Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Bukas na Liham sa mga CAFGU at karaniwang sundalo ng 9th "Orgullo" Brigade

Gregorio Ba�ares
Tagapagsalita
National Democratic Front of the Philippines-Bicol
Setyembre 25, 2003

Namomotan ming mga kahimanwa sa CAFGU asin Philippine Army:

Marhay na aldaw saindo mga kahimanwa sa CAFGU asin Army. Marahil ay nakakuha na kayo ng kopya at nabasa na rin ang "Bukas na Liham sa mga nakabababang opisyal at sundalo ng AFP" mula kay Gregorio "Ka Roger" Rosal - ang Pambansang Tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kami sa NDF-Bicol ay lumiliham rin upang ipaabot sa inyo ang aming marubdob na hangaring makipag-ugnayan sa inyo dahil batid naming karamihan sa inyo ay nagmula rin sa pinagsasamantalahang uring magsasaka, manggagawa at iba pang maralita sa iba't ibang panig ng rehiyon. Umaasa kaming babasahin at pag-iisipan nyong mabuti ang laman ng aming sulat.

Nauunawaan namin ang dahilan kung bakit napilitang kayong pumasok sa institusyon ng militar. Isang dahilan ay ang matinding paghihikahos sa kabuhayan na bunga ng lumulubhang krisis sa ekonomya ng ating bayan. Isa pang dahilan ay ang panlilinlang at sapilitang pagpapasapi sa inyo sa CAFGU sa mga baryong matinding inoperasyon ng militar. May ilan ding dahil sa mga krimeng nagawa sa masa at sa kilusan ay nagtatago sa likod ng uniporme at baril ng militar.

Ang sapilitang pagrekrut sa inyo sa tinaguriang Civilian Active Auxiliary (CAA) o mas kilala bilang CAFGU ay bahagi ng malupit na patakarang todong gera ng nakaraang mga rehimen at ng kasalukuyang rehimen ni Gloria Macapagal Arroyo. Sa maling pag-aakalang mawawasak ang mga rebolusyonaryong organisasyon sa baryo at maitataboy ang mga yunit ng NPA, nagbuo ang militar ng mga grupong tulad ng Alsa Masa at CAFGU upang hatiin ang mamamayan at gamitin sila laban sa rebolusyonaryong NPA.

Sariwa pa ba sa inyong alaala kung paanong nagkawatakwatak ang inyong mga pamilya, kamag-anak at kababaryo, at kung paano kayo kinamuhian ng mga mamamayan dahil sa inyong mga krimen at pang-aabuso sa kanilang mga karapatang pantao?

Sumisimpatya ang rebolusyonaryong kilusan sa hinaing ng mga karaniwang sundalo at mababang-ranggong opisyal ng AFP na nag-alsa sa Oakwood Hotel sa Makati. Bagamat kinapos sa pamamaraan at may problema ang kanilang programa, kinumpirma nito ang kabulukan sa loob ng organisasyon ng AFP.

Sa kabila ng mga sakripisyong dinaranas sa panunungkulan sa inyong organisasyon, biktima kayo ng kakarampot na pasahod, pinagkakaitan ng batayang serbisyo tulad ng medikal, pabahay, benepisyo sa pagreretiro at iba pang serbisyo. Habang ang inyong mga heneral at matataas na opisyal ay nakatira sa mga mansyon, may magagarang sasakyan at nagtatamasa ng maluhong pamumuhay. Sila ang kumukurakot sa mga pondo na nakalaan sana sa inyong sweldo at pensyon, pondo sa pautang, at pambili ng bala at suplay. Sangkot din sila sa mga sindikatong kriminal at kumikita ng limpak-limpak na salapi mula sa pangingidnap, panghoholdap ng bangko, ismagling, jueteng at iligal na droga.

Ngunit higit na mas api ang kalagayan ninyong mga CAFGU kumpara sa karaniwang sundalo. Barat na nga ang inyong alawans, walang benepisyong tulad ng pabahay, medikal, at pautang, ginagawa pa kayong halos alipin at pambala sa kanyon ng inyong mga opisyal. Madalas maantala ng ilang buwan ang inyong alawans dahil ginagamit muna at pinagkakakitaan ng matataas na opisyal sa batalyon at brigada.

