Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa

Communist Party of the Philippines
Mayo 01, 2005

Sa okasyon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa, nagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mga manggagawa sa buong mundo.

Ang mga manggagawa ang nangungunang pwersang lumilikha ng yaman at pangunahing motor ng modernisasyon at pag-unlad. Sila ang lumilikha at nagpapatakbo ng mga makina ng industriya. Sila ang nangunguna sa pagpapaunlad ng teknolohiya at pagtuklas ng mga makabagong paraan ng produksyon.

Subalit sa ilalim ng paghahari ng mga kapitalista, ang mga manggagawa rin ang pangunahing inaapi at pinagsasamantalahan. Ang yamang kanilang nililikha ay hindi nila tinatamasa kundi kinakamkam ng may-ari ng kapital. Kapalit ng kanilang paggawa, ang mga manggagawa ay tumatanggap ng kakarampot na sahod para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.

Sa buong mundo, ipinatutupad ang "pleksibilisasyon" ng paggawa na dili iba kundi ang pagbabaklas sa marami nang napagtagumpayang karapatan ng mga manggagawa sa usapin ng oras ng paggawa, minimum na sahod, karapatan sa pag-uunyon, mga benepisyo at iba pa. Sa pagbabaklas ng mga tagumpay na ito, naipatutupad ng mga kapitalista ang pinakamalalalang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa mga manggagawa upang ibayo pang mapalaki ang kanilang tubo.

Ang paglubha ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang kaakibat na paglala ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa Pilipinas ay lalong nagpapasidhi sa kaapihan at pagsasamantala na dinaranas ng mga manggagawang Pilipino. Kaakibat ng pagbagsak ng industriya at manupaktura, pumapaimbulog ang disempleyo. Lumalaganap ang sistema ng kontraktwalisasyon, kaswalisasyon, "out-jobbing" at iba't ibang anyo ng pag-eempleyo na nagkakait ng seguridad at karapatan sa mga manggagawa. Palaki nang palaki ang bilang ng mga manggagawang nangingibang-bansa at ang bilang ng mga umano'y "service workers" na pinagandang katawagan para sa mga walang permanente, regular o malinaw na pagkakakitaan.

Sa nakaraang mahigit limang taon, walang naging makabuluhang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa sa kabila ng tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo at ng gastos sa pamumuhay. Sa pamamagitan ng mga "regional wage board", epektibong napigilan ang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa at naipagkait ang kanilang karapatan sa minimum na sahod. Lalo pang inilulubog ang sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng iba't ibang anyo ng "pleksibleng" pag-eempleyo.

Ang di pa napapantayang bilis ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin nitong nagdaang mga buwan ay lalong nagsasadlak sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan. Lubhang napakaliit ng nakatakda at aktwal na natatanggap na sahod ng mga manggagawa kung ikukumpara sa kanilang pangangailangan sa araw-araw.

Ang rehimeng US-Arroyo ang Numero Uno ngayong pumipigil sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Sa nakaraang apat na taon, pinigilan ni Arroyo ang lahat ng makabuluhang pagtataas sa sahod sa kabila ng naghuhumiyaw na pangangailangan at paggigiit ng mga manggagawa para rito. Ipinapako ng rehimeng Arroyo ang sahod ng mga manggagawa sa baluktot na hangaring akitin ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa bansa upang pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino.

Kaya labis-labis ang galit ng mga manggagawang Pilipino sa balak ng rehimeng Arroyo na magpataw ng mga karagdagang buwis at bigyang-daan ang pagtataas sa presyo ng kuryente at tubig at singil para sa mga serbisyong pampubliko.

Ginagamit ng rehimeng Arroyo ang pasistang kamay na bakal upang supilin ang pagkilos at paglaban ng mga manggagawa. Pinakatampok sa mga pag-atake sa mga manggagawang Pilipino ang masaker sa Hacienda Luisita noong nakaraang taon. Sa buong bansa, patuloy ang madugong pagsupil sa mga unyon at mga welga. Partikular na target ng kampanya ng panunupil ng rehimeng US-Arroyo ang mga manggagawa at iba pang mga pwersang lumalaban para sa interes ng masang anakpawis.

Sa harap ng labis na kaapihan at pagsasamantalang dinaranas ng mga manggagawang Pilipino, nasa kanila ang lahat ng katwiran at katarungan na isigaw at ipaglaban ang kanilang mga karapatan, pangunahin na ang karapatan para sa karagdagang sahod.

Ang rehimeng Arroyo ang pangunahin ngayong kumakatawan sa naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at pangunahing kaaway ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Sa bawat nagdaraang araw, ipinakikita ng rehimen ang labis na makauring pagkamuhi nito sa masang anakpawis.

Kaya ang pakikibaka ng mga mangggagawang Pilipino ay nakakawing sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa bulok, terorista at papet na rehimeng Arroyo. Para sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino, walang ibang nararapat kundi patalsikin si Arroyo sa poder.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.