumpanya, kasabay ng malawakang mga operasyon ng mga iskwad at platun ng gerilyang lokal at ng mga yunit partisano sa mga sentrong lunsod. Kasabay nito, inilunsad ng masa sa kalunsuran at kanayunan ang militanteng mga aksyong protesta na tinampukan ng mga pangkalahatang welga ng mamamayan at manggagawa. Ang kumbinasyon ng mga pakikibakang ito ay isa sa mas malalakas na dagok na tuluyang nagpabagsak sa pasistang rehimeng Marcos.

Bandang katapusan ng 1984, unti-unti nang naramdaman ang mga problemang dulot ng reaksyon ng kaaway sa mga operasyong kumpanya ng BHB, pagkabara ng gawaing konsolidasyon sa Partido at baseng masa, at pangangailangang isustine at paunlarin ang mas malalaking pormasyon. Subalit abalang-abala ang rebolusyonaryong pwersa sa aktwal na pagpapatindi ng mga aksyong militar at mga kampanya at pakikibakang masa kaya't hindi nabigyan ng kagyat at masusing pansin ang mga problemang ito laluna ang tungkol sa konsolidasyon.

Ganito ang sitwasyon sa Mindanaw nang matuklasan ang problema sa impiltrasyon ng kaaway noong bandang kalagitnaan ng 1985. Sa kasamaang palad, napalaki at di wastong nahawakan ang problemang ito, hanggang sa magkaroon ng dislokasyon, kalituhan at demoralisasyon sa loob ng rebolusyonaryong hanay. Nagbunga ito ng medyo paghina ng andar ng rebolusyon bagamat hindi naman umatras ang kilusan sa antas na mas mababa kaysa noong 1983.

Sa iba pang rehiyon ng bansa, sunud-sunod na lumitaw ang mga yunit na laking-kumpanya. Sa Samar, hinati sa mga platun ang unang kumpanya nito noong 1981 pero muling binuo ang kumpanya at nagtayo pa ng mga bago noong 1983. Sumunod ang Hilagang Luson noong huling dako ng 1984, na sinundan naman ng Negros, Bikol, Timog Katagalugan at Panay noong 1985. Bukod pa sa mga kumpanyang ito ang maraming platun at iskwad na kumikilos sa saklaw ng larangan, distrito at seksyon.

Binuo ang mga yunit partisano sa kapatagan at mga sentrong lunsod sa labas ng Mindanaw noong 1985 bagamat nabuo na ang ilan noong 1984. Naramdaman ang buong epekto ng mga ito nang sumunod na mga taon. May natatanging kabuluhan ang muling pagbubuo ng mga armadong partisano ng lunsod sa rehiyong Maynila-Rizal noong 1984 at ang pag-unlad ng mga ito nang sumunod na mga taon.

Sa gitna ng ganitong kalagayan, nakita ng Komite Sentral ng Partido na napapanahon na ang pagdaraos ng Unang Pambansang Kumperensyang Militar ng Partido noong Disyembre 1984 para tasahin ang mabilis na umuunlad na armadong pakikibaka at ang buong sitwasyong militar sa bayan, magpalitan ng karanasan sa pagbubuo ng hukbo at armadong pakikibaka, at magbalangkas ng mga resolusyon tungkol sa pambansang istruktura ng kumand ng BHB, istandard na mga kurso sa pagsasanay ng mga upisyal at ordinaryong mandirigma, at mga panuntunan sa pagbuo ng mga regular na kumpanya at yunit partisano.

Nang magtatapos ang 1985, umabot na sa 7,000 malalakas na riple ang lakas ng BHB. Krusyal at namumukod-tangi ang papel na ginampanan ng armadong pakikibaka sa buong bansa sa pamumuno ng Partido para maibagsak ang pasistang rehimeng Marcos.

Noong unang taon ng rehimeng Aquino, may pagbagal ang armadong pakikibaka bunga ng disisyon ng pamunuan ng Partido na magkaroon ng ilang renda sa pagsusulong nito sa harap ng bagong sitwasyong pulitikal. Isa pang salik ang pag-uurong-sulong na ibinunga ng mga internal na dibate hinggil sa bagong rehimen at sa mga inaalok nitong potensyal sa pagsusulong ng demokrasya. Itinigil din ang mga taktikal na opensiba sa loob ng 60 araw na tigil-putukan.

Pero hindi lamang pulitikal ang mga problema. Nahihirapan pa rin ang mga panlabang yunit ng BHB sa pagharap sa malalaking pormasyon, armor, suportang artilyeriya at panghimpapawid, at mga portipikasyon na papadalas gamitin ng kaaway mula noong 1985.
Sa kabila ng mga kumplikasyon at kahirapan, iwinagayway ng mga rebolusyonaryong pwersa, laluna sa Hilagang Luson, ang bandila ng armadong rebolusyon. Ito ang dahilan ng pagdagdag pa nga ng ilandaang malalakas na riple sa kabuuang armadong lakas ng BHB.

Pagkatapos na maputol ang kasunduan sa tigil-putukan sa pagpasok ng 1987, inilunsad ng BHB ang kauna-unahang kampanyang opensiba na koordinado sa antas pambansa bilang sagot sa deklarasyon ng total war ni Aquino at sa makahayop na kampanya ng lagim ng AFP. Sa naturang kampanyang militar, sinubok ng BHB sa kauna-unahang pagkakataon ang gayong kalawak at katinding atake sa kaaway na gumagamit ng mga aksyong mapanlipol at mapanggasgas. Kasabay ng pambansang welgang bayan at iba pang pangmasang aksyong protesta, ang kampanya ng BHB ay nagbigay ng mariing dagok sa low intensity warfare ng rehimeng US-Aquino at gumatong sa mararahas na hidwaan ng mga reaksyunaryo na pumutok sa kudeta noong Agosto 27.

Mula 1987, naabot na ng BHB ang walang kapantay na tindi sa armadong pakikibaka bunga ng mga taktikal na opensiba at gawaing pampulitika. Dramatiko ang pagdami ng mga taktikal na opensibang gakumpanya at gaplatun, at kapansin-pansin ang pagdami ng mga operasyong gabatalyon sa Hilagang Luson, Samar at Mindanaw. Mas maraming upisyal at tauhan ng kaaway ang nabihag at mas maraming sasakyang de-armor at helikopter ang nawasak. Malaki na ang iniunlad sa kakayahan sa kumand at sa mga taktika at teknikang militar.

Patuloy na nagbubuo ang BHB ng mga platun at kumpanya sa bawat rehiyon sa ilalim ng kumand ng larangang gerilya, at patuloy ring nagbubuo ng mga sandatahang pangkat pampropaganda, ganap na iskwad gerilya, armadong pangkat ng partisano sa lunsod, yunit milisya at yunit na pandepensa sa sarili.

