Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Ipaglaban ang Pambansang Pagpalaya, Demokrasya at Kapayapaan Sa Pamamagitan ng Matagalang Digmang Bayan

Central Committee
Communist Party of the Philippines
Marso 29, 2004

Buong galak nating ipinagdiriwang ang ika-35 anibersaryo ng pagkakatatag sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng Partido Komunista ng Pilipinas, gayundin ang lahat ng maniningning na tagumpay na nakamit ng mga Pulang kumander at mandirigma. Ang mga tagumpay na ito ay nakamit sa ilalim ng wastong pamumuno ng Partido kaalinsabay ng militanteng partisipasyon ng malawak na masa ng mamamayang Pilipino.

Nag-aalay tayo ng ktaastaasang parangal sa mga rebolusyonaryong martir at bayani. Ang kanilang mga sakripisyo at pakikibaka ay nagbigay-daan sa mga tagumpay ng armadong rebolusyon. Nagbibigay-sigla sila sa atin na lumaban nang may higit na tatag at kawalang-takot para isulong at kamtin ang lubusang tagumpay sa pambansa demokratikong rebolusyon laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Makakamit lamang natin ang pambansang kalayaan, demokrasya at kapayapaan kapag ating wakasan ang dominasyon ng US sa Pilipinas at ang lokal na naghaharing sistema ng malalaking kumprador at panginoong maylupa. Kaya at kailangan nating gawin ito sa pamamagitan ng pagpupursige sa matagalang digmang bayan, sa gabay ng rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa at pagbabatay sa magkasamang lakas ng uring manggagawa at magsasaka.

Ang Pandaigdigan at Lokal na Krisis

Lumalala ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Labis ang produksyon sa lahat ng tipo ng kalakal relatibo sa pandaigdigang pamilihan na napakitid dahil sapagkabangkarote ng mga negosyo, pagbabawas sa produksyon, malawakang disempleyo at pagbabawas sa kita ng mga tao. Ang paglarga ng mga imperyalista sa ilalim ng "neoliberal" na patakarang globalisasyon ng "malayang pamilihan" ay nagpabilis sa paghuthot ng supertubo mula sa masang anakpawis, sa pagsasapribado ng mga pag-aaring publiko, sa pagkawasak ng mga industriya sa karamihan ng mga bayan at sa konsentrasyon at sentralisasyon ng kapital sa mga imperyalistang bayan, pangunahin sa US.

Kitang-kitang nasa landas ng paghina ang numero unong imperyalistang kapangyarihan, ang solong superpower . Nasadlak na ito sa malalang krisis sa ekonomya at pinansya sapul pa 2000. Lubhang napakitid na ang pandaigdigan at domestikong pamilihan sa high tech na kalakal-pangkonsumo at batayang mga produktong industriyal. Namamantini lamang nito ang kanyang malaking domestikong pamilihang pangkonsumo dahil sa pagpapalaki ng depisit sa kalakalan at sa pagpasok pondo mula ibang bayan. Bantog[?] ang US sa pagiging numero unong mangungutang ng mundo. Ngayon, bulnerable ito sa peligro ng paglikas ng kapital bunga ng mga pagbagsak sa pinansya.

Patuloy na gumagamit ang rehimeng Bush ng mga "neoliberal" na islogan kahit na bumabaling ito sa "Keynesyanismo sa militar". Determinado itong bawasan ang buwis na binabayaran ng monopolyong burgesya, itulak pababa ang antas ng sahod, tipirin ang gastusing panlipunan at itulak pang lalo ang patakaran sa pagsasapribado, liberalisasyon at deregularisasyon. Kasabay nito, gusto nitong pasiglahin ang ekonomya ng US sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malalaking kontratang militar sa malaking istrukturang industria-militar. Kaya, sinasamantala ang mga atake ng 9/11 at ipinapatupad nito ang kunwa'y patakarang "neoliberal" para ipataw ang Pax Americana sa buong mundo sa pamamagitan ng agresibong paggamit ng kanyang superyor na lakas-militar.

