Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

WALANG DAPAT IPAGDIWANG ANG MGA MAGSASAKA SA ARAW NG CARP!

Salvador del Pueblo
Tagapagpahayag
National Democratic Front
Northeastern Luzon
Hunyo 10, 2003

Todo-todo ang pananalanta at hagupit ng rehimeng US-Macapagal-Arroyo sa mga magsasaka. Inalis na ang anumang talukbong ng pagkukunwari, lubusan nang pinagkaitan at lalo nang nabulid sa kawalan ng lupa ang mga magsasaka.

Sa kabilang banda, ang mga dayuhang monopolyo kapitalista at ang mga lokal na kasabwat na malalaking burgesya komprador, mga burukrata kapitalista at mga panginoong maylupa ay lantarang nagkukutsabahan at nakapang-aagaw ng sinasakang lupa. Nakapaga-angkin ng malalawak na lupaing publiko maging yaong mga naipamahagi na sa ngalan ng CARP, ISFP at iba pang diumano'y sertipiko ng pag-aari ng lupa.

Sa probinsya ng Isabela, wala nang sasahol pa sa pagkagahaman at pagkaganid ng burgesya komprador na si Danding Cojuangco at ang pinakamatalik nitong tuta na pamilya Dy. Sa isang kumpas lamang ng kanilang kapangyarihan, naipasakamay sa mga lintang ito ang mahigit isandaan at limampung libong ektarya ng lupain sa Mallig Region na tatamnan kamoteng-kahoy. Target ding sumakop ang proyektong ito ng isang milyong ektarya sa buong bansa! Ito ang pinakamalaking kaso ng pangangamkam ng lupa sa kasalukuyan. Humahaba ang listahan ng pang-aagaw ng lupa ng mga magsasaka. Ilan lamang sa mga matitingkad na kaso ang sumusunod:

Bukod sa mga nabanggit, sa kahabaan ng Forest Region ng Cagayan Valley ay sari-saring mapanlinlang na programa ng DENR, DA at DAR ang ipinapatupad. Malawakang ipinapalaganap na kasagutan daw ang Integrated Social Forestry (ISF) Program, ang Community-based Forestry Management (CBFM), ang Integrated Forest Management Agreement, ang Certificate of Ancestral Domain Claim/Certificate of Ancestral Land Claim, NIPAS, at iba pa - para di-umano matugunan ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka at katutubo; at maalagaan pa ang kalikasan.

Hungkag lamang ang mga sari-saring programang ito dahil sa likod nito ay ang walang-kaparis na pangangamkam, pamamahagi at pagpapakontrol ng libu-libong ektaryang lupain sa mga imperyalistang mandarambong, mga kroni, mga matataas na pinuno ng gobyerno at mga lokal na kakutsaba nila.

Ibayong tumitindi ang panghihimasok ng imperyalistang globalisasyon sa agrikultura sa pangunguna ng Monsanto at Syngenta. Walang pakundangang sinasagasaan nito ang mga lehitimong karaingan ng mamamayan hinggil sa malawakang banta sa kaseguruhan sa pagkain, sa kalusugan at sa kalikasan ng ipinapalaganap na genetically-manipulated na mga organismo na higit na kilala sa katawagang Bt corn (DK 818 ng Monsanto, NK ng Syngenta).

Kailanman ay walang maasahan ang mga magsasaka sa kasalukuyang naghaharing gobyerno para resolbahin ang kawalan ng lupa. Nananatiling inutil at bulagsak ito sa pagtugon ng mga batayang suliranin ng mga magsasaka. Wala itong hangaring malutas ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala - ang daantaong kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa ng mga kasamak, mataas na interes ng pautang, mababang presyo ng mga inaning produkto, mataas na presyo ng abono at pestisidyo, kawalan ng kinakailangang imprastruktura katulad ng irigasyon, post-harvest facilities, at iba pa. Bago pa man makarating sa kanila ang mga pangakong proyekto ay nasakote na ng mga burukrata ang malaking bahagi ng pondo para dito.

Ang mga pagsasamantalang ito ay mahigpit na ipinagtatanggol ng AFP-PNP-CAFGU at mga pribadong armadong puersa. Kung saan may pagkilos at paglaban ang mga magsasaka, lalong pinatitindi ang militarisasyon, pagtatayo ng mga kampo, pagrerekrut ng CAFGU, at paglulunsad ng mga operasyong nakakasagka sa gawaing produksyon ng mga magsasaka. Mga patunay kung kanino naglilingkod ang bayarang mga tropang ito.

Sa harap ng humahabang listahan ng pangangamkam sa lupa, walang ibang matatakbuhan ang masang magsasaka kung hindi ang rebolusyonaryong paglaban. Nahubdan na ang sapin-saping bogus na reporma ng mga rehimen sa lupa - CARP, ISF, CBFM at kung anu-ano pa.

Batid ng mamamayan na sa pagsusulong lamang ng pambansa demokratikong rebolusyon, sa paghawak sa rebolusyong agraryo upang unti-unting mapahina ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa, sila maaring lumaya.

Napakataba ng lupa para sa pagsusulong ng digmang bayan. Wala nang iba pang magliligtas sa mga magsasaka kundi ang paglahok nila sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Nangangako ang Hukbong Bayan ng mamamayan, ang New People's Army, ang National Democratic Front at ang Partido Komunista ng Pilipinas, na kailanman, ang karapatan sa lupa ng mga magsasaka ay hindi ikokompromiso sa ngalan ng mga mapanlinlang na "proyektong pangkaunlaran."

Wala nang ibang armadong puwersa na magtitiyak na mapapasakamay ng magsasaka ang lupang kanilang binubungkal kundi ang Bagong Hukbong Bayan. Sa pamamagitan ng BHB at sa paglahok ng magsasaka sa armadong pakikibaka lamang malulutas ang pyudal at malapyudal na pagsasamantalang dinaranas nila.

Walang dapat ipagdiwang sa anibersaryo ng CARP. Higit anupaman, marapat itong gawing araw ng paniningil sa rehimeng Gloria Macapagal-Arroyo sa sagad-sagaring pagpapakatuta nito sa mga malalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at mga dayuhang monopolyo kapitalista.#



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.