Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  



Recent Releases Recent statements Statements Archives Releases Archives Primers Interviews
    Pilipino
   

Pahayag ng Lucio de Guzman Command sa matagumpay na ambus sa Oriental Mindoro

Victor Rivero
Tagapagsalita
Lucio de Guzman Command
Bagong Hukbong Bayan - Isla ng Mindoro
Marso 23, 2003

Binabati ng Lucio de Guzman Command ang platung gerilya ng BHB sa Oriental Mindoro sa matagumpay na ambus noong Marso 21, 2003 bandang alas 12:30 ng hapon sa Sityo Burol, Brgy. Pambisan Malaki, Pinamalayan. Pinasabugan ng landmine ang isang owner jeep ng B coy 68th IB PA at saka binugsuan nang mga putok. Natuliro ang pitong kaaway kaya mabilis silang namaniobrahan ng mga kasama sa proseso ng labanan dalawa ang tumakbo nang tuluyan at sa limang naiwan, tatlo ang napatay at dalawa ang malubhang nasugatan. Makalipas ang 15 minutong labanan, sumuko na ang dalawang sugatan Wala nakareimpors agad mula sa kanilang kampo sa Bgy. Sabang kaya nagamot pa ng mga kasama ang dalawang sugatan at naipahatid pa sa ospital. Sa panig ng mga kasama, isa ang nasugatan pero di malubha kaya maayos silang nakakalas sa pinaglabanan.

Nadagdag sa arsenal ng BHB ang isang M203, apat na M16, mga bala at iba pang kagamitang militar. Nabigyan naman ng aktwal na karanasan sa taktikal na opensiba ang mga bagong opisyal ng mga iskwad at platun. Sa proseso ng pag-atras ng mga kasama na walang lubay na tinutugis ng mga tropa ng buong 204 Bde, naengkwentro ang isang bahagi ng platun sa Sityo Balite, Bgy Hagan, Bongabong noong alas-7:30 nang gabi ng Marso 27 at nakapatay pa ng dalawang elemento ng 16 IB PA. Muling maayos na nakaalpas ang mga kasama sa kapahamakan nang gamitin nila ang kaalaman sa paborableng kalupaan ng lugar na iyon.

Nagawa nating gulatin ang buong reaksyunaryong uri sa dalawang magkasunod na labanan na iba ang ipinakitang perpormans ng mga Pulang kumander at mandirigma ng hukbong bayan. Naganap ang ambus sa mga lugar na napapaikutan ng mga kampo at detatsment ng 68 IB, 22nd Recon coy at 3rd Scout Ranger Batallion. Nasa kasagsagan din sila ng pagpapatupad ng isang laking brigadang operasyon [ OPORD Thunderbolt ] sa pamumuno ni Brig. Gen. Jovito Palparan Jr. at Col Juanito Gomez ng 204th Brigade para tugisin ang mga NPA na matagumpay na nang-ambus. Kaya ibinuhos ni Gen. Palparan ang mga pwersa ng 68IB, dalawang coy ng 3SRBn at tatlong coy ng 3SFBn upang galugarin ang kabundukan ng Gloria, Bansud at Bongabong. At nang mapatayan pa sila ng dalawa noong Marso 27, dinala ni Gen. Palparan ang isang 105mm Howitzer sa Sityo Balite at humingi pa sa SOLCOM ng dalawang MG520 heligunship na nambomba at nag-istraping sa kabundukan.

Napatamaan natin sa ulo ang hambog na strike battalion ng 7th ID PA ng Central Luzon na nagdulot ng demoralisasyon sa hanay nila nang walang magreimpors agad. Higit sa lahat, nagbunyi rin ang baseng masa ng rebolusyon sa isa na namang matagumpay na bira ng kanilang hukbong bayan. Isang napapanahong ambag at pasalubong sa ika-34 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa Marso 29, 2003.

