Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Matatag na Isulong ang Digmang Bayan!

Armando Liwanag
Chairman
Central Committee
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 1998

Lipos ng kagalakang ipinagdiriwang natin ang ika-29 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan. Nagpupugay tayo sa lahat ng kasapi ng Partido sa hukbong bayan, sa libu-libong Pulang mga kumander at mandirigma at sa ilampung libong milisyang bayan na nagsisilbing suplementaryong pwersa ng hukbong bayan.

Binabati natin silang lahat sa kanilang puspusang pakikibaka at mga sakripisyo at sa lahat ng natamong mga tagumpay sa mahabang itinakbo na ng ating digmang bayan at sa nakaraang taon. Huminto tayo sandali upang bigyan ng pinakamataas na parangal ang alaala ng mga rebolusyonaryong martir.

Ang BHB ang pangunahing organisasyong masa at prinsipal na sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng sambayanang Pilipino sa paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo. Magtatagumpay ang rebolusyong ito sa pamamagitan lamang ng matatag na pagsusulong ng digmang bayan.

Maningning ang rekord at katayuan ng BHB dahil ang mga Pulang komander at mandirigma nito ay mayroong mataas na rebolusyonaryong kamulatan, tunay na disiplinado, nagpupursigi ng ubos-kaya sa iba�t ibang linya ng gawain at lumalaban sa kaaway nang walang takot sa kamatayan at sakripisyo.

Nasa BHB ang pinakamahuhusay na mga anak ng bayan. Naglilingkod sila sa sambayanan. Lumalaban sila para sa pambansa at panlipunang pagpapalaya. Dahil dito, inaaruga at minamahal sila ng sambayanan.

I. Mga Tagumpay sa Nakaraang Taon

Ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto na sinimulan at pinamunuan ng Komite Sentral ng Partido, ay patuloy na nagpapalakas sa pamumuno ng Partido at sa bag-as ng Partido sa loob ng BHB. Sa gayon, ang hukbong bayan ay mas lumalakas sa pulitika at organisasyon bilang pwersang panlaban, pampropaganda, at pamproduksyon.

Sa saligan ay nakumpleto na ang reoryentasyon, retreyning at redeployment ng BHB sa buong bansa sa gabay ng kilusang pagwawasto. Ang masikhay na gawaing masa ay nagbunga na ng makabuluhang mga resulta. Naririyan ang papalawak at papalalim na baseng masa para sa malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya.

Rebolusyonaryong pulitika ang nasa komand. Itinataguyod at ipinapatupad natin ang pangkalahatang linyang pampulitika ng bagong-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Para sa buong bansa, ang rebolusyonaryong linya sa uri ay ang pagtataguyod sa proletaryado bilang namumunong uri, pagtatayo sa alyansa ng manggagawa-magsasaka, pagkabig sa petiburgesyang lunsod at dagdag na pagkabig sa panggitnang burgesya at pagsamantala sa pagkakahati-hati sa hanay ng mga reaksyunaryo upang ihiwalay at wasakin ang lakas ng kaaway.

Sa pakikibakang anti-pyudal sa kanayunan, ang proletaryado ay umaasa pangunahin sa maralitang magsasaka at manggagawang bukid, kinakabig ang panggitnang magsasaka, ninunyutralisa ang mayamang magsasaka at sinasamantala ang kontradiksyon sa pagitan ng mulat at imbing panginoong maylupa upang ihiwalay at wasakin ang lakas ng mga despotikong panginoong maylupa.

Itinataguyod natin ang linyang masang �mula sa masa, tungo sa masa� kapwa sa kongkretong esensya nito at sa wastong estilo ng paggawa. Sa pamamagitan ng pagsalig sa masa, ang BHB ay naging pwersang umaasa-sa-sarili na may di matutuyuang balon ng lakas. Matagumpay nating binaka ang �Kaliwa� at Kanang oportunistang agos at lumahok sa napapanahong pamumuna at pagpuna-sa-sarili upang itaas ang antas ng kamalayan, militansya at kasinupan sa paggampan sa mga gawain.

Malugod na tinanggap at nasiyahan ang masang magsasaka sa ating pagpuna-sa-sarili. Masigasig nilang tinulungan ang kanilang hukbo na mapangibabawan ang kanyang mga kahinaan at pagkukulang. Pinakamalapit ang ating ugnayan sa masa kapag ang hukbong bayan ay kusang humihingi ng superbisyon ng masa at lubos na ikinasisiya ito.