Mula 1987, ang rebolusyonaryong pwersa sa Mindanaw ay nakabawi na sa mga internal na problema at pinsalang idinulot ng matinding pananalakay ng kaaway.Matapos panandaling ikalat ang mga armadong yunit para tumulong sa gawaing masa at gawaing militar sa mga lokalidad, muling binuo ang mga pormasyong kumpanya at nagbuo pa ng mga platun para magkaroon ng higit na inisyatiba at pleksibilidad laban sa mga pwersang regular at paramilitar ng kaaway. Ang lahatang-panig na konsolidasyon ng baseng masa, Partido at organisasyon ng hukbo ay inaasikaso sa harap ng mga kahirapang dulot ng patuloy at malakihang operasyon ng kaaway.

Sa kasalukuyan, ang BHB ay may 10,000 mandirigmang gerilya na armado ng malalakas na riple at 20,000 pang mandirigmang gerilyang may mahihinang sandata. Kumikilos ito sa mahigit na 60 larangang gerilya na nasa 65 sa 73 lalawigan ng Pilipinas, 800 sa 1,500 lunsod at bayan, at sa 12,000 baryo.

Dagdag sa mga regular na pwersa ng BHB ang mga sandatahang yunit pampropaganda, lokal na iskwad gerilya, milisya at yunit na pandepensa sa sarili. Nagtatalaga ang BHB ng mga armadong partisano ng lunsod at mga yunit ng pandepensa sa sarili sa karamihan ng mga lunsod sa Pilipinas. Pinaparusahan ng mga armadong partisano sa lunsod ang kaaway at inaagawan ito ng maraming armas kahit sa likuran nito.

Nakasandig ang BHB sa suporta ng mga lokal na organisasyon ng Partido, organo ng kapangyarihang pampulitika at organisasyong masa na tinulungan nitong mabuo at maipagtanggol sa atake ng kaaway. Ang baseng masa sa buong bayan ay 10 milyong mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Mula sa baseng masang ito, naaabot ng rebolusyonaryong kilusan ang buong sambayanang Pilipino.

3. Mga Sirkumstansya sa Loob at Labas ng Bayan

May mga nag-aakalang dahil sa napalitan na ng rehimeng Aquino ang garapal na pasistang diktadura ni Marcos, nawala na rin ang batayan para umiral at sumulong ang Bagong Hukbong Bayan at ang buong proseso ng armadong rebolusyon.

Kabilang dito sa mga nangangarap nang gising ang bagong papet na pangkating naghahari at mga sagadsaring tagapagtaguyod nito, at ang mismong mga pwersa, laluna ang imperyalismong US, na nagpakana sa diktadurang Marcos at umasang malilipol ng diktadura ang muling kauumpisang armadong kilusang rebolusyonaryo noon.

Naglaho na ang tuwa sa pagbagsak ni Marcos at pag-upo ni Aquino bilang pangulo. Nakamulagat na sa lahat ang malinaw na katotohanan, laluna ang mga pundamental na suliraning ikinabagsak ng pasistang diktadura.

Ang nangyari lamang ay paghalili ng bago sa lumang naghaharing pangkating papet. Nananatili ang dominasyon ng imperyalismong US at ang paghahari ng mga uring malaking kumprador burges at panginoong maylupa. Ang sambayanang Pilipino ay patuloy na dumaranas ng tumitinding pang-aapi at pagsasamantala.

Naibagsak man ang pasistang diktador, nananatili pa rin ang mapanupil na makinarya ng kontra-rebolusyonaryong estado. Ang dati nang mga pasista sa militar ay patuloy sa papatinding pag-atake sa mga mamamayan at sa paglilingkod sa mga mapagsamantalang uri at sa kanilang bulok na mga pulitiko.

Ang sosyo-ekonomiko at pulitikal na krisis na nagbunsod, nagpabulusok at nagpabagsak sa diktadurang Marcos ay siya ring krisis na patuloy na lumalala at nag-uuk-ok sa rehimeng US-Aquino.

Di hamak na mas malala ang sitwasyon ng bagong papet na rehimen kaysa sa lumang rehimen sa larangan ng ekonomya at pinansya. Lagi na lamang itong nagpapalimos ng bagong pautang at nakikiusap na ipagpaliban ang pagbabayad sa dating mga utang para lamang makaagapay sa patuloy na lumalaking bayarin sa mga utang sa dayuhan.

Umabot na sa $30 bilyon ang utang panlabas at $3.5 bilyon naman ang taunang bayarin. Alinsunod sa pinakahuling Letter of Intent (LOI) na isinumite ng rehimeng Aquino sa International Monetary Fund, mananatiling mabigat ang pasaning ito hanggang 1992. Ang bayaring ito ay mahigit pa sa 60 porsyento ng kabuuang kita ng eksport mula sa iniluluwas na murang hilaw na materyal ng ekonomyang agrikultural at ilang mababang-kitang produktong nirereeksport.

Mataas pa rin ang depisit sa kalakalan. Ang kabuuang ibinayad sa import noong nakaraang taon ay $8.7 bilyon samantalang ang kita sa eksport ay $6.9 bilyon, na nagbunga ng depisit na $1.8 bilyon.

Ipinamamarali ng rehimeng Aquino na mas malaki ang inilago ng Gross National Product (GNP o Kabuuang Produkto ng Bansa) kaysa sa itinarget. Ngunit ito'y resulta ng malaking paggastang pangkonsumo, laluna ng gubyerno, mga paggasta na hindi naman masustine. Ang sistema ng produksyon ay atrasado at limitado lamang sa produksyon ng panluwas na hilaw na materyal at manupakturang nakasandig sa import. Walang tunay na industriyalisasyon na siyang motor sa patuloy na pag-unlad.

Ang pagbabayad ng utang sa labas ay kumakain ng 44 na porsyento ng badyet ng gubyerno samantalang ang militar ay lumalamon naman ng 22 porsyento (kabilang ang mga gastusing militar na nakakubli sa iba pang departamento). Sa mga kundisyong ito na lamang, nagkakandahirap na ang reaksyunaryong gubyerno at sandatahang lakas.

Walang mapagtrabahuhan ang patuloy na lumalaking labis na paggawa ng bayan dahil sa kakulangan ng pambansang industriyalisasyon, pagkaubos ng mabubuksang lupaing prontera at pagkitid ng pagkakataong makapagtrabaho ng mga Pilipino sa labas ng bayan.

Kung wasto lamang ang pagsukat, tinatayang 45 porsyento ang tantos ng disempleyo. Patuloy na pinapaliit ng implasyon ang tunay na sweldo at iba pang kita ng mga anakpawis. Mas mabigat ang ipinapapasang buwis sa mga anakpawis at panggitnang saray ng lipunan.

Mahigit sa 70 porsyento ng mamamayan ang naghihikahos at nadarama ang kalam ng gutom at kawalan. Lumalala ang pagdaralita ng mga manggagawa sa lunsod, magsasaka at manggagawang bukid pati na ng panggitnang saray ng lipunan. Dahil dito, lalo namang tumitindi ang ligalig sa lipunan.