Kayo ang inuutusang magbantay sa loob at paligid ng mga kampo, mamalengke, magluto at maglinis, habang ang inyong mga opisyal ay abala sa pag-inom, pagsabong at pagpapasarap. Kayo ang madalas na ginagawang giya sa mga operasyong militar laban sa mga yunit ng NPA. Pinipilit kayong ituro ang mga sibilyang pinaghihinalaang rebelde o taga-suporta ng NPA. Kayo rin ang inuutusang gumawa ng mga krimen at pang-aabuso sa karapatang pantao ng mga taumbaryo.

Kaya naman labis na kinamumuhian ng mamamayan ang inyong samahan. Dahil sa napakahabang rekord ng krimen at pang-aabuso sa mamamayan ng CAFGU at Army, naninindigan ang mga taumbaryo laban sa pagrekrut ng mga CAFGU at pagtatayo ng detatsment sa kanilang mga lugar.

Mula ng itatag ang 9th "Orgullo" Brigade, hibang ito sa pagrekrut ng maraming kabataang Bikolano upang magsundalo. Target nilang magbuo ng dagdag na mga batalyon, ngunit dahil kapos sa badyet, mas prayoridad nito ang pagrerekrut ng CAFGU. Kaya kahit mga menor-de-edad at may kasong kriminal sa masa ay pinasasapi na rin sa CAFGU. Mas tipid nga naman dahil mababa ang alawans ninyo at wala pang mga benepisyo, malilibre pa sila sa maraming trabaho!

Hindi nyo ba napapansin kung bakit karamihan sa mga nakatayong detatsment ng army ay mga CAFGU ang nagbabantay at iilan lang ang regular? Kayo ang ipinapain ng mga opisyal na sundalo sa pag-atake ng mga pulang mandirigma ng NPA.

Alam nyo bang madalas din kayong biktima ng kapalpakan ng PNP at mga opisyal na sundalo? Mas masama, pinagtatakpan at inililihim ito sa inyo at sa publiko.

Noong ika-20 ng Pebrero ngayong taon, napatay ng mga pulis sa isang mis-engkwentro sa Bgy. Mapinya, Masbate City ang isa nyong kasamahang CAFGU at nasugatan ang dalawa pa. Naganap ito nang magresponde ang naturang mga CAFGU matapos parusahan ng isang yunit ng NPA si Bgy. Kapitan Laloy Danao na myembro ng sindikato. Pinalabas sa midya na nilusob diumano ng mga NPA ang Kababayan Center na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng naturang mga CAFGU.

Sa isa pang mis-engkwentro, napatay ng mga sundalo ng 2nd IB ang dalawang CAFGU sa Bgy. Bangao, Baleno, Masbate ngunit pinalitaw sa midya na napatay ang mga ito nang makasagupa ng NPA. Sa galit ng kasamahan nilang mga CAFGU na nagbabantay sa PLDT sa Baleno, sabay-sabay silang nagsipag-AWOL.

Wala kayong magandang kinabukasan sa kinabibilangan nyong institusyon dahil nabubulok na ito sa kaibuturan. Ginagamit lang kayong instrumento sa pagtatanggol hindi ng interes ng naghihirap at aping mamamayan kundi ang interes ng iilang naghahari at makapangyarihan sa lipunan tulad ng mga dayuhang negosyo, malalaking asendero at kumprador at mga tiwaling opisyal ng gobyerno at militar.

Tinatahak ng AFP ang landas ng pagkatalo. Sa kalaunan ay hindi ito magwawagi laban sa rebolusyonaryong kilusan na may malawak at malalim na suporta ng mamamayan. Inaamin mismo ng inyong mga opisyal na natatalo kayo ng NPA sa mga labanan dahil suportado ito ng mamamayan sa baryo.

Sa harap ng ganitong kalagayan, nanaisin nyo pa bang magbuwis ng inyong buhay sa pagtatanggol sa bulok at mapang-aping sistema sa ating lipunan? Isang sistemang ugat ng ating malubhang kahirapan at naglulublob sa atin sa higit pang pagkabusabos?

Dumarami na ang bilang ng mga dati nyong kasamahan na tumitiwalag na sa CAFGU at sa AFP. Marami sa kanila ang sumurender sa NPA at may ilan na tuluyan nang sumapi sa NPA. Nitong ikalawang linggo ng Setyembre, tumiwalag sa 31st IB ang 13 kasapi ng CAFGU sa Bgy. Bagong Silang II sa bayan ng Labo, Camarines Norte. Hindi na nila masikmura ang pang-aabuso ng mga opisyal ng Charlie Company ng 31st IB, at madalas na pagkaantala ng kanilang kakarampot na alawans.

