Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
Read media release   

NAGPAPATULOY AT PAPALUBHA ANG TERORISMO NG AFP AT PNP NI MACAPAGAL-ARROYO SA TIMOG KATAGALUGAN

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Oktubre 18, 2001

Mariing kinokondena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang nagpapatuloy at lumulubhang terorismo ng mersenaryong Armed Forces of the Philippines (Task Force Banahaw at Southern Luzon Command sa Timog Katagalugan) ni Gloria Macapagal Arroyo. Pinakamalubha sa lalawigan ng Laguna noong mga unang buwan ng taon at ngayon naman ay sa lalawigan ng Mindoro Oriental.

Umaabot na sa 93 kaso ng mga paglabag sa karapatang tao ang naganap sa rehiyong Timog Katagalugan hanggang nitong Set.15. Sa mga paglabag na ito ay umaabot sa 276 na mga indibidwal sa 20 komunidad at kabuuang 24 pamilya ang naging biktima sa 61 nsidente ng mga karahasang militar.

Nagpapaligsahan sa paghahasik ng lagim ang 13 batalyon ng AFP at PNP na nakakalat sa 10 lalawigan ng rehiyon. Pinakaberdugo sa mga batalyong ito ang mga Scout Ranger Companies at Special Forces Companies at ang 1st Infantry Batallion na pawang nakapailalim sa notoryus na Task Force Banahaw , na ngayo'y itrinansporma nang 204th Infantry Brigade. Ang mga mersenaryong tropang ito ang nagsasagawa ng mga operasyong militar sa mga lalawigan ng Laguna, Batangas at sa dalawang lalawigan ng Isla ng Mindoro.

Noong mga unang buwan ng rehimeng Macapagal-Arroyo, ang lalawigan ng Laguna ang dinumog ng lagim at terorismo ng mga bayarang sundalo na ikinamatay ng maraming mga sibilyang pinaghihi-nalaang NPA at simpatisador ng NPA at ilang mga nabihag na mandirigmang NPA na nasa kategorya na ng Hors D' Combat o nawalan na ng kakayahang lumaban, na ayon sa mga International Humanitarian Law, ay kailangang pangalagaan at gamutin ng alinmang panig na nakabihag sa mga ito.

Nadamay sa mga kalupitan at walang habas na mga operasyong ito ng mga terorista ni Macapagal Arroyo ang noon ay bihag-ng-digma na si PCI Abelardo Martin (na ilang linggo na lang ay nakatakda nang palayain). Napabilang din sa listahan ng mga biktima ng berdugong Task Force Banahaw ang isang pulis ng Lunsod ng San Pablo, na nakainitan ng mga teroristang sundalo nang magkasalubong ang mga ito sa barangay Sto. Angel sa nasabi ring lungsod. Bugbog sarado ang ginawa ng mga teroristang sundalo sa kawawang biktimang pulis na tuluyang ikinamatay ng huli matapos itong mahabol at mabawi ng PNP San Pablo kasama ang kanilang meyor na si Boy Aquino.

Pagkatapos na mapalaya ng Melito Glor Command ang kanilang Prisoner of War na si Major Noel S. Buan, noong Abril 6, 2001, sinimulan na ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ang pagde-deploy ng tropang militar sa Mindoro Oriental at sinimulan ang paghahasik ng terorismo sa hanay ng mga mamamayan (karamihan ay katutubong Mangyan) dito.

Napahiya nang todo at hindi matanggap ng mga militarista at terorista sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas na may kakayahan ang Melito Glor Command na sa loob ng 22 buwan ay mahusay, maluwag at makataong pinangalagaan nito ang isang bihag-ng-digma na nasa kategorya ni Buan. Na hindi man lamang natukoy ni nalapitan ng kanilang walang habas at ipinagmamayabang na mga search and rescue operations ang pinagbibimbinan kay Buan. Labis ding namangha ang mga kinatawan ng GRP sa ipinakitang pagsuporta ng mulat na mga mamamayan ng buong Mindoro Oriental sa pangangalaga at hanggang sa aktwal na pagpapalaya sa naturang bihag-ng-digma.

At upang ipakita ang kanilang galit sa mga mamamayan ng Mindoro Oriental, mabilisang idineploy dito ang isang bahagi ng berdugong Task Force Banahaw (34th SFC ng 3rd Special Forces Batallion, 18th SRC at 2nd SRC ng 3rd Scout Ranger Batallion, 6th SFC ng 4th Special Forces Batallion at ang kagagaling sa Mindanao na 16th IB. Nitong Agosto-Setyembre, itinalaga pa sa Oriental Mindoro ang isa pang karagdagang batalyong impantri, ang 68th IB. Ang pinakahuling deployment ng karagdagang tropang militar sa Oriental Mindoro ay nitong 17 ng Oktubre 2001. Dalawa pang karagdagang kumpanya ang dumating sa Calapan City upang umano'y tumulong sa mga inilulunsad na Internal Security Operations sa Midoro Oriental. Ang mga ito ay ang 52nd recon coy na mula sa 5th ID PA at ang ikalawa ay isa pang kumpanya mula naman sa 56th IB ng 7thID PA.

