Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

MALAKAS NA KONDENAHIN ANG BRUTAL NA PAGPASLANG NG MGA ELEMENTO NG 204TH BRIGADE SA DALAWANG HUMAN RIGHTS ACTIVISTS SA ORIENTAL MINDORO

Tirso "Ka Bart" Alcantara
Spokesperson
Melito Glor Command
Southern Tagalog Region
Abril 24, 2003

Dapat malakas na kondenahin ng mamamayan ang ginawang brutal na pamamaslang ng mga elemento ng 204th Brigade sa pamumuno ni Col. Jovito Palparan sa dalawang human rights activists na sina Eden Marcellana, general secretary ng Alyansa sa Pagsusulong sa Karapatang Pantao-Timog Katagalugan (KARAPATAN-ST), at Eduardo Gumanoy, tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahan ng mga Magsasaka sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK).

Isinagawa ang makahayop na krimeng ito noong Abril 21, 2003 ng mga berdugo ng 204th Brigade habang nagreresponde ang grupo nina Eden at Eddie sa tawag ng mga lokal na upisyal ng Mindoro Oriental upang idulog ang paghingi ng tulong sa panibagong serye ng pagdukot, kalupitan at pagpatay sa 11 sibilyan sa kanilang nasasakupan. Dinukot sa bayan ng Naujan kasama ng tatlo pang kasamahan nila at pagkatapos makahayop na isinagawa ang karumal-dumal na krimeng ito. Pinahirapan muna bago pinaslang sina Eden at Eddie. Batay sa pagsusuri ng medico-legal, pinatay si Eden sa pamamagitan ng pagtusok ng matigas na bagay sa batok at saka binasag ang bungo ng isang matigas na bagay na ibinagsak sa kanyang mukha. Samantalang si Eddie ay may dalawang tama ng punglo � isa sa ulo at isa sa dibdib na lumabas sa tiyan. Natagpuan ang kanilang bangkay sa isang baryo ng Bansud, tatlong bayan ang layo mula sa pinagdukutan at di kalayuan sa mga kampo ng 68th IB at 3rd Special Forces Batallion.

Lahat ng mga sirkumstansya ay nagtuturo sa duguang kamay ni Col. Jovito Palparan, na natanyag at binigyan ng promosyon ni Gloria Macapagal Arroyo bilang brigadier general dahil sa mahabang berdugong rekord niya ng kalupitan at serye ng mga pagpatay sa mga sibilyan sapul nang sya'y naging pinuno ng Task Force Banahaw noong 1999. Umaagos ang dugo ng mga sibilyang kanyang pinatay at ipinapatay sa bawat bakas na dinaanan ni Palparan at mga sundalo nya sa mga probinsya ng Laguna, Quezon at dalawang probinsya ng Mindoro. At dahil dito, ginantimpalaan sya ng isang estrelyang tubog-sa-dugo ni Gloria Macapagal Arroyo.

Kung duguan ang kamay ni Palparan ay gayundin ang mga kamay ni Macapagal-Arroyo. Ang kanyang kampanya at gerang kontra-terorismo ang maliwanag na lisensya ng mga berdugong tulad ni Palparan para walang pasintabing sagasaan ang buhay, ari-arian at karapatan ng mga karaniwang mamamayan na ang tanging "kasalanan" ay maging suspek ng mga militar na simpatisador, may kamag-anak o kapamilyang kritiko ng rehimen, kasapi ng anumang progresibong organisasyon o may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan o simpleng kritiko ng mga katiwalian at kabulukan ng naghaharing sistema. Duguan din ang mga kamay ni Bartolome Marasigan, gobernador ng Oriental Mindoro, dahil sa pagiging aktibong kasapakat at suporter ni Palparan sa madudugong krimeng ito sa mismong kanyang nasasakupan. At kapwa duguan din ang kamay ng mga pinuno at mga propagandista ng Nationalist Alliance for Democracy (NAD), ang galamay ng militar sa psy-ops na walang ibang obsesyon kundi ang paypayan ang isang panatikong anti-Komunistang kulto, isterya at panunugis sa mga makabayan at progresibo.

