Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Muling Nabigwasan ang 204th Brigade sa Dalawang Matagumpay na Ambus ng mga Platung Gerilya ng BHB sa Isla

Victor Rivero
Tagapagsalita
Lucio de Guzman Command
Bagong Hukbong Bayan - Isla ng Mindoro
Agosto 21, 2003

Binabati ng Lucio de Guzman Command ang mga platung gerilya ng BHB sa magkakasunod na ambus nitong Agosto 19 at 20. Unang nabira ang tropa ng 19th SFC sa Sityo Singco, Barangay Bukal, Bongabong, Oriental Mindoro at kinabukasan naman ang ambus sa tropa ng Charlie coy ng 16th IB at Sablayan MPS sa Sityo Kambingan, Barangay San Agustin, Sablayan, Occidental Mindoro.

Ipinagbunyi ng mga mamamayan ng Mindoro ang pinakahuling matatagumpay na mga taktikal na opensiba na nagparusa sa mga berdugo at kriminal na mga elemento ng 19th SFC at 16th IB PA, kapwa nasa ilalim ng 204th Bde sa pamumuno ni Col. Fernando Mesa.

Naganap ang dalawang ambus tatlong araw lamang matapos pumunta ang papet na presidenteng si Gloria Macapagal-Arroyo sa dalawang probinsya ng Mindoro para magyabang na nalipol na nila ang NPA dito.

Pinasabugan ng landmine ang sinasakyang Kennedy jeep ng 19th SFC bandang ala-una ng hapon noong Agosto 19 at binugsuan ng mga putok na agad tumapos sa labanan. Napatay sa nasabing ambus ang apat na elemento ng 19th SFC kabilang sina 2Lt Cayetano Curitana II, CO; 2Lt Diovi Villanueva, Ex-O; TSgt Lenny Vinluan at Cpl Rogelio Balaba na nakadestino sa Barangay Hagan, Bongabong, Oriental Mindoro.

Kinabukasan ganap na 10:00 ng umaga, ne-landmine ang dump truck na sinasakyan ng mga nag-operasyong tropa ng 16th IB PA at PNP ng Sablayan. Napatay sina Staft Sgt Solomon Oliman at PFC Gerry Romero ng Charlie coy 16th IB PA, PO3 Romeo Aracid ng Sablayan Municipal Police Station at nasugatan ang pitong pulis ng Sablayan at isang elemento ng 16th IB.

Nakakumpiska ang BHB ng labing-limang (15) malalakas na riple kabilang ang isang M56mm bazooka, isang M203, maraming bala, mga pistola at iba pang kagamitang militar at pangkomunikasyon.

Inilunsad ang taktikal na opensiba para papanagutin ang mga berdugong tropa ng 19th SFC at 16th IB PA sa mga karumaldumal na krimen nito laban sa mamamayan ng Mindoro. Ang mga ito ang responsible sa mga pagsalbeyds, pagtortyur, pagpatay at walang habas na lumalabag sa mga karapatang pantao at sa Komprehensibong Kasunduan sa Pagrespeto sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas Hinggil sa Digma tulad ng sumusunod:

  1. Ang 19thSFC sa pamumuno mismo ni Lt Curitana ang responsible sa pagtortyur at pagpugot ng ulo ni Kasamang Ignacio 'Ka Rote' Claveria Magadia , isang hors de combat sa labanan noong madaling araw ng Disyembre 11, 2002 sa Sityo Puray, Barangay San Cristobal, Victoria, Oriental Mindoro. Ibinandila pa nila sa munisipyo ng Victoria ang pugot na ulo para takutin ang mamamayan doon. Sila rin ang pumatay sa mag-asawang Jun at Ofelia Bravo nang matagpuan sa isang ulingan ang mag-asawa matapos ang labanan.
  2. Kabilang din ang 19th SFC na nasa ilalim ng 3rd SF Batallon at ang Charlie coy ng 16th IB PA sa walang habas na pananakot at pandarahas sa mga komunidad ng mga katutubo sa sityo Balani ng Ligaya, Manggahan at Lagutay sa Burgos, Olango, Kugon Ronas, Balangabong at mga kanugnog na komunidad sa Malpalon at mga komunidad sa tagiliran ng Mount Baco sa Poypoy, Calintaan. Binomba rin nila ang mga pamayanan sa hangganan ng Calintaan at Sablayan na labis na puminsala sa kabuhayan at ikinatakot ng mga mamamayan sa nasabing lugar noong Hunyo 18-19, 2003.
  3. Ang Charlie Coy ng 16th IB PA sa pamumuno ni 1Lt. Danilo Escandor ang nagmasaker sa pamilyang Blanco, isang pamilyang Mangyan, sa Sityo Talayob, Barangay Nicolas, Magsaysay, Occidental Mindoro noong Hulyo 21, 2003. Pinaslang ang mag-asawang Roger at Oliva Blanco na tatlong buwang buntis, mga anak na si Roger Jr, (3) at Kevin, (1). Nakaligtas ang isang sugatang batang babae na nagsalaysay sa buong karumaldumal na pangyayari sa kanila.

    Nauna rito, may mahabang listahan na ng krimen ang buong tropa ng 16th IB sa pagpaslang at iba pang karahasang militar sa Oriental Mindoro tulad ng pagpugot ng ulo ni Budbud Usting, isang matandang Mangyan na babae sa Sityo Baet, Barangay Panaytayan, Mansalay noong Hulyo 2001; pagpaslang kina Barangay Captain Roger Fernando ng Bonbon noong Okt 6, 2001; Rolando Cabagay ng Barangay Cagulong noong Okt 8, 2001; Ildefonso Brucal ng Barangay Arado noong Marso 1, 2002, kapwa sa Mansalay; at pagpaslang sa mag-asawang Expidito at Manuela Albarillo ng Ibuye, Calasapa, San Teodoro, Oriental Mindoro bago inilipat sa Mindoro Occidental.

  4. Sangkot din sa pagpaslang sa isang hors de combat si 1Lt Escandor nang paslangin nila si Gregorio 'Ka Gimo' Bautista Rosanes noong Setyembre 2, 2002 sa Sityo Balangabong, Brgy Malpalon, Calintaan, Occidental Mindoro.

Tulad sa mga naunang pahayag ng Lucio de Guzman Command, ang sinumang opisyal at kawal ng AFP at PNP na may utang na dugo sa mamamayan at pasimuno sa lansakang paglabag sa mga karapatang pantao ay itinuturing na pamalagiang target ng BHB sa kanilang mga aksyong militar.

Nananawagan ang Bagong Hukbong Bayan sa mga opisyal at kawal ng AFP at PNP na may pagkakataon pa kayo upang magbago at ilaan ang inyong mga talento at buhay para sa interes ng malawak na sambayanan.

Nagpupugay ang Lucio de Guzman Command sa ipinamalas na kagitingan at kahandaan sa sakripisyo ng mga Pulang mandirigma at kumander ng mga platung gerilya para kamtin ang matagumpay na dalawang taktikal na opensiba. Higit sa lahat, ipinapaabot din ng komand ang marubdob na pasasalamat sa malawak na suporta ng mamamayan sa kanilang Hukbong Bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbo ng Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Mamamayang Mindoreno!

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.