Ibinibigay natin ang pinakamataas na pagpapahalaga sa edukasyong pampulitika sa mga pagsasanay pulitiko-militar ng mga Pulang komander at mandirigma. Ito�y nagtatakda ng rebolusyonaryong mga layunin para sa pagsasanay militar, operasyon at pagpapahusay sa teknika. Ang patuloy na pagtaas ng antas ng kanilang rebolusyonaryong kamulatan ay nagpapahintulot sa mga Pulang komander at mandirigma upang mabisang magampanan ang kanilang panlabang tungkulin at iba pa sa paglilingkod sa sambayanan.

May papalaking bilang ng mga kasapi ng Partido sa loob ng BHB. Tapat at aktibo ang mga grupo at sangay ng Partido. Dahil pinasigla pa ang edukasyong pampartido, ang mga kasapi ng Partido sa mga yunit ng hukbo ay higit ang kayahang magbigay ng edukasyon sa ideolohiya at pulitika sa mga Pulang mandirigma.

Ang diin sa edukasyong pampulitika at gawaing masa mula pa noong simulan ang kilusang pagwawasto ay nagbigay ng sapat na pagkakataon sa mga Pulang mandirigma na umabante mula sa batayang edukasyong masa at pagsasanay na pulitiko-militar tungo sa batayang edukasyong pampartido at pagrerekrut.

Sa reorganisasyon ng BHB, nasusustini at napauunlad natin ang humigit-kumulang na 60 larangang gerilya na may matatag na baseng masa. Katumbas ng isang kompanya ang karaniwang kabuuang pwersa sa larangang gerilya ngunit ito ay nahahati sa isang platun bilang sentro-de-grabidad at ang ibang mga platun ay nakakalat upang saklawin ang mas malawak na radyus para sa gawaing masa, na nahahati pa sa mga iskwad at maaaring nahahati pa sandatahang tim sa propaganda, depende sa konkretong mga kalagayan.

Naideploy na sa gawaing masa ang maraming kadreng makaranasan na dating nakatali sa gawaing administratibo at gawaing opisina. Ibinabahagi nila ang kanilang mga karanasan at kaalaman sa mga bagong rekrut. Pinabibilis nito ang gawaing pag-oorganisa habang tinutulungang masanay ang mga bagong rekrut.

Nagpapahigpit ng ugnayan sa masa ang bawat yunit ng BHB. Ang BHB ay nagkokonsolida at nagpapalawak ng baseng masa sa mga larangang gerilya. Mayroon tayong milyon-milyong baseng masa sa mahigit 60 probinsya. Gayunman, kailangan nating palakihin ang proporsyon ng kasapian ng organisasyong magsasaka at iba pang tipo ng organisasyong masa. Sa ilang lugar, malakas ang impluwensya natin at nagbibigay ng suporta ang masa ngunit labis na nahuhuli ang solidong pag-oorganisa.

Kabilang sa mga rekisitos ng pagpapapalawak ang deployment ng sandatahang tim pampropaganda, ang panlipunang pagsisiyasat, mga pulong ahitasyon-propaganda, ang pagtatalaga ng mga komiteng pang-organisa sa baryo bilang pansamantalang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang pagbubuo ng mga grupong pang-organisa ng mamamayan bilang mga binhi ng mga ganap na organisasyong masa ng magsasaka, manggagawa, kababaihan, kabataan, mga bata at aktibistang pangkultura.

Kabilang sa mga rekisitos ng konsolidasyon ang pagtatayo ng lokal na mga sangay ng Partido, mga ganap na organisasyong pangmasa, ang paghahalal ng mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo bilang regular na mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga komite na nangangasiwa sa pag-oorganisa sa masa, sa edukasyon, sa reporma sa lupa, sa produksyon, sa kalusugan, sa pagdedepensa sa sarili, sa paglutas sa mga di pagkakaunawaan sa hanay ng mamamayan at sa gawaing pangkultura.

Upang matugunan ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon, isinasagawa ang kampanya sa reporma sa lupa bilang pinakamahalagang kampanya sa kanayunan. Binibigyang laya ang mga samahang magsasaka na maisakatuparan ang kanilang kahilingan sa reporma sa lupa. Batay sa kasalukuyang lakas ng rebolusyonaryong kilusan, ipinatutupad ang minimum na kahilingan sa reporma sa lupa sa malawakang saklaw.

