Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag sa ika-22 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan

Executive Committee
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 1991

Sa ika-22 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bagong Hukbong Bayan ipinagdiriwang ng mga upisyal at kawal ng hukbong bayan at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang magiting na pagpupunyagi sa landas ng demokratikong armadong rebolusyon, ang mga maningning na tagumpay na tuntungan sa patuloy na pagsulong at ang napakainam na mga kalagayan sa ibayong pagpapalakas likha ng mabilis na pagkabulok ng reaksyunaryong naghaharing sistema.

Sa mahigit dalawang dekada ng buhay-at-kamatayang rebolusyonaryong pakikibaka sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, nabuo ang hukbong bayang sumasaklaw sa buong kapuluan at kinatatakutan ng mga reaksyunaryong kaaway ng bayan at sinasandigan ng malawak na masa laluna ng masang magsasaka bilang kanilang tagapagtanggol at kaagapay sa pakikibaka.

Ang hukbong bayang ito ay lubos na nakalaan sa pakikibaka para sa ganap na pambansang kalayaan at tunay na demokrasya, panday sa mga kahirapan at maigting na labanan, at pleksible sa taktika. Ang hukbong ito ay hukbong panlaban, pang-organisa sa masa, pampropaganda at pamproduksyon. Walang humpay itong nagpapakahusay sa gawaing militar at gawaing pampulitika at may pinakamataas na pagpapahalaga sa pagmamantini ng pinakamalawak at pinakamalalim na ugat sa masa ng sambayanan.

Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong determinasyon, pag-asa sa masa at pag-aaral sa mga karanasang positibo at negatibo, nabigo ng hukbong bayan ang maraming malaki at maliit na kampanya at operasyong militar ng reaksyunaryo't mersenaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Kasalukuyang binibigo nito ang total war ng rehimeng US-Aquino na sinimulan noong 1987 at may ambisyong durugin ang armadong kilusang rebolusyonaryo sa 1991.

Para sa kanilang total war, ibinuhos ng rehimeng US-Aquino ang halos 10% ng badyet ng reaksyunaryong gobyerno taun-taon mula 1987, dinagdagan ng 47,000 tropa ang mahigit 150,000 lakas-tauhan ng AFP noong 1988 at 1989, kinonsentrahan ng pwersang laking-dibisyon at laking-brigada ang pinakamalakas na mga larangang gerilya ng hukbong bayan at binuo ang bata-batalyon ng mga CAFGU at mga anti-komunistang sektang panatiko na nagsilbing galamay ng AFP sa pagkontrol populasyon sa pamamagitan ng dahas at takot.

Noong 1989 sinimulan ng rehimen ang kanilang pangkalahatang opensiba alinsunod sa istratehiyang clear, hold, consolidate and develop. Malawak na mga bahagi ng kanayunan ang sinuyod ng mga operasyong laking-brigada at laking-dibisyon ng AFP, niligalig, sinalanta at nilimasan ng naninirahan. Pero pagkatapos ng tangkang kudeta ng 1989 at laluna nang tumindi ang krisis sa ekonomiya noong 1990 nagsimulang maubusan ng hangin ang pangkalahatang opensiba ng rehimeng US-Aquino. Inamin ng dating chief of staff Hen. de Villa na hindi nila kayang durugin ang armadong kilusang rebolusyonaryo sa 1991.

Pinakamalaking hadlang sa kontrarebolusyonaryong ambisyon ng rehimen ang pursigido at habang lumalao'y nagiging higit na epektibong paglaban ng hukbong bayan at masa sa kanayunan. Sa harap ng malakihan at ubos-kayang mga kampanya ng pagsukol ng AFP, nagpakahusay sa mga taktikang gerilya ang mga yunit ng hukbong bayan upang ipreserba ang sarili, walang tigil na pahirapan ang kaaway at mag-inisyatiba sa mga taktikal na opensiba at sa gawaing masa. Ang kabuuang lakas sa riple ng hukbong bayan ay patuloy na napalaki bagama't lumiit ang bilang na nadagdag taun-taon.