Pero walang ibang patutunguhan ang US kundi ang higit pang paglubog sa krisis pang-ekonomya dahil hindi makakalikha ng trabaho ang high tech na produksyong militar para punuan ang malaking kawalang-hanapbuhay na resulta ng pangkalahatang paghinang industriyal. Nagagalit na ang mamamayang Amerikano sa ginagawang pagbabawas sa gastusing panlipunan habang ang gubyernong US ay nagbubuhos ng pera sa makinaryang panggera at mga digmang agresyon. Malaking porsyento ng mamamayang Amerikano ang nanakawan ng kanilang mga ipon na nasa pension funds dahil sa pagsabog ng "new economic" bubble sa stock market na pinalobo ng high-tech. Hindi alam ng US kung papaano nito maibabangon ang pamilihan ng US sa harap ng lumalaking depisit sa badyet at kalakalan.

Itinutulak ng kasalukuyang pandaigdigang krisis ang solong superpower at lahat ng imperyalistang kapangyarihan na patindihin ang pang-aapi at pagsasamantala sa mga mamamayan ng mundo at tumahak sa landas ng pasismo at gera. Ngunit, ang paglarga ng US sa paglulunsad ng mga gerang agresyon at sa pagmomonopolisa ng kita sa gera ay nagpapalala ng kontradiksyon sa pagitan ng mga kapangyarihang imperyalista at nagpapatindi ng kanilang labanan tungo sa muling paghahati ng mundo. Nakita natin kung papaano inagaw ng US ang mga pinagkukunan at ruta sa suplay ng langis at gaas at iba pang malalaking pakinabang kaugnay ng gera laban sa Irak, Yugoslavia at Afghanistan, at kung papaano nakabangga ng US sa nakaraang taon ang Pransya, Alemanya, Rusya at Tsina ukol sa pagsalakay at pagsakop sa Irak.

Ang krisis ay nagluluwal ng iba't ibang anyo ng paglaban ng mga mamamayan ng mundo maging sa mga imperyalistang bayan, sa ikatlong daigdig at sa mga bayang paurong. Ang mga mamamayan ay nagsilunsad ng mga militanteng raling protesta at mga welga sa malawak na saklaw upang tutulan ang imperyalismo, krisis at digma. Ang ilang bayan at gubyerno ay naninindigan para sa pambansang kasarinlan bilang tugon sa labis na mga imposisyon ng US at iba pang mga imperyalistang kapangyarihan. Lumalawak at tumitindi ang mga armadong rebolusyonaryong kilusan para sa pambansang kalayaan halimbawa sa Colombia, Peru, Nepal, India, Pilipinas, Palestina, Turkey at Irak.

Sa Pilipinas, ang malakolonyal at malapyudal na sistema ay sukdulan sa pagkabulok dahil sa katakawan ng mga lokal na mapagsamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa at gayundin dahil sa mga panghuhuthot at imposisyon ng US at iba pang imperyalista. Ang Pilipinas ay walang anumang klaseng produktong pang-eksport na hindi labis ang suplay sa pandaigdigang pamilihan. Samantala'y dumaragsa sa lokal na pamilihan ang mga dayuhang kalakal. Maging ang lokal na produksyon ng pangunahing mga pagkain ay winasak ng mga angkat. Lumiliit ang kinikitang dayuhang salapi ng mga de-kontratang manggagawa sa labas ng bayan (OCW's) at ginagamit ito sa mga di-produktibong gastusin.

Bumubulusok nang bumubulusok ang ekonomya. Walang tigil sa paglaki ang depisit sa badyet at kalakalan. Natuyo na ang mga dayuhang pautangan. Nitong ilang nakaraang taon nakapangutang ang rehimeng Arroyo sa pribadong pamilihan sa kapital ng US. Subalit, maging ang rekursong ito ay nagsasara na rin dahil sa kasalukuyang pagkakalista ng Pilipinas bilang di-maaasahang mangungutang. Araw-araw na lumalala ang krisis sa pinansya ng lokal na naghaharing uri, tulad ng ipinakikita ng mabilis na pagbagsak ng halaga ng piso.

