Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino BisayaIlokoWaray
Read media release   

Bukas na liham sa mga nakabababang upisyal at sundalo ng AFP

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Setyembre 05, 2003

Mahal naming mga kapatid at kababayan sa AFP at PNP at CAFGU,

Sumusulat kami sa inyo dahil nalalaman namin na karamihan sa inyo, laluna ang mga karaniwang sundalo ng AFP, ay nagmula rin sa hanay ng mga dukha, inaapi at pinagsasamantalahan. Batid naming ang mga anak ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang maralita sa hanay ninyo ay mayroong saligang pagkaunawa sa interes ng anakpawis at sa dahilan kung bakit mayroon ngayong armadong rebolusyon sa ating bayan. Tiwala kaming babasahin ninyo ang liham na ito, uunawain ang mga nilalaman at didibdibin ang mga panawagan.

Tiyak na nalalaman ninyo ang kalupitan at pananalantang idinudulot sa mamamayan ng todong-gerang ipinatutupad ng AFP alinsunod sa utos ni Gloria Macapagal-Arroyo at sa udyok ng amo niyang imperyalismong US. Alam na alam ninyo ito dahil kayo ang kinakasangkapan ng mga pasistang heneral at matataas na upisyal ng AFP at ginagamit na pambala sa kanyon ng teroristang todong-digma.

Pinapawi nila ang inyong pagkatao. Kayo ang inuutusang magbomba sa mga bukid at komunidad ng mga magsasaka, maghalughog sa kanilang mga bahay, magpaulan ng bala sa mga sibilyan at manunog ng kanilang mga dampa, magtortyur sa mga pinaghihinalaan o inaakusahang rebelde at napakarami pang ibang pagmamalupit sa mamamayang walang kalaban-laban. Araw-araw ay humahaba ang listahan ng mga biktima ng ipinagagawa sa inyong pang-aabuso sa mga karapatang-tao. Sa inyong mga uniporme kumukulapol ang dugo ng mamamayan — mga manggagawa at magsasakang nagmula rin sa mga sinapupunang inyong pinanggalingan — habang nananatiling mistulang walang bahid ang mga estrelya ng inyong mga heneral at napo-promote pa bilang gantimpala sa dami ng pinatay na mga pinaghihinalaang NPA o suporter nito. Ginagawa kayong berdugo ng bayan habang sila ay nagmamalinis.

Wala ni katiting na malasakit ang matataas na upisyal ng AFP sa inyong mga nakabababang upisyal at karaniwang sundalo. Isinusubo kayo sa pakikipaglaban sa NPA at MILF kahit pa alanganin ang inyong katayuan kaya't madalas na nangyayayaring nasasawi ang maraming bilang ng inyong mga kapwa sundalo. Dumarami nang dumarami ang inyong mga kapwa sundalong nasasawi dahil sa walang saysay na pagsasabak sa inyo sa mga labanang tiyak na bigo. At upang pagtakpan ito, binabaluktot ng inyong mga upisyal ang tunay na pangyayari. Hindi binibigyan ng nararapat na pagkilala at tulong ang inyong mga kasamahang nangabuwal sa larangan.

Alam namin ang dinaranas ninyong pang-aabuso sa kamay ng inyong mga upisyal. Ginagawa kayong mga utusan at tinatrato kayong parang walang sariling pag-iisip. Sinasaktan kapag nagkakamali o basta makursunadahan ng tila nauulol ninyong mga upisyal. Karaniwan nang pagbubulyawan at duruin may kaunti lang silang di magustuhan.

Bilang isang mapaniil na instrumento ng reaksyunaryong estado, likas ang kawalan ng demokrasya sa loob ng AFP. Walang puwang upang kayo'y makapagpahayag ng inyong mga interes at hinaing. Pinatitikom ang inyong mga bibig at kahit mga mata at isip ninyo'y nais nilang sarhan sa harap ng maraming nakikita ninyong mga kabulukan nila. Pinakamatindi ang ginawang pagpatay kina Navy Ensign Pesta�o at Air Force Lt. Jessica Chavez dahil sa pagpalag at balak nilang pagsisiwalat sa mga nakita nilang katiwalian. Tinakpan ang mga krimeng ito at pinalabas na lamang na nagpakamatay ang mga biktima.