Sa gitna ng pagdaralita ng mamamayan, nagiging garapal ang korapsyon ng bagong naghaharing pangkatin. Lalo itong nagiging garapal dahil ang gubyerno'y dinarambong ng mga burukratikong kriminal at kroni ng mga nasa poder. Anupa't higit pang nalulubog iyon sa kumunoy ng pagkabangkaroteng pinansyal.

Paigting nang paigting ang mga tunggalian ng iba't ibang paksyun ng mga naghaharing uri. Ang naunang pagtatangka ni Marcos na monopolisahin ang mga instrumento ng karahasan ay humantong sa paksyunalisasyon ng AFP at sa mabilis na pag-aarmas ng mga pribadong grupong reaksyunaryo.

Ang panunumbalik ng ilang institusyon at prosesong umiral noong bago mag-1972 o bago umiral ang pasismo ay hindi makapagpahupa sa labanan ng mga pulitiko ng naghaharing uri at hindi rin makapigil sa panlipunang ligalig ng mga mamamayan. Ginagatungan pa nga ng mga institusyon at prosesong ito ang pagpapatayan ng mga reaksyunaryo at nililikha ang ligalig sa lipunan at protestang popular.

Sa paningin ng malawak na masa ng sambayanan, ang rebolusyonaryong kilusan ay siya pa ring makatarungan at kinakailangang landas dahil sa ang konstitusyon, mga institusyon at mga proseso ng naghaharing sistema ay epektibong nagpepwera sa kanila sa makatuturang partisipasyon at bumabangga sa kanilang mga karapatan at interes.

Ang naghaharing sistema ay nagpapatuloy sa pangkalahatang landas ng pagkaagnas bunga ng malulubhang tunggalian ng mga reaksyunaryo mismo. Nangyayari ang pasismo sa likod ng manipis na burges-demokrationg tabing ng paghahari ng uring malaking burges kumprador at panginoong maylupa.

Dahil sa mga hambalos ng papalakas na armadong rebolusyon, ang naghaharing sistema ay nanganganib na mabasag at bumilis ang proseso ng sariling pagkalansag. Pinabibilis naman ng ganitong proseso ang proseso ng rebolusyon.Bukod sa rebolusyonaryong kilusan na pinamumunuan ng PKP, nariyan ang armadong kilusan ng mamamayang Moro para sa pambansang pagpapasya-sa-sarili.

Isinisiksik ng rehimeng Aquino ang sarili sa sukol na pusisyon dahil sa tinatangka nito, tulad ni Marcos, na labanan sa papamagitan ng armas ang rebolusyonaryong pwersa pati na ang mga reaksyunaryong karibal nito. Sunud-sunuran ito sa lahat ng anti-nasyunal at anti-demokratikong dikta ng mga mapagsamantalang uri sa US at sa loob ng bayan. Pero hindi naman tinitigilan ng mismong mga kontra-rebolusyonaryong pwersang ito ang pagbabantang papalitan ang rehimen sa pamamagitan ng kudeta.

Ipinatutupad ng rehimeng Aquino ang lahat ng patakarang diktado ng US, gaya ng pagbibigay ng higit pang insentibo sa mga empresang multinasyunal, pag-ako ng lahat ng obligasyon sa utang mula sa labas, pagpapanatili ng mga baseng militar ng US, at pagpapakawala ng low intensity warfare laban sa mamamayan.

Pinapagtibay ang mga batas laban sa mga manggagawa, mga batas na masahol pa kaysa noong panahon ni Marcos. Nilalabag ang mga karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa, magwelga at pumasok sa collective bargaining. Sa loob at labas ng piketlayn, ang mga unyonista ay pinapaslang ng militar, pulisya at pribadong ahensya sa seguridad.

Ang diumanong batas ng reporma sa lupa na pinagtibay ng rehimen ay, sa katunayan, isang batas para pigilin ang reporma sa lupa at ipagpatuloy ang pamamanginoong maylupa. Ito ay isang mapang-uyam na alok sa mga nakikisamng masa na bilhin ang lupa sa presyong pamilihan na napagkasunduan ng estado at panginoong maylupa; alok din ito sa mga manggagawang bukid na bumili ng sapi sa mga agrokorporasyong kontrolado ng mga dayuhang multinasyunal at mga panginoong maylupa.

Ang masang anakpawis at mga kinatawan nila ay epektibong napepwera sa mga institusyon at proseso ng estado hindi lamang dahil sa wala silang perang pangampanya at walang hawak sa mga makinarya ng impormasyon. Higit pa rito'y dahil sa ginagamitan sila ng upisyal at mala-upisyal na karahasan sa pamamagitan ng mga pwersang militar, pulis at paramilitar.

Ang mga mamamayan ay binibiktima hindi lamang ng araw-araw na karahasan ng pagsasamantala kundi laluna ng mas dramatikong karahasan ng panunupil kapag kumilos sila sa ligal na protesta o armadong rebolusyon. Ang low intensity warfare ay nangangahulugan ng pagdami ng asasinasyon, tortyur at pamamaslang na di-saklaw ng batas o extrajudicial, masaker, pambobomba sa mga komunidad, huwad na pagpapasuko at sapilitang ebakwasyon ng mga mamamayan mula sa kanilang tahanan at bukid.

Walang napapala ang mga mamamayan sa rehimeng US-Aquino kundi higit pang pang-aapi at pagsasamantala. Kaya't tiyak na titindi pa ang ligalig sa lipunan at paglaban ng mga mamamayan. Higit kailanman, mataba ang lupa para sa armadong rebolusyon.

Sa pamumuno ng PKP, ang BHB ay sumasalig at umaasa sa malawak na masa ng sambayanan. Sa hanay nila nagmumula ang mga Pulang mandirigma at mga rekursong kailangan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka at sa pagkakamit ng ganap na tagumpay sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mulat ang BHB na ito'y nakikibaka para sa mga pambansa at demokratikong interes ng mga mamamayan sa panahon ng modernong imperyalismo at proletaryong rebolusyon. Dahil sa matagal nang paghahari ng imperyalismong US sa Pilipinas, sa pagkatali ng naghaharing sistema ng Pilipinas sa pandaigdigang sistemang kapitalista, at sa papalaking pakikialam ng US sa Pilipinas, mahalagang masapol ng mga rebolusyonaryong pwersa ang sitwasyon ng US at ng pandaigdig na sistemang kapitalista at makakuha ng suporta ng lahat ng anti-imperyalista, progresibo at proletaryong rebolusyonaryong pwersa sa labas ng bayan.