Nais pagtakpan at lusutan ni Palparan ang kanyang pananagutan sa krimeng ito sa pamamagitan ng paggamit ng diumano'y grupong vigilante na nagpapakilalang Alsa Masa at Bonnet Gang. Ito'y pagbuhay sa vigilantism na ipinatupad ni Corazon Aquino sa pagkaluklok nyang presidente. Ang mga panatikong vigilantes tulad ng Alsa Masa, Ituman, Pulahan at marami pang iba sa Mindanao at Kabisayaan, Matasadem sa Occidental Mindoro at Alsa Masa sa Mindoro Oriental noong ikalawang hati ng dekada otsenta ay pawang itinayo, sinanay at pinunduhan ng AFP at CIA ng US para sa mga anti-Komunistang panunugis.

Ang Bonnet Gang o Alsa Masang ito ay ang mismong nagsama-samang tirador na tauhan ni Palparan, mga nagtraydor na dating NPA na hawak din ni Palparan, at ng Government Special Operations Group (GSOG) na binuo sa direksyon ni Gobernador Bartolome Marasigan at pinamumunua't pinatatakbo ni Max Evora, naging provincial commander ng PC-INP sa Mindoro Oriental noong 1980's at Capt. Ronnie Macaraig ng Military Intelligence Security Unit (MISU). Ang mga ito ang responsable sa 31 sibilyan na pinaslang sa probinsya mula 2000 tulad ng masaker sa pamilyang Apolinar, pagpaslang sa mag-asawang Albarillo, pagdukot at pagpatay kay Nemesio Mansel pawang sa bayan ng San Teodoro, pagpatay kay Choy Napoles lider ng Bayan Muna at bigong pagpatay kay Ruel Landicho pawang taga-Calapan City, pagpugot sa ulo kay Anthony Martinez at pagpatay kina Vedasto Lalong-isip, Oca Sacdalan at Victor Saducos pawang sa Puerto Galera, at pagpapahirap at pagpatay kay Ding Rodriguez ng Gloria gayundin ng mga extortion activities sa mga negosyante at kidnap-for-ransom (na nagpapakilalang mga NPA) bilang ilan lamang sa mga krimen nito.

Kung ang nagiging target na ng mga makahayop na pamamaslang at panunupil ng estado at rehimen ay ang mismong mga makabayan at progresibong kilusan, mga organisasyon ng mamamayan, mga lider nila at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao na kumikilos at naghahanap ng solusyon sa mga problema ng bayan at lipunan sa balangkas ng ligal at di armadong pamamaraan, ano pa ang matitira sa mamamayan para magkaroon ng daluyan ang mga simulain nila para sa pagbabago at reporma?

Isa lamang ang malinaw na itinuturo nito. Hindi makakasumpong ng katarungan sa kaapihan at lunas sa kahirapan ang mamamayan kung hindi nila mahigpit na yayakapin ang landas ng rebolusyon at armadong pakikibaka. Patuloy na magiging mahinang target ang bawat mamamayan ng karahasan ng estado � pamamaslang, kalupitan, pandarahas at panunupil � hanggat hindi nila tatanganan ang armas na magbibigay wakas sa makauring karahasang ito at susulong sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Nanawagan kami sa lahat ng mga mamamayan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at bigyan ng katarungan ang inyong kaapihan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. May tamang oras at araw ng paniningil sa lahat ng mga kriminal, buhong at taksil.

Amin ang pakikiramay sa lahat ng naulila nina Eden Marcellana at Eduardo Gumanoy. Hindi masasayang ang dugong idinilig ng mga martir na ito ng kilusang demokratiko. Mas marami ang sasama sa hanay ng sinimulan nilang krusada sa pagtatanggol sa karapatang-tao. At higit na marami ang aantigin ng kanilang dakilang pagsasakripisyo para sumanib sa armadong pakikibaka na isinusulong ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Sila ang maliwanag na tanglaw na walang silbi ang buhay kung hindi gugugulin sa dakilang misyon ng paglilingkod sa mamamayan, demokrasya at kalayaan.

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.