Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Hinggil sa labanan sa Batang II, Sasmuan, Pampanga

Panlalawigang Komite ng Partido
Partido Komunista ng Pilipinas-Bulacan
Hulyo 05, 2003

Naglubid na naman ng kasinungalingan si Gen. Braganza upang pagtakpan ang kapalpakan ng kanilang pinakahuling operasyong militar at ang pinsalang naidulot nito sa mamamayan. Hindi na nadala ang heneral sa malaking kahihiyang sinapit nito nang magpahayag siya ng santambak na kasinungalingan at kayabangan ukol sa nangyaring labanan noong Marso 29, 2003 sa Pandi, Bulacan. Kung nais din lang ng heneral na magpabango at magbuhat ng sariling bangko, dapat matuto siyang gumawa ng kapani-paniwalang istorya. Kung hindi, mananatili siyang magaling na tagapag-salaysay ng mga kwentong pambata.

Noong Hulyo 4, 2003, isang labinglima kataong yunit ng NPA ay pansamantalang nakahimpil sa isang sapa sa baryo Batang II, Sasmuan, Pampanga. Sila ay naroroon upang mamahinga matapos na matagumpay durugin ang isang pangkat ng mga bandido na kung tawagin ay RHB (Rebolusyonaryong Hukbong Bayan). Bandang mahigit 5:30 ng hapon, biglang sumalakay ang mahigit 80 kaaway sakay ng anim na malalaking bangka at dalawang helicopter. Nasa bentaheng posisyon ang mga kasama at una itong nakapagpaputok. Nagtakbuhan paatras ang kaaway at naiwan ang dalawang bangkay ng sundalo na nakabulagta sa pilapil ng palaisdaan.

Hindi nahirapan ang mga mandirigma ng NPA sa pakikipaghamok sa tropa ng 79th IB at pulis. Palibhasa ang mga ito ay mga bayaran at walang mga prinsipyong pinaglalaban, nakatago at nakasubsob ang kanilang mga ulo sa pilapil at walang direksyon ang kanilang ganting putok. Kahit ang masinggan mula sa dalawang helikopter ay hindi naging epektibo dahil sa malapit lang ang distansya ng labanan ng dalawang panig. Walang nagalusan ni isang mandirigma ng hukbong bayan sa halos isang oras na labanan.

Mas nahirapan pa ang mga mandirigma ng NPA sa paglangoy patawid sa ilog kaysa sa pakikipaglaban sa kaaway. Isang kasama ang natangay ng agos habang tumatawid sa ilog.

Bandang ala-una ng madaling araw, habang namamahinga at umiinom ng mainit na kape ang napalabang yunit ng NPA, narinig ang isang mahabang bugso ng putok ng baril at masinggan at mga pagsabog sa lugar na pinaglabanan. Nagtataka ang mga kasama sa gayong putukan dahil sila ay nasa malayo at ligtas nang lugar at wala nang mga kasamang naiwan doon. Nang magliwanag, nakumpirma na walang awang pinagbabaril ng mga militar at pulis ang tatlong mangingisdang sakay ng bangkang panudsod habang papauwi sa kanilang bahay. Napatay si Mauricio Miranda, 40 yrs old, may asawa at limang anak at taga-Sapang Kawayan, Masantol, Pampanga. Kinulimbat ang kanilang nahuling isda at ang nawasak na bangka ay hinila tungo sa baybayin ng Bataan upang itago sa mga mamamahayag.

Magaling lamang ang pulisya at militar sa pananakot at pamamaslang sa mga inosente at walang kalaban-labang mga sibilyan. Tulad ng ginawa nina SPO3 Andy Bustos at Serbing Soriano, mga pulis-Masantol, kasama si Andres "Yoyong" Melo, kilalang kasapi ng bandidong RHB, na pinaslang ang dalawang mangingisda na natutulog sa isang kubo sa Consuelo, Macabebe noong Mayo 18, 2003.

Ang AFP, PNP at bandidong RHB ay kasangkapan ng gobyernong US-Arroyo sa panunupil at pang-aapi. Nagsasabwatan sila sa paghahasik ng lagim sa mamamayan. Mahaba na ang listahan ng kanilang pananakot, pamamaslang, pambobomba pagngungulimbat at iba pang karumaldumal na krimen laban sa mamamayan. Nagkakamali sila kung ang akala nila'y matatakot ang mamamayan sa ginagawa nilang pananakot at pamamaslang. Lalo lamang nilang pinapaypayan ang galit at itinutulak ang mamamayan para lalo pang lumaban.

Darating ang tamang panahon na sinumang masasangkot sa krimen laban sa mamamayan at sa rebolusyon ay lilitisin at gagawaran ng angkop na kaparusahan. Ang tabak ng hustisyang-bayan ang titigpas sa leeg ng mga pangunahing salarin. #

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.