Saanman may mga empresang nakabase sa kanayunan, hinihikayat ng BHB ang mga manggagawa na mag-organisa sa sarili at itaas ang kahilingan sa mas mabuting kalagayan sa paggawa at pamumuhay. May pagtutulungan at koordinasyon sa iba�t ibang tipo ng kampanya sa pagitan ng mga tao sa baryo at ng mga nasa sentrong bayan. Pinabibilis ng mga ligal na pakikibaka at mga anyo ng organisasyon ang pag-oorganisa at pagpapalawak.

Ang gawain sa konsolidasyon ang nagtatakda ng matibay na batayan para sa gawaing pagpapalawak. Nakapagpapalawak na sa mga bagong erya o nababawi na ng mga yunit sa pagpapalawak ng BHB ang mga dating nawalang erya kapag ang lokal na mga sangay ng Partido, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at ang mga organisasyong masa ay gumagampan na ng mga gawain sa konsolidadong mga erya. Mahigpit ang pangangailangan sa pagpapalawak o pagbawi sa mga erya sa baybay-dagat, sa linya ng komunikasyon at transportasyon at sa mga kapatagan kung saan nakakonsentra ang masa.

Dahil sa konsolidado at malawak na baseng masa, ang BHB ay nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba ayon sa kanyang kakayahan sa iba�t ibang bahagi ng bansa. Nang nakaraang taon, tayo ay nakakuha ng malaki-laking bilang ng armas mula sa kaaway sa proseso ng mga reyd at ambus. Mataas ang ating inisyatiba sa mga labanan kaya�t nadurog natin ang mga yunit ng kaaway o di kaya�y nabihag ang mga opisyal at tauhan ng kaaway.

Napahiya ang kaaway sa bansa at sa buong daigdig sa taktikal na mga opensiba ng ikalawang hati ng nakaraang taon dahil naganap ito matapos lamang ipagyabang ng pinakamatataas na opisyal militar ng kaaway na ang BHB ay nagkawatak-watak at naitaboy na sa liblib na mga lugar. Gayundin, dalawa sa mga ito ay naganap sa mga sentrong bayang malapit sa kapitolyong rehiyon ng bansa at malapit mismo sa punong himpilan ng Ikalawang Dibisyong Impantri.

Lalo pang napahiya ang kaaway nang mapilitan siyang makipagnegosasyon para sa pagpapalaya ng mga bihag ng digma matapos ang bigong operasyong pagtugis ng AFP. Pinalaya ng BHB ang nabihag na matataas ng mga opisyal ng pulisya tungo sa kandili ng International Committee of the Red Cross (ICRC) alinsunod sa patakaran ng BHB ng kaluwagan sa pagtrato at makataong mga konsiderasyon sa ilalim ng Geneva Conventions at mga kaakibat na protocol. Katugon nito, pinalaya ng kaaway ang ilang bilanggong pulitikal.

Ang maniningning na mga taktikal na opensiba ay tugon sa panawagan ng Partido na maglunsad ng taktikal na mga opensiba alinsunod sa kakayahan. Natural sa kalikasan at galaw ng mga bagay ang di pantay na pag-unlad. Ang ilang rehiyon o larangang gerilya ay may mas mahusay na katayuan at mas mataas na kakayahan kaysa iba. May ilang mga kaso na sapat ang lawak at lalim ng baseng masa ngunit ang determinasyon, karanasan at kakayahang magplano at magpatupad ng taktikal na mga opensiba ay kulang.

Tinutupad ng Partido ang papel nito sa absolutong pamumuno sa hukbong bayan sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa obhetibong mga kalagayan at sa pangkalahatan at partikular na antas ng kakayahan, pagtatakda ng linya ng pagmamartsa, pagtataas ng pangkalahatang antas ng pag-unlad at paghihikayat sa mga nahuhuli upang makahabol. Ang komite ng Partido ang direktang namumuno sa kaukulang pormasyon ng BHB sa kanyang teritoryo o erya ng responsibilidad.

II. Nasa Krisis na Sitwasyon ang Kaaway

Kulang na lamang na maglunsad ng todong digmang agresyon laban sa sambayanang Pilipino ang imperyalismong US sa ginagawa nitong iba�t ibang anyo ng interbensyon sa walang kahihinatnang pagtatangkang wasakin ang rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino.

