Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino EnglishBisayaIloko
   

Hinggil sa pagkakasali ng BHB sa listahan ng US ng mga �terorista�

Gregorio "Ka Roger" Rosal
Spokesperson
Communist Party of the Philippines
Disyembre 09, 2001

Hindi kami naaapektuhan ni bahagya anupaman ang ibansag ng imperyalismong US sa Partido, NDFP at Bagong Hukbong Bayan. Sa katunaya�y matagal na kaming itinuturing na terorista ng imperyalismong US at ng papet na gubyerno. Hindi naman kami umaasa o nagnanais�kung tutuusi�y maghihinala pa nga kami�sa anumang papuri o pagkagiliw mula sa imperyalismong US. Ang totoo, ang labis na kamuhian ng imperyalismong US ay nangangahulugang tama ang aming ginagawa. Nangangahulugan din itong kinatatakutan kami ng imperyalismong US at binigyan na nito ng espesyal na pansin ang paglakas ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido at ang mabilis na pagdami at pagsusunud-sunod ng matatagumpay na mga taktikal na opensiba ng BHB, kaya pormal na isinama na nito ngayon ang BHB sa bagong US Patriot Act Terrorism Exclusion List.

Gayunpaman, tahasan naming ipinapahayag na ang BHB ay hindi isang teroristang organisasyon. Ito ay isang rebolusyonaryong hukbo na absolutong pinamumunuan ng Partido Komunista at nakikipaglaban para sa kalayaan ng mamamayang Pilipino mula sa pagkakasaklot at pagsasamantala ng imperyalismong US at ng mga lokal na alipures nito. Sa katunayan, ang imperyalismong US ang numero unong terorista sa mundo. Ang imperyalismong US ay may ugnay at kumakasangkapan sa daan-daang teroristang organisasyon sa buong mundo.

Mariin naming tinututulan ang malisyosong mga implikasyon at maruruming intensyon ng pagkakasali ng Bagong Hukbong Bayan sa listahan. Indikasyon ito ng walang pakundangang interbensyon ng imperyalismong US sa internal na mga usapin ng bansa at ng pagsisikap nitong isabotahe ang pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Nais itong gamitin ng US upang lalong bigyang-matwid ang iskema nitong itutok na rin ang kanyang �gera laban sa terorismo� laban sa BHB at sa rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido, rendahan ang paglahok ng papet na rehimen at maglagay ng iba pang mga sagka sa prosesong pangkapayapaan. Ang pagmamatigas ng US na hadlangan ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal, laluna sina Donato Continente at Juanito Itaas, ay isa sa gayong mga signipikanteng sagka.

Ang pagiging bahagi ng usaping ito sa adyenda nina George W. Bush (presidente ng US) at Gloria Macapagal-Arroyo nang dumalaw ang huli kamakailan sa US ay nagbubunyag na sa interbensyon ng US at sa pagsang-ayon dito ng papet na presidente.

Bagamat hindi ito makahahadlang sa patuloy naming pagpupursigi sa prosesong pangkapayapaan, anumang ibubunga o magiging implikasyon ng naturang pagsang-ayon ay solong pananagutan ng rehimen. Dagdag pa, kailangang balewalain ni Macapagal-Arroyo ang pagpapasya ng kanyang imperyalistang amo kung aling mga organisasyon ang kahanay sa mga �terorista� at tutulan ang pagkakasali ng BHB sa listahan kung nais niyang maging konsistente ang kanyang pakikitungo sa prosesong pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan.###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.