Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaWaray
Read media release   

Ipagdiwang ang mga tagumpay ng hukbong bayan! Biguin ang kontra-rebolusyonaryong all-out war
ng rehimeng Macapagal-Arroyo at interbensyong militar ng US!

Mensahe Para sa ika-34 anibersaryo
ng BHB sa Marso 29

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Marso 28, 2003

Sa ngalan ng Partido Komunista ng Pilipinas, nagbibigay pugay ako sa lahat ng kumander at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan sa okasyon ng ika-34 taong anibersaryo nito. Taas-kamaong nagpupugay din ako sa lahat ng martir ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Bunga ng wasto at buong kasigasigang pagsusulong ng digmang bayan sa nagdaang 33 taon, patuloy na umaani ng mga tagumpay ang BHB sa larangan ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa. Milyun-milyong mamamayan ang tumatamasa ng mga benepisyo ng pagsusulong digmang bayan.

Matatag na nakalatag ngayon ang mahigit 120 larangang gerilya ng rebolusyonaryong kilusan na sumasaklaw sa kalahati na ng mga distritong kongresyunal sa buong bansa. Darami pa ang mga ito sa mga susunod na taon.

Sa mga larangang gerilyang ito nakabase ang nakararami sa ngayo�y humigit-kumulang 27 batalyon ng mga Pulang mandirigma, laksa-laksang milisya at daan-libong pwersa ng mga kor sa pagtatanggol sa sarili. Sa mga larangang ito at sa mga kanugnog na lugar, ang mga pwersa ng kinamumuhiang kaaway ay ginagapi ng BHB at pwersang rebolusyonaryo.

Dito�y inilulunsad ng BHB ang mga taktikal na opensiba laban sa mga armadong pwersang ng kaaway. Alinsunod sa prinsipyo ng pakikibakang gerilya, ginagamit ng BHB ang taktikal na superyoridad nito sa pwersa, pusisyon, kaalaman sa lugar at, higit sa lahat, ang malalim na sa suporta ng mamamayan, laban sa pinaliligiran, nahihiwalay at mahihinang pwersa ng kaaway.

Itinatayo ang mga baseng gerilya at lokal na organo ng demokratikong pamahalaang bayan sa mga pinakakonsolidadong bahagi nitong mga larangang gerilya. Sa pamumuno ng Partido at ng BHB, isinusulong sa mga larangang gerilyang ito ang mga kampanya para sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Isinusulong ang mga pakikibakang masa para lutasin ang mga problema ng mamamayan at kamtin ang mga kongkretong benepisyo para sa mamamayan.

Pangunahing isinusulong ang mga pakikibakang antipyudal para sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapawi ng usura at pagbabawas sa iba pang anyo ng pagsasamantala ng malalaking panginoong maylupa, negosyante at burukrata. Gayundin, isinusulong ang mga ito para paunlarin ang kooperasyon, produksyon, kalusugan, edukasyon, kultura at iba pang bagay para sa kagalingan ng mamamayan. Isinusulong din ang mga pakikibaka para sa hustisya at paglaban sa mga abusong militar at mga paglabag sa mga karapatang-tao ng mamamayan at iba pang anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan. Sa pamumuno ng Partido at tulong ng hukbong bayan, ang mamamayan sa mga larangan at baseng gerilya ay hakbang-hakbang na natututo sa demokratikong pamamahala sa sarili.

Sa gayon, nagsisilbing moog ang mga larangan at baseng gerilya sa pagtatayo ng bagong rebolusyonaryong lipunan. Itinatayo sa loob ng mga ito ang mga binhi ng bagong kaayusang mas maunlad, demokratiko, makatarungan at malaya. Ito ang kaayusang sumisibol mula sa kasalukuyang naghaharing bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na pinakikinabangan at ipinagtatanggol ng imperyalismo at lokal na mga reaksyunaryong uri.

Imbing layunin ng kontra-rebolusyonaryong digmang todo-todong isinasagawa ng rehimeng Macapagal-Arroyo na wasakin ang mga ito at lahat ng mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan kapwa sa kanayunan at sa kalunsuran.

Tungo rito, malawakang kampanya ng panunupil ang matagal na at paulit-ulit na isinasagawa ng AFP, PNP at mga pwersang paramilitar. Napakalupit na karahasan at terorismo ang inihahasik nila laban sa mamamayan. Walang habas nilang niyuyurakan ang mga demokratikong karapatan ng mamamayan sa hangaring supilin sila at ang kanilang rebolusyonaryong kilusan. Sa kanayunan, tahasang naghahari ang batas militar.