Kabilang sa mga interbensyong ito ang pagsulsol sa pasistang diktadurang Marcos at sa huwad na demokrasya pagkatapos ni Marcos at ang malakihang ayudang militar, pautang at pakikidigmang sikolohikal. Naharap at natagalan lahat nang ito ng mga rebolusyonaryong pwersa at dahil dito ay kinilala sa buong mundo sa kapuri-puring pagpupunyagi sa digmang bayan sa gayong katagal na panahon at sa pagtumbok sa gayon sa sentral na usapin sa rebolusyon.

Ngayon, ang pandaigdigang sistemang kapitalista ay nasa malubhang krisis na walang katulad sa nakaraan. Mismong ang mga sentrong pandaigdig ng kapitalismo ang niyuyugyog ng kontradiksyon sa pagitan ng labis na akumulasyon ng kapital na pinansyal at produktibo sa kamay ng mga monopolyong burgesya sa isang banda at sa papataas na antas ng disempleyo at pagsahol ng kundisyon sa pasahod sa hanay ng proletaryado sa kabilang banda.

Napakataas ng katangiang panlipunan ng mga pwersa sa produksyon, kabilang ang mataas na teknolohiya at ang napakaedukado at binihasang pwersa sa paggawa. Ngunit ang kasakiman ng pribadong monopolyong apropriyasyon ay walang hangganan. Ang paghahangad ng mga monopolyo na magtipon at magkonsentra ng pamalagiang kapital at magbawas sa nagbabagong kapital para sa sahod ay nagpapakitid sa pamilihan ng lahat ng klase ng produkto at lumilikha ng sunud-sunod na krisis ng labis na produksyon na sumasakal sa proletaryado at mamamayan at lahat ng mga bansang nasa ilalim ng imperyalistang dominasyon.

Ang alamat ng pandaigdigang �malayang pamilihan� ay napabulaanan sa napakaigsing panahon. Higit na mabilis na nawasak ang mga pwersa sa produksyon sa ilalim ng patakarang neoliberal kaysa sa nauna ritong patakarang Keynesian. Papatindi ang walang-habag na kumpetisyon ng mga imperyalistang bansa. Ang United States ay relatibong may pinakamainam na pusisyon sa ekonomya sa kapinsalaan naman ng Japan at ng European Union. Pero lahat sila ay nasa landas ng istagnasyon, kung saan sa pangkalahatan ay pabagsak ang tantos ng paglago at pagtubo.

Ang iilang ekonomyang ipinangalandakang bagong sumisibol na mga pamilihan ay bumagsak na. Sa artipisyal na paraan ay nagawang maging mataas ang tantos ng tubo sa mga ito sa pamamagitan ng malakihang pagpasok ng ispekulatibong kapital para pinansyahan ang konsumo ng nakatataas na mga uri, burukratikong mga operasyon, pribatisasyon, ispekulasyon sa real estate at iba pa. Pinatunayang pamatay ang labis na produksyon ng manupakturang nakatuon sa eksport. Sa bandang huli, dahil sa papalaking depisit sa kalakalan at pasaning utang, naging malaking disgrasya ang diumanong milagrong Asyano na nagkaaanyo sa pagbagsak ng salapi at stockmarket.

Sa mga bayang dating pinagharian ng mga rebisyunistang pangkatin at sa isang malaking bayang kasalukuyang pinaghaharian ng isang rebisyunistang pangkatin, patuloy na bumabagsak ang ekonomya, nagdede-industriyalisa at sumasama ang kalagayan dahil sa lubos na integrasyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista sa ilalim ng mga tradisyunal na kapangyarihang imperyalista.

Lumawak ang hanay ng mga bayang dumaranas ng kondisyon ng ikatlong daigdig na pagkaatrasado ng agrikultura. Higit kailanman ang nangyaring paglawak at pagtindi ng ligalig na panlipunan at kaguluhan. Napakainam ng sitwasyon sa daigdig para sa pagrerebolusyon.

Ang mga bansang malalapit sa Pilipinas ay nasa napakalalang krisis panlipunan at pang-ekonomya. Hindi makahuma ang mga reaksyunaryong papet sa mga neo-kolonyal na kliyenteng-estado. Sumisigabo ang mga pakikibakang antiimperyalista at tunggalian ng mga uri. Ang rebolusyong Pilipino ay ganap na makikinabang mula sa bumubukadkad na rebolusyonaryong sitwasyon sa Silangang Asya, partikular sa Timogsilangang Asya.