Napanatili sa kabuuan ang sapat na maniobrahan ng mga yunit ng hukbong bayan kahit naiwanan ang malawak na mga bahagi dahil sa tindi ng pag-atake ng kaaway at mga pagkakamali at kahinaan natin. Sa kalakhan ng mga lugar na napilitang iwanan, ang masa ay patuloy na sumisimpatiya sa rebolusyon at kapag muling naabot ay mainit na tumutugon sa pag-oorganisa at pagpapakilos ng mga yunit ng hukbong bayan o mga pangkat sa gawaing masa.

Dagdag pa, pursigidong nilalabanan ng mga yunit ng Partido at hukbo ang pagkitid ng mga larangang gerilya sa pamamagitan ng pagpapalawak sa mga di saklaw ng konsentrasyon ng kaaway at pakikipagpukpukan sa saklaw o target ng kanyang pagkontrol militar. Mapanlikhang ginagamit ang mga pamamaraang lihim at hayag, mga taktikang militar at pulitikal upang hakbang-hakbang na muling buuin ang mga organisasyong nabuwag, magpaluwag ng maniobra at buhayin ang aktibong paglaban ng masa kahit sa mga lugar na pinakamahigpit na kinokontrol ng kaaway. Marami sa mga taktika at pamamaraang ito ay ginagamit din upang mas mabilis na magpalawak sa mga bagong lugar.

Malaking sagka rin sa opensiba ng reaksyunaryong kaaway ang sarili niyang mga limitasyon at pagkakamali. Sa bawat panahon iilang lugar lang ang kayang konsentrahan ng malaking pwersa at masinsing kontrolin ng kaaway. Kaya niyang kontrolin ang mga lugar na ito sa pamamagitan ng lakas militar, pero hindi niya kayang konsolidahin ang mga ito sa pulitika at sosyo-ekonomya. Sa katunayan, sa mga lugar na mahigpit na nakontrol ng kaaway, winasak ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa, binawi ang mga tagumpay ng pakikibakang antipyudal, pinalarga ang mga imposisyon ng mga panginoong maylupa at komersyanteng usurero, lumaganap ang mga abuso ng tropang AFP at CAFGU pati ang kriminalidad at mga gawaing anti-sosyal, at sa kabuua'y tumindi ang paghihirap ng mamamayan. Bunga ng mga ito, ang masa ay natutulak na magreklamo at hayagang lumaban kahit lagi silang tinatakot at ginigipit.

Higit pa, naririyan ang mga sagkang pulitikal, ekonomiko, pinansyal at militar bunga ng labis na paglala ng sosyo- ekonomikong krisis, malubhang pagkakahiwalay ng rehimeng US-Aquino at matinding paksyunal na hidwaan ng mga reaksyunaryo sa loob at labas ng AFP. Laganap ang demoralisasyon ng mga upisyal at kawal ng AFP bunga ng di malutas na mga alitang paksyunal, korupsyon ng matataas na pinuno ng gobyerno at AFP, masamang reputasyon ng AFP sa mata ng masa at hagupit sa kanila at sa kanilang pamilya ng krisis sa ekonomya. Malaking bahagi ng tropang panlaban ng AFP ang nakatalaga sa punong lunsod laban sa mga tangkang kudeta. Ang mga limitasyon sa badyet at krisis sa pinansya ay lumalaking hadlang din sa pagpapaigting ng mga opensibang militar ng AFP.

Habang papunta sa pagkatalo ang total war ng rehimeng US-Aquino at lalong nagiging imposible ang pangarap nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan, lalo itong nagiging desperado sa pag-atake sa hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Naghahabol ngayon ang rehimen sa sinasabi nitong pagkakamit ng "istratehikong kontrol" sa armadong rebolusyon. Hangad nitong ituloy-tuloy at mas patindihin pa ang mga konsentradong opensibang militar kahit sa mas kaunti at mas makitid na saklaw. Tinatarget ng mga malakihang kampanya ang mga piling base at sonang gerilya sa mga kabundukan tulad sa Hilagang Luson, Zamboanga at Surigao-Agusan at minamantini ang mataas na antas ng militarisasyon sa Negros, Bataan at Bondoc Peninsula. Sa kalunsuran itinutuon ang mga operasyong paniktik sa mga yunit ng partisano at sa kilusang lihim. Bilang pwersang nasa istratehikong opensiba laban sa armadong rebolusyon, ang rehimeng US-Aquino ay nasa pusisyong magpakawala ng mga malaking atakeng militar at makapaminsala.

