Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Bibiguin ng mamamayan ang pangarap ni GMA na kumapit sa poder lampas sa 2004

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Enero 06, 2004

Abot-langit ang pangarap ni Gloria Macapagal-Arroyo na manatili sa poder lampas pa sa 2004. Bibiguin ito ng mamamayang Pilipino.

Magkamilagro man nang malaki at manguna si Arroyo sa bilangan ng boto, walang maniniwalang siya ang tunay na panalo sa eleksyon. Ang mga maniobra at pandaraya ni Arroyo sa darating na eleksyon ay susundan ng kalagayang katulad noong Pebrero 1986. Nagtaas man ng kamay si Marcos, walang naniwala sa kanya.

Sa nalalapit na eleksyon, bukod sa dati nang mga paraan ng pandaraya tulad ng pagbili ng boto, pagmanupaktura at pagpapalit ng mga balota, pagpapalit at pagdudoktor sa mga election canvass at tally sheet at iba pang manwal at garapal na paraang dagdag-bawas, magkakaroon ng mga bagong mas patago at tusong iskema tulad ng diskette-switching at vote-hacking o ang pagmamanipula ng bagong computerized na sistema ng Comelec sa pagbibilang.

Ang nakikini-kinitang labis-labis na pandaraya ni Arroyo sa darating na eleksyon ay magbubunsod ng panibagong tindi ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Bunsod nito, maaaring mabuo ang isang malapad na koalisyon ng mga pwersang anti-Arroyo sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong pwersa at suportado ng malawak na mamamayan, mga pwersa ng reaksyunaryong oposisyon at maging ng mga disgustadong pwersang militar.

Ang kasalukuyang mga kaguluhan sa pulitika ay tanda ng pagkakasadlak ng naghaharing sistema sa napakalubhang krisis panlipunan. Lalo pa itong pinalala ng walang kapantay na kabulukan, pagkapapet at pasismo ng rehimeng Arroyo.

Hindi na matagalan pa ng mamamayang Pilipino ang rehimeng Arroyo. Kailangang patuloy itong ilantad, ihiwalay at labanan bilang pangunahing target ng mga pakikibakang bayan. Ang pagbabagsak sa rehimeng Arroyo ang tanging marapat na kabayaran sa lahat ng ginawa nitong pagpapakatuta sa imperyalismong US, at pagpapahirap at pang-aapi sa mamamayan.

Ang paggegewang-gewang ng rehimeng Arroyo at pagtindi ng kagaluhang pampulitika ay sinasamantala ng mga Marcos, Estrada, Cojuangco at mga kapanalig nila. Nais nila itong mapakinabangan upang makaagaw ng poder. Sa harap nito, pinaghahandaan rin ng Partido at rebolusyonaryong kilusan ang pagpalit kay Arroyo ng ibang reaksyunaryong papet. Kailangang maghanda ang mamamayan sa posibleng pagbalik sa kapangyarihan ng mga itinakwil na nila. Di na dapat makapanumbalik pa ang mga sukdulang pasista at mandarambong.

Puspusang itinataas ng mga rebolusyonaryong pwersa ang antas ng pakikidigmang gerilya, kilusang masa at nagkakaisang prente. Hihigitan ng mga ito ang mga tagumpay na inabot sa nagdaang mga taon. Pagbabayarin ng mamamayang Pilipino ang rehimeng Arroyo sa malakihang pananalakay at paglapastangan nito sa kanilang kapakanan at mga karapatan.

Sa darating na taon, lalo pang paiigtingin ng New People's Army ang armadong pakikibaka. Ito ang pangunahing ambag ng rebolusyonaryong armadong kilusan tungo sa pagbabagsak ng rehimeng Arroyo at paglaban sa sinumang reaksyunaryong papet na maaaring pumalit dito. Lalo pang lalakas ang NPA, darami ang mga mandirigma at kanilang mga armas at dadalas at lalaki pa ang mga taktikal na opensiba habang pinalalawak at kinokonsolida ang mga larangang gerilya at isinusulong ang rebolusyong agraryo. Mabibigat na dagok ang idudulot ng mga ito sa rehimen at sa kabuuan ng naghaharing reaksyunaryong estado at sistema.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.