Sa ngayon, ang lalawigan ng Mindoro Oriental ang may pinakamalaking konsentrasyon ng mga terorista at mersenaryong tropa ng gobyernong Macapagal-Arroyo sa buong Luzon ( 16th IB, 68th IB, 34th SFC, 18th SRC, 2nd SRC, 6th SFC, 32nd at33rd SAF Coy ng 3rd RSAF Bn,) na umaabot sa kabuuang 6 na batalyong AFP at PNP na karamiha'y mga elite na special forces. Bukod dito ay mayroon pang tropa ng Philippine Navy , ang Naval Task Force 31 (NTF31)na ipinailalim na sa operational control ng 204th Bde.

Ang pinakahuli sa mahabang listahan ng terorismo ng mga bayarang sundalo ni Macapagal-Arroyo ay ang pagkahuli at pagkawala ng dalawang pinaghihinalaang miyembro ng NPA na sina Larry Vienna Aparato aka Ka Mike at Allan Hermogino Alarzar aka Ka Jess. Ang dalawang ito ay hinuli ng isang seksyon ng mga elemento ng 3rd SRB na pinamumunuan ni lLt. Somera noong ika-7 ng umaga ng Setyembre 22,2001 sa sityo Manambao, barangay Sta Cruz, Bongabong, Oriental Mindoro. Nakunan umano ang dalawa ng isang 9mm na pistola SN-TRK87745, dalawang cal 38 kalibreng rebolber na burado na ang serial number, mga subersibong dokumento at personal na mga pag-aari. Ang dalawang nahuli ay nananatili umano sa 3rdSRB TCP para sa taktikal na interogasyon at angkop na disposisyon. Ang mga ito ay nilaman ng spot report na ibinigay ng 3rd SRB sa TFB/Alpha noong alas otso ng umaga noon ding Set.22, 2001.

Subalit nitong ika-28 ng Setyembre 2001, tahasang tinanggihan ng CO ng 204th Bde sa mensahe nito sa nakatataas na komand ang pagkahuli sa dawalang nabanggit na pinaghihinalaang NPA. Idiniin ng mensahe na walang naganap na anumang operasyon, pagpapatrulya o panghuhuli ng alinmang elemento ng brigada noong 24 ng Setyembre 2001. Sa halip ay binalingan pa ng bintang na si Larry Aparato raw ay nanguna bilang tim lider ng mga NPA na nang-ambus sa mga elemento ng Scout Rangers noong 23 ng Hunyo nitong taong ito kung saan isang sundalo ang napatay.

Ang mga ito ay reaksyon na sa paghahanap na isinagawa ng mga kamaganak ng dalawang hinuli sa tulong ng mga samahan sa karapatang pantao at ni gobernador Bart Marasigan ng Mindoro Oriental.

Patuloy pa rin ang panghuhuli at iba pang karahasang militar sa hanay ng mga sibilyan gaya ng mga sumusunod:

Inaresto si Rigmay Maranggat, isang Buhid Mangyan, noong Setyembre 30,2001 ng mga elemento ng 204th Brigade na nakabase sa San Mariano, Roxas, Mindoro Oriental. Kasabay din ng petsang ito, si Lumanggan Ayna ay inaresto, ininteroga, sapilitang pinagtrabaho at pagkatapos ay pinakawalan din noong Oktubre 1, 2001.

Isang labandera naman ni Bgy Kapitan Ilot Rejaba ng San Mariano, na nagngangalang Gng. Benos ang binugbog ni TSgt.Hilario ng TF Banahaw noong Agosto sa pamamahay mismo ng punong barangay. Tumanggi ang labandera na sundin ang utos ni TSG Hilario na ilista ang mga taong pumapasok at lumalabas sa bahay ng naturang bgy kapitan. Iniumpog ni Hilario ang ulo ni Gng Benos. sa semento at pingsusuntok pa ito sa mukha na nagdulot ng pagkapasa ng mukha ng kawawang labandera. Tinakot pa itong papatayin kung magsusumbong sa organisasyon ng Human Rights. Ganito rin ang sinimulang pandarahas ni TSgt. Rubio ng 49 IB PA noong nakaraang taon bago nangmasaker, kasama si Sgt Arambulo sa Victoria, Oriental Mindoro noong Abril 4.

Samantala, inaresto, sinaktan at ginawang giya sa operasyon ang 4 Iraya Mangyan noong Setyembre 27 at isa pang magsasaka noong Setyembre 26, 2001 sa Brgy. Balansay, Mamburao, Occidental Mindoro.

