Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynonIlokoWaray
Read media release   

Mabibigo ang Bagong Pakanang Amnestiya ng Papet na Gubyernong Arroyo

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 05, 2002

Nauubusan na ng hangin ang napakahambog na papet na gubyernong Macapagal-Arroyo sa kung paano tatalunin ang lumalakas na rebolusyong Pilipino na pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Nagdiwang sa inaakala nilang tagumpay ng kanilang kampanya na ibilang ng European Union ang NPA at si Kasamang Jose Ma. Sison sa listahan ng mga terorista. Ngunit nakikita nilang hindi ito nakakapagtulak sa NDFP na mangayupapa sa "surrender talks" na ihinahain ng gubyerno. Ngayo'y bumaling naman ang papet na rehimen sa napakaluma at laos nang paraan ng panlilinlang -- ang pag-aalok ng amnestiya para sa mga nag-aarmas laban sa papet at reaksyunaryong gubyerno.

Ang pag-aalok ng amnestiya ay bahagi lamang ng dalawahang taktika ng reaksyunaryo at papet na gubyerno laban sa mga pwersang rebolusyonaryo. Ang pangunahing taktika ay ang paggamit ng karahasang militar para durugin ang armadong rebolusyon. Ngunit palibhasa'y walang maitatapat na paraan ang reaksyunaryong gubyerno upang sugpuin ang matagalang digmang bayan ng NPA, palaging kaakibat ng kontra-rebolusyonaryong gera ng gubyerno ang paggamit ng iba't ibang anyo ng saywar at panlilinlang.

Ngunit dahil nga ang mga ito ay pawang panlilinlang at kasinungalingan lamang, natural na walang makabuluhang epekto ito sa kapasyahan ng mga rebolusyunaryo at maging sa paniniwala ng taumbayan. Alam ng mga mamamayang naabot na ng rebolusyonaryong pagkilos sa nakaraang mahigit na tatlong dekada na taliwas sa panlilinlang ng gubyerno at militar, ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP ay kinabibilagan ng mga tunay na rebolusyonaryo na nakikipaglaban nang puspusan at buong panahon para sa kapakanan, karapatan at kinabukasan ng sambayanang Pilipino.

Taliwas sa ipinangangalandakan ng mga tagapagsalita ng papet, reaksyunaryo at nabubulok na gubyerno at mersenaryong militar nito, ang nakararaming kasapi ng Partido, Pulang mandirigma ng BHB at aktibista ay may mataas na kamulatan sa tunay na kalagayan ng ating bayan, sa pinag-uugatan ng kasalukuyang mga suliranin at kabulukan ng kasalukuyang sistema at higit sa lahat ay mulat sa kung ano ang tanging solusyon sa mga kabulukang ito. At iyan ay walang iba kundi ang paglulunsad ng armadong pakikibaka hanggang sa tuluyang maibagsak ang kasalukuyang umiiral na mapagsamantala at mapang-aping sistema at mapalitan ng bagong kaayusang may tunay na kalayaan at demokrasya at gumagarantiya sa isang malaya, mapayapa, makatarungan at masaganang sistemang panlipunan.

Ang kamulatang ito ay tinataglay ng bawat isang kadre at kasapi ng rebolusyonaryong kilusan mula sa mga pinuno hanggang sa masang kasapian.Tinitiyak ng Partido na ang buong kasapian ay konsolidado sa ideolohiya, pulitika at organisasyon lalung-laluna matapos matagumpay na maisulong ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Ito rin ang dahilan kung bakit walang anumang kontra-rebolusyonaryong kampanya ng nagpalitang mga papet na rehimen ang nakasugpo sa pakikibakang pinamumunuan ng CPP-NPA-NDFP. Ito rin ang dahilan kung bakit tiyak na mabibigo ang anumang kontra-rebolusyonaryong kampanyang militar at kampanyang saywar ng reaksyunaryo, sukdulang papet at ubod nang bulok na gubyernong US-Macapagal-Arroyo.

Ang mga komunista at rebolusyonaryong Pilipino ay masyadong minamaliit at iniinsulto ng mga may makikitid na utak na militarista tulad nina Angelo Reyes at Roilo Golez at ng mga traydor sa Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan tulad nina Blas Ople at Rigoberto Tiglao. Palibhasa'y nakikinabang at nagpapakasasa sa matataas na pusisyon sa gubyerno at ganap na angat sila mula sa tunay na kalagayan ng sambayanan, napakadali para sa kanilang maglubid na lamang ng buhangin upang mabigyang kasiyahan lamang ang dinidiyos nilang US at punong papet nitong si Gloria Macapagal-arroyo.

Katulad rin ng paghahain ng walang kabuluhang back channelling talks para lokohin at isaisantabi ang pormal na usapang pangkapayapaan at mga napagkaisahan nang kasunduan sa nakaraan, isa na namang panloloko ang panibagong alok na amnestiya para sa mga rebolusyonaryo at komunista. Isa lamang itong insulto sa kamalayan at integridad ng lahat ng rebolusyonaryo at lumalabang Pilipino. Ituturing lamang ito ng mga rebolusyonaryo na walang iba kundi isang panlilinlang at patibong sa lahat ng namumulat at lumalaban. Ituturing lamang itong pagtatangka ng rehimen bilang pamalit sa mga tunay na kalutasan sa mga saligang suliranin ng mamamayan at ng bayan.

Katulad ng lahat ng nakaraang alok na amnestiya, hinding-hinding magtatagumpay ang bagong alok na amnestiya. Hindi kinagat ng nakararaming rebolusyunaryo at komunista ang mga alok na amnestiya sa nakaraan at hindi binali ng mga ito ang matatag na kapasyahan ng mga lider at kasapi ng rebolusyonaryong kilusan na maghangad at patuloy na ipaglaban ang mga pundamental at tunay na mga pagbabagong panlipunan. Lalong lalangawin ang bago na namang pakanang amnestiya. Makikita ng rehimeng Arroyo, kung gaanong kabigat sasampalin ng ibayong nakonsolida at lumalakas na CPP-NDF-NPA at buong rebolusyonaryong kilusan itong bagong pakanang amnestiya. Sa halip na pansinin pa, lulunurin lamang ito ng rumaragasang paglaban ng mga demokratiko at patriyotikong pwersa ng sambayanan at ng mga opensibang ilulunsad ng hukbong bayan sa malawak na kanayunan.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.