Gayunman, may rebolusyonaryong agos sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika. Malalim na bumubulusok ang ekonomya at labis-labis na naghihikahos ang malawak na masa sa kanayunan at kalunsuran. Sa tindi ng krisis, ang masa ay ispontanyong natutulak sa paglaban, sa pagbubunsod ng mga pakikibakang pang-ekonomya at sa paglahok sa mga pakikibakang pampulitika. Malubhang nahihiwalay ang naghaharing rehimeng US-Aquino at bulnerable ito sa mga paghamon at pagsalakay ng kanyang mga karibal sa pulitika, gayundin sa mga pagsambulat ng mga malakihang protesta at pakikibakang masa. Lalong umiigting ang paksyunalisasyon at labanan ng mga reaksyunaryo bagama't nakatuon ang mata ng karamihan sa kanila sa labanan sa eleksyong 1992.

Napakainam ng kalagayan sa pagpapalawak at pagbawi sa saklaw ng mga larangang gerilya, pagpapalakas ng baseng masa, pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya sa buong lapad at haba ng kapuluan, at pagpapatama ng mas marami at mas matitinding bigwas ng armadong rebolusyon sa AFP at buong reaksyon. Kumukulo ang sitwasyong sosyo-ekonomiko at pulitikal sa kalakhan ng kanayunan na pinakamatinding sinasalanta ng sosyo-ekonomikong krisis at mga kalamidad na di lamang likas kundi likha rin ng rehimeng US-Aquino. Kahit may mga bahaging patuloy ang tindi ng militarisasyon at mga atakeng militar ng AFP, malaki na ang pagnipis ng pwersa at bawas sa mga operasyon ng AFP sa di hamak na mas malawak na lugar. Higit pa, umaapaw na ang pagkamuhi ng masang magbubukid sa mga tropang AFP at CAFGU at sa rehimeng US-Aquino dahil sa kanilang mga abuso at pamiminsala.

Kailangang mas palaganapin at mas padalasin pa ang mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan at sa gayo'y mag-ipon ng higit na armas at kakayahan para isulong ang malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya na may malawak at malalim na suportang masa. Esensyal ang mga taktikal na opensiba upang masigasig na makapagpalawak at bumawi, suportahan ang kilusan at gawaing masa, at labanan at pagbayarin ng mahal ang AFP sa kanyang pagkokonsentra ng opensibang militar sa ilang piling lugar. Mahalagang aspeto na rin sa mga taktikal na opensiba ngayon, bagama't di pa pangunahin, ang layuning pabilisin at patindihin ang disintegrasyon at pagsambulat sa loob ng AFP at reaksyon.

Dapat bigyang-diin ang mga taktikal na opensibang malaganap, disentralisadong binabalak at ipinatutupad, at tumatama sa maraming bahagi ng katawan ng reaksyunaryong kaaway. Paminsan-minsan maglulunsad ang hukbong bayan ng mga koordinadong kampanyang gerilya para sa mas malaking kumulatibong pakinabang sa militar at pulitika. Maaari din ang mga piling operasyong ispesyal na sumusuporta at komplementaryo pero hiwalay sa mga kampanyang pampulitika at pakikibakang masa laban sa mga antinasyunal at antimamamayang pakana ng rehimeng US-Aquino.

