DESPERADA'T NAHIHIBANG NA SI GLORIA MACAPAGAL-ARROYO
Salvador del Pueblo Tagapagpahayag National Democratic Front Northeastern Luzon
Hulyo 07, 2003
Nahihibang na si Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pagdeklara na may ugnayan ang NPA sa sindikato ng droga at sangkot sa pagpapatanim ng marijuana. Ang panibagong pantastikong akusasyon niyang ito laban sa rebolusyonaryong kilusan ay isang malaking kabalintunaan!
Desperadong hakbang ni GMA ang kanyang huling deklarasyon sa layuning sirain nito ang tinatamasang prestihyo ng CPP-NPA-NDF. Nagkukumahog ang presidente sa pagpukol ng mga mapanirang propaganda upang pagtakpan ang kabulukan at kapalaluan ng kanyang rehimen na lansakang pasimuno at tagapagtaguyod mismo ng mga kriminal na aktibidad; at sa kabiguan nitong puksain ang rebolusyonaryong kilusan.
Ani Gloria, "may matibay na ebidensya na nag-uugnay sa terorismo at droga." Hindi nga siya nagkamali. Dahil siya mismo ang nangungunang terorista sa bansa. At siya rin ang nangungunang reyna ng ng mga sindikato ng droga at iba pang kontra-mamamayang aktibidad katulad ng hueteng na pinagkukunan niya ngayon ng pondo para sa halalang 2004 (ang pinakamalaking pinansyer ng illegal na sugal ay kumpadre at kapitbahay mismo ni Gloria sa Lubao Pampanga); at ismagling na lubos na pinaghuhuthutan ni Mike Arroyo ng ganansya.
Ang tinutukoy nilang diumano'y "natuklasang" plantasyon ng marijuana ay pataniman ng mga militar na rutinaryong iniuulat na "na-reyd" o "nahuli" na sadyang binabalik-balikan nila sa tuwing anihan. At lalong hindi na nila iniuulat kung gaano kalawak at karami ang kanilang nakukumpiska o nasusunog! Saan napupunta ang kanilang mga "nakumpiskang" marijuana at droga?
At sino nga ba ang nagkakamal ng limpak-limpak na kita ng droga? At sino ang mga direktang sangkot sa mga sindikato ng droga, hueteng at ismagling? Si Gloria mismo, ang kanyang esposo, sa pamamagitan ng kanyang pinakamamahal na mga heneral!
Krimen ang turing ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtutulak ng droga at pagpapatanim ng marijuana. Kailanman ay hindi ito pahihintulutan o hahayaang makapaminsala sa mga larangang gerilya. Kagyat itong nililitis ng mga Hukumang Bayan sa loob ng mga teritoryo ng Demokratikong Gobyernong Bayan at hindi nangingiming pinapatawan ng karampatang parusa.
Back to top
|