Bunga ng ganitong mga pangyayari, ang AFP ang pinakamabilis mabulok sa buong reaksyunaryong naghaharing sistema. Nakapamamayagpag ang mga nakatataas na upisyal, napaiiral ang kanilang interes at kagustuhan at hayagan na ang kanilang korapsyon at mga tiwaling gawain. Ginagamit pa kayong tauhan sa kanilang mga katiwalian at maging sa pagpapatakbo ng kanilang mga sindikato. Ginagawa kayong private army ng mga pulitiko at protektor ng malalaking negosyo at lupain, taga-escort ng mga iligal na troso at mga smuggled na produkto, tagahakot ng mga "kinumpiskang" marijuana at iba pang kontrabandong pinalilihis nila sa pribadong mga taguan nila. Ginagamit kayo sa kidnapping at panghoholdap sa bangko. Itinataya nila ang inyong buhay para sa katiwalian at pakinabang ng bundat na mga heneral.

At kapalit ng ano? Sahod na hindi nakasasapat upang bigyan man lamang ng disenteng buhay ang inyong nauulilang pamilya. Naaantalang sahod na ginagamit muna ng mga kurakot ninyong upisyal sa pagnenegosyo o pagsusugal. Katiting na sahod kung ihahambing sa napakalalaking sahod ng pinakamatataas ninyong upisyal o sa mas malaki pang halagang ibinubulsa nila sa korapsyon at mga gawaing kriminal.

Tumitindig ang balahibo ng aming mga kasama sa mga hinaing at kwento ng mga nabalo ng marami ninyong mga kasamahan, na sa proseso ng kanilang paghahabol sa mga benepisyo ng kanilang nasawing asawa ay labis na pinahihirapan at masahol pa ay nililigawan at may mga kinakabit pa ng mga kumontrol sa mga pensyon at benepisyo.

Katulad ninyo, mataman kaming nakinig sa mga hinaing ng mga kapwa ninyo kabataang upisyal at ordinaryong sundalo noong Hulyo 27 sa Oakwood Hotel. Katulad ito ng matamang pakikinig namin sa tuwing may mga tulad ninyong lumalapit sa amin upang humingi ng tulong at payo tungkol sa kanilang mga daing sa korapsyon ng inyong mga upisyal at mga pang-aabuso sa inyo at sa mamamayan. At tulad ng lagi naming sinasabi sa mga upisyal at sundalong lumalapit sa amin, isinaad namin noong Hulyo 27 ang pagsimpatya ng Partido Komunista ng Pilipinas, ng NPA at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa mga ipinahayag na hinaing.

Inililinaw namin na ang lahat ng mga daing na ito ay salamin ng kabulukan, pagkamersenaryo, papet, pasista at di demokratikong organisasyon ng AFP. Ang AFP ay nagsisilbi sa interes ng iilang makapangyarihan sa lipunan, sa pagtatanggol sa interes ng dayuhang kapangyarihan at ng malalaking asendero, malalaking negosyante at malalaking pulitiko. Hindi ba't laging nakaumang ang inyong mga baril sa mga magsasakang lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupa? Hindi ba't lagi kayong kinakasangkapan upang supilin ang mga manggagawang nagwewelga? Hindi ba't ang pangunahing tungkulin ng AFP ngayon ay gapiin ang paghihimagsik ng mamamayan at lipulin ang rebolusyonaryong armadong kilusang nakikibaka para sa mga kinakailangang saligang pagbabago sa lipunan?

Sinasabing ang AFP ay kailangang magtanggol sa bansa laban sa mga banta ng dayuhang kapangyarihan. Subalit wala itong ginagawa kahit pa araw-araw ay nagsasamantala ang mga dayuhan sa ekonomya ng bansa, nagsasamantala sa murang pasahod sa mga manggagawa; umaangkin ng malalawak na lupain ng mga magsasaka; humuhuthot ng napakalaking kabayaran para sa mga pautang na di naman natin pinakinabangan; umaagaw at kumukontrol sa iba't ibang mahahalagang aspeto ng buhay ekonomya; lumalapastangan sa ating pambansang patrimonya at naglulubog sa atin sa palalim nang palalim na kumunoy ng krisis sa ekonomya; at nanghihimasok maging sa mga panloob na usaping pulitikal at militar sa bansa. Hindi lamang sa walang ginagawa ang AFP para ipagtanggol ang pambansang interes, mismong ang matataas na upisyal nito ang naghihikayat sa armadong panghihimasok ng US sa bansa, lumalapastangan kahit sa sinasabing ipinagtatanggol nitong konstitusyon na nagbabawal sa pagpasok at pagbabase ng mga dayuhang tropa at ng kanilang mga armas nukleyar.

