Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

Pagbabayaran ng US ang pananakop nito sa Iraq

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Abril 11, 2003

Natupad na sa saligan ang pananakop ng mga pwersang US sa Iraq matapos na pasukin at kontrolin ang Baghdad at baklasin doon ang awtoridad ng gubyerno ng Iraq.

Ginamit ng US ang lubos na nakapamamayaning lakas upang pwersahang masakop ang Baghdad at iba pang susing lugar sa Iraq. Sistematikong pinagbobomba ng US, hindi lamang ang mga istrukturang militar, kundi pati ang mga imprastrukturang sibilyan. Walang pakundangang dinamay ang mga sibilyan, sa layuning pwersahang baklasin at pabagsakin ang gubyerno, papaghariin ang takot sa mamamayang Iraqi at paluhurin sila sa kapangyarihang militar ng mga mananakop.

Ang kampanya ng pananagasa ng mga tangke at pagpapaulan ng mga bomba ng US ay rumurok sa mahigit 10 taong pandirigma at pagpapahirap nito sa Iraq. Ang libu-libong mamamayang pinatay sa nagdaang 20 araw ay dumagdag sa mahigit 1.5 milyong mamamayang Iraqi, kabilang ang 750,000 mga bata, na pinatay ng US sa nakaraang 10 taon ng embargo sa Iraq na nagkait rito ng mga kinakailangang suplay ng pagkain at gamot.

Ngunit hindi kailanman mapapanatag doon ang kolonyal at neokolonyal na paghahari ng US. Sadyang malalim at mahaba ang kasaysayan ng galit at poot ng mamamayang Iraqi sa imperyalismong US. Kahit ang paglaladlad ng bandera ng US sa Baghdad ay kaagad na pinigilan ng mga Iraqi. Mababaw ang bisa ng puspusang pagpopropaganda at pagpapabango ngayon ng US para pagtakpan ang matagal na panahong paglapastangan nito sa soberanya ng Iraq, pandarahas at pamiminsalang idinulot nito sa mamamayan ng Iraq.

Habang nananatili ang mga tropang Amerikano at ang tuwiran o di-tuwirang paghahari ng US sa Iraq, palagiang may target ang pakikibaka ng mamamayang Iraqi laban sa pambansang pang-aapi at palaging may palatandaan sila kung papaano sila pinahirapan sa nakaraang sampung taon at nitong mga nakaraang araw na tuluyan silang sinakop ng US.

Ang tunay na pakay ng US ay madaling nalalantad. Alam na alam ng mamamayang Iraqi na ang reserbang langis nila - na may pinakamataas na kalidad at pangalawang pinakamayaman sa buong mundo - ang matagal nang pinaglalawayan ng mga malalaking korporasyong US. Bago pa man maibagsak ang gubyernong Iraq, tiniyak ng US na nasa ilalim ng kapangyarihan nito ang itinatayong bagong pampulitikang awtoridad na mangangasiwa sa diumano'y "rekonstruksyon" ng Iraq.

Ang mga monopolyo-kapitalistang Amerikano animo'y mga buwitreng lumalapa na sa Iraq bago pa man ganap ang pagsakop. Ang lahat ng mga kontrata para sa pagmimina at pangangalakal ng langis at sa "rekonstruksyon" ng Iraq ay nailaan na sa mga kumpanyang Amerikano.

Lubos itong ikinagagalit ng France, Germany, Russia at iba pang imperyalistang bansang itinaboy ng US mula sa Iraq. Kahit ang United Kingdom, na kasabwat ng US sa pagsalakay sa Iraq, ay di lubusang nasisiyahan na aambunan lamang ito ng US ng mga subkontrata sa "rekonstruksyon". Samantala, kakawag-kawag ang buntot ni Macapagal-Arroyo at iba pang papet ng US para hagisan ng mumo ng pananakop ng US sa Iraq.

Itinatayo na ng US, inaarmasan at sinasanay ang isang bagong hukbo na binubuo ng mga Kurd at iba pang mga katunggali ng rehimen ni Saddam Hussein upang sumuporta sa bagong pampulitikang awtoridad ng imperyalismong US sa Iraq. Sa hinaharap, ito ang instrumentong gagamitin ng imperyalismong US upang tiyaking patuloy na maitataguyod ang interes nito sa Iraq at sa Middle East sa mahabang panahon sa hinaharap.

Ang pagpapataw ng imperyalismong US ng hegemonya nito sa Iraq ay mapang-api at hindi makatarungan. Ang kolonisasyon at, malao'y neokolonisasyon, ng Iraq ay lalabanan at lalabanan ng mamamayang Iraqi sa pamamagitan ng paglulunsad ng isang anti-imperyalistang kilusan at digmang mapagpalaya. Pagbabayaran ng US ang pananakop at pang-aapi nito sa Iraq.

May mga patriyotikong pwersang Iraqi na patuloy pa ring lumalaban. Maasahan din nating sisiklab ang panibagong bugso ng pakikibakang nasyunal at digmaang bayan upang patalsikin ang paghaharing imperyalista at papet sa Iraq at ipaglaban ang pambansang pagpapalaya ng Iraq. Iisa ang sigaw ng mamamayan ng Iraq at mamamayan ng buong mundo: imperyalismong US, layas sa Iraq! ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.