Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Kasamang Tony, ubispo at kaibigan ng mahihirap

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Hulyo 15, 2003

Sa ngalan ng Partido Komunista ng Pilipinas, nais kong ipaabot ang taas-kamong pagpugay ng Partido at ng buong rebolusyonaryong kilusang Pilipino kay Bishop Emeritus Antonio Fortich ng Negros.

Ang mga manggagawa, magsasaka, manggagawang-bukid at karaniwang mamamayan ay laging may nasulingan kay Bishop Fortich. Nakikiisa siya sa kanilang mga pakikibaka kahit pa ang kalabang pwersa ay mga pinakamakapangyarihan at pinakamabagsik sa lipunan.

Si Bishop Fortich ay kilalang militanteng tagapagtaguyod ng katarungang panlipunan. Walang-takot niyang ipinagtanggol ang mga karapatang sibil laluna sa harap ng matinding militarisasyon. Kaisang-hanay ng mamamayan si Bishop Fortich sa mga pagtutol, martsa at demonstrasyon laluna noong panahon ng batas militar at kahit matapos ito. Maging ang internasyunal na komunidad ay kumilala sa mga pagsisikap at nakamit niya sa interes ng katarungan, karapatang-tao at kapayapaan kaya't nakasama siya sa mga nanomina para sa Nobel Peace Prize.

Hindi siya nayanig kahit na siya mismo ang pinakitaan ng dahas ng mga pasista, ang kanyang upisinang pinaglalagyan ng mga testimonya tungkol sa paglabag sa mga karapatang-tao ay sinunog nila at sa isa pang pagkakataon ang kanyang tirahan ay pinasabugan ng granada. Ginawa siyang target ng matinding panlalait at operasyong paninira ng mga panginoong maylupa, warlord at pinunong militar sa Negros. Paulit-ulit nila siyang tinatakot at pinagbabantaan.

Sa iba't ibang paraan nilabanan niya ang pyudal na pagsasamantala at paghahari at ipinaglaban niya ang tunay na reporma sa lupa. Isa sa mga mahigpit niyang itinaguyod ang karapatan sa lupa at makatarungang sahod at iba pang interes ng mga manggagawa, magsasaka at sakada sa mga asyenda ng mga tubo. Matinding ikinagagalit at kinukondena niya ang di makatarungang kalagayang hati ang lipunan, sa isang banda, sa iilang nasa naghaharing uri na nagpapakasasa sa kanilang sobrang yamang nagmumula lamang sa ganid na pagsasamantala at pandarambong at, sa kabilang banda, sa nakararaming mamamayan lubhang nagugutom, busabos at api.

Lubos ring naunawaan ni Bishop Fortich ang pangangailangan at katumpakan ng armadong rebolusyon. Naniniwala siyang ang tunay na kapayapaan ay makakamit lamang kung mayroong katarungang panlipunan. Nirerespeto niya't binibigyan ng mataas na pagturing at suporta ang mga rebolusyonaryong nag-armas--kabilang ang mga dati niyang kasamahan at nanatiling malapit na kaibigan niyang pari, madre at mga relihiyoso--sa paghahangad na malutas ang daan-daan taon nang pagbubusabos at pang-aapi sa masang Pilipino. Kabilang sa pinakamalalapit sa kanya ang mga dating paring sina Luis Jalandoni at Frank Fernandez, kapwa mga kilalang personahe at namumuno sa National Democratic Front.

Nakabilang siya sa lupon ng mga tagapayo ng National Democratic Front at pana-panahaong nakikipagkunsulta sa kanya ang mga namumunong kasama sa NDF. Madalas rin siyang bumibisita sa mga sonang gerilya upang makisalamuha at makipag-dayalogo sa mga kasama sa Bagong Hukbong Bayan. Ang mapagmahal na katawagan ng mga kasama sa kanya na "Kasamang Tony" o madalas ding "Kumander Tony" ay naging permanente na niyang pangalan sa rebolusyonaryong kilusan at masa.

Sa pagpanaw ni Bishop Fortich, ang mahahalagang nagawa niya sa pagtatanggol sa interes ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis, ay palaging nakaukit na sa kasaysayan at sa alaala ng mamamayan. Isang bantayog ang nakatayo para sa kanya sa puso ng mamamayan. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.