Buong-tapang at buong-tatag na hinaharap at binibigo ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at milisyang bayan ang todo-todong kontra-rebolusyonaryong digma ng rehimeng US-Arroyo. Ang matatagumpay na taktikal na opensiba ng BHB laban sa AFP at PNP sa buong bansa ay bumabasag sa ilusyong may epektibong paghahari ang papet na rehimen at mga sandatahang pwersa nito sa mga teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan.

Sa kabila ng kampanya ng panunupil ng AFP, patuloy na lumalakas at tumatatag ang BHB at ang paglaban ng mamamayan. Pinatutunayan lamang ng mga ito ang kawastuan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka upang itaguyod ang pambansa at demokratikong interes ng sambayanang Pilipino.

Kabaligtaran ng mataas na moral ng mga Pulang mandirigma, laganap ang dismoral sa hanay ng mga reaksyunaryong tropa. Ang kahandaang lumaban ng BHB ay lalong tumataas dahil malinaw sa kanila ang katumpakan ng kanilang ipinaglalaban, nakikita nila ang malawak na suporta ng mamamayan at umaani ng maraming tagumpay ang kanilang mga pagsisikap.

Kabaligtaran ng pagsulong at paglakas ng rebolusyonaryong kilusan, patuloy naman ang pagbulusok ng reaksyunaryong estado. Lumalakas ang pagkamuhi ng mamamayan at oposisyon sa rehimeng Macapagal-Arroyo dahil sa sobra-sobrang pagkapapet, brutal at pagkabulok nito.

Palalong nagiging desperado at walang pag-asa ang mamamayan sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Ang asal-aliping pagsunod ng rehimeng Arroyo sa mga patakaran ng neoliberalisasyon, alinsunod sa imperyalistang dikta ay gumigiba sa mga pwersa sa produksyon ng bansa, pangunahin na ang mga manggagawa at magsasaka. Saksi tayo ngayon sa ibinubunga nitong lumalalang pagbagsak ng produksyon, lumalaking disempleyo, pagkalugi ng magsasaka at mga lokal na negosyante, lumalaking depisit ng gubyerno, pagbulusok ng piso at iba pang palatandaan ng pagdausdos ng kahuhayan ng bansa. Lumalakas ang pagkamuhi ng mamamayan at oposisyon sa rehimeng Macapagal-Arroyo dahil sa sobra-sobrang pagkapapet, brutal at pagkabulok nito.

Kaya kabaligtaran ng paparaming mamamayang yumayakap sa rebolusyonaryong kilusan, ang rehimeng Arroyo ay isinusuka at itinatakwil ng paparami nang paparaming mamamayan bunsod ng sobra-sobrang pagpapakapapet, walang-pakundangang militarisasyon at walang-awat na korapsyon. Paparaming mga pwersa, kabilang ang mga propesyunal at maliliit na kawani, ang lumalapit sa rebolusyonaryong kilusan upang ialok ang kanilang tulong at suporta. Marami na rin ang ispontanyong nagpoprotesta sa iba�t ibang paraan.

Kabaligtaran ng pag-asa sa sarili ng rebolusyonaryong kilusan, palaging nakasumamo ang reaksyunaryong rehimeng Macapagal-Arroyo sa imperyalismong US para sa tulong sa militar, ekonomya at pulitika.

PAPALAWAK AT papalala ang armadong interbensyon ng imperyalismong US sa Pilipinas tanda ng lalong pagkabulok at pagkasadlak sa krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Tanda rin ito ng maitim na hangarin ng US at papet na rehimen na idugtong ang kontra-rebolusyonaryong gera sa Pilipinas sa digmang agresyon ng US sa Iraq at ibang bansang lumalaban sa US. Sa harap ng naipakikitang kawalang kakayahan ng papet na rehimen na harapin ang mga rebolusyonaryong pwersa, inilalagay na nito ang pangunahing pag-asa sa direktang agresyon ng US para sugpuin ang rebolusyon sa Pilipinas.

Pilipit na ginagamit ng rehimeng Arroyo at US ang "gerang kontra-terorismo" upang bigyang-katwiran ang tuwirang pagpapakat ng mga tropang pangkombat ng US sa bansa. Katulad ng mga pagpapasabog ng bomba sa Kamaynilaan at iba pang lugar noong Setyembre-Oktubre 2002 na pilit pinalalabas na gawa ng BHB, ang madugong pagpapasabog ng bomba sa Davao noong Marso 4 at iba pang lugar sa Mindanao kamakailan ay pakana ng mga operatiba sa saywar ng US Central Intelligence Agency at Pentagon upang maibintang ito nang tuwiran sa MILF at di-tuwiran sa BHB. Kasabwat ng CIA at Pentagon ang utusan nilang si Gen. Angelo Reyes. Pagbabayaran nila ang napakalaking mga krimen nilang ito sa mamamayang Pilipino!