Ganap na napatunayang tama ang Partido, ang BHB, at ang PDPP sa tuluy-tuloy nitong paninindigan laban sa patakarang neokolonyal ng mga imperyalistang kapangyarihan, mula sa Keynesian hanggang sa neoliberal na mga kondisyon, at laban sa mga diktang patakaran ng IMF, World Bank at WTO sa estadong papet sa Pilipinas.

Ang Pilipinas ay tinamaan ng higit na lumalang krisis panlipunan at pang-ekonomya. Ito ay resulta ng denasyunalisasyon, pribatisasyon, deregulasyon, liberalisasyon at pleksibilidad sa paggawa. Lahat ito ay mga patakarang dikta ng mga imperyalista at walang tutol na sinusunod ng mga lokal na tuta. Malaking bentahe na may pwersang rebolusyonaryo, na matagal ng napanday sa takbo ng digmang bayan at nagpanibagong-lakas sa pamamagitan ng kilusang pagwawasto para higit na pukawin, organisahin, at pakilusin ang mamamayan laban sa mga imperyalista at kanilang mga reaksyunaryong galamay.

Malalakas na bagyo ang nagbabanta sa Pilipinas. Ang malawak na masa ng sambayanan ay nagngangalit sa biglaang pagliit ng kanilang kinikita at pinagkukunan ng kabuhayan. Mula Hulyo ng nakaraang taon, ang debalwasyon at ang malawakang tanggalan sa trabaho ay sumalanta sa buhay ng mamamayan. Napakataba ng lupa para sa lahat ng anyo ng paglaban.

Nag-aalsa ang mamamayan sa napakalaking dayuhang utang at lokal na utang pampubliko na nilustay sa lahat ng tipo ng anti-industriyal na aktibidad. Kinatatangian ito ng sobrang konsumo ng nagsasamantalang mga uri at ng paghamig ng superganansya ng mga dayuhang monopolyong empresa. Ang kita sa eksport mula sa mga mababang-halagang manupaktura at hilaw na materyales ay laging mas mababa sa ginagastos sa import.

Nagbabangon ang nakabase-sa-urban na ligal na kilusang demokratiko ng mga manggagawa at ibang maralitang taga-lunsod, ang kababaihan, ang kabataan, ang mababa-ang-kitang mga propesyunal, at ang panggitnang saray ng lipunan at tiyak na kukomprontahin ang buong naghaharing sistema ng malakihang mga aksyong protesta laban sa disempleyo, mataas na presyo at kahirapan.

Lalaki at lalakas ang nakabase-sa-kanayunang armadong kilusang rebolusyonaryo. Ang masang magsasaka at ang mga etnikong komunidad ay namumuhi sa rehimeng US-Ramos sa marahas na pagtutol sa reporma sa lupa at sa walang-habas na operasyong pangangamkam ng mga dayuhang minahan, trosohan, plantasyon, real estate, turistang kompanya at iba pang kompanya.

Paparaming bilang ng mga migranteng manggagawa sa ibang bansa ang natatanggal sa trabaho at napipilitang umuwi sa bansa. Napopoot sila sa napakatagal nang pagwawaldas ng rehimen sa kanilang kinikitang dayuhang salapi. Balisa sila habang ang oportunidad sa pagtatrabaho dito sa loob at labas ng bansa ay mas kaunti kaysa dati.

Layunin ng Partido na paunlarin at ikoordina ang mga pakikibakang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Hinihikayat nito ang mga kasapi ng Partido at ang pinakasulong na mga aktibista na sumanib at maglingkod sa sambayanan sa kanayunan. Sa katunayan, ang makabuluhang bahagi ng pagpapanibagong-sigla ng BHB ay nagmula sa pagpasok ng mga kadre at masang aktibista mula sa hanay ng mga manggagawa at may pinag-aralang kabataan.

Sa kasalukuyan, abala ang reaksyunaryong mga uri sa eleksyon. Hindi nito maiistabilisa ang kalagayang pampulitika at pang-ekonomya. Palalalain lamang nito ang krisis pampulitika ng naghaharing sistema, laluna ang paksyunal na alitan sa pagitan ng mga paksyong reaksyunaryo.