Matagumpay nating naisagawa ang taktikal na opensiba at iba pang labanan dahil sa marubdob na kolektibong kapasyahan ng BHB na bigwasan ang namamayagpag na kaaway sa probinsya na nagtakdang gagawin nilang pambansang prayoridad sa programang kontra-insurhensya ang Oriental Mindoro sa pakikipagsabwatan ng lokal na gubyerno ni Gob. Bart Marasigan sa maka-imperyalistang rehimeng US-Macapagal-Arroyo.

Pasimula pa lamang ito sa paniningil ng rebolusyon sa madugong rekord ng 68th IB at 16 IB sa mga masa at alyado ng rebolusyon sa probinsya. Sangkot din ang mga batalyon na ito at ang iba pang tropa ng 204th Bde sa pagpaslang sa mga kasamang hors de combat at sa paglapastangan sa mga bangkay ng mga kasamang nasawi sa labanan.

Narito ang ilan sa mga nakatalang paglabag sa mga karapatang pantao na ginawa ng 68th IB sa pamumuno ni Lt. Col. Calagui noon at ni Lt. Col. Daniel Soriano ngayon:

  • Pagpaslang kay Ka Rex na isang hors de combat noong Nob. 13, 2001 sa Brgy. Maria Concepcion, Socorro.
  • Pananakit sa masa at pagpatay sa dalawang baka ng masa sa Brgy. Del Pilar, Naujan noong Enero 24, 2002 matapos ang haras ng BHB sa tropa ni Lt. Col. Calagui.
  • Pagpaslang kay Emil Santillan noong Pebrero 2002 sa Brgy. Del Pilar, Naujan.
  • Pagnanakaw at pagpatay sa mag-asawang negosyante sa Brgy. Mulawin, Naujan.
  • Paglapastangan sa mga bangkay ng mga kasamang nasawi sa labanan sa Brgy. Carumagit noong Mayo 16, 2002 (Ka Glen at Ka Jonel).
  • Sapilitang pagpapasuko sa mga masa ng Brgy. Anoling, Metolza, Arangin, Malvar, San Andres Putik, Del Pilar, Aurora at Carumagit, lahat sa Naujan.
  • Panghaharas at pagdemolis sa mga bahay ng maralitang lunsod ng Brgy. Bagong Pook, Calapan City noong Oktubre 2002 sa pamumuno ni Lt. Malcon ng D coy 68th IB.

Sangkot naman ang 16 IB sa pamamaslang kina Pakling Basa ng Sityo Arasaas, Bgy San Roque, Bulalacao, Budbud Usting ng Bgy Panaytayan, Lando Cabagay ng Bgy Cagulong at Bgy Capt. Roger Fernando ng Bgy Bonbon, pareho ng Mansalay noong 2001 at ng mag-asawang Expedito Albarillo ng Bgy Calsapa, San Teodoro at Toto Magarso ng Bgy San Vicente (Taoga), Roxas noong 2002.

Nagmamayabang si Gen. Palparan, ang 204th Bde niya at ang buong naghaharing uri sa pagdeklarang matagumpay ang kanilang Oplan Habol Tamaraw (OHT) dahil diumano'y naghihingalo na ang rebolusyonaryong kilusan sa Oriental Mindoro. Ang magkakasunod na ambus noong Nob 24, 2002 at Marso 21, 2003 na puminsala nang malaki sa mga tropa ng OHT ay patunay na kinakaya pa ng ating hukbong bayan ang pagbira sa halimaw na kabilang sa sistemang malakolonyal at malapyudal na naghihingalo na dulot ng matinding krisis sa pulitika at ekonomiya.

Naging kahiya-hiyang pasalubong ang dalawang labanang ito sa panahong naghahanda ang 204 Bde sa pagbisita ni GMA sa Oriental Mindoro para sa pagpapasinaya sa tinaguriang Strong Republic Nautical Highway na magpapasikad daw sa ekonomiya ng bansa. Palatandaan ito ng pagkabahala ni GMA sa kanyang engrandeng plano sa pagdurog sa rebolusyunaryong kilusan.