Upang sagkaan at biguin ang mga konsentradong kampanya at atakeng militar ng AFP sa ilang piling lugar, kailangang paduguin siya ng mga taktikal na opensiba sa pinakamalawak na saklaw sa loob at laluna sa labas ng inaatakeng larangan. Kailangang pagbayarin siya ng mahal sa pagpapanipis ng kanyang pwersa sa malawak na bahagi upang magkonsentra ng labis-labis na pwersa sa iilang lugar. Ang mga pwersa ng hukbong bayan sa mga larangang gerilya na hindi matinding inaatake ng kaaway ay kailangang magbunsod ng mga taktikal na opensiba hindi lamang para magpalakas sa sarili kundi bilang mulat na pagtulong sa mga larangang gerilyang kinokonsentrahan ng kaaway.

Sa saklaw o target ng mga konsentradong kampanya at atakeng militar ng kaaway, dapat aktibong magtanggol sa pamamagitan ng mga taktikal na opensiba at magsagawa ng mga aksyong militar na pang-antala at panggulo sa kaaway. Ang mga aksyong ito, bukod sa panghadlang at pambira sa sumusugod na kaaway, ay dapat ding magsilbi sa pagpapataas sa morale at pag-engganyo sa paglaban ng masa. Ang pagtatanggol sa pamamagitan ng mga aksyong militar ay dapat ikumbina sa malawakang propaganda upang ilantad at tuligsain ang pag-atake ng kaaway, mga protesta at aksyong masa, at pagkuha ng pinakamalawak na posibleng suportang pampulitika sa kalunsuran at buong bansa. Dapat umiwas na maipit sa matagal at patindi nang patinding sitwasyon at labanang lantay militar.

Batay sa internal na kakayahan ng hukbong bayan at kasalukuyang latag ng baseng masa sa kanayunan, makakaya at dapat paigtingin ang mga taktikal na opensiba. Pero ang pagpapaigting na ito ay kailangang gawin kasabay ng malalaking tungkulin sa pagpapalawak, pagbawi sa mga naiwanang lugar, pagkumpuni ng mga pinsalang likha ng mga atake ng kaaway, at pagwawasto ng mga internal na pagkakamali at pagkukulang. Kailangang masigasig na palawakin ang mga larangang gerilya, abutin ang mga mataong lugar, at mahusay na ikumbinasyon ang mga lugar na mabundok at magubat sa malawak na mga kapatagan, tabing-haywey at tabing-dagat. Kailangang palawakin at palakasin ang kilusang masa at baseng masa para sa pinakamatibay na posibleng salalayan at suportang pampulitika sa tuluy-tuloy na pagsulong ng armadong pakikibaka. Kailangan din ito para sa mahusay na pagtutulungan at suportahan ng armadong pakikibaka at kilusang masa sa kanayunan at ng kilusan at pakikibakang masa sa kalunsuran.

Pinakamahalaga ngayon ang mga taktikal na opensibang nagpapaluwag at tumutulong sa gawaing masa. Habang pinaiigting ang mga taktikal na opensiba, kailangang kalkulahin ang kabuuang tindi ng labanan sa bawat saklaw para matiyak na napaluluwag at hindi napakikitid ang gawaing masa at pagpapalawak laluna sa mas matataong lugar.

Habang nagmamantini ng mga pangunahing pwersang panlaban, dapat italaga ang kalakhan ng mga pwersang gerilya sa paraang epektibo nilang nasasaklaw ang pinakamalawak na posibleng kalupaan at populasyon sa kanayunan, saan pwede nilang mahigpit na pagkumbinahin ang mga gawaing militar at mga gawain sa propaganda, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Kahit ang mga pangunahing pwersa ay dapat tuwirang palahukin sa gawaing masa sa pagitan ng mga labanan. Dapat ding paramihin ang mga sandatahang yunit at pangkat pampropaganda sa paligid ng mga lokal na yunit gerilya.

