Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

PAGBABAYARAN NG MAHAL NG DYNASTIYA DY AT NG AFP ANG PAGPASLANG NILA KAY ENGR. JAKE SORIANO!

Victor Servidores
Tagapagpahayag
Fortunato Camus Command
Hilagang-Silangang Luzon
Mayo 18, 2003

Mariing kinokondena ng Fortunato Camus Command ang pagpaslang kay Engr. Joaquin 'Jake' Soriano, Chairperson ng Bayan Muna-Jones. Siya ay pinaslang ng mga mersenaryong alagad ng AFP sa utos ng kinamumuhiang dinastiya Dy noong May 14, 2003 sa kanyang tahanan sa San Vicente, Jones, Isabela.

Sa ulat balita ng DZRH reporter na si Joe Dasig, direktang isinangkot niya ang NPA sa pagkamatay ni Engr. Soriano. Pinarusahan siya diumano ng NPA si Engr. Soriano dahil sa pagkakanulo nito kay Lourdes "Ka Myra" Mabanag, isang NPA at kay Jay Valencia, na parehong nadakip noong Mayo 8, 2003 sa Jones, Isabela.

Noong Mayo 17, binasa rin sa Bombo Radyo ang pekeng pahayag ng isang nagpapanggap na Ka Delio Baladon, ang tagapagsalita ng Benito Tesorio Front. Ngunit sa pagpapanggap, lalong napatingkad ang papel ng militar sa pagpaslang kay Jake Soriano.

Hindi ito pinalampas ng Bombo Radyo. Kinondena ang lantarang panlilinlang na ito. Nailantad din na gawa-gawa ang logo ng NPA at hindi katulad ng dati nang ginagamit ng BTF. Maging ang pagkakasulat ay hindi gawa ng isang rebolusyonaryong kadre. At ang pirma mismo ay pineke. At lalo pang napatunayan ito nang napag-alamang ang nagdala ng pekeng pahayag, na sakay ng isang motorsiklong walang plaka, ay elemento mismo ng militar na si Rodel Guzman Santos.

Nahuhuli na mismo sa sariling bibig ang AFP. Bago pa man nabasa ang pekeng pahayag ay lumabas na sa bibig ni Col. Peri�o, ang G-7 ng 5th ID, ang nilalaman nito! Hindi ito nagkataon lamang. At nang mabulgar na ito sa himpapawid ay pinarami pa ito ng AFP at ikinalat sa Santiago City. At ano ang motibo ng pagpaparami ng pekeng pahayag ng BTF? Lumilinaw na planado, orkestrado at kalkulado ang mga naging hakbangin nila.

Muling inilalabas ng FCC ang paglilinaw na ito (nauna nang naglabas ng pahayag noong Mayo 16) upang ituwid ang mga paratang, direkta man o sa insinuwasyon, na pinarusahan ng NPA si Engr. Jake Soriano sa salang pagkakanulo kay Mabanag.

Walang kinalaman ang NPA sa pagkamatay ni Engr. Jake Soriano. Tanging ang Dinastiyang Dy, na kinakatawan ni Faustino Dy, Jr., ang may motibo upang paslangin si Engr. Soriano.

Una, matatandaang buong tapang na sinuportahan ni Engr. Soriano ang kandidatura ni Dr. Siony Abaya, laban sa kandidato ng dinastiya na si Atty. Georgidi Aggabao. Umakto siyang campaign manager ni Dr. Abaya sa Jones. Sa proseso ng kampanya, hindi siya natakot na tumuligsa sa naghaharing dinastiya. Sa resulta, nanalo si Dr. Abaya sa Jones, bagay na di matanggap-tanggap ng dinastiya.

Pangalawa, ang kanyang kamatayan ay bahagi ng pandarahas sa Bayan Muna, isang ligal na progresibong partido na nagsusulong ng demokratikong interes ng mamamayan. Sa kasalukuyan, lantarang sinusupil ng mga naghaharing uri at reaksyunaryong gubyerno ang sinumang progresibong organisasyon o partido na naglalantad at tumutuligsa sa kontra-mamamayang mga patakaran at programa ng gubyerno. Sa probinsya ng Isabela, galit si Gobernador Dy sa mga progresibong organisasyon katulad ng Bayan Muna, na tumututol at naglalantad ng kanyang mga kontra-mamamayang mga proyekto.

Si Engr. Jake Soriano ay ikatlong kasapi na ng Bayan Muna-Cagayan Valley na pinaslang ng mga elemento ng AFP sa ilalim ng administrasyong Dy. Naunang dinukot at pinatay si Warlito Nagasao, taga-Villa Campo, Bayan Muna Coordinator sa Forest Region ng Echague noong Marso 2002. Sumunod si Isabel Bulibol, kasapi ng Bayan Muna - Ilagan at kabiyak ng barangay captain ng Hacienda Sta. Isabel Norte. Si Franklyn Bulibol ay ilang beses na ring pinagtangkaang patayin.

Mahigpit naming kinokondena ang karumaldumal na pagpaslang na ito kay Engr. Jake Soriano. Sadyang ang nabubulok at naghihingalong dinastiya ni Dy, katulungan ang AFP, lamang ang makasisikmurang lantarang gumamit ng pandarahas, panlilinlang at pandaraya upang makapanatili sa kapangyarihan.

Isa itong saywar upang maghasik ng takot sa mamamayan. Batid ng administrasyong Dy na bilang na ang kanyang araw sa kapangyarihan. Nararamdaman nito ang papalakas na diskuntento ng mamamayan sa mapangahas na mga kilos-protesta at pamamahayag. Sa desperasyong takutin ang mamamayan at pigilan ang kanyang pagbagsak, buong kahayupang ginagamit nito ang militar upang paslangin ang kanyang mga kalaban.

Hinahamon namin sina Gobernador Faustino Dy, Jr. at Brig. Gen. Samuel Bagasen ng 5th ID na magsipagbitiw sa tungkulin at panagutan ang pagpaslang kay Engr. Jake Soriano.

Nagbuwis ng buhay si Engr. Jake Soriano sa paglaban nito sa DYnastiya. Nanawagan kami sa mamamayan na huwag matakot at pagbayarin ang DYnastiya sa kanyang kasakiman, paghahasik ng karahasan at pandaraya sa halalan. Sapagkat gamit man ni Dy ang mga bayarang militar, hindi nila mauubos ang mamamayan na siyang mapagpasya sa pagtakbo ng kasaysayan.#

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.