Kaya lalong naging desperado ang reaksyon ng mga pasistang kaaway nang muling balingan ang mga sibilyan. Sa kasalukuyang datos, dalawang masa ang pinatay sa malapit na pinangyarihan ng TO, pitong masa ang binugbog at isa ang hinuli (na habang isinusulat ito ay sumasailalim pa sa taktikal na interogasyon). Saksi din tayo sa pambobomba at istraping ng kanilang MG520 heligunship ang erya ng Bongabong at Bansud noong Marso 28, 2003 na bumulabog sa mga sibilyan lalo na ang mga katutubong mamamayan.

Ang buong rebolusyonaryong mamamayan ay hindi makakapayag na magtagumpay ang imbing kaaway sa kanilang pasistang pakana at mabalewala ang ilang dekadang pagpupundar ng rebolusyunaryong lakas sa ating probinsya na pinagbuwisan ng buhay ng mga rebolusyunaryong martir at pinaglaanan ng pawis at dugo ng mga kasama at libu-libong mamamayan.

Subalit huwag nating isiping ito na ang katuparan ng lahat at magluwag tayo sa hinaharap o kaya ay maliitin ang kaaway. Asahan nating lalong titindi ang reaksyon ng kaaway dahil sa mga matutunog na bira ng BHB dito at sa iba pang probinsya ng rehiyon.

Kailangang pakinisin pa ang ating teknika, isapuso at ipatupad ang mulat na disiplinang bakal ng BHB sa harap ng tagumpay o kabiguan man. Pataasin natin ang ating kolektibong kakayahan sa harap ng mga sakripisyo't kahirapan sa rebolusyong ito. Bukod sa ating tagumpay sa labanan, isang mabuting bagay na nagawa nating iatras ang ating sugatan dahil hindi malulubos ang ating tagumpay.

At sa okasyong ito ng ating pagdiriwang sa ika-34 na anibersaryo ng BHB, muli nating taluntunin ang salalayang prinsipyo sa digmaang ito, na ang ating tagumpay ay nasa ating kapasyahang ilunsad ang masinsing pakikidigmang gerilya na may papalawak at papalalim na baseng masa. Ito pa rin ang salalayan ng ating pagkilos.

Taglayin natin ang mga gintong aral at mahusay na karanasang ibinibigay sa atin ng taktikal na opensiba at iba pang labanang nakapinsala tayo sa kaaway. Ang kumpyansa sa ating kolektibong kakayahan ay tanganan natin sa patuloy na pagharap sa mga susunod pang operasyon at pandarahas ng nauulol na kaaway.

Muli kaming nananawagan sa lahat ng mga kasama, masa at alyado sa Oriental Mindoro at buong isla na higit pang paigtingin ang pakikidigmang gerilya upang maparusahan ang mga may utang na dugo sa mamamayan. Isulong natin ang matagalang digmang bayan sa mas mataas na antas na higit na umaani ng malawak na suporta ng sambayanan. Ilagay natin ang lahat ng mga grupo ng masa, yunit ng Partido at Hukbong Bayan sa aktibong depensa lalo na ngayong isa ang Mindoro sa paglulunsaran ng Balikatan 03-1 na isang paglabag sa kasarinlan ng ating bansa.

Ilunsad natin ang mas maraming taktikal na opensiba na susugat sa mas maraming bahagi ng katawan at minsang patama sa lumalaking ulo ng halimaw na 204th Bde sa pamumuno ng patakbuhing heneral ni Macapagal-Arroyo na si Jovito Palparan, Jr. Isulong din natin ang mga protestang bayan sa kabayanan at kalunsuran.

Itransporma natin ang mga tagumpay na ito sa militanteng pagsalag ng Partido, Hukbo at Baseng Masa sa patuloy na pag-atake ng mga mersenaryo at pasistang tropa ng AFP sa Mindoro. Lahatang-panig na paunlarin natin ang paglaban ng mamamayan para sa kalayaan at demokrasya. Itayo natin ang isang muog ng baseng masa ng rebolusyon na lumalaban sa lahat ng mga reaksyunaryong pwersa lokal man o dayuhan.

Mabuhay ang ika-34 na Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!
###

Back to top


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | KR Online |Public Info]
[Publications | Specials | Kultura | Photos]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.