Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaWaray
Read media release   

May mga lehitimong daing ang mga nakabababang upisyal at karaniwang kawal ng AFP

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Hulyo 20, 2003

Nagsisimpatiya ang rebolusyonaryong kilusan sa ipinahayag kamakailan na mga daing ng mga nakabababang upisyal ng AFP laban sa mga tiwaling palakad sa militar ng matataas na upisyal nito laluna ni Gen. Angelo Reyes. Katunayan, napakaraming mga ordinaryong sundalo at pulis ang lumalapit sa rebolusyonaryong kilusan upang humingi ng payo kung papaano nila maipagtatanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan.

Ang ganitong mga reklamo ay patunay lamang kung gaano kabulok, korap, di demokratiko at anti-mamamayan ang organisasyon ng AFP. Sa tuktok ng establisamyentong militar, nakaupo ang mga heneral ng AFP at pinuno ng Department of National Defense. Liban pa sa nagpapakasasa sa napakalaking sweldo, sa mga luho at espesyal na pribilehiyo tulad ng mga mansyon, kumakamal ang mga ito ng napakalaking yaman galing sa pangungurakot ng mga pondo para sa mga ordinaryong sundalo at iba pang pondo ng kani-kanilang yunit, pondo para sa mga disaster relief, kickback mula mga kontrata sa pagbili ng mga kagamitan, kita mula sa mga kriminal na sindikato tulad ng droga, kidnapping for ransom, hold up sa bangko, at marami pang ibang kriminal na aktibidad.

Ang AFP ay isang mersenaryong organisasyong nagsisilbing pangunahing instrumentong pandahas ng pasistang estadong nagtatanggol sa isang bulok na sistemang panlipunan sa kapakanan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri. Kumakain ang AFP ng napakalaking rekursong naipagkakait sa kagalingan at iba pang saligang pangangailangan ng mamamayan. Mabigat na pasanin ito ng mamamayang Pilipino samantalanag nang-aapi lamang ito sa kanila. Sinasanay, pinopondohan at inaarmasan ito ng imperyalismong US upang itaguyod at pangalagaan ang interes nito at ng mga galamay nito sa loob ng bansa.

Pambihira ang mga heneral na hindi nakatira sa malalaking mansyon at walang magagara at mamahaling sasakyan. Karamihan din naman sa kanila ay umabot sa ganoong kataas na ranggo sa pamamagitan ng mga suhol at lagay. Alam na alam ng marami na kung ilang milyong piso ang ipinanlalagay ng mga upisyal ng AFP para sa bawat estrelyang isinasabit sa kanilang mga balikat. Tulad ng mga pulitikong burukrata, binabawi ng mga pinunong militar ang mga ito sa pamamagitan ng malalaking sweldo, pribilehiyo at korapsyon.

Walang katiting na malasakit ang pinakamatataas na upisyal ng AFP at DND sa kanilang nakababatang upisyal at karaniwang kawal. Ang ipinahayag na mga reklamo ng mga nakababatang upisyal nitong kamakailan ay walang pinag-iba sa ipinahayag noong dekada 1980 ng mga nauna sa kanila at pinagmulan ng Reform the Armed Forces Movement (o RAM) at ng Young Officers Union (YOU). Marami sa mga namuno sa mga ito ay naging bulok na ring pinuno sa militar at burukrasya at tumalikod sa interes ng mga nakabababang upisyal at karaniwang kawal.

Noong nakaraang buwan naglabas din ng manipesto ang Concerned Army Officers in Sulu na naglalaman ng halos parehong mga hinaing ng libu-libong kawal na nakasabak sa larangan ng armadong labanan.

Ang katayuan ng mga nakababatang upisyal at karaniwang kawal ng AFP ay malayong mababa kumpara sa mga bundat na nakatataas na pinuno nila. Higit pa ring api at abandonado ng reaksyunaryong gubyerno ang higit na mas malaking bilang mga ordinaryong kawani ng pamahalaan, kabilang na ang daan-daan libong ordinaryong titser, nars, clerk, utility personnel at iba pa. Kung pagsasamahin ang badyet ng DND, AFP, PNP, iba't ibang ahensyang pang-intelligence at mga nakatagong badyet pang-intelligence sa iba't ibang tanggapan ng gubyerno, labis-labis na ang prayoridad at pondong nakalaan sa militar kumpara sa mga kagalingang panglipunan, laluna sa kalusugan. Subalit ang malaking badyet militar ay pinagsasasaan lamang ng mga matataas na upisyal ng DND at AFP.