Walang renda ang rehimen sa pagpapalala nito ng krisis sa ekonomya at pinansya habang puspusan nitong sinusunod ang mga dikta ng imperyalismo, nilalabag ang pambansang soberanya at ibinebenta ang pambansang patrimonya. Bingi ito sa kahilingan para sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Walang maipakitang anumang solusyon sa krisis ang rehimen. Sinasamantala ng US ang krisis panlipunan at pang-ekonomya para makapagpataw ng mga imposisyong pulitikal at militar sa tabing ng anti-terorismo at pagrenda sa Tsina at Hilagang Korea.

Labis ang panlipunang pagkabahala ng masang anakpawis na manggagawa at magsasaka. Nagigipit sila dahil sa paglala ng kawalanghanapbuhay, pagliit ng kita, pagtaas ng presyo ng mga saligang biilhin at [agbulusok ng halaga ng piso. Binibiktima rin sila ng mga aparato sa pamimilit ng estado. Kaya papalawak ang inilulunsad nilang mga pangmasang protesta at welga at lumalaki ang paghangad nila sa armadong rebolusyon. Maging ang panggitnang saray panlipunan ay mabilis na bumubulusok sa pamumulubi at nagkakadisgusto sa naghaharing sistema. Ang malawak na masa ng mamamayan ay lubusang disgustado sa pagkatuta, katiwalian, kasinungalingan at karahasan ng rehimeng Macapagal-Arroyo.

Eleksyon at Negosasyong Pangkapayapaan

Ang iba't ibang paksyon ng mga lokal na naghaharing uri ay abala ngayon sa elektoral na paligsahan, mula pagkapresidente pababa. Walang anumang makabulahang pagbabagong maaasahan mula sa nalalapit na eleksyon nitong Mayo. Sa kabuuan, iluluklok ng eleksyon ang mga pampulitikang kinatawan ng mga uring malaking kumprador at panginoong maylupa. Gayunman, sa pambansa at nakabababang antas ng paligsahang elektoral, posibleng pumasok sa mga alyansa sa kapapakinabangan ng mamamayan at ng kanilang pakikibaka. Nakikilala ng relatibong higit na naliliwanagang mga lider sa pulitika ang lakas ng rebolusyonaryong baseng masa at sa gayon ay interesado sila sa kooperasyon at pagtutulungan.

May ilang progresibong partido at kandidato labas ng mga mayor na partido ng mapagsamantalang uri. Hinahabol nila ang ilang pusisyon sa nakabababang kamara ng kongreso. Sa kabila ng kampanya ng kaaway sa paniniraat pagpatay sa kanila at ng kanilang kakulangan sa pondong pangkampanya, kinikilalang makukuha nila ang di kukulangin sa16 porsyento ng mga boto. Subalit hindi sapat ang kanilang lakaspara makagawa ng kagyat na makabuluhang pagbabago sa sistema. Sa katunayan ay nanganganib silang dayain sa mga botong makukuha nila mula sa mamamayan. Ang tiyak na pupwede nilang gawin ay ilantad ang kabulukan ng sistema at ipaglaban ang pambansa demokratikong karapatan ng mga mamamayan.

Ang rehimeng Macapagal-Arroyo ay pumayag na muling ipagpatuloy ang pormal na usapan sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas (NDFP) sa loob ng balangkas ng The Hague Joint Declaration at mga sumunod na kasunduan sa Safety and Immunity Guarantees, Reciprocal Working Committees at Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws. Malinaw sa Oslo Joint Statement na maaaring muling ipagpatuloy ng GRP at PDPP ang pormal na usapan dahil nagkakaisa sila sa mga prinsipyo at batayan sa pagsasagawa ng nauukol na epektibong mga hakbangin at pananawagan sa US at iba pang gubyerno para tanggalin ang pangalan ng PKP, BHB at pangunahing konsultant pampulitika ng PDPP mula sa listahan ng mga "terorista".