Nasasadlak sa malalim na krisis ng sobrang produksyon ang pandaigdig na sistemang kapitalista. Nasagad na ng sistemang ito ang mga bayan sa ikatlong daigdig na pwede nitong gawing tambakan ng labis na puhunan at labis na produkto. Sobra-sobrang pautang ang ipinapapasan nito sa naturang mga bayan, mga utang na hindi naman mababayaran kailanman pero pilit na sinisingil sa kanila. Sa gitna nito, lumalala ang mga kundisyon ng kalakalan sa pagitan ng mga yaring import mula sa mauunlad na bayan at ng mga eksport na hilaw na materyal at reeksport ng mga produktong dinagdagan ng kaunting halaga (tulad ng mga damit at semiconductor) mula sa mga bayan ng ikatlong daigdig.

Ang United States ay nasa pangkalahatang pagbulusok bilang isang imperyalistang kapangyarihan at bilang pinuno ng alyansang kapitalista. Nagkakandakuba na ito sa bigat ng sobrang paggasta sa militar at pag-import ng mga produktong pangkonsumo mula sa iba't ibang bayang kapitalista, laluna mula sa Japan at West Germany, at mula rin sa ibang bayang diumano'y bagong industriyalisado. Hindi malutas ng US ang depisit nito sa kalakalan nang hindi binabawasan ang surplas sa kalakalan ng mga kaalyado nito. Hindi nito mabawasan ang depisit sa badyet nang hindi ipinapasa sa mga kaalyado ang bigat ng paggastang militar.

Bunga ng ganitong magkakambal na problema ng napakalaking depisit sa kalakalan at badyet, ang US na dating pinakamalaking tagapagpautang ay siya ngayong pinakamalaking mangungutang sa buong daigdig. Malaki na ang inihina ng kakayahan nitong magdagdag ng ayudang ekonomiko at militar sa mga gubyernong kliyente nito tulad ng rehimeng Aquino.

Dahil dito'y hinihingi ng US ang suporta ng iba pang bayang kapitalista, laluna ng Japan na may malaking surplas na dolyar, para pagtulung-tulungan at isakatuparan ang tinatawag na Philippine Aid Plan (PAP). Pero hindi maiaahon ng ipinamamaraling programang ito ang ekonomya ng Pilipinas mula sa pagkabangkarote at krisis. Problema ng programang ito ang mga saligang kahinaan ng mismong mga proyektong nais nitong gastusan at ang mga limitasyon at kundisyong ipinapataw ng mga bayang nag-aambag, laluna ng US.

Desperadong tinatangka ng US at iba pang bayang kapitalista na gawing daluyan ng kanilang labis na kapital at labis na produkto ang mga bayang sosyalista. Layunin nilang samantalahin ang hayag na pangangailangan ng mga sosyalistang bayan sa kaalamang teknolohiya at mas malawak na pakikipagkalakalan sa mga bayang kapitalista para mapabilis ang pag-unlad ng kanilang industriya at matugunan ang lumalaking pangangailangan ng kanilang mga mamamayan para sa sarisaring produktong pangkonsumo alinsunod sa kagustuhan nilang maitaas ang kanilang pamantayan sa pamumuhay.

Mapapakinabangan ng mga bayang sosyalista ang mapayapang relasyong pang-ekonomya sa mga bayang kapitalista. Kailangan nilang mapagpasyahan ang proporsyon ng bagong teknolohiya, pautang mula sa labas at produktong pangkonsumo mula sa mga bayang kapitalista na kailangan at kaya nilang tanggapin, gayundin ang klase ng mga produktong matagumpay na maipagbibili sa pandaigdig na pamilihang kapitalista. Sa bagay na ito'y makapagbibigay ng mahahalagang aral ang mga positibo at negatibong karanasan ng ilang bayang sosyalista.

Nakalulugod ang tunguhin na magkaisa ng mga bayang sosyalista at mga partidong komunista at sosyalista na sa loob ng mahigit na 20 taon ay hindi magkasundu-sundo. Mainam ang nililikha nitong sitwasyon para maresolba ang matatagal nang di-pagkakaunawaang pangkasaysayan at pang-ideolohiya at para mapaunlad ang pang-ekonomyang pagtutulungan ng mga bayang sosyalista, at kung gayo'y para mapalakas ang kanilang pusisyon sa mapayapang pakikipagpaligsahan sa mga bayang kapitalista. Nililikha din nito ang kundisyon para sa wastong muling pagsusuri sa kanilang mga aktitud at patakaran hinggil sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya.

Sa kabilang banda, nariyan naman ang napakalakas na tulak sa mga bayang sosyalista tungo sa pagpapairal ng patakaran ng mapayapang pakikipamuhayan sa mga bayang kapitalista. Ang pangangailangan sa mapayapang pakikipamuhayan ay di maiwasang magtuon sa relasyon sa pagitan ng mga mayor na bayang sosyalista at ng US na siyang nangunguna sa mga bayang kapitalista at siya ring pangunahing pinagmumulan ng gera mula nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.Dahil dito'y lumilitaw ang tendensyang mapatingkad ang pangangailangan ng mapayapang pakikipamuhayan nang may pagkaligta naman sa pangangailangan sa pagkakaisang anti-imperyalista at proletaryong internasyunalismo hindi lamang sa angkop na antas ng mga estado kundi sa iba pang antas ng relasyong internasyunal.

Ang totoo'y walang salungatan sa pagitan ng mapayapang pakikipamuhayan ng mga estado at ng anti-imperyalistang pakikibaka ng mga mamamayan. Totoong dapat mapigil ang isa pang digmaang pandaigdig, totoong dapat pagsikapang matamo ang ganap na pagbaklas sa mga sandatang nukleyar, at totoo ring dapat na mapatigil ang paramihan ng mga armas alinsunod sa prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan. Pero umaalinsunod rin sa prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan na kailanma'y hindi mapapahintulutang ang anumang imperyalistang kapangyarihan na apihin, pagsamantalahan, panghimasukan, wasakin at salakayin ang ibang bayan.

Sa lahat ng paraan, dapat na patuloy na makipaglaban ang mga bayan at mamamayan ng ikatlong daigdig para sa pagpapalayang pampulitika at pang-ekonomya mula sa dayuhang paghahari. Hindi dapat tabingan at hindi kailanman matatabingan ang pangangailangan ng pagkakaisang anti-imperyalista at proletaryong internasyunalismo.

Ang mga bayan at mamamayan ng ikatlong daigdig ay pigang-piga ng pinakamasahol na anyo ng kapitalismo sa pinansya. Lumalaganap ang ligalig na panlipunan at paglaban ng mga mamamayan. Ang mga estado ng ikatlong daigdig ay pwedeng makisakay sa anti-imperyalistang kilusan o kaya'y malunod sa alon ng rebolusyonaryong kilusang masa. Sa isang neokolonyang tulad ng Pilipinas, may angking karapatan ang sambayanang Pilipino na magrebolusyon laban sa imperyalismong US at papet na rehimen.