Naeengganyo ng mga surbey sa popularidad, ang pinakamalakas na oposisyong kandidatong presidensyal ay kumbinsido na siya ang mananalo, kung hindi siya dadayain. Kaya, kung hindi siya ang mananalo at ang kandidato ng naghaharing partido ang mananalo, magkakaroon ng maraming kaguluhan sa bansa. Pinatunayan na ng naghaharing partido ang kakayanan nitong mandaya sa reaksyunaryong eleksyon ng 1995.

Gayunman, sino man ang manalo sa paligsahang presidensyal, walang magaganap na pundamental na mga pagbabago sa sistemang malakolonyal at malapyudal na pinaghaharian ng malalaking kumprador at panginoong maylupa at sa ilalim ng patakarang sunud-sunuran sa IMF, World Bank at WTO at ng mga dayuhang monopolyong empresa.

Tinuligsa na ng Partido ang kasalukuyang prosesong elektoral ng reaksyunaryong estado bilang palabas at tunay na instrumento para ipataw sa sambayanan ang mga mang-aapi at magsasamantala sa kanila. Kaalinsabay, inilinaw ng Partido ang pangangailangan sa pagtalima sa rebolusyonaryong dalawahang taktika at taktikang pakikipag-isang prente sa pakikitungo sa mga alyadong progresibo at reaksyunaryo at sa pagsasamantala sa pagkakahati-hati sa hanay ng mga reaksyunaryo.

Ang kontrarebolusyonaryong estado ay bulok sa saligan. Ang mga namumunong pulitiko, matataas na burukrata at matataas na opisyal ng militar at pulisya ay may katangiang bulok at sunud-sunuran sa mga imperyalista at mapagsamantalang mga uri.

Ang mga matataas na opisyal sa militar at pulisya ay may matataas na pusisyon sa burukrasya, may mga pribadong transaksyon sa negosyo, at nagpapatakbo ng mga sindikatong kriminal. Habang lumalala ang krisis pang-ekonomya at pampulitika, nakapagtatayo sila ng base kung saan pwede nilang agawin ang kabuuang inisyatibang pampulitika at makapangibabaw sa loob ng naghaharing sistema.

Sa kabila ng pagsuko ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas, ang mamamayang Moro ay determinadong lumaban para sa sariling-pagpapasya at sa demokrasya. Sa ganitong dahilan, amg Moro Islamic Liberation Front at iba pang armadong organisasyong Moro ay patuloy na naglulunsad ng armadong paglaban sa gubyerno sa Maynila. Ang armadong paglabang ito ay obhetibong nakatutulong sa BHB dahil naoobliga ang pwersang militar at pulisya ng kaaway na hatiin ang kanilang lakas, at sa gayon, ay nagiging mas mahina.

Noong Marso 16, 1998, ang mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Repulika ng Pilipinas [GRP] at ang National Democratic Front of the Philippines [NDFP] ay pumirma sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Tao at sa Internasyunal na Makataong Batas. Napakahalagang dokumento nito. Hanggang sa isang punto ay tinugunan nito ang kahilingan ng mamamayan para sa paggalang sa mga karapatang tao at internasyunal na makataong batas. Kung hawak ng rebolusyonaryong kilusan, magiging kapaki-pakinabang ito sa malawak na masa ng sambayanan.

Subalit hindi dapat magkaroon ng ilusyon na malapit nang makamit ang isang makatarungan at matagalang kapayapaan. Walang anumang batayan na isiping isinantabi na ng mga negosasyon ang rebolusyonaryong proseso. Sa mga negosasyon sa kapayapaan, mayroon pang dalawang mahihirap na mga paksa ng substantibong adyenda na kailangang pag-usapan bago makatungo sa pag-uusap sa usapin ng pagwawakas sa armadong labanan at redispusisyon ng pwersa.

Sa sitwasyong magpasya ang Partido at ang NDFP sa isang tigil-putukang maigsing panahon para maisagawa ang malawakang konsultasyon sa mamamayan sa pambansang saklaw, hindi dapat magluwag sa pagmamatyag ni magbawas sa katatagan at militansya. Dapat tupdin ng mga kasapi ng Partido at Pulang mandirigma ang kanilang mga tungkulin at hindi dapat ilantad ang sarili sa surbeylans ng kaaway. Ang mga karanasan natin sa tigil-putukan sa nakaraan ay nagpapatunay na ang pagpapadalus-dalos at kabulagsakan ay magdudulot ng kapahamakan sa malao�t madali.