Napapanahon at kinakailangang isakatuparan na ng magkabilang panig ang Joint Monitoring Committee tulad ng hinihingi ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, sa harap ng kaliwa't kanang mga paglabag sa karapatang tao, at para mapabilis ang negosasyon at pagkakasundo sa panlipunan at pang-ekonomyang reporma at sa harap ng mabilis na lumalalang krisis sa ekonomya at lipunan. Binibigyang pagkakataon ng negosasyong pangkapayapaan ang NDFP at lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan na iharap ang mga batayang repormang kinakailangang para makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya.

Maaari lamang umabot ang GRP at NDFP sa isang alyansa at tigil-putukan sa bisa ng usapang pangkapayapaan kapag sumama silang manindigan laban sa panghihimasok at pakikialam ng imperyalismong US sa mga usapin ng Pilipinas sa pangkalahatan at sa negosasyong pangkapayapaan sa partikular, at kapag ang napipintong kumprehensibong kasunduan sa repormang panlipunan at pang-ekonomya at kasunduan sa pulitika at konstitusyon ay magbibigay-wakas sa pang-ekonomya at pampulitikang dominasyon ng US sa Pilipinas.

Ang imperyalismong US ang numero unong kaaway ng mamamayang Pilipino. Ito ang pangunahing balakid sa pagtamo ng pambansang kalayaan at demokrasya sa Pilipinas. Ito ang pangunahing balakid sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Gusto nitong maging panghabang-buhay ang makamandag na resulta ng kanyang agresyon laban sa mamamayang Pilipino. Ginagamit nito ang "teroristang" listahan para i-blackmail ang NDFP at isabutahe ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP-NDFP.

Ngunit sa katunayan ay humihina ang imperyalismong US habang labis nitong binabanat ang sarili at nagsisikap na ipataw ang kanyang hegemonya sa mamamayan ng buong daigdig. Kitang-kitang sinasagad nito ang kanyang mga pwersang pandeploy sa kanyang pagkakabahura sa Irak at Afghanistan. Ginagalit at iniinis nito ang maraming mamamayan sa mundo sa pagkakaroon ng presensyang militar sa mahigit 140 bayan. Lalu nitong ibinaon ang sarili sa isang walang katulad na krisis sa ekonomya at pinansya sa pamamagitan ng pagbubuhos ng pondo sa mga kontrata ng produksyong militar, pagtatayo at paggamit ng department of homeland security para tiktikan at takutin ang mamamayang Amerikano at sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga gerang agresyon at interbensyon. Nagpapaypay ito ng isterya sa digma at pasismo sa pamamagitan ng pagtutulak ng USA Patriot Act bilang modelo ng "anti-teroristang" lehislasyon at paggawa ng mga dekreto ng ehekutibo.

Sa ngayon ay yugtu-yugtong ipinapakat ng US ang kanyang armadong presensya sa Pilipinas at inilalatag ang daan para sa muling pagtatayo ng mga baseng militar gamit ang sarisaring dahilan tulad ng ehersisyo sa pagsasanay, gera laban sa terorismo, aksyong sibiko, gawaing makatao, at iba pa. Ngunit sa hinaharap, mahihirapan na ang US na magbigay ng pang-ekonomya at pinansyal na ayuda sa kanyang papet na rehimen sa Pilipinas kapalit ng mga pribilehiyong ekstra-teritoryal. Maging ang mga pampulitikang kinatawan ng mga nagsasamantalang uri ay magiging interesado nang maghanap ng espasyo sa maniobra sa pamamagitan ng mabuting relasyon sa ASEAN, Tsina, Hapon at Europa sa halip na pangunahin sa US.

