Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag Hinggil sa Katiwalian sa Loob ng Armed Forces of the Philippines

Jose Buenaobra
Spokesperson
Romulo Jallores Command
New People's Army
Oktubre 18, 2004

Sintomas ng nabubulok at naaagnas na sistema sa loob ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagsingaw ng mga kaso ng katiwalian na sangkot ang mga heneral at matataas na upisyal nito.

Habang nagtitiis sa kakarampot na sahod at benepisyo ang mga nakababatang upisyal, karaniwang sundalo, at mga CAFGU sa field, ang kanilang mga upisyal tulad ni Maj. Gen. Carlos Garcia, ay nagpapasasa sa karangyaan at nagmamay-ari pa ng milyong dolyar na deposito sa mga bangko sa US.

Hindi lang si Maj. Gen. Garcia ang dapat imbestigahan kundi ang lahat ng matataas na upisyal ng Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense, kabilang ang mga dating Chief of Staff nito.

Ang mga matataas na upisyal na ito ang kumukurakot sa malaking pondo para sa pensyon, pautang, pansweldo sa mga CAFGU, at iba pang benepisyo ng mga sundalo, kabilang ang pondo sa operasyon, pondo sa pagbili ng mga lohistika�t suplay ng AFP. Hindi pa nakuntento sa pagkurakot ng pondo sa combat boots at helmet, maging pondo sa pagbili ng bond paper at paper clips ay ibinubulsa na rin.

Hindi na kayang pagtakpan ng rehimen at mga upisyal ng AFP ang umaalingasaw na amoy ng kanilang kabulukan at nagbubunga ito ng malawak na demoralisasyon sa hanay ng mga nakababatang upisyal at karaniwang sundalong nasa field.

Hindi mapipigilan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang pag-aalsa ng maraming sundalo kahit magpatupad ito ng promosyon sa matataas na upisyal ng AFP dahil hindi na nila masikmura ang nagaganap na kabulukan sa loob ng institusyon ng militar.

Dapat nang kumilos ang mga patriyotikong upisyal at karaniwang sundalo sa hanay ng AFP. Karapatan nilang igiit ang pagbabago sa loob ng kanilang institusyon at ipaglaban ang malaon na nilang reklamo tulad ng mababang pasahod, kakarampot at laging naaantalang clothing allowance, at pagtanggal ng kanilang mga benepisyo tulad ng rice subsidy at furlough pay.

Dapat nilang suriing mabuti kung sino ang tunay nilang kalaban at sino ang kanilang tunay na pinaglilingkuran, sa halip na ituon ang kanilang mga sandata sa aping mamamayang naghahangad ng makabuluhang pagbabago sa lipunan.

Kailangan ang lubos na reoryentasyon ng AFP at ng estadong pinaglilingkuran nito. Ang tunay na hukbo ay iyong naglilingkod sa mamamayan laban sa imperyalismong US at lokal na mga utusan nitong burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Ang pasistang oryentasyon ng AFP, at ang talamak na korapsyon at bulok na gawi sa chain of command nito, ay larawan lamang ng burukrata-kapitalistang oryentasyon ng estadong pinaglilingkuran nito.

Ang Romulo Jallores Command ng BHB-Bikol ay matamang sinusubaybayan ang karaingan ng mga batang upisyal, karaniwang sundalo, at mga CAFGU sa ilalim ng 9th Infantry Division at palaging nakahandang makipag-ugnayan sa iba pa sa kanila tulad ng mga nauna nilang namulat na kasamahan.

Kasamang Jose Buenaobra
Tagapagsalita

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.