Madalas itanong kung makakaya nga ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na makakuha ng sapat na suportang internasyunal sa harap ng nakikitang masugid na pagsisikap ng mga bayang sosyalista na paunlarin ang pakikipag-unawaan sa US at pigilin ang mga armadong hidwaan sa labas ng kanilang bansa. Mayroon pa ngang hayag na palagay na ang US ay may garantiya ng ganap na kalayaang magdomina sa Pilipinas at magtuon ng kanyang lakas laban rebolusyonaryong kilusan.

Napakatagal nang inilalako ng US ang kasinungalingan na ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay likha ng isa pang superpawer. Bagamat sa isang banda ay masugid na sinisikap ng US na pasinungalingan ang katotohanan na ang armadong rebolusyon ay nilikha at instrumento ng sambayanang Pilipino sa kanilang matatag na pakikibaka upang matamo ang pambansang pagpapalaya at demokrasya, sa kabilang banda'y pinahahalagahan ng mga mamamayan ng daigdig ang mahirap na pakikibaka, sakripisyo, tagumpay, at ang umaasa-sa-sariling pagsulong ng rebolusyonaryong kilusang Pilipino. Kaya nga ang rebolusyong Pilipino ay tumatanggap ng papalaking tulong na internasyunal, pangunahi'y mula sa kilusang masa ng anti-imperyalistang pagkakaisa, progresibong mga organisasyon ng mamamayan at mga partidong pulitikal sa buong daigdig.

Samantalang lubusang pinasasalamatan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang suportang ito mula sa labas ng bayan, higit silang determinado na ilunsad ang isang digmang bayang umaasa-sa-sarili. May kumpyansa rin sila na habang lalong lumalakas at nagiging epektibo ang armadong kilusang rebolusyonaryo, dadaloy ang mas masaganang suportang internasyunal.

Tiyak na darating ang panahong kikilalanin ng mga estado at gubyerno ng daigdig ang belligerency status ng rebolusyonaryong kilusan. Darating din ang panahong hayagang kikilalanin at susuportahan ng mga estado at gubyerno ang Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

4. Mga Pangunahing Tungkulin ng Bagong Hukbong Bayan

Ang pangunahing atas ng Bagong Hukbong Bayan mula sa Partido Komunista ng Pilipinas, National Democratic Front at buong sambayanang Pilipino ay lansagin ang militar-burukratikong makinarya ng kontra-rebolusyonaryong estado at itatag ng demokratikong estado ng bayan.

Higit sa alinmang panahon sa nakaraan, nasa mas mahusay na katayuan ngayon ang Bagong Hukbong Bayan sa pagtupad ng atas na ito. Makaraan ang 20 taon, may inabot nang sapat na lakas ang armadong pakikibaka para maipirmi ng hukbong bayan ang landas tungo sa pagkakamit ng ganap na tagumpay. Ang paglubha ng krisis ng naghaharing sistema -- isang di-mababaligtad na prosesong itinutulak naman ng patuloy na pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan -- ay tumitiyak ng pag-unlad ng lahat ng positibong pwersa para lalo pang mapabilis ang armadong pakikibaka. Makatuwirang targetin ang ganap na tagumpay sa loob ng susunod na 10 taon.

Kung hindi sapat ang 10 taon, handang patuloy na lumaban ang BHB sa loob ng 10 o 20 taon o mas matagal pa para gapiin ang kaaway. Lumalakas ang demokratikong kapangyarihan ng mga mamamayan kahit na ang reaksyunaryong estado ay malakas pa sa mga mayor na lunsod at susuray-suray hanggang sa tuluyang bumagsak. Ang rebolusyonaryong istratehiya ng matagalang digmang bayan ay isang di-malulutas na problema ng mga reaksyunaryong Amerikano at lokal.

Gayunman, ang BHB ay handang idispusisyon ng Partido at nagkakaisang prente sa anumang panahon upang mabuo ang isang gubyernong koalisyon kahit di pa umaabot sa pagkawasak ng reaksyunaryong estado, o kaya'y upang bigyan ng nakamamatay na bigwas ang estadong ito kapag nariyan na ang pagkakataong ibubunga ng pagsasanib ng sapat na lakas ng rebolusyon, mabilis na pagkalansag ng naghaharing sistema at di-epektibong panghihimasok ng imperyalismo.

Sa alinmang panahon, dapat may malinaw na kaalaman ang mga kadre at mandirigma ng BHB hinggil sa lakas ng rebolusyonaryong pwersa at ng kontra-rebolusyonaryong pwersa. Ang pagpaplano ay dapat ibatay sa katotohanan, sa mga tiyak na kantidad at kalidad ng lakas ng BHB. Ang pagnanais na madaliang tapusin ang kaaway sa larangang militar ay hindi dapat makatangay sa mga kadre at mandirigma palayo sa katotohanan at sa kung ano ang makatuwirang matatamo sa isang panahon.

Ang malalaking tagumpay ng BHB nitong nakaraang 20 taon ay resulta ng pagtupad sa mga rekisito ng digmang bayan sa larangan ng ideolohiya, pulitika, militar at kultura. Higit pang susulong ang BHB basta't patuloy na tinutupad ang mga rekisitong ito.

Ang malalaking tagumpay ng BHB ay nagbibigay-tiwala sa mga kadre at mandirigma nito para ilahad ang katotohanan, tasahin ang gawain, isagawa ang punahan at pagpuna-sa-sarili, alamin ang mga kalakasang dapat patingkarin at mga kahinaan at kamaliang dapat pangibabawan, at gumawa ng wastong balak, kabilang ang mga tungkulin at paraan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Mula't sapul, lagi nang pinaninindigan ng Partido na ang preserbasyon at tagumpay ng BHB ay nakasalalay sa mahigpit na ugnay nito sa masa. Ang mga kamaliang pinakamadalas na maulit -- malaki man o maliit -- ay may tuwirang kinalaman sa kabiguang mapalahok at mapasuporta ang masa. Kadalasan, ang pinakamalaking pagkatalo at pag-atras ay bunga ng pananaw na lantay militar, adbenturismo, kumandismo, arogansya at kapusukan.

Ang hukbong bayan ay di-magagapi at laging magtatagumpay dahil sa partisipasyon at suporta ng mamamayan. Kapag nawala ang suportang masa at naging lantay militar ang sitwasyon, ang BHB ay hindi makatatagal sa larangang militar sa harap ng nakalalamang na pwersa ng kaaway.

Dapat laging pag-ukulan ng pinakamasusing pansin ang pagpapalawak at pagpapatatag ng mga larangang gerilya at ang pagmamantini ng isang baseng masa na sapat ang lawak at lalim para mamaksimisa ng BHB ang pakikidigmang gerilya. Dapat taglay ng BHB ang kakayahang mang-ambus, mangreyd, mang-aresto ng kaaway anumang panahong nanaisin nito. Maikokonsentra man ng kaaway ang kanyang pwersa sa isang partikular na lugar, pero mabibigyan naman ng pagkakataon ang BHB na manlipol ng kanyang pwersa sa ibang lugar, at magagawa lamang niya iyon sa maikling panahon at pagkatapos nito'y mababalikan na ng BHB ang lugar.