Ngunit ang higit na mas mahalaga para sa mamamayang Pilipino kaysa sa anumang kunsiderasyon sa magagawa ng reaksyunaryong gubyerno sa anupamang direksyon ay ang pagpapatuloy at pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at iba pang anyo ng pakikibakang masa laban sa imperyalismong US at mga papet na reaksyunaryo. Pinakamahusay na maitataguyod, maipagtatanggol at maisusulong ng mamamayang Pilipino ang kanilang pambansa at demokratikong karapatan at interes sa pamamagitan ng pagsusulong ng armadong rebolusyon mula sa isang antas tungo sa mas mataas na antas.

Pag-unlad at Pagsulong ng Bagong Hukbong Bayan

Sa ilalim ng absolutong pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan ay kumprehensibo at malalim na nakinabang sa kritikal at mapanlikhang tagumpay ng Ikalawang Dakilang Kilusan sa Pagwawasto. Nakahalaw ito ng mahahalagang aral mula sa mahaba at mayamang karanasan sa pagrerebolusyon. Nakapag-ipon ito ng lakas na sapat upang kilalanin ito ng reaksyunaryong estado bilang pangunahing katunggali.

Para tutulan ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lokal na naghaharing sistema, wastong idineklara ng Partido ang pangkalahatang linya ng pambansa demokratikong rebolusyon, sa ilalim ng pamumuno ng uring manggagawa at sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Rebolusyonaryong pulitika ang namumuno at gumagabay sa Bagong Hukbong Bayan. Naglilingkod ito sa mamamayan. Ito'y nagmumulat, nag-oorganisa at nagpapakilos sa kanila. Nakapagtayo na ito ng 128 larangang gerilya sa buong bayan. Ang mga ito'y sumasaklaw sa milyun-milyong mamamayan at makabuluhang bahagi ng karamihan ng probinsya at bayan sa Pilipinas. Ang mamamayan ang di-masasaid na balon ng lakas ng BHB.

Ang BHB ang pangunahing organisasyon ng Partido at mamamayan sa paglaban sa kaaway at sa pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, sa pagpapatupad ng reporma sa lupa na pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon at sa pagbubuo ng baseng masa. Ang BHB ang pwersa sa pagsusulong ng armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka. Kung wala ang armadong pakikibaka, di kailanman maibabagsak ng mamamayan ang reaksyunaryong kapangyarihang pang-estado ng malaking kumprador burgesya at panginoong maylupa at maitatayo ang demokratikong estadong bayan ng mga maggagawa at magsasaka.

Subalit ang BHB ay maaari lamang umunlad mula sa maliit tungo sa malaki at mula sa mahina tungo sa malakas. Uunlad itong paantas-antas, mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas at estratehikong opensiba. Sa gayon, dapat nitong ipursigi ang estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan sa mahabang panahon upang makapag-ipon ng armadong lakas hanggang sa makayanan nitong agawin ang mga syudad sa pambansang saklaw.

Sa kasalukuyang yugto ng estratehikong depensiba, sinisikap nitong gapiin ang kaaway sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga taktikal na opensiba. Inilulunsad nito ang mga opensiba lamang na kaya nitong ipagwagi. Pleksible nitong ginagamit ang taktika ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat alinsunod sa hinihingi ng isang gerang makilos. Kaugnay nito, ang BHB ay nakapaglunsad ng maigting at malawak na pakikidigmang gerilya na nakabatay sa papalawak at papalalim na baseng masa para makasulong mula sa maaga tungo sa panggitnang antas ng estratehikong depensiba.

Ngayon, ang BHB ay nasa proseso ng pagpapaunlad ng mga sandatahang yunit sa panrehiyong antas. Ang mga ito ay makilos at pleksible, relatibong nakatipon, mahigpit na nakaugnay sa masa. Binibigyan nila ng seguridad ang panrehiyong pamunuan ng Partido at panrehiyong kumand ng hukbo at kaya nila ang madalas na pagdeploy ng pwersang panagupa sa pakikipagkoordina sa mga yunit ng isa o higit pang larangang gerilya upang umatake nang may superyor na lakas sa anumang mahinang bahagi ng kaaway. Gumagamit sila ng estratehiya at taktikang gerilya. Gumaganap sila ng susing tungkulin sa pagpapabilis ng pag-agaw ng armas mula sa kaaway at sa pagpapahinog ng panggitnang yugto ng estratehikong depensiba ng digmang bayan.