Desperadong-desperadong maghanap ng katwiran si Arroyo at ang AFP upang lusutan ang mga pagbabawal ng konstitusyon ng gubyerno sa deployment ng mga dayuhang tropa sa bansa. Tanda ng lalim ng desperasyon nitong maisabak na ang mga tropang Amerikano sa kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas, nakahanda si Arroyo na ikutan o labagin ang sarili nitong konstitusyon at lapastanganin ang soberanya ng bansa. Ginagawang daan lamang ang paglaban sa Abu Sayyaf para maibaling sa malao�t madali ang agresyong militar ng US laban sa mga rebolusyonaryong pwersa. Kaya sa harap ng malakas na pagtutol ng mamamayan at oposisyong pulitikal sa tuwirang pagsabak ng mga tropang Amerikano laban sa Abu Sayyaf sa Sulu, agad-agad namang inanunsyo ng US at ng papet na rehimen ang pagbabaling ng pakat nila sa Mindoro, Quezon, Compostela Valley, North Cotabato o saan pa man naroroon ang mga rebolusyonaryong pwersa kapwa ng NPA at BIAF/MILF.

Sa tulak din ng imperyalismong US, lubusan na ring sinagasaan ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang usapang pangkapayapaan kapwa sa NDF at MILF. Nagharap ang rehimen sa bawat isa ng balangkas ng �negosasyon� at �kasunduan� para lamang sa pagsuko. Kasabay nito ang paggamit sa deklarasyong �terorista� at pagpapatindi ng mga atakeng militar para pilitin ang mga rebolusyonaryong pwersa na pumaloob sa ganitong balangkas.

Ngunit hindi nasisindak ang mga rebolusyonaryong pwersa sa banta ng rehimeng Arroyo na pakakawalan ang isang ng todo-todong digmang suportado ng militar ng US. Katunayan, matagal nang walang lubay ang malulupit na kampanyang militar ng AFP kahit noong panahong mayroong usapang pangkapayapaan. Ang lahat ng ito�y hinaharap at binibigo ng BHB at ng MILF.

Hindi nangangamba ang BHB sa bantang magpapapasok ng mga tropang Amerikano sa mga larangang gerilya at teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan. Sa katunayan, ang US at ang papet na rehimen ang mga may dahilang mabahala sapagkat itatransporma ng pagpasok ng mga dayuhang tropa ang kasalukuyang digmang sibil tungo sa isang pambansang digma laban sa US. Kaakibat nito�y pasisiklabin nito ang napakalawak na patriyotikong oposisyon na makapagpapabagsak sa kasalukuyang papet na rehimen o alinmang kasunod na rehimeng magtataguyod ng dayuhang armadong agresyon.

Pananatilihin ng BHB ang kabuuang depensibong tayo nito sa kasalukuyang yugto ng digmang bayan. Gayunman, alinmang pwersang pangkombat ng US na papasok sa loob o papakat sa kanugnog ng mga teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan ay magiging target ng atake ng BHB at mamamayan. Mananatiling puspusan din ang pagkilos ng Partido, BHB at buong rebolusyonaryong kilusan upang biguin ang dayuhang agresyon at palayasin ang mga dayuhang tropa sa Pilipinas.

SA OKASYON NG pagdiriwang ng ika-34 anibersaryo ng pagtatatag ng BHB, muling pinagtitibay ng Partido ang panawagan sa BHB na lahatang-panig na isulong at patindihin ang digmang bayan sa buong bansa. Inaasahan natin na sa taong ito at sa mga susunod na taon ay lalong darami, lalawak at dadalas ang mga armadong taktikal na opensiba laban sa mga armadong pwersa ng kaaway. Kaagapay nito ang ibayo ring pagsusulong ng rebolusyong agraryo at pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng masa.

Hindi na magtatagal ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Hindi man ito maibabagsak bago ang eleksyong 2004, wala na ring kahihinatnan ang kabi-kabilang pagmamaniobra nito para mapalawig ang paghahari nito sa pamamagitan ng eleksyon o sa iba�t ibang paraan.

Nakahanda rin ang Partido Komunista at ang Bagong Hukbong Bayan na harapin ang paniniil o kaya pakikipag-usap ng alimang rehimeng papalit sa rehimeng Arroyo. Determinado at nakahanda itong ibayong sumulong at sumikad nang lahatang panig sa darating at mga susunod na taon. Pupusan itong lalaban hanggang sa ganap na tagumpay.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang sambayanan at rebolusyong Pilipino!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.