Ang baseng masa ay itinatayo ng Partido, ng Partido sa loob ng BHB, at ng BHB sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at mga yunit ng Partido sa mga lokalidad at pinagtatrabahuhang lugar. Nagkakabuhay ito at nakaaakit ng mas maraming kasapi sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga kampanya sa edukasyong pampulitika, reporma sa lupa, produksyon, pagsasanay sa militar, kalusugan at iba pa.

Pagkaraan ng 20 taon ng mahirap at puspusang pagkilos, naitayo ang mga larangang gerilya sa halos lahat ng istratehikong bahagi ng kapuluan. Saklaw ng marami sa mga larangang ito ang buo-buong prubinsya at isla, kabilang ang mga sentrong bayan at ilang sentrong distrito. Nasa gitna ng mga larangang gerilyang ito ang mga baseng gerilya kung saan pinakamalakas at pinakakonsolidado ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika, ang Partido, ang mga organisasyong masa at ang milisya.

Dapat patuloy na palawakin at patatagin ng Partido at BHB ang mga baseng gerilya. Sa Luson at Mindanaw, dapat pang saklawin ang ibang lugar na mahalaga sa pagdurugtong ng mga larangang gerilya. Dapat tayong walang pagod sa pagsisikap na mag-organisa ng paparaming mga baryo at bayan.

Sa kabilang banda, dapat patuloy at masikhay na isagawa ang lahatang-panig na konsolidasyon ng mga nakatayong larangan at baseng gerilya. Dapat paglaanan ng higit pang pag-aaral at praktika ang pagbubuo ng Partido at iba pang organisasyong sibil, at ang paglulunsad ng rebolusyong agraryo.

Naglulunsad ang rehimeng US-Aquino ng isang kampanya ng "gradual constriction" sa kanayunan. Ang kampanyang ito ay kinapapalooban ng maigting, walang-puknat at walang-awang paghahasik ng lagim upang isa-isang durugin ang mga larangang gerilya at baseng masa at ihiwalay sa masa ang pwersang gerilya.

Para makontra at magapi ang pakanang ito ng kaaway, dapat isagawa ng mga rebolusyonaryong pwersa ang puspusang pagpapakilos sa masa sa mga aksyong pampulitika't pangmilitar, at ang nagkakatugunang mga labanang mapanlipol at malaganap na operasyong mapanggasgas. Kaalinsabay nito'y dapat gumawa ng mga kongkretong hakbang para maipatupad ang reporma sa lupa at mapabuti ang kalagayan ng masa.

Ang pagbubuo ng mga kumpanya ng BHB sa lahat ng rehiyon at mga mayor na larangang gerilya noong unang hati ng dekadang ito ay nagbunga ng radikal na paghusay sa mapanlipol na kakayahan ng hukbong bayan, nagtakda ng bagong rekord sa laki ng mga nabibirang target, teknika sa paglaban at nasasamsam na armas. Binigyan din nito ang BHB ng higit na inisyatiba at pleksibilidad laban sa kaaway na nagsimula na noong kumilos nang gaplatun at gakumpanya, nagpalaki ng mga pwersang panlaban at nagpahusay ng kanyang mobilidad.

Para mamantini ang tamang balanse, isinasagawa ng BHB ang patakaran ng pagtatakda ng kahit kalahati man lamang ng malalakas na riple ng bawat rehiyon para sa mga lokal na pwersang pultaym tulad ng mga pandistritong yunit gerilya, mga lokal na yunit gerilya at mga sandatahang yunit sa propaganda. Dapat patuloy na magbuo ng mga gerilyang platun sa mga distrito at bayan, armasan at bigyan ng sapat na seguridad ang mga kadre ng Partido at himukin ang masa na mag-armas sa sarili.

Sa mga kalagayang may paglabis ang diin sa pagbubuo ng mga pangunahing yunit na laking-kumpanya at may pagsobra ang konsentrasyon ng mga riple at yunit sa ilalim ng panrehiyong kumand, napeperwisyo ang kabuuang gawaing militar. May malalawak na lugar na naiiwang walang mga armadong yunit, kaya't walang kalaban-laban sa mga paramilitar ng kaaway. Ang matataas na kumand sa teritoryo ay labis na nabibigatan sa mga tungkulin ng tuwirang administrasyon at gawaing panlohistika para sa malalaking yunit. Lumilitaw ang di-kinakailangang mga kiskisan sa pagitan ng hukbo at mga organisasyong panteritoryo sa mga lokalidad. May mga kaso pang sobra-sobrang naiipon ang mga kadre sa mga regular na pormasyon kaya't iilan na lamang ang natitira para umasikaso sa gawaing masa sa malalawak na lugar.

Itinuturo sa atin ng karanasan na bagamat mahalaga ang mga regular na kumpanya sa paglipol sa mga pwersa ng kaaway at sa pag-iipon ng maraming armas, kailangan naman ang mga armadong pultaymer sa lokalidad sa pagpapalawak, pagpapatatag, pagmantini at pagbawi sa mga larangang gerilya, paglipol sa mga lokal na pwersa ng kaaway, at pagpapalakas sa pwersa ng Partido, BHB, mga organisasyong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika sa mga lokalidad. Kailangang mamantini ang tamang balanse sa pagitan ng dalawa depende sa kongkretong sitwasyong umiiral sa larangang gerilya at rehiyon.

Mula l985, naglulunsad na ang AFP ng mga gabrigada at gadibisyong operasyon -- isang katotohanang nagbibigay-diin sa pangangailangang paunlarin ng BHB ang mga pwersang pambato na laking-kumpanya bilang mga sentro de grabidad ng mga gerilyang platun at iskwad.

Pero ang pagpupunyaging magbuo ng mas malalaking pormasyon ng BHB ay dapat ibatay sa mas mahusay na kakayahang mamuno ang Partido, sa mas maunlad na kakayahang sumuporta ng baseng masa, sa patuloy na paglaki ng mas maliliit at mas laganap na yunit ng BHB, sa pagpapatindi ng armadong pakikibaka, sa pagsasanay na pulitiko-militar ng mas maraming upisyal, mandirigma at reserba, sa pagpapahusay ng kakayahan sa kumand, taktika at teknika, at syempre, sa paborableng kalupaan. Kung hindi, ang malalaking pormasyon ng BHB ay mahahatak ng momentum ng isang sitwasyong lantay-militar, bukod pa sa magiging madaling target ng kaaway at malaking pambawas sa limitadong rekurso.

Ang Komite Sentral sa pamamagitan ng Komisyong Militar nito at Pangkalahatang Kumand ng BHB ay nagpalabas ng mga panuntunan at atas sa 1O,OOO Pulang mandirigmang armado ng malalakas na riple na higit pang isulong sa lahat ng panig ang rebolusyonaryong pakikibaka at maglunsad ng mga kampanyang opensiba.