Kung ihahambing sa panrehiyong yunit ng hukbo ng BHB bilang panrehiyong sentro de grabidad, ang mga larangang gerilya ang mga relatibong nakadispers na base ng BHB sa isang partikular na rehiyon. Ngunit ang bawat larangang gerilya ay nagpapanatili ng kanyang panloob na istruktura na may sariling sentro de grabidad at mga nakakalat na yunit. Ang platun na nagsisilbing pangunahing yunit gerilya ay nakabase sa baseng gerilya at ang mga iskwad gerilya na nagsisilbing segundaryong yunit gerilya ay nakabase sa mga sonang gerilya. Pinananatili ng larangang gerilya ang kanyang desentralisadong operasyon at naglulunsad ng mga opensibang kayang ipanalo maliban. Maaari ring ipaloob ang mga ito sa higit na malalawak na planong pang-operasyon na isinasagawa ng panrehiyong pwersa.

Ang mga cruise missile at iba pang weapons of mass destruction sa kamay ng US ay walang silbi laban sa BHB. Maging ang mga eroplano at artileriya ng papet na kaaway ay wala ring silbi. Gayunman, epektibong magagamit ng kaaway sa taktika ang mga night vision goggles, cellphone, trackers, GPS gadgets, bullet proof vest at ang mga katulad nito. Mayroon din tayo ng mga ito at mayroon din tayong ibat ibang paraan upang mabigo ang kaaway. Subalit ang pinakamabisang pangkontra sa mga ito ay ang walang humpay na pagpapaunlad ng ating baseng masa at madalas na paglulunsad ng mga opensiba laban sa kaaway sa abot ng makakaya. Sa gayon makukuha natin ang gayong mga kagamitang militar ng kaaway.

Dapat nating gamitin ang materyalismong diyalektiko sa pakikibaka laban sa kaaway. Ang kaaway ay hindi kailanman laging solido at di-mapaghahati. Sila ay pinaghahati ng pulu-pulong katangian ng ating bayan at ng mahirap na tereyn ng kalupaan, ng mga antas ng kumand, ng erya ng pagkakadeploy at ng yunit at tim na pinagkakatalagahan. Kailangang suriin ng BHB ang tiyak na disposisyon ng pwersa ng kaaway upang tuklasin ang kanyang mga mahinang punto o lumikha ng mga oportunidad para sa mabisang opensiba. Kung ang matigas na pwesto ng kaaway ay nagmimistulang matatag, ang BHB ay kailangang mag-ipon ng intelidyens at pag-aralan ang mabisang paraan ng opensiba.

Nagsasagawa ang NPA ng mga batayang operasyong pang-opensiba upang lipulin ang kaaway at agawin ang kanyang armas. Dapat tayong magpakadalubhasa sa ganitong mga operasyon dahil ito ang tanging paraan para lansagin ang lakas ng kaaway at mailipat sa atin ang kanyang armadong lakas. Gayundin, kailangan tayong magpakahusay sa pagwawatak-watak sa pwersa ng kaaway. Kailangan nating tratuhing mabuti ang mga bihag alinsunod sa Geneva Conventions at Protocol I at ipakita na mahusay nating tinatrato ang mga sumusuko o nawawalan ng kapasidad na lumaban sa larangan.

