Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino English
   

Tungkol sa umano'y planong likidahin ng NPA si Blas Ople

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 17, 2002

Sobra-sobra ang pagpapalagay ni Ople ng sariling importansya. Nag-iilusyon siyang napakalaki ng kanyang nagawang pinsala sa rebolusyonaryong kilusan sa umano'y pagkumbinse sa European Union na ituring na "terorista" ang NPA at si Kasamang Joma Sison.

Una sa lahat, wala itong gaanong negatibong epekto sa mga gawaing rebolusyonaryo ng CPP-NPA. Napatutunayan ng CPP-NPA ang matatag na kakayahan nitong isulong ang mga pagkilos anumang ang gawin ng US at iba pang imperyalistang bansa para supilin at labanan ito.

Ang pangunahing inaasahan ng mga imperyalista na pinakamalaking epekto ng pagsama sa listahan ng Foreign Terrorist Organizations ay ang pag-ipit sa mga foreign bank deposits ng mga tinatatakan nilang "terorista".

Ngunit wala namang anumang malaking pondo ang CPP-NPA na nasa labas ng bansa at nanganganib na maiipit ng US at mga miyembro ng European Union. Nakapagsasarili ang CPP-NPA at hindi nakatali sa anumang sumportang pampinansya o materyal mula sa labas ng bansa. Bagamat tumatamasa ito ng malawak na suportang pulitikal at moral mula sa labas ng bansa, ang mamamayang Pilipino, pangunahin na ang masang magsasaka, ang taos-pusong bumubuhay rito at kusang-loob na pinanggagalingan ng malaking kalakhan ng mga pangangailangan sa pagkilos at pag-abante ng mga rebolusyonaryong gawain.

Isang kampanyang paninira rin ang ginawa ng US at ng gubyernong Macapagal-Arroyo upang ang NPA at si Kasamang Joma ay maisama ng European Union sa listahan ng Foreign Terrorist Organizations. Pangunahing nasa larangang pa ngayon ng propaganda at pagkabig sa mamamayan ng daigdig ang aktwal na labanan. Akala lamang ni Ople na napakalaking tagumpay nila na ang mga imperyalistang bansa sa Europe ay sumunod sa pangunguna ng numero unong imperyalista at internasyunal na terorista upang bansagang "terorista" ang NPA at si Kasamang Joma.

Para sa CPP-NPA, hindi pangunahin ang halaga ng pagtingin rito ng mga imperyalistang bansa. Ang mas importante ay ang pagtingin rito ng mamamayan at mga gitnang pwersa sa daigdig. Lumalaking hamon para sa CPP-NPA ang pagpapaliwanag sa mamamayan ng daigdig para mailinaw na hindi ito terorista kundi tunay na rebolusyonaryo at makamamamayan at sa kabilang banda ang US at papet na rehimeng Arroyo ang mga tunay ngang terorista. Sa halip na maihiwalay ang CPP-NPA, lalo lamang ngayong tumatampok sa internasyunal na porum ang rebolusyong pinamumunuan nito.

Sa halip na kumonti, dumarami at lumalawak pa ngayon ang pandaigdigang simpatiya, tulong at suportang inaani ng CPP-NPA sa paglaban nito sa mga pagtatangka ng US, ng European Union at ng gubyernong Macapagal-Arroyo na gipitin ang CPP-NPA at mga lider nito. May ibang mga bansa rin naman sa Europe na hindi lubusang sumusuporta sa pagsasama ng PKP/BHB sa listahan ng mga "terorista". Ang Norway, halimbawa, ay patuloy na nagpapahiwatig ng kahandaang magsilbing host ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Sa kabilang banda, ibayong tumatamasa ang US, European Union at gubyernong Arroyo ng mga batikos. Lalo lamang nalalantad ang kawalan ng batayan, kawalan ng nararapat-na-proseso at pagkabaluktot ng mga pangangatwiran ng US, European Union at gubyernong Arroyo sa paggigiit na "terorista" ang CPP-NPA at mga lider nito.

Kung gising man si Ople at di lamang siya nananaginip, dapat makita niyang isa lamang multong likha ng sariling guniguni ang umano'y "assassination plot" laban sa kanya. Nais kong idiing walang anumang ganitong plano ang BHB at hindi ito mag-aaksaya ng panahon sa isang walang kabuluhang tao. Sa tingin ko'y hindi na kaya ng kanyang utak at kalusugan ang pagkahapo na niya sa kanyang trabaho. ###



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.