Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Kondenahin ang pamamaslang ng 204 Bde PA kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy sa Oriental Mindoro!

Victor Rivero
Tagapagsalita
Lucio de Guzman Command
Bagong Hukbong Bayan - Isla ng Mindoro
Abril 24, 2003

Mariing kinokondena ng Lucio de Guzman Command ang pagpaslang kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy ng mga elementong mamamatay-tao ng 204 Bde tulad nina Aniano Flores (dating Silver) at Richard Rodriguez (dating Egay) sa pamumuno ni BGen Jovito Palparan, Jr at ng kanyang kanang kamay na si MSG Larry Hilario ng 6SFC. Dinukot rin at itinago pa ang tatlong kasamahan nina Eden at Eddie na natagpuan sa tropa ng 411 PMG sa Bongabong kahapong tanghali. Mula sa pagkadukot sa kanila sa Bgy Barcenaga, Naujan noong Abril 21 bandang alas siete ng gabi, dinala silang lahat sa safehouse ng 6SFC. Kinabukasan bandang alas sais ng umaga ay natagpuan ng isang magsasaka sa Bgy Alcadesma, Bansud sa kalsadang patungo sa aplaya ng Proper Tiguisan ang mga bangkay nina Eden at Eddie.

May dalawang tama ng mga punglo sa batok si Eden. Isang punglo ang tumagos na nagwasak sa kanyang kanang pisngi at nagpasambulat sa kanyang utak mula sa nabasag na bungo. Namatay agad si Eden mula sa pinsala sa kanyang utak dulot ng mga tama ng punglo sa kanyang ulo. Si Eddie naman ay may isang tama ng punglo sa likod ng kaliwang tenga na tumagos sa kanang pisngi. Winasak din nito ang kanyang bungo at utak. Dalawang tama pa ng mga punglo ang tumagos mula sa kanang dibdib niya sa pababang direksyon na nagwasak sa kanyang baga at gulugod. Ikinamatay niya agad ang pinsalang dulot ng mga tama ng punglo sa kanyang ulo at dibdib.

Mainit at malambot pa ang mga bangkay nina Eden at Eddie nang matagpuan ng masa. Mula sa norte, dinala ng mga kriminal ang mga bangkay sa Bansud para iligaw ang mga otoridad sa responsibilidad ng 204 Bde. Subalit hindi pa rin nila naitago ang karumaldumal na krimen dahil ang pinagtapunan nila ay isang masukal na lugar na malapit sa dating kampo ng 3rd Scout Ranger Battalion noong 2001 at kasalukuyang AOR ng 3rd Special Forces Battalion na nakakampo sa Bgy Villa Pag-asa, Bansud.

Planado ang pagdukot kina Eden at Eddie. Mula sa Pinamalayan nang sumakay sila sa isang RODASCO van patungong Calapan ay sinubaybayan na sila. Nang matiyak na madilim na ang pagkalampas nila sa HQ ng 204 Bde sa Bgy Pinagsabangan I, Naujan, hinarang sila ng mga naka-bonnet at naka-short pants na mga militar at nagtraydor na dating NPA na sapilitang dumukot sa limang magkakasama sa Fact Finding Mission ng Karapatan at Kasama-TK sa probinsya. Sinadyang patayin ang dalawang lider ng bayan. Si Eden Marcellana na pinuno ng KARAPATAN-ST at si Eddie Gumanoy na pinuno ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) na aktibong kumikilos para ipagtanggol ang karapatang pantao ng mga magsasaka at iba pang mamamayan na inaabuso ng mga militar sa Oriental Mindoro at buong rehiyon.

Ito ang isinagot ni BGen Palparan sa pinsalang inabot ng kanyang mga tropa sa kamay ng NPA sa dalawang labanan sa Mindoro Oriental noong Marso 21 sa Sityo Burol, Bgy Pambisang Malaki, Pinamalayan at Marso 27 sa Sityo Balite, Bgy Hagan, Bongabong. Hindi pa nakuntento si BGen Palparan sa pambobomba at istrapping ng kanilang dalawang MG520 heligunship noong Marso 28 ng tanghali sa kabundukan ng Sityo Balite, Bgy Hagan kaya pinagplanuhang dukutin at paslangin sina Eden at Eddie na may dalang bagong datos hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao ng mga militar sa Pinamalayan at Gloria. Lalo pang hinigitan ni BGen Palparan at ng kanyang buong 204 Bde ang mga karahasang militar na bumibiktima sa mas maraming sibilyan ng islang Mindoro.

Hinahamon ng rebolusyunaryong kilusan sa pamumuno ng Lucio de Guzman Command si BGen Palparan na magpakalalake at wastong sundin ang mga makataong batas ng pakikipaglaban na hindi idinadamay ang mga sibilyan. Tanungin na lamang niya si Cpl Farinas ng B coy 68 IB na ginamot at ipinahatid pa ng NPA sa ospital matapos sumuko sa labanan noong Marso 21. Tunay ngang pinapatotohanan ni BGen Palparan ang pagiging berdugo ng Mindoro.

Ipinapangako ng aming komand na hindi masasayang ang pagbuwis ng buhay nina Eden at Eddie sa lupang Mindoro. Hindi mananahimik ang mga sandata ng mamamayan para usigin at maparusahan ang mga pasista at mersenaryong kriminal na militar.

Sa ngayon, buong pagdadalamhati kaming nakikiramay sa mga mahal sa buhay na naiwan nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy. Ang kanilang kabayanihan ay dadagundong sa buong isla. Hindi sila malilimot, hindi sila mamamatay. Sa puso ng masang Mindore�o, itatayo sila ng bantayog.

Ibaling sa rebolusyunaryong katapangan ang pagdadalamhati!

Itaguyod ang mga makabayan at rebolusyunaryong adhikaing pinag-alayan ng buhay nina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy!

Usigin at parusahan sina BGen Palparan, MSG Hilario at iba pang pasistang kriminal sa hanay ng 204 Brigade at paramilitar nito!

Ilantad at tutulan ang Balikatan exercises ng US at gubyernong Macapagal-Arroyo na higit na maghahasik ng karahasang militar sa Timog Katagalugan at Mindoro!

Mabuhay ang CPP-NPA!

Mabuhay ang ika-30 anibersaryo ng NDF!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.