Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynon
   

Nagsasagawa Ng Kontra-Rebolusyonaryong Dalawahang Taktika Si Macapagal-Arroyo Laban Sa Mamamayang Pilipino At Mga Rebolusyonaryong Pwersa

Prof. Jose Ma. Sison
National Democratic Front of the Philippines
Chief Political Consultant
Abril 07, 2004

Inaakusahan ko si Gloria Macapagal-Arroyo ng pagsasagawa ng kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika ng karahasan at panlilinlang laban sa mamamayang Pilipino, mga rebolusyonaryong pwersa at mga ligal na demokratikong pwersa.

Sa isang banda, kunwa'y interesado siya ngayon sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) pagkatapos niyang suspindihin nang walang taning ang pormal na usapan mula 2001 hanggang 2003. Sa kabilang banda, kasabay nito'y pinakakawalan niya laban sa mamamayan, mga rebolusyonaryong pwersa at mga ligal na demokratikong pwersa ang pinakamasasahol na atakeng militar at saywar.

Karumal-dumal na nga ang walang pakundangang pagpatay na pinaggagagawa ng mga pinapaborang militar at pulis ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Subalit ang parang asong-ulol na pamamalakat at mga garapal na kasinungalingan ni national security adviser Norberto Gonzales ay nagpapahiwatig na may ibayo pang masasamang maaasahan mula sa rehimen ang mamamayan at lahat ng iba pang organisadong pwersang itinuturing ng rehimen na kaaway nito.

Halatang desidido ang rehimen na gamitin ang poder pampulitika nito, sa partikular ang mga mapaniil na makinarya at pinansyal na rekurso ng estado, para dayain ang eleksyon sa Mayo. Sa gayon, ginagawa ni Gonzales ang lahat para magkalat ng kasinungalingan sa mga pag-atake niya laban sa akin at pagpapalabas niyang komunista ang mga progresibong partidong nasa party list, paninira at pagpapasama niya sa mga ito. Inilalatag ng rehimen ang daan para sa malawakang pandaraya laban sa mga partidong ito at laban pangunahin sa mga karibal ni Macapagal-Arroyo sa pagkapresidente.

Ang anim na partidong elektoral na sinisiraan ni Gonzales ay inaasahang makakukuha ng 16-18% ng boto. Pinangangambahan ang di matatawarang kakayahan nilang maibaling ang resulta ng botohan. At hadlang sila sa pakana ni Macapagal-Arroyo na magsagawa ng malawakang pandaraya laban pangunahin sa mga mayor na partidong oposisyon.

Si Gonzales ay malisyosong maninira ng puri. Agad nitong ilalahad sa publiko ang anumang bagay na magagamit niya para palabasin na iniuugnay ko raw ang rebolusyonaryong kilusang lihim sa anumang progresibong partidong elektoral. Walang batayan ang kanyang mga paratang at parang bata siyang nang-iintriga. Ginawa niya ito sa tatlong pahayag niya sa midya nito lamang, na masasabing may basbas ni Macapagal-Arroyo.

Maraming nagtataka kung papaanong naging national security adviser si Norberto Gonzales gayong wala naman siyang kakayahan sa usapin ng pambansang seguridad at nagpanggap lamang siya nang matagal bilang tagapagtaguyod ng huwad na sosyal-demokrasya. Ngayon ay lantad na ang katotohanan. Di lamang siya mahigpit na inirekomenda ni Jesuit provincial Fr. Intengan, rekomendado rin siya ng mismong CIA, na matagal na umupa sa kanya bilang asset sa paniktik at impiltrador sa Moro National Liberation Front, laluna noong panahong tagapangulo pa nito si Nur Misuari.

Ang mga kilos ni Gonzales ay malinaw na indikasyon ng mga tunay na intensyon ng imperyalismong US at ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo. Hindi lamang siya espiya ng papet na rehimen, espiya rin siya ng nag-iisang superpower. Kabilang siya sa pangkat ng mga papet na upisyal na nagmungkahi sa gubyerno ng US na bansagang "terorista" ang PKP, BHB at ang chief political consultant ng NDFP, labag sa The Hague Joint Declaration at iba pang kasunduan sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP.

Tinutukoy ko ang prinsipyo ng pambansang soberanya na nasa The Hague Joint Declaration, ang mga garantiyang nakasaad sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees, ang mga karapatang pinagtibay sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law at ang doktrinang Hernandez hinggil sa mga kasong pampulitika.

Bilang kalihim para sa special operations, nagkaroon ng susing papel si Gonzales sa pagparalisa sa negosasyong pangkapayapaan ng GRP at NDFP mula 2001 hanggang 2003. Sa pagpapakawala sa kanya ngayon laban sa mga rebolusyonaryong pwersang kinakatawan ng NDFP, umaatras bang muli si Macapagal-Arroyo sa negosasyong pangkapayapaan, partikular sa nakatakdang ikatlong yugto ng pormal na usapan sa Abril 26-29, 2004? Malinaw na isinasapanganib ni Gonzales ang pagpapatuloy ng negosasyong pangkapayapaan at kinokontra niya ang matagumpay na una at ikalawang pormal na usapan sa Oslo. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.