Dapat masigasig na buuin sa antas ng baryo, munisipalidad at mas mataas pa ang mga saligang organisasyong masa ng mga magsasaka, kababaihan, kabataan; isulong ang mga kampanyang antipyudal at iba pang kampanyang masa sa produksyon, pulitika, edukasyon, kultura, kalusugan at militar; at buuin at paganahin ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga komite ng NDF. Dapat sistematisahin sa antas ng baryo pero sa malalawak na saklaw ang pagpapatupad sa minimum na programa sa reporma sa lupa at ang kampanya sa pagpapaunlad ng produksyon. Kaalinsabay, sa antas ng distrito, probinsya at rehiyon, dapat hakbang-hakbang na isulong at palakasin ang mga koordinadong kampanya at pakikibaka na tumatarget sa mga malalaking haligi ng paghaharing pyudal at malapyudal.

Lumalawak ang mga karanasan sa pagpapalawak ng mga larangang gerilya at pagbawi ng mga naiwanang lugar sa pamamagitan ng mga paraang ligal. Dumarami din ang mga lugar na nakapagbubuo ng mga ligal at hayag na organisasyon ng masa. Dapat samantalahin ang mga oportunidad sa paggamit ng mga pamamaraang ito upang pabilisin ang pag-abot at pag-oorganisa sa masa. Gayunman, kailangang di kaligtaan ang pagbubuo ng mga solidong organisasyong lihim sa loob ng mga hayag na organisasyon at ang paglalatag ng iba pang mga sangkap na esensyal sa pagpupursigi laluna kapag umigting na ang labanang armado at di armado sa lugar.

Isa pang malaking pangkalahatang gawain ang internal na pagpapalakas ng hukbong bayan sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Sa nakaraang ilang taon ang mga organisasyon ng Partido at hukbo sa mga teritoryo at rehiyon ay nagtuon ng partikular na pansin sa pagpapahigpit sa disiplina, pagpapasigla ng pampulitikang edukasyon, pagpapaunlad ng sistema ng pagrekrut at pangangalaga sa tauhan, at mas matamang pagsubaybay at paggabay sa mga yunit ng hukbo. Kailangang mas mapalawak, mas masistematisa at ituluy-tuloy ito. Kailangan ding magrekrut ng mas maraming intelektwal at manggagawa upang mapaunlad ang komposisyon at mas mapalakas ang mga yunit ng hukbo at mga organisasyon ng Partido sa kanayunan.

Mayaman at makulay ang praktika ng digmang bayan sa katatapos na dekada. Sa panahong ito naranasan ng Partido at hukbong bayan ang mabilis na paglawak at paglakas noong mga huling taon ng diktadurang US-Marcos, ang pagsambulat ng pag-aalsang nagpabagsak sa pasistang diktadura, ang pansamantalang tigil-putukan at negosasyong pulitikal, ang panibagong antas ng opensiba ng reaksyon sa total war ng rehimeng US-Aquino, at ang panibagong pagbilis ng kabuuang pagsulong ng rebolusyon. Kailangang komprehensibo at wastong malagom ang mga karanasang ito upang mas mapalalim pa ang pag-unawa natin sa mga partikular na katangian ng ating digmang bayan at mga partikular na tungkulin sa kasalukuyang yugto ng ating digma.

Mahalaga ang teoretikong paglilinaw na ito upang matanglawan at maging mas matatag ang ating pagsulong hindi lamang dahil tinatanaw natin ang susunod na mas mataas na istratehikong yugto. Malaki ang posibilidad ng panibagong pagtatagpo ng kaigtingan ng armadong pakikibaka, malakihang sigwa ng mga protesta't pakikibakang masa at mga pagsambulat ng paksyunal na labanan ng mga reaksyunaryo. Napakainam ng mga oportunidad na inihahain ng obhetibong sitwasyon para sa pagpapabilis ng pagpapahina ng reaksyon at pagpapalakas ng rebolusyon. At sa gabay ng mga leksyon sa nakaraan, ang mga pakinabang at pagsulong ng rebolusyon sa kasalukuyang matinding krisis ng reaksyon -- kung ihahambing sa mga huling taon ni Marcos -- ay dapat na maging higit pang lahatang-panig, mas solido at mas malaking hakbang palapit sa ganap na tagumpay.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Isulong ang rebolusyon hanggang sa ganap na tagumpay!###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.