Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Bagong Hukbong Bayan sa Rizal, Tatalima sa Tigil-Putukan

Armando "Ka Ruben" Guevarra
Tagapagsalita
Narciso Antazo Aramil Command
New People's Army-Rizal
Disyembre 20, 2003

Ang Bagong Hukbong Bayan sa lalawigan ng Rizal sa ilalim ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-RIZAL) ay mahigpit na tatalima sa tagubilin ng NDF-Rizal na ipatupad ang suspensyon ng armadong opensibang aksyon sa mga tropang militar, pulis, CAFGU at iba pang paramilitar na pwersa ng AFP at NPA alinsunod sa desisyon at deklarasyon para sa 15 araw na tigil-putukan (Ceasefire) ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, Pambansang Istap-Militar ng Bagong Hukbong Bayan at ng Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ng National Democratic Front of the Philippines sa batayang makatao at bilang hakbang para sa pagpapabuti ng kondisyon para sa muling pagtutuloy ng usapang pangkapayapaan sa darating na Enero 2004.

Sa ngalan ng Panlalawigang Komand sa Operasyon ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-RIZAL) ay inaatasan namin ang lahat ng mga armadong yunit ng Hukbong Bayan sa lalawigan kabilang na ang mga yunit partisano kumikilos sa kalunsuran at mga yunit sa Milisyang Bayan na mahigpit na ipatupad ang tigil-putukan mula mamayang hatinggabi ng Disyembre 20, 2003 hanggang hatinggabi ng Enero 4, 2004. Alinsunod dito, mahigpit ding inaatasan ang mga opisyal at kawal ng NAAC at ipatupad ang suspensyon ng armadong opensibang aksyon sa lalawigan ng Rizal laban sa mga pwersang militar, pulis, CAFGU at iba pang armadong yunit ng AFP at PNP sa nasabing panahon. Sa panahong ito, ang mga opisyal at pwersa ng militar at pulisya na walang malubhang kaso sa mamamayan ay maaring indibidwal na makapasok sa mga base at teritoryo ng rebolusyonaryong gobyerno para personal na bumisita sa mga kamag-anak at kaibigan ng walang anumang pangamba sa posibilidad na mahuli at maparusahan sila ng mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.Hindi kasama sa magtatamasa ng ganitong kalayaan si Col. Jovito Palparan dahilan sa kanyang karumal-dumal na mga kaso ng paglabag ng karapatang pantao ng mamamayan. Anumang oras na pumasok si Col. Palparan sa mga base at teritoryo ng rebolusyonaryong kilusan ay kagyat siyang aarestuhin para papanagutin sa kanyang mga kaso.

Gayunpaman, lahat ng yunit ng NAAC-NPA-Rizal ay tinatagubilinang mananatili sa depensibong postura at mananatiling handa sa anumang paglusob ng mga mersenaryong tropa ng AFP at PNP sa teritoryo ng rebolusyonaryong gobyerno. Sa oras na maglunsad ang mga pwersa ng AFP at PNP ng pananalakay sa teritoryo at mga base ng rebolusyonaryong kilusan ay karapatan ng NAAC-NPA-RIZAL na maglunsad ng mga opensibang aksyon upang biguin ang kanilang pag-atake at parusahan sila sa kanilang mga kasalanan sa mamamayan. Bagama't bilang tugon sa ating deklarasyon ng tigil-putukan ay nagdeklara na rin ang reaksyunaryong Gobyernong GMA ng Suspension of Offensive Military Operation (SOMO) ay manatili tayong alerto at mapagbantay sa paglabag sa sarili nilang pahayag. Sa mga nakaraang karanasan natin sa pagtigil ng opensibang aksyon sa panahon ng kapaskuhan ay nariyan lagi ang paglusob ng mga pwersa ng AFP at PNP sa mga yunit ng hukbong bayan kahit na magdeklara man sila ng SOMO. Patunay nito, matapos magdeklara ng SOMO ang gobyerno ay agad na nag-atas ang Southern Luzon Command (SOLCOM-AFP) na magpapatuloy ang kanilang operasyong militar sa pinalamutiang tawag na "offensive patrol" na walang ibang ibig sabihin kundi ang pagtutuloy ng kanilang opensibang aksyong militar.

Sa ating lalawigan, lalupa't ang tumatayong Officer-in-Charge o Commanding Officer ng 2nd Infantry Division na nakabase sa Tanay, Rizal ay ang Berdugong si Col. Jovito Palparan ay tiyak na patuloy itong mag-aatas sa kanyang mga sundalo na maglunsad ng mga opensibang operasyon sa mga pwersa ng rebolusyonaryong kilusan kahit sa panahon ng kapaskuhan. Kaya dapat na manatiling handa at mapagbantay ang mga pwersa ng NAAC-NPA-Rizal upang biguin ang buktot na hangarin ni Palparan na sirain ang tigil-putukan ngayong kapaskuhan.

Sa ganito'y nananawagan ang NAAC-NPA-RIZAL sa mga nakababatang opisyal at mga ordinaryong sundalo ng AFP at PNP laluna sa mga myembro ng 1st Infantry Battalion na kabilang sa grupong MAGDALO na ngayo'y tinatawag ang kanilang sarili bilang Bagong Katipunan, na huwag sundin ang hindi makatarungang at ilegal na atas sa inyo ni Col. Palparan. Ipinapain lang kayo ni Col. Palparan sa Kamatayan kapalit ng kanyang ambisyon na maaprubahan ang kanyang promosyon bilang heneral ng AFP. Karapatan ninyong makapiling ang inyong mga mahal sa buhay at mga kaibigan ngayon panahon ng kapaskuhan. Gamitin ninyo ang panahon ng kapaskuhan para dalawin ang inyong mga kasamahan sa MAGDALO na hanggang ngayon ay nananatiling nakakulong sa Camp Aguinaldo at Fort Bonifacio dahilan sa kanilang paghahayag ng inyong napakaabang kalagayan habang ang inyong mga matatandang opisyal at mga heneral ay nagpapasarap buhay sa kanilang nakukurakot sa inyo. Kung sakaling magpilit si Col. Palparan na paglunsarin kayo ng operasyong militar ay mahigpit ninyong tutulan at arestuhin siya dahil sa kanyang mga kasalanan sa bayan at sa inyong mga batang opisyal at ordinaryong sundalo. Matapos arestuhin ay maari ninyong i-turn-over si Col. Palparan sa alinmang yunit ng BHB para litisin ng Rebolusyonaryong Hukumang Bayan at papanagutin sa kanyang mga krimen sa mamamayan. Kung sakaling maobliga kayong sundin ang hindi makatarungang atas ni Palparan na maglunsad ng operasyong militar ay manatili na lang kayo sa isang lugar upang hindi kayo mapa-engkwentro sa mga yunit ng NAAC. Kung sa hindi inaasahang pagkakataon ay maka-engkwentro kayo ng aming tropa ay kagyat ninyong isuko ang inyong mga sandata upang manatili kayong buhay sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon. Hindi angkop na kapalit ng inyong buhay ang pagtatanggol sa isang hindi makatarungang gobyerno na tanging ang mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador, mga dayuhan at mga tiwali at koraptong opisyal ng gobyerno tulad nina Gloria-Macapagal-Arroyo at Col. Palparan ang nagtatamasa ng sarap-buhay habang kayo ay naghihirap at laging nahaharap sa kamatayan sa inyong mga operasyon.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!



Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.