Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino Waray
   

Sagot sa kasinungalingan ng 803rd brigade hinggil sa nangyaring labanan sa pagitan ng AFP at BHB noong nagdaang Agosto 2, 2004

Ka Amado Pesante
Tagapagsalita
Rodante Urtal Command
Bagong Hukbong Bayan -Northern Samar
Agosto 09, 2004

Labis na pagbaluktot sa katotohanan ang report ng 803rd Brigade ng Philippine Army sa DYSM Aksyon Radyo hinggil sa nangyaring labanan sa pagitan ng NPA-RUC at 20th IB PA noong nakaraang Agosto 2 sa hangganan ng Brgy. Mabini, Catarman at Brgy. Makatingog, Oquindo District, Calbayog. Desperadong maniobra ito ng 803rd Brigade para pagtakpan ang hindi matanggap na kabiguan ng may 80 tropa ng 20th IB PA na sumalakay sa halos dalawang iskwad lamang na pwersa ng NPA-RUC.

Ang totoo, walang namatay o nasugatan man lang sa panig ng BHB sa loob ng mahigit isang oras na labanan. Hindi ito maikakaila sa masang magsasaka dahil aktibo silang tumutulong sa pag-aalaga sakaling mayroon talagang patay o sugatan ang BHB. Sa kabilang banda, ang 20th IB PA ang malinaw na may tatlong patay at limang malubhang nasugatan. Saksi dito ang mga tao mismo sa nasabing erya na nakakita sa pagkarga ng militar sa kanilang mga kaswalti sa helikopter na lumapag malapit sa baryo. Dagdag na patunay dito ang mga duguang bakas sa pag-atras ng mga sundalo at ang nakitang mga istretser na pinagkargahan sa mga patay at sugatang sundalo kung saan lumapag ang helikopter. Alam ng mga ordinaryong sundalo ng 20th IB PA ang katotohanang ito, subalit pilit na lamang silang nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan dahil sa desperasyon ng kanilang mga nakatataas at upisyal na pagtakpan ang kanilang kahihiyan at kabiguan.

Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit pinilipit ang katotohanan ng 803rd Brigade sa pamumuno ni Col. Bernard de Luna. Una, bahagi ito ng kanilang psywar para lokohin at papaniwalain ang sambayanan na nagiging matagumpay ang kanilang mga strike operation laban sa BHB. Pangalawa, basta-basta rin lang na naniwala si Col. de Luna sa sinungaling na report ng CO ng nasabing yunit ng 20th IB PA dahil pabor para sa kanila na pagtakpan ang pagkatalo at baligtarin ang katotohanan.

Sa kabilang banda, naging matagumpay ang isinagawang depensa at kontra-atake ng BHB dahil maaga itong nakapaghanda. Pagdating pa lamang ng 20th IB PA sa Brgy. Makatingog, agad nang nakaalam ang mga pwersa ng BHB dahil sa pagpabatid ng maraming magsasakang nakakita sa mga sundalo. Kaya pag-akyat pa lang ng militar sa bundok ng Brgy. Makatingog, tuwiran na silang nasubaybayan ng BHB, hanggang sa umabot sila sa isang sityo ng Brgy. Mabini noong Agosto 1. Maliban pa sa mahusay na intelligence at aktibong tulong ng masa sa BHB, mainam din ang tereyn na kinalalagyan ng mga gerilya, kaya't nahirapan nang husto sa pagsalakay ang militar. Nagsimula ang labanan alas-3:10 ng hapon ng Agosto 2, pero pansamantalang umatras pababa ng bundok ang sumasalakay na militar dahil sa mahusay na depensibang mga taktika at maniobra ng BHB. Dagdag pa, nasamantala at naging paborable rin sa BHB ang kaduwagan ng CO ng 20th IB PA na namuno sa nasabing pagsalakay. Walang alam ang CO na ito sa kongkretong kalagayan ng kanyang tropa at sa kalagayan ng BHB na sinasalakay nila, dahil nagbibigay ito ng mga mando at order habang napakalayo ng kanyang pusisyon sa pusisyon ng kanyang tropa. Nakapasok ang militar sa kampo ng BHB pasado alas-5:00 na ng hapong iyon, noong tahimik na dahil ligtas at organisado nang nakalipat ang mga gerilyang BHB.

Sa pangyayaring ito, ilang gamit sa kusina lamang ang nakuha ng militar sa BHB. Sa halip, ang mabigat na naapektuhan ng operasyong militar na ito ay ang mga magsasaka sa kalapit na mga baryo. Una, bago sila sumalakay, humimpil muna ang 20th IB PA sa isang sityong may ilang kabahayang walang tao, kung saan ninakaw nila ang mga alagang manok at hinalungkat ang mga gamit ng mga magsasaka. Pangalawa, kahit wala nang kalaban, patuloy pang nagpaputok ng mortar ang mga sundalo hanggang umaga kinabukasan, na nagresulta naman sa takot ng mga tao dito. Pangatlo, higit ngayon ang paghihirap ng mga magsasaka sa mga baryong ito dahil limitado ang kanilang pagtungo sa bukirin dala ng takot nila sa mga operasyong militar na ang mga giya ay mga kriminal na CAFGU na dati nang may katunggalian sa mga sibilyan sa nasabing mga baryo.#

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.