Ang kabuuan ng rebolusyonaryong pwersang ito ay katumbas na ng mga 10 hanggang 20 batalyon o ilang redyiment o mga tatlong dibisyon (nang walang mga batalyong panserbisyo), bukod pa sa mga sandatahang yunit pampropaganda, lokal na iskwad gerilya, milisya, mga yunit na pandepensa sa sarili at mga armadong partisano sa lunsod.

Masasabi na ngayon ng mga komiteng panrehiyon ng Partido at mga panrehiyong kumand ng BHB na mayroon silang pinamumunuang mga batalyon. Pero sa ngayon at sa ilang panahong darating, sapat na munang ang isang tipikal na panrehiyong kumand ay magkaroon ng isang organikong kumpanya na magsisilbing konsentrahan at pwersang pambato na pwedeng sumanib sa mga kumpanya o platun ng mga larangang gerilya para makabuo ng mas malaking pwersang pang-opensiba na hanggang laking-batalyon.

Para hindi gaanong makita o mahalata ng kaaway at mas masuportahan ng mga mamamayan ang isang organikong kumpanya o ang isang malaking pormasyon, mahalagang maitalaga ang mga bahagi nito sa loob ng malawak-lawak na lugar na madaling magkakontakan sa radyo, at hindi dapat ilagay sa iisang kampo o kaya'y sa isang makitid na lugar. Ang mga bahagi ay pwedeng magsanib pag may tinatarget na kaaway at kumalat pagkatapos.

Dapat pagsikapan ng mga larangang gerilya ang pagpapaunlad ng mga kumpanya o platun bilang mga pwersang pambato batay sa kabuuang sitwasyon sa pagitan natin at ng kaaway at batay rin sa kalupaan. Kung kailangang magtayo ng mga karagdagang larangang gerilya, maaaring kailangan ding magbuo ng karagdagang mga platun sa halip na mga kumpanya.

Hindi dapat balewalain ang kahalagahan ng mga sandatahang yunit pampropaganda sa pagbubukas ng mga bagong lugar o sa pagbawi sa mga nabitawang lugar.

Dapat patuloy na paramihin ang mga lokal na iskwad gerilya, milisya at yunit na pandepensa sa sarili at armadong partisano sa lunsod. Kahit sinauna o mababang klase ang hawak nilang armas, nagagampanan nila ang mga tungkuling pansuporta, halimbawa'y ang pagpupulis o pangangalaga sa panloob na seguridad, komunikasyon, paglalaan ng pagkain, malawakang pananabotahe at iba pa. Ang mga ito'y reserbang pwersa ng BHB.

Dapat magbuo ng mga yunit partisano at kumando para sa mga ispesyal na operasyong tulad ng mga pagparusa sa pinakamasasamang tauhan ng kaaway, pagpataw ng maririing dagok sa kaaway at pagkumpiska rito ng armas.

Ang pangunahing tungkulin ng BHB ay manlipol ng mga yunit ng kaaway at samsaman sila ng sandata. Gayunman, dapat ding isagawa ang malawakang aksyong mapanggasgas laban sa kaaway, lalung-lalo na sa mga pasilidad na kontra-mamamayan. Ang importante'y mabigyan ng mariing dagok ang kaaway, pababain ang kanyang moral at pahinain ang kanyang kakayahang umatake sa rebolusyonaryong kilusan.

Mahalagang gumawa ng pananabotahe at maglunsad ng isang digmang mapanggasgas laban sa kaaway para kahit gaano pa karami ang suportang nakukuha ng kaaway sa US at iba pang bayan ay hindi makasasapat sa harap pursigidong mga pwersang rebolusyonaryo.

Nahihinog na ang yugto ng istratehikong depensiba. Ang yugto ng istratehikong pagkakapatas ay magiging mas maikli kaysa yugto ng istratehikong depensiba. Ang yugto naman ng istratehikong opensiba ay magiging mas maikli kaysa sa yugto ng istratehikong pagkakapatas. Ito'y dahil sa padagdag nang padagdag o kumulatibo ang paglakas ng BHB gayundin ang kakayahan nitong manlipol ng pwersa ng kaaway.

Digmang gerilya ang pangunahing anyo ng digmang bayan sa istratehikong depensiba bagamat ang mga sangkap ng regular na digmang makilos ay lumilitaw na rin sa loob ng istratehikong depensiba at humahantong sa susunod na istratehikong yugto.

Regular na digmang makilos ang tiyak na magiging pangunahing anyo ng digmang bayan sa istratehikong pagkakapatas. Pero kahit mayroon nang mga batalyong pangmaniobra, dapat handa ang BHB na hatiin ang mga batalyong ito sa mga kumpanyang pangmaniobra para makapaglunsad ng mas malawak at mas maigting na pakikidigma, mapagkaitan ng lantad na target ang kaaway, at magawang peligroso sa kanya ang bawat dangkal ng lupa sa buong bayan, laluna kapag naglunsad ng digmang agresyon ang US.

Maging sa istratehikong opensiba, baha-bahaging lilipulin ng regular na digmang makilos ang mga pwersa ng kaaway. Kapag ang natitira ay iilang matitigas na bahagi na lamang na magiging balwarte ng kaaway, pwede na silang pasukuin o kaya'y lipulin sa pamamagitan ng pakikidigmang pusisyunal.

Habang hindi pa naisasagawa ang istratehikong opensiba, absolutong kailangang pwersahin ang kaaway na hatiin ang kanyang mga pwersa at bitagin patungo sa kanilang mga hukay. Dapat puspusang pagsikapan ng BHB na akiting palabas ng kanyang kuta ang kaaway. Walang mapapala kung madalas na dadalhin ang labanan sa kanyang mga balwarte o matitigas na bahagi.

Batay sa karanasan natin, pinakamainam na akiting palabas ang kaaway mula sa kanyang malalakas na kampo at atakihin siya habang kumikilos. Sa pangkalahatan, sa mga ambus tayo nakakakuha ng mas maraming armas, bukod sa menos pa rito ang nagagastang bala at pinsala kaysa sa mga reyd sa malalakas na himpilan ng kaaway.

Sa kawalan ng mabibigat na armas, ang tagumpay sa paglusob sa mga portipikadong kampo ng kaaway ay pangunahing nakasalalay sa pinakamainam at pinakamasusing pagpaplanong nakabatay sa mahusay na gawaing paniktik, gayundin sa kakayahan ng pang-atakeng pwersa na makalapit sa target nang hindi namamalayan. May panganib na maging magastos ang pag-asa lamang sa malaki-laking pormasyon o pwersang maikokonsentra sa mga operasyong reyd laban sa mas maliit pero napakaprotektadong pwersa ng kaaway.

