Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

ISANG BUKAS NA LIHAM PARA SA LAHAT

Maria Theresa De Leon Command
New People's Army
Far South Quezon
Oktubre 06, 2002

Matagumpay na naparusahan ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Maria Theresa De Leon Command ang pinakasagadsaring kaaway ng mamamayan ng Bondoc Peninsula, ang yunit ng 74th IBPA. Naisagawa ito sa pamamagitan ng isinagawang reyd sa isang detatsment ng Bravo Company ng 74th IBPA sa Bgy. Abuyon, San Narciso, Quezon, noong ika-4 ng Oktubre, ganap na ika-3:00 ng madaling araw.

Resulta ng nasabing labanan ay patay ang labing isang (11) kagawad ng 74th IBPA, habang may lima (5) pang sugatan na kabilang sa 18 kataong bilang ng nasabing detatsment. Matagumpay ding nasunog ng yunit ng BHB ang nasabing kampo bago ito lumisan. Sa kabilang banda, wala ni anumang pinsala sa mga kagawad ng BHB na kabilang sa sumalakay sa nasabing kampo. Dagdag pa, wala ding nadamay na sibilyan sa nasabing pagsalakay sa kabila ng mayroong kagyat na kalapit na bahay ng sibilyan sa nasabing kampo-militar bunga ng mahigpit na pagsasaalang-alang ng NPA na walang madamay na sibilyan sa ginagawa nitong mga operasyong militar ayon sa Internasyunal na Makataong Batas. Kabalintunaan ito sa ipinalabas na niretokeng balita ng Southern Luzon Command (SOLCOM) na diumano'y isang CAFGU lamang ang napatay at 4 ang nasugatan sa nasabing labanan at diumano'y may napatay din silang kagawad ng BHB at nadamay na sibilyan.

Pangunahing layunin ng nasabing reyd ang pamamarusa sa yunit ng 74th IBPA na matagal ng hinihingi ng mamamayan ng Bondoc Peninsula bunga ng kanilang mga ginagawang pagpatay, pandarahas, panlilinlang, panggigipit, pagpapalayas, pagnanakaw at sapilitang pagpapasuko sa mga inosenteng sibilyan. Ito rin ang pangunahing sumusupil sa mga lehitimong organisasyon at pakikibaka ng mga magsasaka at mamamayan sa Bondoc Peninsula. Tampok dito ang mga sumusunod na kaso:

  1. Walang habas na pamamaril sa pamamahay ng pamilyang Custodio sa sityo Pasalilo, Bgy. Mabini, Mulanay, Quezon noong February 15, 2002 na naging dahilan ng pagkamatay ng 95 taong matandang Custodio, na bandang huli ay isinama pa sa listahan ng mga NPA na namatay sa labanan;
  2. Walang habas na pamamaril sa pamamahay ni G. at Gng. Diosdado De-amor sa sityo Medenilla, Bgy. Busok-busukan, San Narciso, Quezon noong Mayo 20, 2002 na naging dahilan ng pagkasugat ni Gng. De-amor na muntik na nitong ikamatay;
  3. Pamamaril at pagpatay sa isang matanda ng Bgy. Suha, Catanauan, Quezon nitong buwan ng Agosto, 2002 ng walang kaanu-ano dahil lamang sa itinuro ang kanilang bahay na tinutuluyan ng mga NPA. Kasabay nito ang panghuhuli sa dalawang binata ng nasabi ding Bgy. At pagkatapos ay pinagbintangang mga myembro ng New People's Army;
  4. Panununog ng pamamahay nina Gng. Bingbing Navarro sa sityo Domingis, Bgy. Butangyad, San Francisco, Quezon;
  5. Pangwawanted at paglikas ng buong pamilyang Navarro ng Bgy. Butangyad, San Francisco, Quezon dahil lamang sa sila ay pinaghinalaang may kapamilyang kasapi ng New People's Army;
  6. Pagsalbeyds at pagpatay kay G. Marcelito Cacal, manggagawang bukid sa Tumbaga Ranch Inc., San Francisco, Quezon noong Disyembre, 1997;
  7. Pagsalbeyds at pagpatay kay Edgar Montemor ng sityo Cabiao, Bgy. Sto. Nino, San Francisco, Quezon;
  8. Pagpapakulong kay G. Jorlito Carabido, Tagapangulo ng Alyansa ng mga Samahang Magbubukid at Unyon ng Manggagawang Bukid sa Bondoc Peninsula (ALSA-MAG-UUMA-BP);
  9. Pagpapakulong sa mas nauna pang Tagapangulo ng ALSA-MAG-UUMA na si G. Ruben Amaro sa pamamagitan din ng pagsasampa ng gawa-gawang kaso sa maniobra din ng 74th IBPA, 203rd BDE at 2nd ID ng Philippine Army na matapos na makitang walang pag-asang makakuha ng katarungan sa ilalim ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas ay tumakas sa kulungan at sumapi na sa New People's Army;
  10. Pagpapakulong sa iba pang lider magbubukid at mga inosenteng sibilyan tulad ni G. Amboy Madia, G. Arlan Perjes, G. Ariel Perjes, G. Jorly Ortega, Gng. Bingbing Navarro at ng kanyang anak na isang taong gulang, G. Budoc Ortillano pawang taga-San Francisco, Quezon sa pamamagitan din ng pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso;
  11. Pagsasampa ng gawa-gawang kaso kela G. Sozimo Laguna dating Pangalawang Tagapangulo ng ALSA-MAG-UUMA, Gerry Panlubasan, Ruben Garcia dahilan upang magkandalayas-layas ang kanilang mga pamilya sa kung saan-saang lugar.

