Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

AFP-PNP at ilang tiwaling politiko ang nasa likod ng pagtutulak ng iligal na droga sa San Mariano

Vic Balligi
Tagapagsalita
Reynaldo Pi�on Command
Central Isabela
Hulyo 21, 2003

Nitong mga nakaraang ilang araw, tumampok ang bayan ng San Mariano at iba pang bayan sa Isabela bilang bagsakan o talamak sa pagtutulak ng iligal na droga sa probinsya. Maluwag na nakakapaglabas-masok ng iligal na droga sa San Mariano dahil na rin sa magkakasabwat na pagtutulak mismo ng AFP-PNP at mga lokal na politiko kakutsaba ang mga sindikatong sangkot sa droga.

Ang AFP at PNP ang may kapasidad sa pagpapalaganap ng droga tulad ng shabu sa lugar sa kalagayang nagsisiksikan ngayon ang kanilang mga kampo na kinabibilangan ng Bn HQ ng 45th IB sa poblasyon ng San Mariano, 'Coy HQ ng 45th "A" 'Coy sa Macayucayo, mga detachments sa Alibadabad, Del Pilar, Casala, Dibuluan; at mga SOT sa Ibujan at sa Daragutan East; at ang pamumugad ng 51st Recon Coy ng 5th ID sa pampublikong ospital na ipinasara ni Gobernador Dy sa Villa Concepcion, Cauayan. Hindi na rin nakakapagtaka na kung saan may kampo ay laganap ang problema sa droga; at ilang mga sundalo at pulis ay nagugumon na ngayon sa droga.

Sa kabila ng iba't-ibang kampanya ng gubyerno na sugpuin diumano ang pagtutulak ng droga na binuhusan ng milyun-milyon taun-taon, ay lalo pang naging talamak ang problema sa droga. Dahil kailanman hindi ito seryoso na resolbahin ang problema. Ang matataas na pinuno ng PNP at AFP mismo ang protektor, opereytor at nagtutulak nito.

Sa San Mariano, kilalang protektor ng iligal na droga si PNP Col. Glen Dumlao, tauhan ni Ping Lacson (ang pinaka-lord ng mga druglords); si Sgt. John Quinto, isang elemento ng 21st IB, at mga kasangga nila sa 45th IB at PNP; at ilang mga tiwaling pulitiko. Nagtatamasa naman ng pakinabang ang mga matataas na opisyales ng AFP at PNP sa antas bayan hanggang pambansa.

May pangkasaysayang ugat ang pagpapalaganap ng iligal na droga sa mamamayan. Sa karanasan ng Tsina, ipinalaganap ng mananakop na Gran Britanya noong 1890s ang opium para igumon at mawalan ng diwang palaban ang mamamayang Tsino. Gayundin sa Amerika kung saan nagpalaganap ang naghaharing Puting Amerikano ng droga sa mga Black Panthers (mga radikal na mga Itim na Amerikano na lumalaban sa diskriminasyon sa mga lahing Itim) at sa mga komunidad ng mga Afro-Amerikano sa parehong layunin, upang durugin ang kanilang pakikibaka.

Sa mga sonang kinikilusan ng NPA, malawakan at masinsing inilulunsad ang kampanyang edukasyon hinggil sa masamang idudulot ng iligal na droga. Naglulunsad din ito ng mga aktibidad para mailayo't maiwasan ang masamang impluwensya ng droga lalo na sa kabataan.

Masusing pinapalalim at pinag-aaralan din ng rebolusyunaryong kilusan ang kilos at lawak ng operasyon ng mga sindikatong nagpapalaganap ng illegal na droga. Hindi rin ito mangingiming arestuhin ang mga nagtutulak nito at papanagutin sila sa Hukumang Bayan sa teritoryo. Ipapataw ang pinakamabigat na kaukulang parusa sa mga mapapatunayang sangkot sa pagtutulak droga lalo na sa mga pangunahin o lider ng sindikato ng iligal na droga.

Nakasalalay ang paglutas ng problema sa droga sa pagwasak ng kasalukuyang bulok na mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan na siyang ugat ng problema ng mamamayang Pilipino. Tanging sa pagdurog lamang na makinaryang burukratiko-militar ng estado, sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyon, mapapawi ang iligal na droga at maitatayo ang maaliwalas at mapayapang lipunan.



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.