Kailangan tayong maglunsad ng mga espesyal na operasyon upang guluhin ang mga operasyong militar ng kaaway, ipatupad ang mga rebolusyonaryong batas at patakaran at arestuhin o nyutralisahin ang pinakamasahol na manlalabag ng karapatang tao, mga talamak na magnanakaw ng pera ng bayan at naglalako ng pinagbabawal na gamot. Ayon sa prinsipyo, inaaresto natin ang mga talamak na kriminal upang sila'y imbestigahin at litisin. Ginagamitan lamang natin sila ng pwersa kung armado at mapanganib at upang tiyakin ang kaligtasan ng ating mga yunit na pang-aresto.

Laban sa Interbensyon at Agresyon ng US

Pinadadalas at pinatitindi ng US ang pakikialam at opensibang operasyon ng mga pwersang militar nito sa Pilipinas. Ang kanilang ultimong layunin ay italaga ang mga tropa ng US nang pangmatagalan at muling itayo ang mga baseng militar ng US sa Pilipinas upang gamitin sa pananakot at pagkontrol ng ibang bansa sa Silangang Asya. Sa ngayon ay nagdedeploy sila ng pwersang pangkombat sa larangan ng digma at naghahamon ng laban sa BHB. Binababalaan natin ang US na dapat itong huminto at magpigil sa pagdedeploy ng kanyang pwersang militar at sa paglalabag ng pambansang soberanya ng mamamayang Pilipino at teritoryal na integridad ng Pilipinas.

Sa ilalim ng internasyunal na batas, ang katangian ng gera sa pagitan ng GRP at rebolusyonaryong gubyernong bayan (na kinakatawan ng NDFP) ay isang gera sibil na kung saan ang GRP ay mabigat na umaasa sa US sa indoktrinasyon, treyning at kagamitan.

Gayunman, sa harap ng kasalukyang interbensyong militar ng US, ang mamamayang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryong pwersa ay dapat maghandang lumaban sa isang gerang agresyon ng US sa anumang antas at panahon. Ang agresyon ay maaaring mangyari anumang oras na makaisang panig na akalain ng US na madali nitong malilipol ang BHB o magpasya itong hindi na kinakaya ng papet na armadong pwersa na panatilihin ang lokal na naghaharing sistema.

Ang paglaban at pagwawagi laban sa gerang agresyon ng US ay mangangahulugan ng pagbibigay ng hustisya sa 1.5 milyon Pilipino na pinatay ng imperyalismong US mula pa simula ng Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899 hanggang sa katapusang ng kampanya sa panunupil noong 1913, pagtatagumpay sa bagong demokratikong rebolusyon at pag-aambag sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sangkatauhan laban sa imperyalismo at para sa pambansang paglaya, demokrasya, sosyalismo at pandaigdigang kapayapaan.

Sa huling pagsusuri, ang imperyalismong US ang pinakamalupit na tagapagtanggol ng lokal na naghaharing sistema ng malaking kumprador burgesya at panginoong maylupa. Kailangan nating nyutralisahin ang imperyalismong US sa pamamagitan ng paggapi sa kanyang mga papet na reaksyunaryo sa isang gera sibil o gapiin ang gerang agresyon na malamang na ilulunsad ng imperyalismong US. Kailangan tayong maghanda para sa pinakamasahol na posibilidad para makaasa sa pinakamainam.

Ang paglawak at pagtindi ng mga rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan laban sa imperyalismong US sa pandaigdigang saklaw ay maaaring makaalis o makabawas sa kapasidad ng US na maglunsad ng agresyon laban sa mamamayang Pilipino. Kailangan tayong kumilos kaagapay ang mamamayan ng daigdig. Kailangan tayong buong-siglang mag-ambag ng pinakamalaking makakaya natin sa mga rebolusyonaryong pakikibaka ng iba pang mga mamamayan. Sa gayon higit tayong makakaasa mula sa mga tagumpay ng rebolusyonaryong pakikibaka ng iba pang mga mamamayan ng daigdig. Kailangang mapalaya ang sangkatauhan sa salot upang maitayo ang isang bago at mabuting mundo na may higit na kalayaan at lahatang-panig na pag-unlad.#



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.