Ilan sa mga baranggay na mayroong hindi bababa sa dalawampu katao ang naging biktima ng sapilitang pagpapasuko bilang mga NPA sa mga karaniwang sibilyan at sapilitang pagkuha ng mga impormasyon ay ang sumusunod:

  1. Sa San Francisco, Quezon ay ang mga baranggay ng Pagsangahan, Huyon-uyon, Butangyad, Don Juan Vercelos, Sto. Nino, Casay at Pugon;
  2. Sa San Narciso, Quezon ay ang mga baranggay ng Villa Aurin, San Juan, San Vicente, Andres Bonifacio at Bgy. Bayanihan;
  3. Sa Mulanay, Quezon ay ang mga baranggay ng Mabini, Ibabang Cambuga, San Pedro, F. Nanadiego, Pakiing, Buenavista, San Isidro, Ilayang Yuni, Canuyep, Sagongon, Latangan, Bagupaye, Bolo, Anonang, Magsaysay, Burgos at Sta. Rosa;
  4. Sa San Andres, Quezon ay ang mga baranggay ng Tala, Camplora, Mayantok at Manghero;
  5. Sa Catanauan, Quezon ay ang mga baranggay ng Anyao, Tagbakan Ilaya, Tagbakan Silangan, Ilaya at Ibabang Duungan, Milagrosa, Agro, Suha, Sta. Maria Dao, San Vicente Silangan at Pakabit;
  6. Sa General Luna, Quezon ay ang mga baranggay Malaya, Magsaysay, Lavidez, Recto, Villa Rica at Sumilang.

Marami na naman ang mga nareklutang CAFGU sa buong South-Quezon-Bondoc Peninsula, na ang signipikanteng bilang sa mga ito ay may mga masasamang rekord sa baryo tulad ng pagiging mga magnanakaw, may mga rekord ng pagpatay, panloloob at pagiging tulisan. Ang karamihan naman ay mga kapwa mamamayan na bunga ng matinding kahirapan ay pumapasok upang may maipantawid gutom man lamang ang pamilya. Ang ilan naman sa kanila ay mga pinilit pumasok upang hindi na tuloy-tuloy na mapag-initan ng mga kagawad ng 74th IBPA, iba pang yunit military/pulis at patuloy na targetin ng kanilang mga operasyon. Ang mga ito na ang ginagamit ng mga regular na tropa bilang pambala sa kanyon sa kanilang mga operasyon ng pandarahas at panlilinlang sa mamamayan ng South-Quezon-Bondoc Peninsula. Ang mga CAFGU ding ito ang pangunahing nagiging kaswalti sa mga labanan sa pagitan ng NPA at AFP, tulad na lamang nitong nakaraang pagsalakay ng NPA sa pareho ding kampo militar.