Katulad ng nakararaming mamamayan, ang buhay ninyong nakabababang upisyal at mga ordinaryong sundalo ng AFP ay pahirap nang pahirap habang lalong lumulubha ang krisis sa ekonomya. Kasabay nito, palala nang palala naman ang mga kaso ng katiwalian sa loob ng militar at burukrasyang sibil dahil sa pagmamadali ng matataas na upisyal na pakinabangan ang kanilang poder at limasin ang kumikitid na kayamanan ng bayan. Bulok sa kaibuturan ang AFP at lalo pa itong nabubulok sa pagtatanggol nito sa bulok, papet at mapang-aping sistema.

Ang pinakamalalaking taksil sa bayan ang nag-uutos sa inyo na itutok ang inyong mga baril sa mamamayang nakikipaglaban para sa demokrasya at soberanya ng bansa. Gamit ang AFP, nais nilang gapiin ang pakikibaka ng mamamayan. Pinaiigting nila ang gera-sibil sa desperasyong ipagtanggol ang kasalukuyang mapang-aping sistema. At walang ibang sinasalanta ang todong gerang teroristang ito kundi ang mamamayang Pilipino.

Sa harap ng lahat ng ito, panahon na upang kayo'y manindigan. Manindigan laban sa korapsyon! Manindigan laban sa teroristang todong gera ng rehimeng Arroyo! Manindigan laban sa pagpapakapapet ni Arroyo sa US! Manindigan para sa demokrasya! Manindigan para sa pagpapalaya ng bayan mula sa saklot ng mga dayuhan! Manindigan para sa mamamayan!

Ang mga hinaing ng mga kapwa ninyong kabataang upisyal at karaniwang sundalo dulot ng labis na kabulukan ng papet na estado at ng kinapapalooban nilang mersenaryong hukbo ay nagtulak sa kanilang mag-aklas noong Hulyo 27. Ngunit ang dala-dala nilang adyenda ay kapos sa nilalaman, hindi mahusay ang kanilang pamamaraan, wala silang mahigpit na ugnay sa demokratikong kilusang masa at suporta mula sa malawak na mamamayan. Mas masama, ang mas tumampok pa ay ang kilos at adyenda ng malalaking pulitikong kaugnayan nila na gusto lamang pumalit sa nakaluklok na rehimen.

Mabilis na tumumba ang pag-aalsa. Pero ang isang mabuting bagay na ibinunga nito ay ang nakagugulantang na pagbubulgar at pagkundena nila sa talamak na korapsyon sa reaksyunaryong gubyerno at AFP-PNP, malubhang demoralisasyon sa hanay ng mga upisyal at sundalo, at ang pagpapakana ng Malakanyang at AFP ng terorismo at pambobomba sa Mindanao para maakit ang suportang militar at interbensyong militar ng US. Hindi lamang nito binuksan ang mata ng mamamayan sa mga kabulukan sa loob ng militar, binigyan din kayo nito ngayon ng inspirasyon at lakas ng loob na magsalita at lumaban. Patuloy nitong niyayanig ang AFP, PNP, gubyerno, naghaharing sistema at ang mga reaksyunaryong naghaharing uri.

Dumarami na rin mula sa hanay ninyo ang nagbabangon na. Kamakailan, dalawang platun ng CAFGU at ang kanilang mga handler sa AFP sa Agusan del Sur ang sama-samang lumapit sa NPA. Hindi na nila masikmura ang pang-aabuso sa kanilang mga upisyal at ang pang-aabuso sa mamamayan na ipinagagawa sa kanila. Pinayuhan at tinulungan pa sila ng mamamayan sa lugar. Ipinagdiwang ng mamamayan doon ang pangyayaring ito at pinuri ang mga CAFGU at sundalong lumipat sa panig ng NPA.

