Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaHiligaynonIlokoWaray
   

Hindi kailanman isusuko ng Partido, Bagong Hukbong Bayan at NDFP ang armadong rebolusyon

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Nobyembre 03, 2002

Hindi maaaring isuko kailanman ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan, National Democratic Front at ng nagrerebolusyong mamamayang Pilipino ang armadong rebolusyon, tulad ng gustong mangyari at ipinananawagan ng Malakanyang. Pinalalabas ni Defense Secretary Angelo Reyes na isang "estratehikong kawalan" para sa rebolusyonaryong kilusan ang pagbibilang na rin kamakailan sa Bagong Hukbong Bayan at kay Kasamang Joema Sison sa Foreign Terrorist List ng European Union, kaya't dapat magsalong na umano ng armas ang Partido, BHB at NDFP. Nilalaman din ng psywar ni Rigoberto Tiglao, tagapamahala ng "war room" ng Malakanyang, ang pagmamaliit sa kakayahan ng Partido at mga lider nitong patuloy na isulong ang armadong rebolusyon.

Patuloy na lumalakas ang BHB at ang kakayahan nitong isulong ang armadong pakikibaka at umani ng paparaming tagumpay laban sa naaagnas na reaksyunaryong gubyerno at bulok na hukbo nito.

Sa pamamagitan ng BHB, ang mamamayang Pilipino ay nagsandata upang mapagpasyang lutasin ang mga ugat ng pang-aapi at pagsasamantala sa kanila--pyudal na pang-aapi at pagkakait ng lupa sa kanila, paghaharing dayuhan sa ekonomya at pulitika, korapsyon sa gubyerno at pang-aabusong militar.

Ang pagbitaw sa armas ay patuloy na paglunok na lamang sa mga tinik na ito na ilang siglo at puu-puong henerasyon nang nagdudulot ng sugat sa kaloob-looban ng bayang inaapi at pinagsasamantalahan.

Ang pagsalong ng armas ng BHB ay pagsurender na rin ng mga nakamit ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa armadong pakikibaka--tunay na reporma sa lupa, mga nailunsad na tulungan, tunay na kooperatiba at pagpapaunlad sa kabuhayan, kalusugan, kaalaman at kultura ng mamamayan; pagtatayo at pagpapagana ng mga lokal na demokratikong pamahalaang bayan at iba pang tagumpay na muli�t muling inilulunsad at itinatayo sa kabila ng tuluy-tuloy na pananalakay ng militar at gubyerno ni Macapagal-Arroyo.

Sa mata ng inaapi, ang mga itinatayo ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka ay bagong sistema, bagong kaayusan, bagong buhay na lipos ng kabuluhan at pag-asa para sa sambayanan. Sa mata ng mga mapang-api at mapagsamantala, ang mga ito�y "mapangwasak na terorismo".

Ang masugid na pangangampanya ng US at ng rehimeng Arroyo para maituring na "terorista" ang BHB at ang mga kasamang nakikipag-usapang pangkapayapaan sa gubyerno, ang patuloy na paglulunsad ng rehimen ng sadyang napakabangis na all-out war sa mga binabasehan ng rebolusyonaryong kilusan at pagsasara na nito sa usapang pangkapayapaan ay lalo lamang nagpapaigting ng gera sibil sa Pilipinas at katumbas ng ibayong pagpapahirap sa mamamayan sa kamay ng mga reaksyunaryong pwersa.

Magkagayunman, hinahamon namin ang Malakanyang at AFP na sundin pa rin ang lahat ng patakaran ng Geneva Conventions tungkol sa makatao at sibilisadong pakikidigma, ipatupad ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at buuin ang Joint Monitoring Committee katuwang ng mga kinatawan ng NDF at iba pang third-party organizations. Tulad ng inihayag ng NDF, itinataguyod nito ang CARHRIHL at nakahanda itong panagutan ang mga aksyon nito alinsunod sa mga nilalaman ng CARHRIHL. Ang patuloy na pagtanggi ng Malakanyang at AFP na ipatupad ang ang mga ito ay nagpapatunay lamang na sila ang tunay na terorista sa bayan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.