Kapag naakit ang kaaway papasok sa kanayunan o sa kalupaang paborable sa BHB, napipilitan siyang magkalat ng kanyang mga pwersa at nalilikha rin ang mga pagkakataon hindi lamang para isa-isang madurog ng BHB ang mga ito kundi para mabigyan din ng maririing dagok ang mga himpilan ng kaaway sa mga lunsod. Pag nagsumiksik ang kaaway sa kanyang malalakas na balwarte at pag ginamit niya ang mga haywey sa paglipat-lipat sa mga bahaging ito sa proteksyon ng mga helikopter at tangke, nabibitiwan niya ang populasyon at kalupaan. Nabibigyan ng pagkakataon ang BHB na paulit-ulit na lipulin o kaya'y dis-armahan ang kanyang mga pwersang pulis at paramilitar.

Sa paglitaw ng mas malalaking pormasyon ng BHB, lalong nagiging mahalaga ang pagtatayo ng Partido at ang kabuuang gawaing pang-ideolohiya at pampulitika sa loob ng hukbo. Dapat tiyakin ng mga komite ng Partido sa antas-kumpanya at mga sangay ng Partido sa antas-platun, gayundin ng buong sistema ng upisyal na pampulitika, na umiiral sa hanay ng mga upisyal at tauhan ng hukbong bayan ang kalusugan sa ideolohiya, mataas na diwang mapanlaban, matatag na disiplina, demokrasya sa relasyon ng mga upisyal at tauhan, at ang pagsunod sa linyang masa.

Ang pagpapaunlad ng mga kumpanya bilang mga pwersang pambato na pwedeng pagkumbinahin bilang mga batalyon ay nangangahulugan ng pakikihamok na may maiikling panahong pahinga sa pagitan ng mga labanan at tuluy-tuloy na paghahanap o paglikha ng mga pagkakataon para malipol ang kaaway. Pero di-maiiwasang tungkulin ng mga regular na yunit ng BHB ang mga gawain sa propaganda, kultura, produksyon at iba pang tipo ng gawaing masa sa hanay ng mamamayan. Ito'y para matiyak na hindi hiwalay sa buhay na pampulitika ng mamamayan sa mga lokalidad ang mga regular na mandirigma.

Ang dapat na pangunahing balon ng suporta ng BHB ay ang sambayanang Pilipino, laluna yaong nakikinabang sa mga kampanya ng rebolusyonaryong kilusan at kung gayo'y malugod na nag-aambag sa rebolusyon.

Ang BHB ay pwedeng lumahok sa mga produktibong aktibidad para mapunan ang sarili nitong mga pangangailangan; pwede rin itong aktibong makipagtulungan sa masa sa gawaing produksyon.

Ang buwis ay dapat kulektahin sa mga taong pinapayagang magnegosyo o pumasok sa mga mapagkakakitaang operasyon sa mga larangang gerilya o paligid nito. May pagkakaiba ang mulat na panginoong maylupa at ang masasamang panginoong maylupa; ang una'y sumusunod sa mga batas ng pamahalaang bayan, laluna yaong hinggil sa reporma sa lupa at pagbabayad ng buwis.

Ang BHB ay dapat makinabang sa suportang moral at materyal ng mga mamamayan ng ibang bansa. Subalit ito'y dapat na suplemento at pantulong lamang sa mga pagsisikap na umasa sa sarili. Hindi dapat na maging palaasa ang BHB sa tulong ng ibang bayan. Dapat na makaabante ito kahit walang tulong na militar mula sa ibang bayan.

Posibleng makakuha ng ilang mabigat na sandata hindi mula sa larangan ng labanan kundi sa pamamagitan ng importasyon. Mahalaga man ang importasyon, ito'y suplemento at pantulong lamang sa pangunahing pagsisikap na armasan ang dumaraming Pulang mandirigma ng mga armas na nasasamsam sa kaaway. Mas mapagpasya ang panloob na kapasidad. Mainam na pakatandaan na sa digmaan ng mabibigat na sandata, ang mapagpasyang tagumpay ay nasa panig ng mayhawak ng mas maraming gayong sandata at may kakayahang hadlangan ang pagpasok ng mga ito sa kabilang panig.

Dapat pagsikapan ng BHB hindi lamang ang paglipol kundi ang paglansag din sa mga pwersa ng kaaway. Dapat ipagpatuloy ang patakaran ng mahusay na pagtrato sa mga bihag ng labanan. Dapat gawin ng BHB ang lahat ng paraan para mahimok ang mga tauhan ng kaaway, laluna yaong mga narikrut mula sa mamamayang anakpawis, na lisanin ang panig ng kontra-rebolusyon.

Sa alinmang digmaan, mabigat ang parusang iginagawad sa mga ispya. Ngunit taglay ng BHB ang diwang syentipiko at mataas na pagpapahalaga sa katarungang mas maunlad kaysa sa kaaway. Kahit limitado ang mga rekurso nito, puspusang pinagsisikapan ng BHB na mag-ipon ng datos mula sa maingat na pagsisiyasat ng mga pinaghihinalaan bago at pagkaraang mang-aresto, at mahigpit na sumusunod ito sa mga kaukulang proseso habang isinasagawa ang paglilitis at paghatol.

Ang kaaway ay walang pakundangang nang-aaresto, nagtotortyur, nagdedetine at namamaslang ng tao. May rebolusyonaryong karapatan ang BHB na mang-aresto, magdetine, mag-imbestiga, maglitis at magparusa sa mga kontra-rebolusyonaryo. Tiyak na sasapit ang panahon na sa dami ng nabibihag ng BHB mula sa digmaan ay mapipilitan ang reaksyunaryong gubyerno na makipag-usap hinggil sa palitan ng mga bilanggo ng digma o prisoners of war at makipagkasundo sa rebolusyonaryong kilusan. Sa kaparaanang ito, magagawang kamtin ng rebolusyonaryong kilusan ang belligerency status sa ilalim ng internasyunal na batas.

Isang palagiang patakaran ng rebolusyonaryong kilusan ang pagsisikap na matamo ang kapayapaang mapagpalaya, matibay at makatarungan. Makakamit ito sa pamamagitan ng pagbubuo ng isang progresibong koalisyong gubyerno na tunay nanakabubuti sa mga mamamayan, o kaya'y sa pamamagitan ng puspusang pagsusulong ng pakikibaka hanggang sa makamit ang ganap na tagumpay at maitayo ang isang rebolusyonaryong gubyernong koalisyon.

Kasabay ng pagdurog ng BHB sa AFP at lahat ng mapanupil na aparato ng kontra-rebolusyonaryong estado, ang sambayanang Pilipino, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ay makakapagpalaya sa kanilang sarili sa paparaming lugar hanggang sa maitayo nila ang Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

Nananawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa buong Bagong Hukbong Bayan -- sa mga kadre, kumander at mandirigma nito -- na kamtin ang higit na malalaking tagumpay at ipaglaban ang ganap na tagumpay sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Sulong tungo sa ganap na tagumpay!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Pambansa-Demokratikong Prente!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!


KOMITE SENTRAL
PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS
29 Marso l989


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.