Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisaya
   

Maglunsad ng malalaking demonstrasyon, kagyat na wakasan ang rehimeng US-Arroyo

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Setyembre 02, 2003

Lalo ngayong gumegewang-gewang ang gubyernong Arroyo sa sobrang bigat ng nalalantad na mga kaso ng malakihang korapsyon na kinasasangkutan ng mag-asawang Arroyo. Sa harap ng mga kongkretong paglalantad ng kapani-paniwala at solidong ebidensya ng malakihan at sistematikong pandarambong at money-laundering ng mga Arroyo, marapat lamang na sipain na ito sa Malakanyang.

Kailangang magtipon ng pwersa ang ligal na demokratikong kilusan at mamamayan at ihanda ang pagpapatalsik sa rehimeng Arroyo. Tungo rito, maaari nilang kagyat na pangunahan ang isang prosesong impeachment katulad nang malantad ang malakihang pandarambong ni Estrada noong 2000.

Maaari ring igiit ng ligal na demokratikong kilusan at mamamayan ang isang impartial inquiry sa mga kaso ng korapsyon na kinasasangkutan ng mga Arroyo, kabilang si Ignacio Arroyo, na halatang pinagtatakpan ang kanyang kapatid at hipag. Subalit kailangan munang mapagbitiw si Gloria o kaya'y mapatalsik siya sa pagkapresidente kung magiging tunay na impartial nga ang gayong imbestigasyon.

Kung tutuusin, ang mga kaso ng korapsyon na inilantad ni Sen. Panfilo Lacson, ng midya at iba pang sektor ay dagdag lamang sa pahaba nang pahabang listahan ng mga dahilan kung bakit dapat kaagad nang ibagsak ng mamamayan ang rehimeng Arroyo. Tulad ng nauna na naming inilahad, may hindi kukulangin sa sampung dahilan kung bakit kailangang kumilos kaagad ang mamamayan para wakasan na ang rehimeng ito.

Kaugnay nito, paiigtingin ng New People's Army ang mga taktikal na opensiba upang bigwasan nang mabigat ang rehimeng Arroyo, parusahan ito sa sobra-sobrang pagkapapet, militarismo at korapsyon, higit na pahinain para mapabilis ang pagpapabagsak nito, gayundin upang makakuha ng mga armas.

Kailangang buuin ang malawak na nagkakaisang prente ng lahat ng mga pwersang anti-Arroyo at anti-korapsyon na magkokoordina ng malalaking demonstrasyong maaaring tumungo sa isa muling higanteng pag-aalsa na katulad ng nagpabagsak kina Marcos at Estrada. Kailangang pumwesto sa gulugod nito ang mga militanteng pwersang patriyotiko at demokratiko upang maigiit ang makabuluhang mga pagbabago at mabuklod ang pinakamalawak na posibleng pwersa.

Bilang konstitusyunal na kahalili, maaaring kagyat na tumayong presidente si Vice-President Teofisto Guingona at pamunuan ang isang caretaker government upang kaagad na iwasto ang mga kasalanan ni Arroyo at ituloy ang susunod na eleksyon. Kung wala si Arroyo, mas mapagkakatiwalaang makagawa ang caretaker government ng isang impartial inquiry sa mga kaso ng malakihang korapsyon kaysa kung nananatiling presidente ang iniimbestigahan.

Bilang Presidente, maaaring isulong ni Guingona ang pinanghahawakan niyang patriyotismo at kumilos para maibasura ang Mutual Logistics Support Agreement, mapawalambisa ang Visiting Forces Agreement, matapos na ang Balikatan "exercises," mabawi ang sikretong kasunduan na nagbibigay ng immunity sa paglilitis ng International Criminal Court sa mga tropang Amerikano, mahinto ang balak na pagbabago ng konstitusyon para sa interes ng US at matigil na ang papalaking armadong panghihimasok ng US sa Pilipinas.

Inaasahan din naming wawakasan ni Guingona ang teroristang all-out war ni Arroyo na nakapagdulot na ng napakalaking pinsala sa buhay ng mamamayan sa kanayunan. Maaari rin niyang iutos ang isang independent o joint investigation sa mga kaso ng papalalang paglabag sa karapatang-tao bunsod ng teroristang all-out war ni Arroyo.

Tiwala kami na kapag naupo si Guingona ay mababago ang negatibong pakikitungo ni Arroyo sa usapang pangkapayapaan at mailalatag ang mga kundisyong higit na paborable para sa muling pagsisimula at kalaunang pananagumpay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, at gayundin sa pagitan ng GRP at MILF. ###

Download MP3 of Statement in Pilipino

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.