Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

SINGILIN ANG BERDUGONG SI HENERAL BAGASIN AT ANG MGA ALIPORES NITO SA BAGGAO

Salvador del Pueblo
Tagapagpahayag
National Democratic Front
Northeastern Luzon
Hulyo 08, 2003

Dumaranas ngayon ang mga magsasaka sa buong Lambak ng Cagayan ng sari-sari at matinding panunupil at pandarahas sa kamay ng AFP at PNP. Pinakahuli ang tangkang pagmasaker ng mga berdugong mersenaryo ni Heneral Samuel Bagasin sa pamunuan ng Kagimungan, isang progresibong alyansa ng mga magsasaka sa Cagayan noong Hulyo 1 sa tapat mismo ng kampo ng 41st IB at ng RSOT ng 5th ID. Papauwi sila noon sa Caruppian galing ng isang asembliya ng Kagimungan sa Centro Baggao nang inatake sila ng taga ng mga elemento ng 5th ID na nakahimpil sa Ibulo, Baggao.

Pinagtataga ng isang sundalo sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan si Joey Javier, Chairman ng Kagimungan-Cagayan na halos maihiwalay ang kanyang isang braso. Tinangka ring pagtatagain ang ibang lider magsasakang sina Isabelo Adviento at Ronald Reyes ng Caruppian, Baggao ngunit sila ay nakatakbo lamang.

Matamang pinag-aralan, kinalkula at pinlano ng AFP ang karahasang ito. Layon nitong maghasik ng matinding pananakot sa mamamayan ng Baggao.

Abot hanggang langit ang galit ng tropa ng 41st IB at ng RSOT ng 5th ID na nakahimpil sa Ibulo sa mga lider at aktibistang magsasaka ng Caruppian at karatig-baryo. Matagal nang isinusulong ng mga magsasaka ang agarang pagkakapatalsik ng mga tropa ng AFP sa Caruppian at karatig-baryo. Nilalabag ng AFP ang mga Alituntunin ng Geneva, ang Protocol I and II, na mahigpit na nagbabawal ng pagkakampo sa gitna ng kabahayan at katabi ng eskuwelahan. Pasimuno rin ito ng mga anti-sosyal na gawain katulad ng paglalasing at pagsusugal. Humahaba na ang kanilang listahan ng paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan na pinatunayan na mismo ng reaksyunaryong Commission on Human Rights.

Ang pinakahuling karahasan ay may kaugnayan din sa pagtatayo ng Bayan Muna at Kagimungan ng isang istasyon ng radyo na magiging daluyan ng kanilang mga programa't mga panawagan. Matagal nang sinasagkaan ng AFP ang pagpapatayo ng radyo ng Kagimungan. Ilang beses na nilang ginipit ang mayor ng bayan ng Baggao para hindi pahintulutan ang pagtatayo nito sa bayan. Isa itong lansakang paglabag sa malayang pamamahayag.

Lalong nakapanggagalaiti sa mga militar, na sa kabila ng matindi nilang pagbabantay at panunupil, masigla pa ring nakapagsulong at nakapagkamit ng mga maningning na tagumpay ang Kagimungan sa kanilang kampanyang kontra-usura nitong Marso hanggang Mayo kung saan naibaba sa 15% ang interes ng pautang bawat anihan mula sa 25% na umiiral.

Sa kanyang mga pahayag, direktang inaakusahan ni Captain George Domingo na mga NPA ang mga kasapi ng KAGIMUNGAN, kaya sa kanyang lohika, dapat lamang silang pagpapatayin.

Maningning ang kasaysayan ng kilusang anti-pasista sa Baggao na mahahanguan ng aral - ang pagpapaalis sa 21st IB at kay Col. Palafox noong 1979 matapos ang pagsalbeyds at pagpupugot ng mga ulo ng ilang mga sibilyang hinihinalang may kaugnayan sa NPA, at sa marami pang paglabag sa karapatang pantao.

Kami ay sumasaludo at nagpupugay sa ipinapamalas na kagitingan at pagpupunyagi ng mga magsasaka na igiit ang kanilang batayang demokratikong mga karapatan sa kabila ng lantarang pasistang paghahari sa Baggao. Kami ay humahalaw ng inspirasyon at mahahalagang aral mula sa kanila. Muli na namang napatunayan na kailanman, ang demokrasya ay hindi ito ibinibigay ng kusa sa mamamayan. Ito ay iginigiit at ipinaglalaban.

Ibayong isulong ang pakikibaka para sa mga batayang demokratikong karapatan ng mamamayan. Papanagutin ang pamunuan ng 5th ID sa pinakahuling karahasang ipinalasap sa mga lider masa ng Kagimungan.

Makibaka! Huwag matakot!



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.