Napapanahon na para kayo ay manindigan at kumilos para sa mga lehitimong kapakanan ninyo at ng sambayanan. Maaari kayong:

  1. Magbuo ng mga lihim na grupo upang talakayin ang inyong mga suliranin at hinaing, ang ugat ng mga ito at ang ugnayan ng mga ito sa mga suliranin ng mamamayan at ng buong bayan.
  2. Magbuo ng mga ligal na samahan ng mga karaniwang sundalo, maggiit ng karapatan sa pagbubuo ng mga ito at himukin din ang pag-oorganisa ng inyong mga kapamilya para sa komun ninyong mga kapakanan. Maglabas ng mga bukas na liham at pahayag at magsalita sa mga hayag na porum. Gamitin ang iba't iba pang hayag na demokratikong daluyan ng inyong pakikipaglaban para sa inyong mga interes.
  3. Magpalalim ng pagsisiyasat at pag-aaral sa kalagayan ng AFP at buong organisasyong militar, ng gubyerno at ng ating bayan at ibahagi ang mga ito sa mga pabatirang pangmadla at sa bayan.
  4. Magparami at mamahagi ng mga progresibong babasahin at magdaos ng mga pag-aaral at talakayan tungkol sa nilalaman ng mga ito. Iminumungkahi naming mahigpit ninyong suriin at pag-aralan ang pambansa demokratikong rebolusyonaryong programa ng National Democratic Front of the Philippines.
  5. Sumuway sa mga iligal at antimamamayang utos ng inyong mga nakatataas na upisyal kabilang ang mga operasyong panghahalughog sa mga komunidad ng mga magsasaka, iligal na pang-aaresto, pagtortyur, pagpapaulan ng mga bomba o bala sa mga sibilyan at iba pang kautusang nakapipinsala sa mamamayan at lumalabag sa kanilang mga demokratikong karapatan. Mangahas na ilantad at labanan ang anumang ganitong ginagawa ng iyong mga pinuno.
  6. Hangga't kayo ay napapabilang sa AFP at kasama sa mga operasyon laban sa mga mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa, malaki ang posibilidad na masusuong kayo sa mga armadong sagupaan sa NPA. Sa gayong mga sitwasyon, maaari kayong makagawa ng mga paraan para iwasang magkasagupaan. Kung magkaroon man, hinihikayat namin kayong kaagad humingi ng tigil-putukan at isurender ang inyong mga armas sa NPA. Hindi katumbas ng inyong buhay ang ipagtanggol ang isang bulok na organisasyon at isang bulok na sistema. Alalahanin ninyo ang inyong mga pamilya. Sa panig ng NPA, kikilalanin ang inyong mga karapatan at mahusay na tatratuhin alinsunod sa mga internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa digmaan.
  7. Umugnay at makipagkaisa sa hayag na demokratikong kilusang masa. Iugnay ang inyong lehitimong mga karaingan sa lehitimo ring karaingan ng iba't ibang demokratikong sektor at ng malawak na masa ng sambayanan. Mas epektibo ninyong maipaglalaban ang inyong mga interes kung nakaugnay at nakasanib ito sa pakikipaglaban ng iba't ibang demokratikong sektor at ng nakararaming mamamayan, laluna't ang mga ipinaglalaban nila ay nasa saligang interes din ninyo at ng inyong pamilya at mga kauri.
  8. Umalis sa pagserbisyo sa reaksyunaryong militar at maging karaniwang sibilyan na lamang. Kung tutuusin, mas mainam pa ito kaysa magpatuloy sa paglilingkod sa bulok na papet at reaksyunaryong militar. Mas mainam pa, sumapi sa mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan o kalunsuran.
  9. Sumanib sa rebolusyonaryong kilusan. Isulong ang Kilusang Lt. Crispin Tagamolila. Ang inyong mga suliranin bilang mga kabataang upisyal at ordinaryong sundalo, sa katuus-tuusa'y nakaugnay sa mga suliranin ng sambayanang Pilipino at mapagpasyang malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka.

    a) Habang nasa loob ng reaksyunaryong militar, lihim na makipag-ugnayan at kumilos para sa rebolusyonaryong kilusan. Maaari kayong maglabas ng mga armas at iba pang kagamitang pandigma, magpaabot sa NPA ng mga kinakailangang impormasyon sa kilos ng militar o gumampan ng iba pang rebolusyonaryong tungkulin.

    b) Tulad ni Lt. Crispin Tagamolila, maaari kayong sumapi sa NPA o sa mga yunit ng Milisyang Bayan at tuwirang lumahok sa sandatahang pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

Umaasa kaming tutugunin ninyo ang mga panawagan naming ito.

Lubos na sumasainyo, sa ngalan ng rebolusyonaryong sambayanang Pilipino,

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Tagapagsalita, Partido Komunista ng Pilipinas
5 Setyembre 2003

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.