Ang kaaway ay nagdeklara ng mahabang tigil-putukan para sa sariling layunin, tulad ng pagpapababa sa panlabang moral ng mga rebolusyonaryong pwersa, paghikayat sa di kinakailangang pagtungo sa walang taning, paulit-ulit o permanenteng tigil-putukan, pagkuha ng suporta sa kanyang prosesong elektoral at sa naghaharing sistema at pagtitipon ng impormasyong paniktik mula sa surbeylans.

Alam ng Partido at ng NDF ang nasabing mga motibo. Ngunit tahasan nilang sinabi sa GRP na handa silang pumasok sa risgo ng isang tigil-putukan na may takdang taning kung magkakaroon ng palitan ng pagsang-ayon sa kumprehensibong kasunduan, kung palalayain lahat ng mga bilanggong pulitikal at kung maisasagawa ng NDFP ang malawakang konsultasyon sa pambansang saklaw nang walang gagawing pakikialam ang GRP.

Dahil walang matibay na batayan at kumpletong batayan para sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan, matatag ang kapasyahan ng mga rebolusyonaryong pwersa na ipagpatuloy ang digmang bayan. Gayundin, ang kaaway ay desididong ituloy ang gyera sibil, na kitang-kita sa kasalukuyan nitong estratehikong patakaran ng pagpapasa ng mga tungkulin ng PNP sa AFP, ng pagredeploy ng mga yunit pangkombat ng Army sa sulong na mga pusisyon laban sa BHB at palawakin ang mga kampanya ng pagsupil sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mamamayan.

Inaasam na Pagsapit ng Ika-30 Anibersaryo

Umaasam ang buong sambayanang Pilipino, ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at ang Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa susunod na taon. Para maipagdiwang ang gayong panandang bato sa kasaysayan, tinatawagan ang mga Pulang kumander at mandirigma na tupdin ang kanilang mga panlabang tungkulin at kamtin ang higit pang mga tagumpay sa digmang bayan para sa pambansang paglaya at demokrasya.

1. Sundin ang makauring pamumuno ng proletaryado at ang absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at lubusin ang kilusang pagwawasto!

2. Isulong ang pangkalahatang linya ng bagong demokratikong rebolusyon laban sa dayuhang monopolyong kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratikong kapitalismo!

3. Isulong ang digmang bayan nang higit na masigabo kaysa kailanman, ipatupad ang masinsin at malaganap na pakikidigmang gerilya sa kasalukuyang yugto at maglunsad ng mga taktikal na opensiba alinsunod sa kakayahan!

4. Isulong ang reporma sa lupa bilang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon at lubos na bigyang laya ang inisyatiba ng masa sa lahat ng mga kampanya para sa ikabubuti ng kanilang kalagayang panlipunan at paglaya!

5. Palawakin at konsolidahin ang baseng masa, itayo ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika at mga organisasyong masa at magtatag ng mas marami pang larangang gerilya!

6. Magsanay at magpaunlad ng mga Pulang mandirigma mula sa kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran!

7. Ikombina ang mga makaranasang mandirigma sa mga baguhang mandirigma sa mga yunit ng BHB at sa mga taktikal na opensiba!

8. Maglunsad ng mga kampanya sa edukasyon at kultura para itaas ang diwang palaban ng mga Pulang kumander at mandirigma at ng malawak na masa ng sambayanan!

9. Ipatupad ang patakaran sa pagbubuwis ng rebolusyonaryong pamahalaang bayan, maglikom ng boluntaryong kontribusyon mula sa mamamayan sa batayan ng mga pakinabang na napagtagumpayan at maglunsad ng mga kampanya sa produksyon upang paunlarin ang pag-asa sa sarili!

10. Matuto sa isa�t isa at palakasin ang mahihinang mga rehiyon at larangang gerilya at isulong ang kanilang pangkalahatang pag-unlad sa bago at mas mataas na antas!

Napakainam ng mga kalagayan para sa pagrerebolusyon. Ang buong pandaigdigang sistemang kapitalista ay nasa malubhang krisis at kaguluhan. Ang pamalagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal ay bumulusok sa bagong kalaliman. Ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay dadaluyong sa maaliwalas na kinabukasan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.