Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynonWaray
   

"Oplan Tumba"--isa na namang kathang-isip ng mga tagagawa ng saywar ng papet na rehimeng Macapagal-Arroyo

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 12, 2002

Ang hibang na gubyernong papet ni Macapagal-Arroyo at mga tagalikha ng saywar ng terorista at mersenaryong AFP at PNP ay hindi nauubusan ng kanilang mga pantastikong kasinungalingan at paglulubid ng buhangin para lamang sa baliw at desperado nilang layuning siraan at ipintang pagkasama-sama ang CPP-NPA-NDFP at takutin ang mamamayan.

May inilalabas ngayon ang barkadahang Angelo Reyes, Roilo Golez at Gen. Hermogenes Ebdane na napakahabang listahan ng umano'y mga lilikidahin ng NPA. Pinangungunahan umano ang listahang ito ng mag-asawang Gloria Macapagal at Mike Arroyo at kasunod ang ilan pang mga prominenteng pulitiko, upisyal ng gubyerno, kabilang ang mga myembro ng gabinete, ilang senador at kongresista.

Nagtatapang-tapangan sa partikular ang tagapamahala sa saywar ng Malakanyang -- si Rigoberto Tiglao -- na gusto ring papaniwalain ang mga amo niya at ang sarili na napakaepektibo ang walang kakwenta-kwentang mga paninira at gimmick niya. Nilubid at ipinakakalat niya ang istoryang lilikidahin na rin siya ng mga dati niyang kasamahang pinagtrayduran na niya. Pati raw ang mga kasamahan naming mag-aaplay ng amnesty ay diumano'y likikidahin din ng NPA.

Ang mga likidasyong ito'y pagpapatupad daw sa isang kinatha at tinagurian nilang "Operation Tumba".

Lahat ng mga ito'y pawang kasinungalingan. Gusto lamang nilang palabasing ang NPA ay pumapatay lamang nang pumapatay para maikatwiran ang pinipilit nila at ng US na pagtataguring terorista ang Partido at NPA.

Kung totoo sanang terorista ang NPA ay tinitipon na sana ang mga nangungunang magnanakaw sa gubyerno, kinakabitan ng isang toneladang pulbura at segundo lang ay burado na sa daigdig ang mga mangungulimbat na ito. Marami siguro ang magdiriwang laluna ang mga nagtatanong sa rebolusyonaryong kilusan kung bakit binubuhay pa ang ganitong klaseng mga taong gubyerno.

Ngunit sadyang hindi ito maaaring gawin ng Partido, ng BHB at NDFP. Taliwas ito sa mga prinsipyo, mga batas at mga alituntuning sinusunod ng rebolusyonaryong kilusan.

Kahit na armadong pakikibaka ang pangunahing porma ng pakikibakang inilulunsad ng rebolusyonaryong kilusan, ang ibabagsak ay hindi pa ang katawang lupa ng mga naghaharing uri kundi ang kanilang pampulitika at pang-ekonomyang kapangyarihan. Liban ito sa iilang may mabibigat na utang na dugo sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan -- at kailangang pagbayarin makaraan ang isang masusi, patas at makatarungang proseso ng paglilitis ng hukumang bayan.

Sa kalahatan, kailangang alisin lamang ang kundisyon upang ang mga naghaharing uri'y patuloy na epektibong makapaghari at makapagsamantala sa mamamayan. Samantala, habang nakapamamayagpag pa ang reaksyunaryong kapangyarihang pampulitika at pang-estado ng mga naghaharing uri, aktibong magtatanggol at maglulunsad ng rebolusyonaryong kontra-atake ang rebolusyonaryong kilusan laban sa kontra-rebolusyonaryong atake. ###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.