Nananawagan kami sa inyo na manindigan at pumanig sa masang api at naghihirap at talikuran ang mapaniil na organisasyon ng AFP at CAFGU na instrumento ng mga naghahari laban sa maliliit. Maaari nyong gawin ang mga sumusunod:

  1. Mas mahusay kung umalis na kayo sa AFP/CAFGU at maghanap ng marangal na trabaho. Higit na mahusay kung sumanib kayo sa NPA at dalhin ang mga isyung baril sa inyo.
  2. Habang naghahanda kayo sa paglisan sa institusyon ng militar, iwasan nyong gumawa ng pang-aabuso at krimen laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Tanging ang mga elementong may mabigat na krimen sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan at ayaw magbago ang target ng mga hakbang pamarusa ng mga yunit ng NPA.
  3. Lihim na mag-organisa sa inyong hanay at sabay-sabay na umalis dala ang inyong mga armas. Titiyakin ng NPA ang kaligtasan nyo at inyong mga pamilya sa mga sonang gerilya.
  4. Maaari kayong magbigay ng lohistika't suplay at magpaabot ng impormasyon sa mga yunit ng NPA kaugnay ng mga plano at operasyon ng inyong kinabibilangang yunit. Lihim na makipag-ugnayan sa mga yunit ng NPA sa pamamagitan ng inyong mga kamag-anak o kaibigan na nakatira sa mga sonang gerilya.
  5. Tularan ninyo ang ginawa ng mga CAFGU at mga sundalo na lakas-loob na inilantad ang pang-aabuso, pangungurakot at kabulukan ng matataas na opisyal ng AFP at PNP.
  6. Sa mga kalagayang di-maiiwasan ang labanan sa pagitan nyo at mga yunit ng NPA, isigaw ang pagsuko at mapayapang isurender ang inyong mga armas. Ginagarantiyahan ng NPA ang inyong kaligtasan at tatratuhin kayo ng mahusay alinsunod sa mga internasyunal na batas ng digmaan, at alinsunod sa Kumprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas o CARHRIHL na nilagdaan ng GRP at NDFP sa negosasyong pangkapayapaan.

    Sa mga taktikal na opensiba ng NPA tulad ng reyd o ambus, mas makabubuting huwag na kayong lumaban at isurender nyo na lang ang inyong mga armas dahil ito lang ang pakay ng mga pulang mandirigma. Isuko nyo ng marangal ang baril upang maiwasan ang maraming pinsala sa inyong tropa.

  7. Basahin nyo ang mga pahayagan ng CPP-NPA-NDF tulad ng Ang Bayan, Silyab at pakinggan ang kanilang programa sa radyo na Dagundong ng Bikol. Mauunawaan nyo kung bakit patuloy na lumalakas at nagtatagumpay ang rebolusyonaryong kilusan, at kung bakit minamahal at kinakalinga sila ng masa.
  8. Maaaring paramihin at ipasa sa inyong mga kasamahan ang "Bukas na Liham sa mga kasapi ng CAFGU at Philippine Army ng 9th "Orgullo" Brigade", at ang "Bukas na Liham sa mga nakabababang upisyal at sundalo ng AFP" na mula kay Gregorio "Ka Roger" Rosal.

Inililinaw na pinag-iiba namin ang pakikitungo sa mga elementong may nagawang malubhang krimen sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Sila ay sasaklawin ng paglilitis sa Hukumang Bayan alinsunod sa mga batas ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

CAFGU ROGADO, ARMY TRANQUILO! KARANIWANG SUNDALO PAYAT, MATAAS NA OPISYAL BUNDAT!

ITUTOK ANG BARIL SA MGA MAPANG-API'T GAHAMAN, HINDI SA APING MAMAMAYAN!

Dakula an samuyang pagtubod na masasabotan nindo an samuyang pangapodan. Sa ngaran kan rebolusyonaryong kilusan asin namamanwaan kan Bikol, lubos na minagalang,

Kasamang Gregorio Ba�ares
Tagapagsalita, NDF-Bicol
25 Setyembre 2003


Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.