Kaugnay nito, aming pinabubulaanan ang balitang inilabas ng Southern Luzon Command na ang target ng nasabing operasyon ay ang diumano'y panununog sa Keangnam Construction Firm na diumano'y kanilang binabantayan. Wala nang dahilan upang targetin ng anumang operasyong militar ng BHB ang nasabing construction firm. Dagdag pa, pinatutunayan ng nasabing operasyon na kakayanin ng NPA na durugin ang tropang militar sa kanilang sariling detatsment at kung gayon ay wala na silang dapat pang bantayan kundi ang kanilang sariling seguridad.

Bahagi din ito ng ambag ng Maria Theresa De Leon Command, sa ilalim ng Apolonio Mendoza Command sa lalawigan ng Quezon sa pambansang pagsisikap ng rebolusyonaryong kilusan na biguin ang idineklarang "Total War Policy" ng sagad-saring papet at kurap na rehimeng US-Macapagal-Arroyo. Laging nakahanda ang BHB sa Far South Quezon upang patindihin ang digmang bayan ayon sa mga direktiba ng Apolonio Mendoza Command sa lalawigan ng Quezon, Melito Glor Command sa Rehiyon ng Timog Katagalugan at ng pambansang pamunuan upang makapag-ipon ng lakas hanggang sa ganap na tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Hindi nagalit kundi nagbunyi ang mamamayan sa pagkakaparusa sa kanilang kaaway. Hindi akto ng desperasyon at terorista ang taktikal na opensiba ng BHB sa Far South Quezon na ang pangunahing tinamaan ay ang mismong AFP-PNP. Ang mga akto ng desperasyon at ng mga tunay na terorista ay ang pagdamay sa mga inosenteng sibilyan na ginagawa ng 74th IBPA at iba pang yunit ng AFP-PNP sa kanilang kontra-rebolusyonaryong mga programa tulad ng mga nabanggit na sa itaas.

Muli, tinatawagan namin ang mga mamamayan ng Bondoc Peninsula, laluna ang kabilang sa uring manggagawa at magsasaka, ganondin ang mula sa mga demokratikong uri at sektor. Higit na paigtingin ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ang landas ng armadong pakikibaka ang landas para sa tunay na paglaya, demokrasya, katarungan at matagalang kapayapaan. Kaugnay nito, tinatawagan namin ang lahat ng mga nagiging biktima ng kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi na sumampa na sa Bagong Hukbong Bayan at higit na palakasin ang armadong lakas at pwersa ng sambayanang Pilipino.

Tinatawagan din namin ang lahat ng mga kasapi ng CAFGU na itigil na ninyo ang paglilingkod bilang mga sundalo ng dayuhan, malalaking panginoong maylupa at malaking burgesyang kumprador. Maaaring sa simula ay makipag-usap kayo sa alinmang yunit ng BHB sa inyong lugar upang mapag-usapan ang tulungan na maaari nating magawa. Ang karamihan ay hinihimok naming bumaba na sa serbisyo habang ang iba naman na may sapat ng kamulatan at kahandaan ay bukas kami sa pakikipagtulungan sa balangkas ng pagbibigay ng impormasyon at pagtakas mula sa inyong mga opisyal. Bukas kami na kayo ay tanggapin batay sa inyong katapatan ayon sa isinasaad ng Saligang Alituntunin ng Bagong Hukbong Bayan hinggil sa pagsapi. Ibaling natin ang ating mga baril hindi sa kapwa natin magsasaka at mamamayan kundi sa kaaway ng sambayanang Pilipino na inyong kinaaaniban ngayon.

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!
MABUHAY ANG DIGMANG BAYAN!
DIGMANG BAYAN, SAGOT SA TOTAL WAR POLICY!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.