Sa pagbisita ni pangulong Macapagal-Arroyo sa isla ng Mindoro noong nakaraang Oktubre 1, 2001, lubusan nitong inindorso at sinuportahan ang malawakang operasyong militar ng kanyang mga terorista at mersenaryong sundalo sa Isla ng Mindoro at kasabay nito'y iniutos pang puksain ang papalaking bilang ng mga NPA sa nasabing Isla. Nalinlang at napaniwala siya ng kumander ng SOLCOM na si Heneral Narciso Abaya na mula pa noong nakaraang mga buwan ay nangangalandakan na ng pinalobong datos ukol sa umano'y lumalaking bilang ng mga narerekrut ng NPA, natuklasan umano nilang mga baryong kosolidado ng NPA sa Mindoro at marami pang iba para lamang mapagtakpan ang kanilang kabiguang natamo simula pa sa paghahanap noon kina Buan at Martin at ngayon nama'y sa paghahanap sa mga pangunahing pwersa ng Melito Glor Command sa kalawakan ng buong rehiyong Timog Katagalugan.

Ang pag-indorso at pagsuporta ni Gloria Macapagal-Arroyo sa malawakang terorismo ng kanyang mga mersenaryong sundalo sa Timog Katagalugan ay hindi nakapagtataka. Siya naman mismo ang palihim na nag-utos nito noon pang unang kwarto ng kanyang panunungkulan. Sa kabila ng kanyang pangangalandakan ng all-out-peace, kapalit ng all-out-war ni Estrada ay patuloy at sunod-sunod pa rin ang inilulunsad na malawakang opensibang militar na syang nandarahas at sumasalanta sa buhay at kabuhayan ng daan-daang mamamayan sa kanayunan. At bukod pa dito ay pinanatili niya sa kapangyarihan at isinama sa kanyang gabinete ang mga kilalang militaristang sina Heneral Angelo Reyes, dating heneral Eduardo Ermita at dating kumander Roilo Golez ng Navy na siya ngayong may mga malakas na impluwensya sa gubyernong Macapagal-Arroyo.

Kapwa all-out- support ang ibinibigay ng punong tutang si Goria Macapagal-Arroyo sa terorismo sa sariling bayan at sa daigdig. Pikit-mata nitong sinusunod ang lahat nang hakbangin ng amo nitong si George W. Bush ng imperyalistang Estados Unidos ng Amerika. Mistulang ibinubugaw ni Macapagal-Arroyo ang buong sambayanang Pilipino sa ginagawa nitong pag-aalok ng lahat ng rekurso at pasilidad ng bansa sa teroristang pananalakay ng US sa Afghanistan sa baliw nitong layuning gumanti kay Osama Bin Laden at sa mga tumatangkilik ditong gubyernong Taliban. Hindi alintana ni Macapagal Arroyo ang mga maaring resulta ng kanyang lubusang pagpapakatuta at kapit-tukong pagsuporta sa teroristang pananalakay ng US sa mga itinuturing nitong kaaway. Malinaw na ipinaiilalim ng punong tuta sa imperyalistang agresyon at digma ang kapakanan at soberanya ng bansa.

Ang terorismo ay ang mulat o sadyang pagpatay, pagpapahirap at pagbabanta ng kamatayan at iba pang pamiminsalang pisikal sa mga inosenteng sibilyan. Pinatutunayan ng nagaganap na malawakang militarismo at paglabag sa karapantang pantao na ang tunay na terorista ng sambayanang Pilipino ay ang reaksyunaryo at mersenaryong AFP at PNP na ang kasalukuyang commander-in-chief ay ang punong tutang si Gloria Macapagal-Arroyo.

Kung aalamin ang katotohanan sa kasaysayan ng mga digmaan sa daigdig, ang Estados Unidos ng Amerika ang nangungunang terorista sa antas at saklaw ng pinupuksa at pinipinsala nito simula pa noong ikalabinsiyam na siglo at magpahanggang ngayon upang matustusan at mapanatili ang ganid na interes nito sa lakas at kapangyarihan.

Tanging ang rebolusyonaryong pagkilos ng sambayanan ng daigdig ang makagagapi sa imperyalismong US at mga lokal ng reaksyunaryo at makapapawi sa terorismong nagmumula sa alinmang panig. Habang ang krisis ng pandaigdigang kapitalistang sistema ay lumalala at lumalalim, ang rebolusyonaryong kilusang masa ng proletaryado at ng sambayanan sa kalahatan ay bumabangon at nagsusulong ng antiimperyalista at sosyalistang mithiin.

Ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas ay patuloy na lalaban sa anumang anyo ng terorismo at saan mang panig ito magmula. Matatag na tututulan at lalabanan nito ang imperyalistang digma, pananalakay at panghihimasok -tahasan man o sa ngalan ng krusadang anti-terorista.###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.