Sa loob ng organisasyong militar, ang higit na dumaranas ng pang-aapi ay ang mga ordinaryong kawal na siyang ginagamit ng mga upisyal ng DND at AFP na pambala sa kanyon sa kanilang mga kampanya ng panunupil sa kanayunan at kalunsuran. Inaabandona ng kanilang mga pinuno ang kagalingan ng kanilang mga kawal at ninanakaw ang kanilang pagkatao upang pakawalan at itulak ang kanilang kabangisan laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan. Walang pakundangang ginagamit sila upang wasakin ang mga pamamahay, pagnakawan ng mga alagang hayop, salantain ang mga pananim, patayin at pahirapan ang mga inosente at yurakan ang mga karapatang-tao ng karaniwang mamamayan. Ginagawa silang robot sa walang awang pagmamalupit sa masa at pagtortyur sa mga pinagsususpetsahang kabilang o sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.

Madalas din silang isinasabak nang bulag sa mga labanan. Sa harap ng tiyak na pagkatalo kapag nahaharap sa mas superyor na pwersa at kapasidad ng Bagong Hukbong Bayan at Moro Islamic Liberation Front, pwersahan silang pinasusugod kahit pa ikamamatay ito ng malaking bilang ng mga sundalo. Ganito ang nangyari sa mga nagdaang labanan sa Compostela Valley, sa Samar, sa Bataan, sa Mountain Province.

Hindi katumbas ng kanilang buhay ang kakarampot na sahod na tinatanggap nila. Lalong walang halaga na mamatay silang kapalit ng pagtatanggol sa sistemang umaapi at nagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka, na uring karaniwang pinagmulan rin nila.

Ang mapang-api at malupit na pagtrato sa sariling mga tauhan, laluna sa mga ordinaryong kawal at mga pwersahang nirerekrut sa mga pwersang paramilitar tulad ng CAFGU, ay isinasaalang-alang ng rebolusyonaryong kilusan. Kaya't nananawagan sa kanila ang rebolusyonaryong kilusan na huwag nang magpagamit sa kanilang tiwaling mga upisyal, sa pasistang estado at sa reaksyunaryong naghaharing uring nagsasamantala, nang-aapi at naglilinlang din sa kanila. Walang ibang nararapat nilang gawin kundi ang tumanggi na ipantaya lamang ang kanilang buhay para sa kapakanan ng mga reaksyunaryong naghaharing uri at ng tiwali at pasistang mga pinuno nila. Nararapat na rin silang tumanggi na lababan ang kapwa nilang mga hirap at api, mga kapatid nilang Pilipino, na kaya lamang humawak ng armas ay para epektibong maipaglaban ang mga lehitimong kapakanan nila at ng sambayanan.

Ang lubos na pagkabulok at pagkainutil ng AFP ay ipinapakita ng sunud-sunod na pagkatalo ng iba't ibang yunit ng AFP sa mga labanan sa BHB at iba pang rebolusyonaryong pwersa. Tuloy, ang pinagdidiskitahan at ginagantihan nila ay ang di armadong karamiwang mamamayan.

Lalo pang nabubulok ang AFP habang sumisidhi ang krisis ng naghaharing sistema at lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan. Marapat lamang na isiniwalat ng mga nakababatang upisyal at karaniwang kawal nito ang mga kabulukan sa loob ng DND at AFP.

Bukod sa pagtataguyod ng kanilang interes laban sa pang-aapi ng mga heneral, hinihikayat namin silang itaguyod ang patriyotiko at demokratikong hangarin ng mamamayang Pilipino. Hinihikayat namin silang lubusang talikuran ang reaksyunaryo, bulok at pabigong landas ng AFP, itaguyod ang tradisyon ni Lt. Crispin Tagamolila, at sumanib at sumuporta sa rebolusyonaryong kilusang naglilingkod sa bayan at tumatahak sa landas ng pagpapalaya ng sambayanan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.